Mapapansin Kaya? – Kabanata 1

Kabanata 1

Mga Maling Akala

Uminit ang pisngi ko. Napauyuko ako at napatingin sa kamay ko. Nararapat ba akong tignan ng mala-diyos na lalaking ito? Sobrang gwapo niya na tingin ko ay mauubusan ng fans si Noah pag nasali siya sa Zeus. Alam kong walang pakialam si Noah kung may mas gwapo man sa kanya o mawalan siya ng fans… Puro pagsusuplado at pagsusungit lang ang alam noon sa mga babae. Itong si Coreen lang ang nagti-tiyaga sa ugali niyang mas masahol pa sa tae ng kabayo.

“OMG!” Niyugyog ulit ni Coreen ang braso ko.

Tumili siya. Nakatingin parin siya sa stage. Laglag ang kanyang panga at kulang na lang ay sumuko ng silver dust sa tuwa.

“Nakatingin parin siya sayo.”

Tumingala ako upang makita ang nakangising gwapo sa stage. Nakabalandra parin ang stunning niyang dimple. Naranasan niyo na ba yung feeling na hindi mo kayang hindi tignan ang isang tao? Ito yun, eh! Ayoko siyang tignan kasi nahihiya ako. Ikinahihiya ko ang mga tigyawat sa mukha ko. Ikinahihiya ko ang walang powder at kung anu-ano pa sa mukha ko. Ikinahihiya ko ang kapangitan ko. Hindi ko alam kung bakit nakatingin siya sakin. Hindi ko mapagtanto kung ano ang nakita niya sakin at bakit ganito siya makatingin?

Love at first sight? Hindi.

Dinig na dinig ko ang lakas ng pintig ng puso ko. Hindi ko pa ito kailanman nararamdaman. Para akong mag o-oral recitation o di kaya ay magsasalita sa harap ng madla sa sobrang kaba ko. Wala naman akong gagawin na dapat ikakakaba ko pero bakit ganito?

“Iaannounce lang po namin ang result next week. Thank you for coming here.”

Halos di na marinig ang boses ni Noah sa ingay ng mga tao. Lahat ng mga mata ay nakatoon sa lalaking huling kumanta. Bumaba siya sa stage. Pagbaba niya ay kinuha niya agad ang packbag niyang nakalagay sa isang upuan.

Nawindang ako nang nakita ko kung ano ang isa pang kinuha niya sa upuan niya. Nung una, hindi ko alam kung ano talaga iyon. Kulay itim at gumagalaw. Ano kaya yun?

“Ano yang kinukuha niya?” Tanong ni Coreen sakin.

Nagkibit-nalikat ako.

May narinig akong suminghap sa likod.

“Hay naku!” Sabi nung suminghap.

Gusto ko sanang lumingon pero hindi ko ginawa. Hindi ko talaga matanggal ang titig ko sa lalaking iyon.

“N-Native chicken ang dala niya?” Sambit ni Coreen.

Napatingin ako sa ekspresyon ng bestfriend ko.

“Anong native chicken?” Tanong ko nang nakakunot ang noo.

“Manok din naman…pero wait… pwede bang magdala ng manok dito sa loob ng campus? At… At…” Natatawa na siya sa sinasabi niya.

Nakakunot parin ang noo ko sa pagtataka.

“Bakit siya magdadala nun dito?”

Tumawa nang tumawa si Coreen! Halos maiyak na siya sa kakatawa. May narinig din akong tumatawa sa kabilang banda. Nawala na yung lalaki pero impression niya ay naiwan saming lahat.

“Bakit siya nagdadala ng manok dito sa loob ng school?”

“Bakit may manok siya?”

“Taga saan ba siya?”

“Saan siya nag highschool?”

“Bakit ang gwapo niya?”

“Ano ang pangalan niya?”

“Kilala niyo ba siya?”

Wala nang pakealam ang lahat sa bandang Zeus na ngayon ay nagpapaalam na sa amin.

“His name is Wade Rivas.” Sabi ng babae sa likuran namin ni Coreen.

Napalingon na ako sa kanya. Nagkasalubong ang kilay ko nang nakita ko kung sino itong nasa likuran namin. Gumuho agad ang mundo ko. Dahil alam ko… na ang pinaniwalaan ko kanina, ay hindi totoo. Hindi sakin nakatingin yung lalaki, kundi, sa kanya. Hindi ako yung napansin niya, kundi ang babaeng ito.

Makinis, maputi, mejo brown at mahaba ang buhok, mapula ang labi at matangkad na ka-batch ko noong highschool, si Zoey Santiago.

Ngumiti siya sakin.

“Hi, Reina!” Bati niya.

Pinapalibutan siya ng mga alipores niya. ISang pulutong ng social climbers na nagtatag ng asosasyong may mottong ‘no one ugly allowed’. Obyus na ako ang pinaparinggan pero for some reasons, ang lider nilang si Zoey ay friendly sakin.

“Hello!” Ngumisi ako.

Napangiwi ang isa sa mga alipores niya. Ayaw ng iba sakin pero nakikipagplastikan parin sila dahil gusto ako ni Zoey.

“His name is Wade Rivas.” Inulit niya. “Wade Rivas.”

Pangalan pa lang tumindig na ang balahibo ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang epekto niya sakin.

“Bakit may dala siyang native chicken?” Tanong ni Coreen.

“Oh,” Umirap si Zoey kay Coreen. “Taga-probinsya siya. Dun sa farm namin. Magkakilala kami. Scholar siya dito kaya dito siya magco-college. And don’t ask me about his chickens.” Sambit niya nang nakatitig kay Coreen.

Hinawi ni Zoey ang buhok niya at tinalikuran kami.

“Bye, Reina.” Kumaway siya at umalis na kasama ang mga alipores niya.

“Bye, Reina!? TSEH! Plastik! Alam nating lahat na nakikipagkaibigan lang ang social climber na yun sayo dahil mayaman ka. Nakakajirits. Sana mabitin siya ng patiwarik. Kala niya ang ganda niya puro make up lang naman yung mukha! Parang naligo sa flour! Uy, Reina! Tulala ka diyan?” Siniko ako ni Coreen.

“Coreen, di ako yung tinititigan ni Wade.” Matabang kong sinabi.

Ang OA ko, oo. Pero talagang nag expect ako na ako yung napansin niya.

“Ha? Bakit mo nasabi?”

“Magkakilala sila ni Zoey! At nasa likuran ko si Zoey diba? Si Zoey yung tinitigan at nginitian niya. May gusto siya kay Zoey.”

“Weh? Sinong magkakagusto dun? Sa ugali ng bruhildang iyon, Reina? Gumising ka nga!” Umiling siya.

Coreen, ikaw ang gumising. Sa panahon ngayon, wala nang pakealam ang mga tao sa ugali… kung ano ang unang tatanggapin ng mga mata nila, iyon na agad ang gusto nila.

Nagsalita naman ako! Napansin ko lang din naman si Wade dahil sa gwapo niyang mukha, ah? Pero pinilit ko ang sarili kong isiping hindi lang siya puro mukha… There’s something about him… And I’ll find out soon!

I know he’s more than just a pretty face… May something sa kanya. May something…

Pinilit ko ang sarili kong paniwalaang may something pa sa kanya dahil hindi ko matanggap na hindi na siya maalis sa isipan ko kahit hindi ko pa siya nakikilala. Kung puro mukha lang ang titignan ko sa taong magugustuhan ko, anong pinagkaiba ko sa ibang tao, diba? Nagkakagusto lang din sila dahil sa mukha, at ayokong maging tulad sa kanila.

Pero nagkamali ako.

Oo. Nagkamali ako.

Una dahil akala ko ako yung napansin niya. Pangalawa dahil nagtiwala akong may something pa sa pagkatao niya…

WALA NAMAN PALA.

Uminit ang pangalan niya sa buong eskwelahan. Mailap din siya sa mga tao. Hindi siya masyadong gumagala sa school kaya mas lalong uminit at naging misteryoso ang pangalang Wade Rivas. Sino siya? Saan siya nanggaling? Hindi na rin nagsalita pa si Zoey tungkol kay Wade.

Kaya naman nang nakita ko siyang marahang humahakbang papunta sa classroom nila isang araw ay sinundan ko na.

Sa kagustuhan kong mapansin niya… sa kagustuhan kong ipakita sa sarili kong hindi siya puro mukha at boses lang… nakamit ko ang pinaka nakakadisappoint na katotohanan.

Nasa likuran niya ako habang naglalakad siya papuntang classroom niya. Mahigpit na ang hawak ko sa mga libro ko. Dumarami na kasing tao. Ayokong mabitiwan ang mga aklat ko sa harap ng mga estudyanteng ito.

Pero sa tindi ng pag-iingat ko, tila pinaglaruan na yata ako ng tadhana.

May bumunggo sakin sa likod kaya naitulak ko nang bahagya ang likuran ni Wade.

OMG! Nahawakan ko yung likod niya! Damn!

Damn din! Nagkalat ang aklat ko sa sahig. Agad akong yumuko para kunin ang mga libro ko. Mawalala ko si Wade nito!

Yun ang akala ko. Kasi ilang saglit lang ay tumulong na siya sa pagpulot ng mga aklat ko. Tinignan ko siya para sana magpasalamat pero wala akong nagawa kundi tumunganga at malaglag ang panga sa sobrang kagwapuhan niya. May kwintas pa siyang bagay na bagay sa kanya. Pati yung soot niya, bagay na bagay sa kanya. Lahat yata babagay sa kanya. Konting galaw niya lang, sumisilip yung dimple niya.

“Eto miss, oh.”

Tumunganga ako sa mukha niya habang binibigay ang mga aklat ko.

I knew it! He’s kind, too! GENTLEMAN!

Ngumuso siya at tumaas ang isang kilay niya. Siguro masyado na akong tumunganga kaya tinignan ko ang kamay niya at inabot na rin ang sariling kamay ko para kunin ang books ko. Nanginig ang kamay ko sa sobrang kaba. Narinig ko agad ang bilis at lakas ng pintig ng puso ko.

What is this feeling? Ito na ba talaga yun? Yung pagiging in love?

Natigil at gumuho ang lahat nang binitiwan niya ang pinaka nakakainis na mga salitang narinig ko sa talambuhay ko…

“Sinadya mo ba ang pagkalat ng mga aklat mo dito?”

Kumunot ang noo ko at, “H-Ha?”

“Nanginginig ang kamay mo… Kinakabahan ka ba sakin? May gusto ka ba sakin? Pinapabilis ko ba ang pintig ng puso mo?”

Napalunok ako sa mga tanong niya.

Ngumisi siya. Hindi yung ngiting ipinakita niya sa stage… Ito yung ngiting sumisigaw na, ‘I’m up to no good’.

“Ah. Okay na.” Nagpakita ulit ang dimples niya. “Nasagot mo na ang mga tanong ko.”

Umiling siya at nilagay sa kamay ko ang mga aklat.

“Sorry miss, pero wala akong panahon sayo. ‘Wag ka na lang umasa.”


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: