Baka Sakali 3 – Kabanata 4

Kabanata 4

Anong Nangyari

Pagkatapos ng ilang araw, hindi parin ako makapaniwala. Namumugto ang mga mata ko habang tinitingnan ang pagbaba ng kabaong ni Don Juan Antonio sa sementeryo. Panay ang iyak ko ngunit mas grabe ang hagulhol ni Auntie Precy.

Kahit noong sa ospital pa lang ay halos magunaw na ang mundo namin. Jacob cried in the hospital. Niyakap ko siya ng sobrang higpit. Nanginginig ang kanyang balikat at sobrang wasak ng puso ko. Iba ang pakiramdam na nakikitang ang minamahal mo ay wasak na wasak at wala kang magawa.

But here now… ni isang luha ay walang pumatak sa kanyang mga mata. He held my hand. He hugged me tight.

Nagtapon siya ng puting rosas sa kabaong ni Don Juan Antonio. Ganoon din ako, si Auntie Precy at iba pang relatives ni Jacob. Callix was there too. My friends were there. Si mama at papa ay parehong nasa ibang bansa at hindi basta bastang makauwi kaya wala sila.

Sa harap ko ay si Maggie na naiiyak na rin. I really can’t believe it. Hindi ko pa tuluyang matanggap na sa isang aksidente, sa isang iglap lang, nawala si Don Juan Antonio.

Kinalma ko ang sarili ko. Maybe he did not cry because he saw me weak. At ayaw ko ng ganoon. I should be there for him. I should be strong for him at times like these.

“Jacob…” tawag ko.

Nilingon niya ako at hinigit pa palapit sa kanyang dibdib. Hindi siya ng dapat nag cocomfort sa akin. It should be the other way around.

Pinalupot ko ang aking braso sa kanyang leeg. I know he’s feeling sad right now. Niyakap niya ako pabalik at ibinaon niya ang kanyang mukha sa aking balikat. Hindi siya nagsalita. Hindi ko rin alam kung umiiyak ba siya. Basta alam ko, sobrang higpit ng yakap niya sa akin.

It lasted that way for a while. Hanggang sa tuluyan nang nailibing ang kanyang daddy.

Dahil sa libing, nakilala ko halos lahat ng pamilya ni Jacob. Nakilala ko na ang pamilya ni Callix noon pero mas nakausap ko sila ng maayos ngayon. Nakilala ko rin ang mga pinsan ni Don Juan Antonio. Pare-pareho ang tikas ng mga Buenaventura.

“Jacob, can we talk?” tanong ng Tito niya sabay tingin sa akin.

Kausap namin si Auntie Precy. Umalis na ang ibang tao at tanging direct family na lang ang natitira doon.

Niyakap ko si Auntie habang tinitingnan si Jacob na kinakausap ng kanyang tito. Sinalubong siya ng nag aalalang tita. Hinagod ang likod ni Jacob at niyakap.

Wala nang natira sa kanyang mga magulang. And he’s the only son. Ngayong nakikita kong may ibang pamilya siyang nandyan para sa kanya, hindi ko maiwasang mapaluha. I want to thank them for being there.

“Anong sinabi ng tito mo?” tanong ko nang nasa sasakyan na kami.

Pansamantalang tumigil ang buhay para sa aming dalawa dahil sa nangyari pero hindi tumitigil ang mundo. We need to go to school. Marami na kaming absent.

“Just about the business…” sabi niya nang hindi tumitingin sa akin.

“Kailan ang balik nila sa America?” tanong ko.

“Hindi ko alam.” Bumaling siya sa akin. Parang marami pa siyang iniisip pero hindi niya sinasabi.

Hinawakan ko ang kamay niya. Huminga siya ng malalim at tiningnan ang magkahawak naming kamay. Pinaglaruan niya ang aking mga daliri.

“Walang mag aasikaso sa negosyo ni daddy…” aniya.

Hindi ako nagsalita. Hinintay ko ang kanyang sasabihin. Alam kong marami pa ito.

“Tumigil kaya ako sa pag-aaral?”

Nalaglag ang panga ko sa gusto niyang mangyari. Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Hindi ko alam kung paano nga naman ihandle ang kanyang sitwasyon. Siya ang natatanging tagapagmana ng lupain ng kanyang pamilya, ng kanyang ama… paano na ito ngayon gayong wala na ang tagapangalaga?

“Ano sa tingin mo, Rosie?”

Hindi ako makapagsalita. Maybe education isn’t important to him… dahil na rin sa sitwasyon. Para sa akin, wala kaming pera at pag aaari, edukasyon lamang ang tanging pwede kong maging pag-aari balang araw.

“Sayang ang nasimulan mo na…” iyon lamang ang tanging nasabi ko.

“Hindi ko pa gamay ang negosyo. Kahit na tumutulong ako kay daddy, may mga transaksyong hindi ko pa alam. Hindi ko pwedeng pagsabayin ang pag aaral ko at pagnenegosyo.”

Nagtiim bagang ako. “Pano kung mag enrol ka sa kolehiyo sa Alegria?”

“Siguro kapag nakuha ko na kung paano gawin ang negosyo…” aniya. “Lumipat ka sa Alegria Community College…”

Hinigpitan ko ang hawak ko sa kanyang kamay. I can… I may… I’m not sure. I need to stay by his side.

“Tatapusin ko muna ang semester na ito. Hindi mo ba ito tatapusin, Jacob?”

Ngumuso siya at natulala. Pakiramdam ko ay maging siya, hindi alam kung ano ba talaga. I can sense that he wants to finish his studies but he has so many responsibilities.

Binigyan namin ang aming mga sarili ng ilang araw para makapag isip. Bumalik kaming dalawa sa pag aaral. Tutal ay kaonting buwan na lang matatapos na namin ang semester na iyon.

Tumunog ang cellphone ni Jacob habang kumakain kami. Tumingin siya sa akin.

“Sasagutin ko lang ‘to,” aniya sabay tayo.

Tumango ako at pinagmasdan siya. His massive shoulders were in my view now. Ilang araw na siyang abala sa negosyo at pag aaral. Pakiramdam ko ay wala na siyang magawang mabuti. It should be either the business or his studies. I really don’t know what to say to him. Gusto kong piliin niya ang pag aaral pero kailangan niyang piliin ang negosyo. Kung hindi niya pagtutuonan iyon ng pansin, masasayang ang gawa ng kanyang ama.

“Sige… sige…” aniya.

Binaba niya ang kanyang cellphone at bumalik ulit sa hapag. Tiningnan ko siya at pinagtaasan ng kilay.

“Tumawag si Lito. Pinaayos ko kasi iyong mga truck…”

Huminga ako ng malalim. “Jacob, hindi kaya mas mabuting huwag mo na lang munang unahin iyong trucking? Kasi baka mahirapan ka. Paano iyong farm ninyo? Wala na ang daddy mo para gawin iyon.”

“May deal si daddy sa lahat ng harvest namin sa buwang ito. Naghihintay ako kung ano ‘yon. Ang sabi ni Lito, bagong kompanya daw iyon. Nag risk daw si daddy kaya hindi ko muna gagalawin ang farm…”

“Kung…” Alam kong sayang pero nakita ko rin ang kanyang mga grades. Hindi maganda ang grades niya sa midterms siguro ay dahil kasagsagan ng pagkamatay ng daddy niya iyon. “I-drop mo na lang kaya ‘yong subjects mo para mapag tuonan mo ng pansin ang-“

“Idrop mo rin ang sayo at lumipat ka ng Alegria…” hamon niya.

Umiling ako… “Jacob… Susunod ako pagkatapos ng semester na ito.”

Umiling din siya. “Hihintayin kita.”

Tumigil ako sa pangungumbinsi. I know with his tone, he won’t change his mind.

Hinayaan ko siyang mag-aral at mag negosyo. Minsan ay nami-miss niya ang ilang subjects kapag kinailangan niyang umalis at pumuntang Alegria.

“Leo, si Jacob?” tanong ko isang araw nang nakita kong hindi nila kasama si Jacob.

Nagkatinginan sila ng kanyang mga kasama.

“Nagmamadali iyong umalis, Rosie. Uuwi daw muna siya ng Alegria. Pumunta sa classroom mo para magpaalam.”

Diretso kong kinuha ang cellphone ko.

“Ganoon ba? Wala kasi kaming pasok sa period na ‘to kasi may sakit ang prof. Tawagan ko na lang…”

Tinalikuran ko sila at niyakap ang mga libro ko. Sa pangatlong ring ay sinagot niya ang tawag.

“Hello, Jacob…”

“Rosie, nasan ka? Walang tao sa classroom ninyo.”

“Nandito ako sa inyo. Sina Leo lang ang naabutan ko. Ba’t ka uuwi ng Alegria?”

And he’ll probably miss his subjects today and tomorrow too. Hindi ko na binanggit. Alam kong ganito rin naman ang mangyayari.

“Babalik ako diyan… Diyan ka lang…” aniya at binaba ang cellphone.

“Anong sabi, Rosie?” tanong ni Leo.

Humilig ako sa dingding ng kanilang classroom.

“Babalik daw siya dito. Dito na lang ako maghihintay.” Ngumisi ako kay Leo. “Salamat.”

Hindi siya ngumisi pabalik. Seryoso ang kanyang mga mata at parang may gusto pang sabihin. Nang sa wakas ay nakapag desisyon. “Rosie, mukhang may problema sa nakaraang deal ni Don Juan Antonio, e. Kaya namomroblema si Jacob sa farm nila…”

Nagtiim bagang ako. Matagal ko nang nararamdaman iyon ngunit naniniwala akong magiging maayos parin. “Maaayos siguro ‘yan ni Jacob…”

Tumango si Leo. “Sana nga. Bumili pala ng lupa si Don Juan sa likod ng Trucking ninyo. Twenty Hectares lahat ng binili niya…”

Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam iyon. Ekta ektarya na ang pag aari ni Jacob at para saan pa ang bente ektaryang binili ni Don Juan bago siya pumanaw?

“Rosie…” tawag ni Jacob dahilan kung bakit natigil ang pagkamangha ko.

Tumuwid ako sa pagkakatayo. Mabilis siyang tumabi sa akin at inangat niya ang aking baba para makuha ang buong atensyon ko. My heart skipped a beat. Talaga naman…

“Tapos ka na ba sa klase mo? Uuwi muna ako ng Alegria, may kailangan akong asikasuhin…”

Umiling ako. Ang tanong ay tapos na ba siya? May pasok pa siya, ah. Pero hindi ko na sinabi dahil alam ko kung ano ang priority. “Jacob, ikaw na lang. May pasok pa ako ‘tsaka wala akong maitutulong sa’yo. Alam mo namang wala akong alam sa negosyo…”

“Bukas pa ako uuwi ng mga hapon. Paano ka?”

Kung anu ano na ang nangyayari, ganito parin siya. Napangiti ako.

“Tatawag ako pagka uwi ko. Ayos lang ako. Babalik ka naman bukas…”

“Okay… Ihahatid na kita sa sunod mong classroom bago ako umalis…” sabay hawak niya sa librong dala ko.

Hinayaan ko siya sa gusto niyang mangyari. Gusto ko rin sanang isingit ang gig offer ni Kira sa akin para sa susunod na linggo pero tingin ko ay hindi ito ang tamang oras para doon.

“Okay lang ba ang farm?” tanong ko habang hinahawakan niya ang kamay ko.

Ilang sandali pa bago siya nagsalita. “May utang si daddy na ilang milyon dahil may binili siyang lupa malapit sa trucking…”

“Hindi ba ay inyo iyong likod? Anyway… huwag mo na lang kasi munang asikasuhin ang trucking. Ang importante, maayos mo iyong farm…” sabi ko.

Tumango siya. “Ang budget para sa trucking ipang aayos ko sa utang pero kulang parin iyon.”

“O, anong problema? Bakit ka uuwi?” tanong ko ng nakataas ang kilay.

“Pansamantala kong ipapasarado ang Kampo Juan dahil kulang sa tao. Napeste ang mais. Hindi ko alam na hindi naghanda si daddy ng pangontra bago siya naaksidente. Hindi kami makakaabot sa…”

Natigil na ako sa paglalakad dahil sa pakikinig sa kay Jacob. Mukhang maraming problema. Hinila niya ako para makapaglakad ulit.

“… sa deadline na gusto ng bagong ka deal ni daddy.”

“Paano ‘yon?” tanong ko.

Umigting ang panga ni Jacob. “Magbabawas muna ako ng tao para hindi lumaki ang utang.”

Napalunok ako. I really think he should concentrate on his business. Ginapangan ako ng kaba ngunit binalewala ko iyon. Kaya ‘to.

Tumingkayad ako para mahalikan siya sa pisngi. Natigil siya sa mga iniisip niya at ngumiti sa akin. Damn that smile. I smiled back at him. Hinapit niya ang aking baywang at hinalikan niya ako sa noo.

“Uuwi din ako bukas, okay. Tawag ka kaagad pagkauwi. Huwag kang magpapamiss masyado…”

Humalakhak ako. “Oo na! Sige na… Papasok na ako,” sabay turo sa loob ng classroom.

Kumaway ako sa kanya. Kumaway rin siya sa akin. Hinintay kong makaalis siya ngunit sinenyasan niya akong kailangan ko ng pumasok. Mukhang di siya aalis hangga’t hindi ako nakakapasok.

Pagkapasok ko ay umupo kaagad ako sa arm chair. Nasa kay Jacob pa ang isipan ko nang tumunog ang cellphone ko. Nakita kong tumatawag si Maggie.

Umirap ako at tamad na sinagot ang tawag.

“Yes?” sabi ko habang nag aayos ng gamit.

“Rosie, t-tumawag si papa…” ani Maggie.

“Tapos?” wala sa sarili kong tanong.

“Na ospital daw si mama.”

Natigil ako. Hindi ma proseso sa utak ko iyon.

“Anong nangyari kay mama?” Tumaas ang tono ng boses ko.

Napatingin ang ilang kaklase ko sa akin. Pumikit ako ng mariin at nilagay ang kamay sa aking noo.

“Ilang buwan nang tinago ni papa sa atin na madalas magkasakit si mama. Kanina daw, nanigas daw si mama h-habang natutulog. Kaya isinugod na sa ospital…” nanginginig ang boses ni Maggie.

“O tapos? A-Ano daw? Anong nangyari?” Halos bumukas na ang dibdib ko sa kaba.

“Nag complicate daw ang hypertension niya. Mild stroke-“

“Hypertension? Bakit hindi ko alam ‘yan?” Gusto kong sumbatan si Maggie kahit alam kong wala rin siyang alam.

“Hindi ko rin alam! Hindi sinabi ni papa!”

What the hell?

“Tapos? Kamusta na?” Nangilid ang luha ko ngunit nanatiling matapang ang boses ko.

“Hindi ko pa alam. Iyon pa lang sinabi ni papa.”

“Mag, tawagan mo naman o!”

Dumating ang propesor namin. Hindi ko na alam kung lalabas ba ako at uuwi. Ano naman ang maitutulong noon?

“Sige na… Mag usap tayo pag uwi ko…”

Binaba ko ang cellphone kahit marami pa akong tanong. Nagtipa kaagad ako ng message para kay Jacob. Bahagya pa akong nag dalawang isip. Marami siyang problema tapos sasabihin ko pa ang problema ko?

Ako:

Jacob, naospital daw si mama sa Gore. 🙁 Saan ka na? Ingat ka pauwi ha? Sa likod ka umupo.

Nanghihina ako. Pero kaya ‘to, alam ko.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading