Mapapansin Kaya? – Kabanata 25

Kabanata 25

Napansin Na

Nangatog ulit ang mga paa ko nang nakitang kakatapos lang ni Wade sa pagkanta. Bumababa na sila sa stage at sinasalubong na siya ng mga fans nila. Tumitig ulit siya sakin nang nakitang paparating na ang mga fans niya.

Alam kong may usapan kami… no I love you for Coreen means no girls for him.

Pero sa sitwasyon ngayon, hindi ko siya sisisihin kung kakailanganin niya mang makihalubilo. Kailangan din nila iyon para dumami ang fans nila.

Nagulat ako nang nginitian ni Wade saglit ang mga babae at tinaas niya ang kanyang kamay sa mga babae.

“Excuse me lang, mag C-CR ako.” Pawis pa siya kaya para siyang santong hinahaplos ng mga inggratang babae. Parang yung langis na nakukuha sa katawan niya ay nakakapaghilom ng sakit sa katawan.

Umuungol pa ang iba habang hinahaplos nila ang katawan ni Wade. Sinulyapan ako ni Wade nang nakakunot ang noo. Mahirap kumawala sa mga babaeng iyon. Nang sa wakas ay nakawala na siya sa mga baliw na fans nila ay nakita kong pumunta siya ng CR.

Ilang saglit lang ay narinig kong tumunog ang cellphone ko. May isang mensahe galing kay Wade!

Wade:

Kita na lang tayo sa labas.

Yun lang ang message niya pero pinagpawisan agad ako ng sobra. Lumingon ako at nakitang nakisama na si Coreen doon sa mga fan girls ng ibang band members ng Zeus. Pero nakita ko talaga ang TEAM WADE SEXY RIVAS na malungkot at inaabangan ang paglabas ni Wade sa CR.

Hindi ko alam kung paano niya tatakasan ang mga fans na ito kaya sinunod ko ang payo niya. Pumunta ako sa sasakyan kong nakapark lang sa tapat ng grill. Ilang sandali ay nakita ko siyang nagpalit na ng t-shirt at tumatakbo nang natatawa palabas ng grill.

Lumingon siya at nakita kong hinahabol na siya ng mga fans niya.

“Wade! Saglit lang! May itatanong lang kami!”

Nataranta ako. Halos hindi ko mahawakan ng maayos ang mga susi ko para patunugin ang sasakyan ko. Pumasok ako agad. Agad ding binuksan ni Wade ang pintuan. Hinarurot ko ang sasakyan para makaalis na agad sa lugar.

Sabay kaming tumawa sa nangyari. Nakakatawa naman kasing hinahabol siya nung mga fans. Talagang tinakbuhan niya!

“Ba’t mo naman yun ginawa? Sana pinagbigyan mo!” Hiningal ako sa kakatawa.

“Pag pinagbigyan ko sila, ibig sabihin pinagbibigyan din kitang mag ‘I love you’ sa iba, alam mo namang di ako payag.”

Natahimik ako sa sinabi niya. Nakatitig siya sakin pero hindi ko kayang sumulyap man lang sa kanya. Nahihiya ako. Hinayaan ko ang sarili kong panoorin siya sa gilid ng mga mata ko.

“S-Saan nga pala tayo?” Tanong ko.

“Sa apartment. Ipagluluto kita.” Aniya. “Kung maaari.”

Tumango na lang ako. Kinabog na kasi ang dibdib ko. Naninikip na ito. Konti na lang ay maghuhuramentado na at ayaw kong mapansin niya iyon.

“T-Talaga?”

Nakita kong ngumisi siya sa gilid ng aking mga mata.

“Oo, susubukan ko. Tutal magaling ka namang magluto, sabihin mo lang kung pasado o hindi.” Humalakhak siya. “Para walang gastos.”

First time kong makakakita ng lalaking ipagluluto ang mga babae. Akala ko mga babae lang ang yung nagluluto sa mga lalaki. Mabuti na lang at nagawa kong mag drive nang di nabubunggo papuntang apartment niya.

Una siyang lumabas pagkapark ko. Sinarado niya agad yung pinto at hinintay akong lumabas. Naamoy ko ang bango niya sa loob ng sasakyan ko kahit nasa labas na siya. Shiz! Grabe! Anong langis kaya yang lumalabas sa katawan niya?

Inamoy ko yung front seat. Amoy Wade Sexy Rivas! Shiz! Ayan! Namamanyak na naman ako. Papikit-pikit ko pang inamoy yung upuan niya nang bigla siyang kumatok sa bintana. Tumalon ako sa bigla at agad lumabas dun. Nakita kong naka half-smile na siya pagkalabas ko.

Kinunot ko ang noo ko, “B-Bakit?”

Imposibleng nakita niya ang ginawa ko, tinted naman ang sasakyan ko, tsaka gabi na.

“Wala lang.” Mas lalong lumaki ang ngiti niya. “Anong oras ang curfew mo?”

Nabigla ako sa tanong niya, “Wala naman talaga akong curfew pero pag dating ng alas nuwebeng wala pa ako sa bahay, magpapa search and rescue operation na ang pamilya ko kaya siguro mas mabuting before 9PM akong umuwi. Unless kung kasama ko mga kapatid ko.”

Tumango siya at tinignan ang relo niya.

“7PM pa naman. May dalawang oras pa tayo. 30 minutes na pagluluto, 30 minutes na pag kain…”

Uminit ang pisngi ko sa sinabi niya.

“Eh para saan yung nalalabing isang oras?” Napalunok ako sa sariling tanong ko.

Mas lalo lang siguro akong namula nang nakita kong tinitigan niya na ako.

“W-Wade? Anong gagawin natin sa loob ng isang oras?”

Unti-unti kong nakita ang pagpula ng pisngi niya. Tumalikod siya bago nagsalita.

“Ano ba yan, Reina. Edi syempre, k-kwentuhan.”

“Ah! Okay. Sabi ko na eh.” Humalakhak ako at nag isip ng mga topics na mapag kukwentuhan namin.

“Hay naku!” Hinawakan niya ang ulo niya at ginulo ang buhok na para bang naiirita or something.

“Bakit?”

“Wala! Lika na nga!” Masungit niyang sinabi.

Anong problema nito? Nag mo-moodswing na naman siguro.

Nang pumasok kami sa apartment niya, agad siyang pumasok sa kwarto.

“Bihis lang ako. Upo ka muna sa sofa.” Aniya.

Habang nag bibihis siya ay tinext ko si Coreen para di siya mag alala.

Ako:

Coreen, dadaanan na lang kita mamaya. Asan ka? May lakad pa ako.

Lumabas ng kwarto si Wade nang di pa nag rereply si Coreen. Halos mapasigaw o tili ako nang nakita kong lumabas si Wade na nakatopless na naman. Mabuti napigilan ko ang sarili ko. Nag iwas na lang ako ng tingin.

“Sorry. Ganito ako sa probinsya. Hindi ka ba sanay? Mag t-tshirt na lang ako.”

Umiling ako, “Hindi. Okay lang.” Hindi ko parin siya nililingon.

“Talaga?” Tanong niya.

“O-Oo.”

“Sige, ano bang paborito mong pagkain para maipagluto kita. Susubukan ko.” He chuckled.

“Adobong manok.”

“O sige, ipagluluto na kita.” Umalis na siya sa gilid ko para pumunta sa kusina.

Sinundan ko siya ng tingin. Ang buong akala ko abs niya lang ang nakakapanindig balahibo, pati rin pala yung likod niya. Tingin pa lang, mukha na itong mainit. May langis o pawis pang lumalandas galing balikat niya.

Nalaglag ang panga ko nang pinanood ko yung maswerteng pawis na iyon. Pero bigla siyang lumingon.

“Tama ba itong ginagawa-“

Natigilan siya dahil narealize niyang makatitig ako ng nakalaglag ang panga sa kanya.

“A-Ah?” Tumayo agad ako. “Ano? Patingin.”

“Ugh, Reina! Wag na lang! Diyan ka na lang!” Kahit nakatalikod siya ay napanood ko yung paglalagay niya ng kamay sa mukha.

Nakita ko rin sa likod niya ang isang beses na pag hinga niya ng malalim bago ang pag papatuloy sa ginagawa.

“Ayaw mong patulong-“

“Wag na. Kaya ko na ‘to!” Masungit niyang sinabi.

“Wade, ang bango mo kanina… anong pabango mo?”

Narinig kong nahulog ang kutsilyo.

“Shit! Tangina!” Agad niyang pinulot yung kutsilyo.

“Wade, okay ka lang ba?” Nilapitan ko na lang siya.

“AHHH! Reina, bumalik ka na nga lang dun! At tumahimik ka na lang! Ugh!”

Bumalik ulit ako sa sofa.

“Ano bang problema mo diyan?”

Hindi siya nagsalita. Nagpatuloy lang siya sa ginagawa niya.

“Wade, sorry kagabi, nakatulog ako.” Sabi ko.

Sumulyap ako sa kanya kasi matagal siyang nakasagot. Narealize kong mukhang nailunod niya na lahat ng ingredients at naghihintay na lang siyang maluto ito. Nakahalukipkip si Wade at pinapanood akong nakaupo sa sofa. Seryoso ang mga titig niya.

Unti-unting lumitaw ang dimple niya nang nagsalita siya, “Sa susunod, pag inaantok ka na, sabihin mo sakinpara di na ako maghihintay ng reply.”

“Uh… Okay. Sorry. Ang bagal mo rin kasing mag reply. Feeling ko di ka na magrereply. Marami ka sigurong ka text.”

Hindi na ako tumingin sa kanya, baka lumabas lang ang mga mata ko sa kakatitig sa abs niya.

“Wala akong katext. Naglilinis lang ako dito sa a-apartment. Tsaka hindi naligo.”

“Okay, pakiramdam ko kasi marami-“

“Wala nga, eh, Reina!”

“Di.. kasi diba kung interesado ka naman… magrereply ka agad-“

“Porke ba hindi ako nakakapagreply agad ay di na agad ako interesado, Reina. Sabing naglilinis ako.”

TEKA! Tinignan ko siya at nakita kong nag-iwas siya ng tingin. Ngumisi ako.

“Mukhang hindi ka naman interesado-“

Kumunot ang noo niya at tinitigan ako, “Sabing interesado! Nag linis ako kasi plano ko na talagang dito ka maghahapunan ngayong gabi kaya…” Tinalikuran niya ako.

Nakita ko ulit ang pag angat-baba ng likod niya na para bang huminga siya ng malalim.

Hindi ko na napigilan ang paghalakhak ko.

“Stop it, Reina.” Masungit niyang sinabi.

Humalakhak parin ako pero halos mangiyak-ngiyak na ako sa tuwa. Interesado siya sakin! Yung pangarap ko! “Do you like me, Wade?”

“Diba ako dapat yung magtatanong sayo niyan, Reina?” Hinarap niya ako. “Do you really like me?”

“Anong nakasabi dun sa cake?”

Hindi ako makapaniwalang naitanong ko yun sa kanya nang di nababasag ang boses. I’m so happy right now. Parang gusto kong magpapiyesta.

“‘I-I like you’.” Sagot niya.

Tumango ako, “Then, I like you.” Nanginig ang labi ko pagkasabi ko nito.

Narinig kong pinatay niya ang stove. Ibig sabihin, luto na ang niluluto niya.

“Reina, nababaliw na yata ako sayo.” Nanghihina ang boses niya nang sinabi niya ito.

Hindi niya agad ako nilingon. Mabuti. Dahil sa sobrang panghihina at panginginig ko, kung lilingon siya ngayon ay baka tumakbo ako papunta sa kanya at yakapin siya. Sa wakas, napansin na ang feelings ko. Nakatanggap na ako ng sagot. Kahit hindi klaro, pero ramdam ko. Ramdam na ramdam ko. Hindi naman kailangan sabihin ang bagay na ito, diba? Pwedeng nararamdaman mo lang.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: