Mapapansin Kaya? – Kabanata 63

Kabanata 63

Who’s Your Boyfriend?

“Reina, nitong mga nakaraang araw, hindi ka na umuuwi masyado sa bahay niyo, ah, tuwing gabi.” Palihim na sinabi ni Liam sakin habang pinapanood akong nagmamadaling inilalagay lahat ng bagong gawa ko sa portfolio.

“Huh? Bakit mo naman nasabi iyon?” Sabi ko ng wala sa sarili.

Hindi siya sumagot.

Dinampot ko lahat ng gamit ko at kinuha na rin yung bag ko.

“Liam, pupunta lang ako sa office ng Fashion Week, ngayon ko kasi titignan yung mga designs ko. Gawa na kasi.” Sabi ko.

Tumango siya, “Ipagda-drive na kita.”

“Wag na, no. Kaya ko naman. Tsaka, wala ba kayong recording or something?”

Naglalakad na ako ngayon papuntang sasakyan.

“Reina…” Malambing niyang hinila ang bag ko. “Come on… Pagbigyan mo naman ako. I’ve been really busy at ito lang ang paraan ko para punuan yung mga panahong hindi tayo nagkakasama dahil sa pagiging busy ko.”

Natigilan ako sa harap ng sasakyan ko.

“Liam…” Bumuntong-hininga ako. “You don’t need to do this. Naiintindihan ko naman iyon. Hindi naman talaga kailangang nandyan ka parati. Look at me and Coreen, ewan ko na naman kung ano ng nangyayari, pero we’re still friends.”

Nag iba ang ekspresyon niya. Napayuko siya at napalunok. Agad naman akong naguilty sa sinabi ko. Ginulo niya ang buhok niya at bumaling ulit sakin.

Bumunot ulit ako ng malalim na hininga, “Alright, Liam.”

Dahan-dahan siyang ngumiti at dumiretso sa sasakyan niya. Sa kahabaan ng drive, wala akong inisip kundi yung pagrereview ng designs. Tinatawagan ko ni Kira para tanungin kung malapit na ba ako kasi mag rerehearse na ang models. Jusko! Bakit ba kasi ako tinanghali sa pag gising.

“Malapit na…” Sagot ko kay Kira.

“Okay… Bilis na!”

Nang nag park na si Liam ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, dumiretso na ako sa labas.

“Liam, pasensya ka na, alam kong gusto mong bumawi today. Pero kasi busy ako.”

Tumango siya at kita sa mukha niya ang disappointment.

“Sorry talaga. Babawi ako next time, okay? Nagmamadali talaga ako. Debut ko to sa Fashion Week.”

“It’s okay, Reina.”

“Baka gabihin pa ako dito kaya mauna ka na lang.” Sabi ko at agad ng umalis.

Half-running na ako papuntang office. Hindi ko na namamalayan kung sino ang nakakasalubong ko.

Masyado lang talagang hectic ang sched ko this week. Lalo na bukas. Bukas yung Fashion Show. Mabuti na lang at gabi pa yung Fashion Show… Kasi sa umaga, may photoshoot si Wade para sa isang teens magazine. Kakailanganin niya raw yung stylist at designer niya. Tumanggi ako kasi kasama niya sa shoot na iyon si Shan pero mapilit siya.

“We need the time, Reina. Mawawala ako ng ilang linggo para sa world tour, kaya kung pwede araw-arawin natin…”

Well, hindi nga lang ako sigurado kung anong ibig sabihin niya sa araw-arawin namin. But I’d like to think na gusto niyang araw-araw akong makita o makapiling. Mamimiss ko siya sa world tour, sobra! Pero hindi naman aabot ng isang buwan ang pagkakawala niya at hindi niya naman kasama si Shan doon kaya panatag ang kalooban ko. Iyon nga lang, dahil mejo araw-araw na kami ngayon, baka mangulila ako unang araw pa lang niya sa ibang bansa. Sana pwedeng sumama pero dahil sa Fashion Week na ito ay nagbabago ang sched ko. At ano naman ang ipapaliwanag ko sa pamilya ko sa pagsama ko kay Wade? Na designer at stylist niya ako?

“Reina!” Bati ni Zoey sakin habang isinusoot ang final gown.

Okay, talagang nasa kanya yung finale. May apat na finale gowns ako. Sa kanya yung pula. Yun kasi ang gusto niya.

“Ang tagal mo naman!” Aniya sabay pakita sakin sa gown. “Ayos ba?”

Tumango ako, “Maganda.”

Maganda talaga si Zoey. Syempre, pag dumaan kay Rozen, alam mong maganda talaga. Walang mintis. Matayog ang standards lalo na sa mukha. Pero may pattern: maputi, matangkad, mahaba ang buhok, mejo curvy pero payat, mga ganun.

“Pwedeng gawing soft yung make up ni Zoey. Parang di ata bagay na masyadong colorful…” Sabi ko sa make up artist.

Nicheck ko lahat ng gawa ko. Pati yung gagawing backdrop na may nakalagay na korona sa taas ng pangalan kong REINA. Maliit naman ang font ng apelyido ko sa baba, Elizalde.

Lalabas ako sa huli, pagkatapos ng finale gowns. At pagkatapos sabihin yung description ko. Nadawit pa sa description ang pangalan ni Shan, Wade, at Adam dahil sa mga damit nilang nidesign ko.

Nagsimula yung nakakaantok na rehearsal. Magaling rumampa si Zoey. Iyon siguro ay dahil uhaw siya sa atensyon. Halos paulanan nga siya ng panlalait galing ng mga co-models niya. Pero parang iyon yata ang nagbibigay ng lakas sa kanya para mas lalong pagbutihin yung ginagawa niya. Bilib din talaga ako sa kanya.

“Ms. Reina…” Untag sakin ng isang staff sa Fashion Week.

“Po?” Tanong ko.

Nilalaro niya ang kanyang I.D. Para bang nahihiya siyang magtanong sakin.

“Close ba kayo ni Zoey?”

“Uhmm. Okay lang, bakit?” Tanong ko.

“Ano… Nakita ko kasi yung singsing niya sa kamay. Bigay daw iyon ng boyfriend niya. Tingin mo si Wade Rivas yung bf niya?”

Natigilan ako at nag isip. Anong sasabihin ko? Na may ibang boyfriend si Zoey? Manahimik na lang kaya ako?

“Hindi ko alam, eh.”

“Pero nagpupunta ba siya sa condo ni Wade? Hindi ba designer ka ni Wade? Naabutan mo ba siya doon? Marami kasing pictures na kumakalat.”

Kasalanan ko ito. Kung bakit ba kasi ginagamit namin si Zoey.

“Ewan ko. Hindi naman kasi ako namamalagi sa condo ni Wade.”

JUSKO! Halos matamaan ako ng kidlat sa sinabi ko. Friends na nga kami ng bloodhound niyang si Carmela dahil palagi akong nandoon.

“Ganun? Hmmm. Sige, sorry sa abala.” Ngumisi siya at umalis.

Darn, yung mga tao talaga masyadong tsismosa. Ganun talaga siguro pag idol mo ang isang tao.

Ilang beses pa naming inulit-ulit yung rehearsal. May loko pa sa suits ko, gusto niya lang talaga yatang ibalandra ang katawan niya kaya imbis na magsoot ng inner, tanging suit ko na lang ang isinoot niya.

“Brandon! Wag ka ngang pasaway!” Sigaw ni Kira.

“It’s okay, Kira. Bagay naman. Okay lang.” Ngumisi ako.

Malaki yung katawan niya kaya hindi masagwa tignan na half topless siya sa suit ko.

“See? See? Bagay daw!” Tinuro ako ni Brandon at may tinignan siyang isang model.

“Pasikat.” Sabi ng katabing model.

Naubos ang oras ko sa pabalik-balik na rehearsal. Pagkatapos noon ay pagod na pagod na ako. Nagligpit na lang ako ng gamit at agad umalis sa building… sana makahanap agad ako ng taxi para makapunta na kay Wade.

May isang text si Wade. Ngayon ko lang nabasa sa sobrang busy.

Wade:

Pareho tayong nagrerehearsal ngayon. See you sa condo. I love you, Reina.

Napangiti ako. Nagtype agad ako ng reply.

Ako:

I’ll be there, Wade. I love you, too.

“Tapos na?”

Napatalon ako nang may pumaradang sasakyan sa harap ko. Humikab si Liam sa loob nito at binuksan ang pintuan.

“Liam? Naghintay ka?” Tanong ko.

“Oo.” Humikab ulit siya. “Buti nagising ako just in time.”

Humalakhak siya. Masaya akong nagawa niyang maghintay pero may kung anu sa damdamin ko ang nagsasabi saking mali… iba… hindi dapat…

“You don’t have to-“

“I want to, Reina.” Pinutol niya ako bago pa ako nakapagsalita. “Now, get in so I can bring you home.”

“Liam…”

“Reina… Babawi ka diba? Just at least let me do this.” Aniya gamit ang nababanas na mukha.

Tumunganga lang ako sa labas. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kung sasama ako sa kanya at hayaan ko siyang iuwi niya ako sa bahay, aalis parin ako at pupunta kay Wade. Kung hindi naman ako sasama, baka magtampo siya.

“Reina?” Hinuli niya ang tingin ko.

Kanina pa pala ako nakatulala.

“Kasi, Liam, may pupuntahan pa ako.” Sabi ko.

“Huh? San? Ihahatid na kita.” Kumunot ang noo niya.

Napalunok ako. Habang iniisip ko kung anong isasagot ko sa kanya ay tumunog ang cellphone ko.

Nagmadali akong tinignan ito at nakitang si Wade ang tumatawag. Tumalikod ako kay Liam at lumayo.

“Sagutin ko lang ito.” Sabi ko at naglakad palayo.

“Hello…” Sabi ko.

“Exhausted?” Pambungad niyang tanong.

“Hmmm… Not really?” Ngumisi ako.

Kahit na nasa panget na sitwasyon ako kasama si Liam, hindi ko parin maiwasang matuwa kay Wade.

“I know what you’re thinking…” Humalakhak siya. “Gusto mo na naman yata…”

“Uy, ano ka! Ikaw kaya diyan! Adik!”

“O sige, pwede namang hindi, eh. Ano… Mag cu-cuddle lang muna tayo for this night.” He chuckled again.

“Why??”

Kinagat ko ang labi ko nang narinig ang tono ng boses ko. WHY DO I SOUND SO DISAPPOINTED?

Humagalpak siya sa tawa, “Bad, Reina. Sige na… Nasan ka? I’ll fetch you.”

“Uhm, Wag na… P-papunta na ako. Magkita na lang tayo dun.”

“Really? O sige… I love you, Carmela.”

“Sino? Yung bloodhound mo?”

“Hmmm. Yung kausap ko.”

“I love you, too.”

Pinatay ko agad ang tawag ni Wade dahil naramdaman kong may tao sa likod ko. Pumihit ako para tignan ang galit na galit na mukha ni Liam.

“REINA?” Tumaas ang boses niya.

Bumilis ang paghinga niya at nakita kong namuo agad ang luha niya sa mga mata. Pakiramdam ko hinigop yung dugo ko sa mukha. Namumutla na ako sa reaksyon niya.

“You love who, Reina?” Tanong niya.

Itinago ko ang cellphone ko sa bag ko.

“MAY BOYFRIEND KA NA BA?” Sigaw niya sakin.

Napapikit ako sa sigaw niya.

“L-Liam…”

Pinasadahan niya ng palad ang kanyang buhok at nakita kong tumulo ang luha sa mga mata niya. Suminghap siya at nakapamaywang habang tinitignan ako. Pulang-pula ang kanyang ilom at sa bawat salita niya ay ganun parin siya, nakikita parin ang malalim na dimple na parehong pareho kay Wade.

“Sabi mo sakin mahal mo ko, tapos ngayon, isang araw malalaman kong meron kang boyfriend, ha, Reina?”

Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kanya.

“Sorry…” Iyon lang ang tangi kong nasabi.

Hinilamos niya ang kanyang palad.

“God, Reina!” Sigaw niya. “Sa France pa lang… France pa lang, tayong dalawa na, diba? Lagi tayong magkasama. I was your only friend! Tayong dalawa lang! Bumalik ka lang ng Pilipinas, ni hindi ka pa nga nag si-six months dito nagkaboyfriend ka na agad?”

Tumawa siya na parang nagbibiro ako sa sinasabi ko.

“Who are you kidding? Wala kang boyfriend! You just wanna make me feel you have one.”

Umiling ako, “No, Liam, why would I do that?”

“Because you want to make me jealous? You want to hurt me? Or you don’t really like me at all kaya gusto mong paniwalain akong meron kang iba.”

Umiiling na ako habang nagsasalita siya.

“YOU TOLD ME YOU LOVE ME, REINA!”

Nalaglag ang panga ko sa sumbat niya.

“YOU FREAKING TOLD ME YOU LOVE ME! NAGPAPAHALIK KA SAKIN! YOU ARE INTIMATE WITH ME! KAYA HINDI AKO NANINIWALANG MAY BOYFRIEND KA!” Sigaw niya.

Napatingin ang mga taong dumadaan samin dahil sa sigaw niya.

Liam has been a good friend, ayaw ko siyang saktan. Pero panahon na rin siguro para itama ko ang mga pagkakamali ko. Napapikit ako.

“L-Liam… Totoo.” Marahan kong sinabi.

Nakita ko ang galit sa mga mata niya. Nilapitan ko siya kahit na alam kong mas lalo lang siyang magagalit sakin. Nilapitan ko siya kahit nasasaktan ako para saming dalawa.

“PAASA KA! Masyado kang paasa, Reina!”

Nilapitan ko siya kahit na umaatras na siya sakin.

“Liam, I’m sorry. I’m sorry. Hindi ko naman alam na iba yung ibig sabihin mo dun. Akala ko magkaibigan lang tayo-“

“Magkaibigan? Magkaibigan, really, Reina? Kanino mo natutunan yang naghahalikang magkaibigan?”

WHAT?

“You kissed me, Liam!” Pinaalala ko sa kanya.

“Pero hindi ka pumalag!” Sagot niya.

“M-Magkaibigan tayo. I-I don’t wanna break your heart.”

“Sino ang boyfriend mo, Reina?” Seryosong tanong niya kahit na mabilis na mabilis parin ang paghinga niya.

Tinikom ko ang bibig ko. Kahit na itorture pa ako dito, hinding hindi ako aamin.

“Liam, just, I’m sor-” Hinawakan ko ang braso niya pero tinanggal niya ang kamay ko.

“WHO’S YOUR BOYFRIEND, REINA?” Mariin niyang tanong.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: