End This War – Kabanata 60

Kabanata 60

Hinabol

“Tutulak na kayo? Saan ka matutulog? Sa kanila ba?” Tanong ni papa nang lumabas na kami ni Hector.

Tumango ako. “Nandun naman classmates ko. Tsaka maaga pa kami bukas, pa. Pupunta kami ng rancho tapos magtatanong ng kung anu-ano sa tito ni Hector.”

Tumango si papa at bumaling kay Hector. Siniko naman ako ni mama.

“Kayo na ba niyan ulit, Chesca?” Bulong niya.

Umiling ako.

“Bakit?”

Napangiwi ako sa tanong niya.

“O sige! Wag mo na nga lang sagutin. Sige… Hector…” Tumango si mama.

Wala silang binanggit tungkol sa iringan namin ni Hector noon. Sa wakas ay natuto na silang palayain ako at wag ng pakealaman sa desisyon ko. Mabuti iyon kahit na alam kong ang daming gumuguhit na tanong sa mga utak nila.

Nilingon ko ulit sila nang nakalabas na ako sa gate at nasa loob na si Hector sa sasakyan niya.

“Sige, ingat kayo!” Kumaway si mama at si tiya sa aming dalawa.

Tumango ako at pumasok na sa sasakyan ni Hector. Pagkapasok ko doon ay nakita kong humikab siya. Antok na rin ang isang ito. Alas diyes na rin, e. Napasarap ang kwentuhan sa bahay.

“Sa kwarto ka matulog, a?” Pasimpleng sinabi ni Hector.

“Ano ka? No way, Hector. Hindi pa naman tayo.”

“Asus. Eto talaga. Tanggap na naman ako ng parents mo tsaka si lola naiiyak na satin. Kailangan na nating magkabalikan, Chesca.” Aniya.

“Wala sa kanila ang desisyon, Hector. Nasakin. Di nila ako mapapangunahan kaya wag kang mag fefeeling diyan!” Sabay irap ko sa kanya.

Natatawa siya nang pinilit niya akong pumasok sa kwarto niya. Ang sabi kasi ng mga katulong ay natulog na halos ang lahat. Tatlong kwarto ang inukupa ng mga lalaki. Isa lang ang sa babae dahil ayaw naming maghiwa hiwalay.

“Tulog na naman sila.” Bulong niya sabay higit sakin patungo sa kwarto niya.

“Ano ba, Hector!” Sabay bawi ko sa kamay ko.

Natatawa siya nang bitiwan ako. “Tulog lang naman.”

Inirapan ko siya. Tulog ka dyan? Magagawa mo ba iyon? Eh, shoot nga lang na nakatayo tayong dalawa ay nag iinit ka na? Baka pag nakahiga, bigla niya na akong kulungin.

“Good night, Hector!” Sabay kaway ko at diretso sa kwarto namin.

“Tulog lang naman, e. Di naman tayo mag aano.” Sigaw niya.

Namilog ang mga mata ko. Kahit na alam kong tulog na sila ay pakiramdam ko may makakarinig nun!

Padabog kong sinarado ang pintuan ng kwarto namin. Nag alala tuloy ako nang nakita kong bahagyang gumalaw si Tara dahil sa ingay na dala ko. Tulog na silang tatlo at sa kasamaang palad ay magtatabi kami ni Janine. Si Tara at Desiree ay magkadikit sa isang gilid. Bakante ang gitna habang si Janine ay nakatalikod na tulog sa dulo.

Tinaas ko ang kilay ko at humiga na doon sa kama. Pinilit kong matulog pero wala akong maisip kundi ang nakakairitang si Janine. Naiisip ko iyong paglalagay niya ng lipstick, iyong paninitig niya sa picture ni Hector, at ang paglalandi niya kay Hector. Nakakairita!

Tumabi ako kay Janine at tiningnan ang kanyang buhok na malayang nakahandusay sa unan. Nakatalikod siya at may kayakap pang unan. Lumapit pa lalo ako sa kanya at pumikit. Kinagat ko ang labi ko at naglapat na ang katawan namin. Tumalikod ako at tinulak siya. Isang tulak pa at isang tulak. Hanggang sa biglang kumalabog dahil sa pagkakahulog niya. Natatawa pa ako pero pinilit kong magkunwaring natutulog.

“Aray…” Aniya.

Hindi nagising si Tara at Desiree sa nangyari. Gumalaw ako at bumalik sa dating hinihigaan nang nakapikit parin.

“Aray…” Inda niya nang humiga ulit siya sa kama.

Nakatulog din naman siya kaya di ko na napigilan ang panginginig ng balikat ko sa tawa. Yan ang bagay sayo, bitch!

Kinaumagahan, nagising na lang ako na nag aayos na silang lahat. Kinusot ko ang mata ko habang nakikita kong wagas makapag make up si Janine sa tapat ng salamin. Kakaligo lang ni Tara.

“Ikaw naman, Ches. Gising ka na pala.” Aniya.

“Bilis na! Maaga tayo sa rancho nina Hector, diba? Tara na! Mag dodocumentation pa tayo.”

Tumango ako at dumiretso na sa banyo para maligo.

Nang matapos ay nakita kong tapos na rin sila. Magbibihis pa ako nang may kumatok sa amin.

“O, JV?” Tanong ni Tara.

“Kain na daw. Baba na kayo. Kanina pa sila bumaba.”

Tumango si Tara. “Saglit lang. Di pa nakakapagbihis si Chesca.”

“Mauna na kayo. Ako na dito.” Sabi ko sa kanila.

“Talaga?” Tanong ni Tara.

“Oo.”

“Oo nga. Ginugutom na rin ako, e.” Sabay tayo ni Janine.

Kaya hayun at umalis na silang lahat. Nag ayos pa ako kaya medyo natagalan. Shorts lang at simpleng t-shirt ang sinoot ko. Kumpara sa mga kaibigan kong parang mga turista dahil sa ganda ng mga sinusoot. Sa bagay, kararating lang naman nila dito kaya hayaan na.

Nang natapos ako ay lumabas na ako sa kwarto. Napatalon ako nang nakita kong nakahalukipkip at nakasandal sa dingding si Clark.

“Clark?” Tanong ko.

Seryoso niya akong tiningnan. “Dyan ka ba natulog?”

Napangiwi ako. “Of course. Bakit?”

Tumango siya at tinalikuran ako. “Baba na tayo.”

“Okay.” Ipinagkibit balikat ko iyon pero nagulat ako nang hinarap niya ulit ako.

“Nung sinabi ko sayong gusto kong tayo ulit, Chesca, seryoso ako.”

Bumuntong hininga ako. “Nung sinabi ko rin sayong wala na tayo, Clark, seryoso ako doon.”

“Come on, Ches. Isang pagkakamali lang…”

Umiling ako at hinilamos ang palad sa mukha. Nakakaumay na ang mga sinasabi ni Clark kaya imbes na sumagot sa kanya ay dumiretso na lang ang lakad ko.

Hinabot niya ako pababa ng hagdan.

“Chesca!” Aniya.

“Clark, wala na sabi.” Sabi ko.

“Chesca, listen to me!” Sabay hila niya sa braso ko.

“Ano?” Sigaw ko at hinarap siya.

“Janine… Janine is a slut! Experience lang iyon! Bagyo lang ito sa relasyon natin! Patawarin mo na ako!” Aniya na may halong frustration sa boses.

“Ano?” Natawa ako dahil nagpapatawa na talaga si Clark. “Anong bagyo? Yolanda? Kaya ba ubos ang pasensya ko? Clark kahit ambon lang yung nangyari, talagang wala na tayo dahil may ibang mahal na ako!” Sabi ko at iniwan siya doon para pumanhik patungo sa dining area.

Mabilis ang lakad ko ngunit bigla akong natigilan nang naabutan kong nilalagyan ni Janine ng kanin ang pinggan ni Hector sa hapag. Oh, oh, oh really?

Padabog akong umupo malayo sa kanila. Natatakot akong dahil sa galit ko ay maisiwalat ko sa harap nilang lahat, ngayon din, ang kabulastugang ginawa ni Clark at ng bruhang si Janine na iyan.

Lumapit si Clark sa akin at doon na rin umupo.

“Chesca, eto o.” Sabay bigay ng natatawang si Hector sa akin.

May joke kasing sinabi si Janine kaya natawa ang lahat. Hindi ko tiningnan man lang si Hector dahil sa inis at tinanggihan ko ang offer niyang ulam.

“Thanks, etong bacon lang akin.” Sabi ko.

“Diet si Chesca…” Natatawang sinabi ni Janine. “Inspired?”

Nag angat ako ng tingin sa naki-carried away na si Janine. Matalim ko siyang tinitigan ngunit sinuklian niya ako ng ngiti sabay nguso sa katabi kong si Clark. I cannot believe it!

“Ikaw din ba, Janine? Inspired?” Tanong kong nakangisi.

“Oo!” Tumango pa ang hayup sabay tingin ni Hector. “Hector, tubig?”

Halos madouble dead ang bacon sa pag tusok ko ng tinidor. I cannot believe this! Tinitigan ko si Hector ngunit dahil masyadong napasarap ang usapan nina Billy at RJ ay doon niya itinoon ang pansin niya.

“Pengeng tubig, Janine.” Sabi ko sabay lahad ng kamay.

“Okay.” Aniya at nag salin ng tubig sa baso.

Tumayo ako para lapitan siya at kunin iyong baso. Nang binigay niya sakin ang baso ay sinadya kong itapon ang tubig sa kanya kaya basang basa siya.

“Oooppps, sorry!” Sabi ko agad.

Tumayo si Hector at si Janine. Nakita kong medyo nabadtrip si Janine sa akin nang nag angat siya ng tingin.

“Hala! Magpalit ka, Janine!” Sabi ni Tara. “Basang basa, e.”

“Sorry talaga.” Sabi ko.

Nanliit ang mga mata nI Hector sakin habang pinpunasan ni Janine ang damit niya.

“Oo nga. Magpapalit na ako.” Tumayo siya at umalis para magpalit.

Ngumuso ako at inirapan na lang siya. Abala ang lahat sa pagtatatapos ng mga pagkain nila kaya nagkataon si Hecto sa paghila sa akin at pagbulong.

“You jealous?”

Umismid ako. “No.” At inirapan siya.

“Really?” Nag igting ang bagang niya.

“Yes. I’m not.”

“Coz I am.” Aniya at hinila pa ulit ako palapit sa kanya. “You don’t just show up on my house with another man, Chesca.” Mariin ngunit pabulong niyang sinabi.

Binawi ko ang kamay ko sa kanya at mariin siyang tinitigan.

“Uy, okay lang kayo?” Tanong ni Desiree nang nakita kaming nagkakainitan ni Hector.

“Ah! Oo. Okay lang.” Sabi ko at iniwan siya doon para bumalik sa tabi ni Clark.

Buong umaga ay nasa Tinago Falls kami dahil naroon ang Tito ni Hector. Gusto sana nilang maligo kaso naging busy ang lahat sa pag iinterview sa kanya. Naging busy din kami sa documentation at kung anu ano pang nirequest ng prof namin.

“Nakakaingganyong maligo dito, Hector.” Dinig na dinig ko ang malambing na sinabi ni Janine kay Hector.

Oo nga, Janine. Actually, diyan kita lulunurin.

“Oo.”

“Sana may ganito din kami. Buti ka pa may falls.” Nagpapacute si Janine kay Hector.

Umiling ako at nagsulat na lang sa report. Nakakabanas, ha?

“Chesca, tulungan na kita.” Ani Clark.

“Thanks, Clark!” Sigaw ko para marinig ng lintik na Hector na iyon.

Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na nakita niya kaming dalawa. Agad siyang nagtungo sa amin para mang usisa kung anong ginagawa namin.

“Ako na niyan, Chesca.” Ani Hector sabay pagitna sa aming dalawa.

“Wag na, Hector. Patuloy ka lang sa ginagawa ninyo.” Sabi ko sabay patuloy sa pagsusulat.

“Oo nga, Hector. Kaya na naman ‘to.” Mariing sinabi ni Clark. “Hindi ka namin kailangan dito.”

“Anong ibig mong sabihin, Clark?”

Nag angat ng tingin si RJ at Billy.

“O? O? Easy…” Anila.

Nilingon ko sina Desiree, Tara, Oliver, at JV na abala sa pag iinterview sa Tito ni Hector. Bumaling ako sa galit na si Hector.

“I said, kaya na naman ito. Did you hear me, Hector?”

Nakakunot ang noo niya nang tiningnan niya ako. Kitang kita ko ang galit niya. Bumuntong hininga siya at tumango. “Dito lang ako.” Aniya at humalukipkip sa gitna namin ni Clark.

Umiling si Clark. Napailing din ako kay Hector. Kakairita. Hindi ba sinabi ko sa kanya kagabi na iwasan si Janine? Bakit ngayon ay mukhang mas nagkakalapit pa sila? Sa irita ko sa kanya ay mas lalo ko siyang tinataboy. Binabara ko naman si Janine sa mga banat niya. Siniko na ako ni Desiree nang nag hapon at nasa rancho na kami.

“Anong problema mo at bakit mainit ang ulo mo kay Janine?”

Umiling ako habang tinititigan si Janine na nagpapakain ng mga kambing. Tumititili tili pa siya.

“Wala akong problema.”

“Natatakot ako sa kambing!” Sigaw ni Janine sabay takbo kay Hector kahit na malayo naman si Hector at busy sa pakikipag usap sa mga ranchero nila.

“Edi bwiset kung ayaw mo ng kambing ay lumayo ka!” PUTANG INA! Sigaw ko.

“Huy!” Sabay tulak sa akin ni Desiree.

Uminit ang ulo at pisngi ko sa galit. Umiling ako at umalis sa kanila.

“Badtrip ako.” Iyon ang excuse ko dahil halos silang lahat na ang natatarayan ko.

Buong araw akong badtrip. Galit ako sa lahat maging kay Hector. Kaya nang nag desisyon silang sumakay sa mga kabayo ay nasa bato lang ako nakaupo at nilalagyan ng mga damo ang kainan ni Abbadon.

Kitang kita ko sa malayo na masayang masaya sina JV at RJ habang sumasakay sa mga kabayo nina Hector. Busy naman si Desiree at Tara sa pag pi-picture. Si Hector naman ay abala sa kanilang lahat. Siya naman kasi ang host at kanila ang rancho kaya malamang ay magiging abala siya.

Narinig ko ang mga yapak ni Janine sa gilid ko. Bumuntong hininga siya. Nag angat ako ng tingin at nakita kong nakatayo siya sa gilid ko. May tiningnan siya sa likod ko. Nilingon ko iyon at nakita ko si Clark na nasa kabilang banda at tinitingnan ang mga batang kabayo sa kanilang kuwadra.

“Chesca…” Aniya.

Hindi ako umimik.

“Alam kong may bangayan tayong dalawa. Hindi ko iyon maipagkakaila. Kaya tatanggapin ko ang pang gagaspang mo sa akin.”

Hindi parin ako umimik. Nag concentrate ako sa pagpapakain kay Abbadon.

“Kasi… ano… Nung una, gusto ko talaga si Clark. Mahal ko siya.”

Tumikhim ako. Gusto ko siyang sampalin pero wala na akong pakealam. Gusto ko lang sampalin kasi ang lakas lakas ng loob niyang makipag usap sakin ngayon.

“Kaya ayun… nung umalis ka… pakiramdam ko pagkakataon ko na.”

Nag angat ako ng tingin at umismid. Magsasalita sana ako ngunit dinugtungan niya pa.

“Pero alam kong mali iyon.” Yumuko siya. “Iyo siya at hindi akin kaya wala akong karapatan. Nangangarap lang ako ng gising.” Ngumisi siya. “Kaya ngayon.”

Lumunok ako at nanlaki ang mga mata ko. Pakiramdam ko alam ko na ang susunod niyang sasabihin.

Umatras siya at umambang aalis na.

“Kaya ngayon, he’s free. Kung gusto niyong magkabalikan, okay lang sakin. At gusto ko ring malaman mo na wala siyang kasalanan. Ang totoo niyan, nilasing ko siya. Ang totoo niyan akala niyang ikaw ay ako kaya iyon nangyari nung gabing iyon.” Pumikit siya. “Ang totoo niyan, nag settle lang ako doon dahil iyon lang ang naging paraan ko para sa kanya.”

Mabilis na ang hininga ko at nangatog ang binti ko kahit nakaupo lang ako.

“Pero ngayon.” Lumingon siya sa mga nangangabayong sina RJ, JV, at Billy. “Narealize kong nakita ko na ang lalaking gusto ko. Iyong walang sabit. Iyong hindi sayo… hindi kanino…” Aniya. “Si Hector.” Ngumisi siya at mabilis na umalis.

Tumayo ako at agad siyang hinabol.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: