Mapapansin Kaya? – Kabanata 24

Kabanata 24

Dahan-dahan

Nangangatog ang mga tuhod ko habang naglalakad pabalik-balik sa loob ng kwarto ko.

Tinype ko agad:

Saan mo nakuha ang number ko?

Halos halikan ko ang cellphone ko nang na send iyon. For the first time in my life, nalaman ko ang importansya ng cellphone.

Mejo matagal siyang nag reply. To the point na napagod ako sa paglalakad ko. Umupo na ako sa kama at tinitigan ang cellphone ko. Labinglimang minuto na ang nakalipas.

Wade:

Kay Warren.

Two words. Ano ba naman ito.

Ako:

Anong ginagawa mo?

Matagal ulit siyang nagreply. Nakakafrustate namang ka text ito. Humiga na ako sa kama at tinitigan ang cellphone ko. 20 minutes.

Wade:

Nag lilinis. Ikaw?

Napangiti ako habang iniimagine siyang nag lilinis. Pero alam niyo yung feeling na nabuhay ang dugo niyo dahil sa simpleng tanong niya? “Ikaw?”

Natagalan ako sa pagrereply. Hindi ko alam kung bakit. Ilang beses ko pang tinayp at binura ang message ko bago ko nasend.

Ako:

Wala lang. Nag ti-text.

Sampung minuto pa bago siya nag reply.

Wade:

Lagi ka bang nag titext?

Abot tenga ang ngiti ko. Hindi ko alam kung anong meron sa tanong niya at bakit ganito ako makapagreact!

Ako:

Hindi naman. Wala ako katext eh.

Limang minuto bago siya nag reply.

Wade:

Panung wala. May numero ka kay Joey at Warren. Hindi ba sila nag titext sayo?

Tinitigan ko talagang mabuti ang pinakamahabang text niya so far. OMG!

Ako:

Hindi naman nila ako tinitext. Ano na gawa mo? (Pansin ko kasi mejo mabilis na siyang nakakareply kaya tapos na sigurong maglinis!)

Wade:

Kakatapos ko lang mag linis. Maliligo na ako.

Para akong tanga sa kakangisi. Bakit ganito? Wala namang something sa mga text namin ni Wade pero bakit parang tanga akong nakangiti.

Natulugan ko siya. WTF? Sa sobrang saya ko, natulugan ko talaga siya ah! Kinaumagahan, mabilis akong bumaba para tignan kung may practice ba sina Wade ngayong araw.

“Manang,” Untag ko sa katulong namin. “Asan po si Noah?”

“Maagang umalis, Reina. Practice daw.”

“Ha? Saan? Hindi ba sila dito mag papractice?” Tanong ko.

“Wala siyang sinabi, eh. Alam mo naman yun. Nagagalit pag nang-uusisa kaya hindi ko na tinanong.” Nagkibit-balikat si manang.

Napabuntong-hininga ako. Sayang naman! Hindi ko alam kung saan yun pupunta! Siguro kina Warren? Bakit naman kasi hindi na lang dito mag practice? Kaya nga may music room, diba?

“Hey, Reina…” Hinagkan ako ni Kuya Dashiel.

Kumunot ang noo ko nang nakita ko siyang kakagising lang.

“Kuya, wala ka bang trabaho?” Tanong ko.

“Meron. Aalis muna ako ng bansa. Hindi pa kasi makakauwi sina mommy at daddy galing Camino Real dahil sa mga lupang binibili nila para sa plantation. Ako yung nautusan.” Ininom niya ang kapeng nasa kamay. “How bout you? School festival, right? Bakit nag mumukmok ka dito?” Nanliit ang mga mata niya at tinignan akong mabuti. “May ginawa ka ba sa mukha mo?”

“H-Huh?” Napakurap-kurap ako sa tanong niya.

Ngumuso siya at ngumiti.

“May pumuporma na ba sayo?” Tumaas ang kilay niya.

“W-W-W-Wala ah!”

Tumawa siya sa pagkakautal ko. Ginulo niya ang buhok ko at umambang tatalikuran. Pero bago niya ako tinalikuran ay…

“Sino? Yung anak ba ng mga Madrigal?”

Kumunot ang noo ko sa tanong niya.

Umawang lang ang bibig ko at di na ako makapagsalita. Nag evil smile siya na para bang nakumpirma ang mga duda niya sa katahimikan ko.

“Good. By the way, puntahan mo si Noah mamaya sa isang bar o grill, may gig sila. I’ll text you the address. Nakalimutan ko, eh. Malapit lang sa Tribal Lounge. You know that place?”

Tumango ako.

“Good.”

Umalis na siya at naiwan akong tulala. Yung mga madrigal na binanggit niya ay isang prominenteng pamilya. Paano kung malaman ni Kuya Dashiel na si Wade Rivas ang… nagugustuhan ko? Matatanggap niya kaya? Si Rozen nga tinuturing na basura si Wade, paano pa si Kuya Dashiel?

Ganun pa man, walang nakapigil sa pagtetext ko kay Wade lalo na nung nabasa ko ang mensahe niya kagabi.

Wade:

Tulog ka na?

Ako:

Sorry, nakatulog ako kagabi. Sorry talaga.

Napapikit ako. Akala ko agad siyang magrereply dahil sa inis niya sakin pero nagkamali ako. Hindi siya nag reply. Pumuti na ang uwak, hindi parin siya nag reply. Gusto kong mag text pero ayokong maisip niyang desperada ako sa reply niya. Kaya naging busy na lang ako sa pag-aayos sa sarili ko. Pupunta ako sa gig nina Noah! Tinext ko si Coreen at game naman siya sa lakad ko. Kaya ayun at sinundo ko siya sa bahay nila.

Nagulantang ako nang nakita ko ang itim na t-shirt niya na may puting bold letters na naka print: Owned by an Elizalde

“Saan galing yang t-shirt mo?” Tanong ko.

“Ha? Wala. Uhm… Pinagawa ko.” Napalunok siya.

“WHAT?” Humagalpak ako sa tawa. “Ibang klase na yang pagiging desperado mo para kay Noah.”

Nanlaki ang mga mata niya, “Of course! Push ko na ‘to!” Tumawa rin siya.

Hindi parin ako makaget-over sa t-shirt niya. Panay ang ngisi ko habang nag da-drive.

“Anyway, Reina… Sino yung tumawag sayo kagabi?” Tanong niya.

Binigyan ko siya ng makahulugang tingin.

Kinwento ko sa kanya ng buong detalye ang pag uusap namin ni Wade sa call at text. Halos masira ang sasakyan ko sa pagwawala niya.

“OH MY GOD! Sinasabi na nga ba! OH MY GOD!”

Mas lalo akong kinilig dahil sa reaksyon ni Coreen.

Kaya naman ngiting-ngiti kami pagkarating ng grill. Maraming tao doon. Ang ikinabigla ko ay may grupo ng mga babaeng may dalang mga tarpaulin na may malaking mga letra: WADE SEXY RIVAS! GOD!

May picture pa ni Wade na seryosong nakatitig sa bawat tumitingin sa tarpaulin. Nakalagay ang dalawang kamay niya sa bulsa at nakasandal siya sa isang dingding. Naka half-smile siya kaya lumitaw ang dimples niya.

Napalunok ako sa impact ng picture niya. Picture pa lang yan, ah!

“Reina! Ano ka ba naman! Alas sais pala yung gig nila, late tayo ng 30 minutes!”

“Ha? Yung sabi ni Kuya eh 6:30!”

“Ugh!” Badtrip si Coreen kaya hinila niya ako at nagsimulang ipagtulakan ang mga babaeng nakaharang sa daanan niya.

Halos mapunit niya pa yung tarpaulin ni Noah sa sobrang inis niya… pwedeng dahil late kami, pwede ring dahil sa mga babaeng fans ni Noah. Namemersonal ang isang ito.

Tumindig ang balahibo ko nang narinig ang boses ni Wade. Sexy ang tono ng kanta niya. Napapakagat labi ang mga taong nanonood dahil panay ang ngiti niya habang kinakanta ito.

“Lahat ng bagay bumibilis

Lahat ng tao’y nagmamadali

Litong-lito ang mundo

Pagod na pagod at nahihilo

Sa dami ng kaguluhan at kalat kaya.”

Nang nahagilap ako ng tingin niya ay mas lalong lumaki ang ngiti niya at pinikit ang mga mata.

“Dahan-dahan tayong bumitaw

Dahan-dahan tayong gumalaw

Dahan-dahan tayo sa lahat

Dahan-dahan tayong mamumulat.”

Para akong hinihele ng boses niya. Sobrang flexible talaga ng boses niya. Nagpapasalamat din ako sa panunulak ni Coreen at napadpad kami sa harapan.

“WOHOOO!” Maingay si Coreen at pumapalakpak pa pero ang tanging naririnig ko lang ay ang malamig at malambing na boses ni Wade.

Ang tanging ipinagpapasalamat ko na lang ngayon ay ang pagiging lead guitarist ni Noah. Dahil masyado siyang preoccupied sa gitara niya, at nasa likod siya ni Wade, hindi niya nakikita ang pagtitig ni Wade… sa akin… at akin lang.

Mahal ko na siya. Sobra sobra. Ramdam ko yung umaapaw na pag ibig sa puso ko lalo na pag tumitibok ito dahil lang sa mga titig niyang tagos sa kaluluwa ko. Walang makakapigil sakin. Kahit estado ng buhay.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: