Baka Sakali 3 – Kabanata 3

Kabanata 3

Takot

Mabuti na lang at nagpasya sina Ava at Karl na manatili muna sa bahay. Pakiramdam ko kapag kami lang ni Auntie dito wala akong gagawin kundi ang umiyak.

“Malay mo, makakahanap ka ng iba, ‘di ba? ‘Tsaka ano ba naman ‘yan, masyadong late reaction…” ani Ava sabay ngisi.

Alam kong pinapagaan lang nila ang aking pakiramdam. Ngumiti rin ako pabalik.

Tiningnan ko si Auntie Precy habang nagliligpit ng mga pinggang tapos na naming hugasan kanina. Nasa sala na kami nina Karl at Ava at nanonood ng TV. Hindi naman mapirmi ang mga mata ni Karl doon dahil sa mga photo album na kinuha niya galing sa aming cabinet.

“Hindi ko lang talaga nabigyan ang sarili ko ng pagkakataong tanggapin ang lahat. Kailangan ko ng sampal,” sabi ko sabay yakap sa throw pillow.

Napatingin ako kay Ava na nakatingin rin kay Auntie Precy.

“Ilang taon na ang Auntie mo? Hindi na ba talaga siya mag-aasawa? I mean, sayang at ang ganda niya…”

Bumaling ulit ako kay Auntie. Lahi nina papa ay may mapuputi at makikinis na balat. Ang mga labi ni Auntie ay pulang pula kahit na walang lipstick, tama ang hubog ng kanyang kilay, ang tangos ng ilong ay kasing hugis sa akin, at hindi man lang tumaba o ano.

“Hindi ko alam.”

Umiling ako.

“Magkamukha talaga kayo ni Auntie Precy, ‘no, Rosie? ‘Yong kaibahan ninyo lang ay ‘yong buhok. Kulot ang dulo ng sa’yo samantalang straight naman hanggang dulo ang kanya,” singit ni Karl habang tinitingnan ang mga larawan sa isang photo album na hindi ko pa nakikita.

Kumunot ang noo ko. Marami kaming photo album dito at sa Alegria pero ang hawak hawak ni Karl ay ngayon ko pa lang nakita. Kulay puti at medyo inaalikabok ito. It’s like a wedding photo album.

“Patingin?” sabi ko sabay abot nito.

“Saglit lang. Kakasimula ko pa lang…” sabi niya.

Nagsiksikan kami sa aming sofa. Nakita ko ang mga lumang picture. May ilan sa kanilang black and white pa.

“Saan mo ‘to nakuha?” tanong ko.

“Diyan sa kabinet ninyo. Bakit?” ani Karl.

“I’ve never seen this before…”

“Si Don Juan Antonio ba ito?” sabay turo ni Karl sa lalaking katabi ni Auntie Precy.

Nanlaki ang mga mata ko. I’ve seen Don Juan Antonio’s pics noong kabataan niya pero hindi ganito ka bata sa picture na ito. They’re like 15 or 16 years old.

“Oo!”

“Kamukhang kamukha niya si Jacob!”

Tumindig ang balahibo ko. They were so alike. Ang hugis ng mukha, ilong, labi, tikas, lahat ay parehong pareho.

Nilingon ko si Auntie. Hindi pwedeng si Maggie ang kumuha nito sa Alegria.

“Auntie, ikaw ba ang nagdala nitong photo album?” tanong ko.

Kitang kita ko ang gulat sa kanyang mga mata nang makita ko iyon. Lumapit siya sa amin. Akala ko ay magagalit siya pero pumungay ang kanyang mga mata.

“Kamukhang kamukha ninyo po pala talaga si Rosie…” ani Ava kay Auntie.

“Uh-huh. Mas maputi nga lang yata siya ng kaonti sa akin.”

Ngumuso ako at bumaling ulit sa mga pictures. Sa sunod na mga pahina ay nakita ko na ang mga pictures ni Auntie noong nag aral siya sa Maynila.

“Wala ka po bang naging suitor kahit noong nag aral ka sa Maynila, Auntie?” tanong ni Ava.

“Mayroon naman pero…” nagkibit siya ng balikat.

Kinagat ko na ang labi ko. Hindi ko maipagkaila ang pagkakaparehas namin ni Auntie.

“Si Rosie din. Noong nag hiwalay sila ni Jacob, maraming nanligaw agad. Iyong iba kasama pa niya sa pagmomodel, mga gwapo pero walang-“

“I needed to concentrate on my studies. At isa pa, hindi ko hiniwalayan si Jacob dahil hindi ko na siya mahal.”

Tumikhim si Karl at umiling na lang.

“So si Don Juan Antonio lang talaga?” tanong ni Ava. “Wala bang kahit muntikan na? Kahit isa lang? Kahit noong nag asawa na si Don Juan, wala bang nagtangka sa Alegria?” Halos dinig ko na ang pag aalala ni Ava sa kanyang boses.

Huminga ng malalim si Auntie. Kitang kita ko ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. I get it. Three years and it’s still fresh. Mas okay na iyong ganito. Mas okay na na may iba na lang si Jacob. Mas okay na may mahalin siyang iba.

Tumayo ako at dumalo kay Auntie. Niyakap ko siya at nginitian.

“Mayroon namang mga manliligaw din sa Alegria, pero iba talaga, e.” Nanginig ang kanyang boses.

Natahimik si Ava. Pumikit ako ng mariin at hinagod ang likod ni Auntie.

I can feel her pain. Ngunit alam kong dulo lang ito ng tunay na intensidad ng sakit na nararamdaman niya ngayon. And I have no right to claim that I know what she’s feeling because I don’t. Eto ngang nadulas lang si Jacob sa aking mga kamay, halos mawasak na ako. Paano na lang kung iyong nawala na talaga siya mismo. I can’t do that.

Or maybe because it’s still fresh for me too.

Pinunasan ni Auntie ang kanyang luha. Bumaling siya sa akin.

“Hindi ko talaga nasabi sa kanya ang tunay kong nararamdaman, Rosie…” aniya.

Parang pinipiga ang puso ko. Hindi ako nakapagtanong kung ano talaga ang tunay na estado sa kanila ni Don Juan Antonio. I admit it, siguro ay talagang preoccupied ako sa sarili kong buhay, sa sarili kong sakit… kaya halos wala akong pakealam sa ibang taong nakapaligid sa akin. I don’t care about their pain. I only care about mine… and Jacob’s…

“Kahit noong nakabalik na siya galing Maynila. Kasi… may Cielo na, hindi ba. I was happy for him. I’m happy when Jacob was born. Ibinaon ko lahat lahat ng sakit sa ilalim ng puso ko dahil ayaw ko nang bulabugin pa ang nakaraan,” aniya.

Niyakap ko uli siya. I don’t have to look at her eyes to see her feelings. Mga salita niya pa lang, alam ko nang masakit.

“Kahit noong namatay si Cielo, hindi ko parin nasabi sa kanya na naghintay ako. Even years after Cielo died, I never once told him that I am still… here…”

Nanginig na ang balikat ko. I know where this is going and I have to really face it.

“At ayaw kong magaya ka sa akin. There’s no chance now. Kaya ikaw, kahit hindi ngayon… Kahit antayin mo na kaya mo nang harapin siya at tunay kang masaya para sa kanya. You have to tell him what you really feel about him. Huwag mo nang isipin kung sino ang may kasalanan, you ended it for the greater good, Rosie.”

Tumango ako at bumuhos ang mga alala sa lahat ng nangyari mahigit tatlong taon na ang lumipas.

Pumikit ako ng mariin at niyakap pa lalo si Auntie Precy.

Natigil ang halik ni Jacob sa akin nang may kumalabog sa pintuan. Galit na galit ako para sa kasambahay o kung sino mang kumakatok ng hindi iniisip kung nakakaistorbo ba.

Nagpatuloy si Jacob sa paghalik sa akin at ganoon rin ang katok. Bahagya ko siyang tinulak. I’m not like him. Hindi ko kayang may kumakatok habang nag hahalikan kami sa kwartong nilaan niya para sa akin.

Suminghap siya at ginulo ang buhok.

“Sino ‘yan?” sigaw niya.

“Sir! Si Joy po ito! May tawag kay Nic…” Hinampas ulit ng kasambahay ang pintuan.

Inayos ko na ang damit ko. Mukhang seryoso ito pero bumalik lang si Jacob sa kama at walang pakealam. Tumayo ako kahit na hinila niya ako pabalik. I need to at least know what it is all about.

“Rosie!” tawag ni Jacob.

Binuksan ko ang pintuan. Maliit na bukas lang at nakita ko ang nagpapanic na mukha ng kanilang kasambahay. Sa kanyang kamay ay kanyang cellphone.

“Oh, bakit?” tanong ko.

“Kasi po ma’am, tumawag si Nic, kailangan kausapin si Jacob… Nabangga po kasi ang Ranger nila pabalik na dito…”

Unti unting kumalabog ang puso ko. May hangganan talaga ang kasiyahan. Mukha pang hindi iyon narinig ni Jacob kaya nang nilingon ko siya ay nakatingin lamang siya sa akin na parang wala.

“Anong sabi?” tanong niya.

Napalunok ako sabay tingin ulit sa kasambahay.

“Sinong sakay ng Ranger at… saan naman nabunggo?”

Tumayo na si Jacob at binuksan ng malaki ang pintuan ng kwarto ko. Nakatingin na siya kay Joy at naghihintay ng sagot.

“Anong sinabi mo?” tanong ni Jacob.

“Nabangga daw po ‘yong Ranger, teka lang…” nilagay ng babae ang cellphone sa tainga pero naglahad ng kamay si Jacob.

Binigay ng kasambahay ang cellphone at si Jacob na mismo ang kumausap sa kabilang linya. Hindi ko alam anong gagawin ko. Ang gusto ko lang malaman ay kung sino ang sakay at kung gaano kalala.

Hindi ko alam pero kalmado ang mukha ni Jacob habang nakikinig sa cellphone. Gusto ko siyang yugyugin dahil sa pag aalala ko.

“Saang ospital?” tanong niya.

Halos nalulunod na ako sa kaba ngunit kalmado parin siya. Umigting ang panga niya at napatingin siya sa akin.

“Sige. Pupunta ako diyan.”

Binaba niya kaagad ang cellphone. Lumabas siya sa kwarto ko at dumiretso sa kanya. Sinundan ko siya at tinawag. Kalmado parin siya pero pirmi ang kanyang kilos.

“Jacob anong sinabi?” tanong ko nang pumasok siya sa kanyang kwarto.

“Nadisgrasya si daddy. Kritikal… Nasa ospital ng San Gabriel…”

Nalaglag ang panga ko. Hindi pa ako nakagalaw. Hinayaan ko siyang magbihis. Nang nahimasmasan ay mabilis akong tumawag sa kay Maggie para ibalita at para magpaalam na sasabihin ko iyon kay Auntie Precy.

Sumama ako kay Jacob sa San Gabriel. Tahimik ang buong byahe namin at hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Ako mismo ay kabado at hindi mapakali.

“Jacob.”

I can’t tell him how scared I am because I know he’s scared too. I know deep inside he’s so scared! At hindi ko alam kung paano gayong kaming dalawa ang takot.

“Magiging maayos si Tito. Tinawagan ko si Auntie at pupunta rin siya mamaya. Sinong nagmamaneho?” tanong ko.

“‘Yong isang driver namin…” aniya sabay tingin sa akin. “Sa front seat daw si daddy, e.”

“Anong nakasagasa? At paano nangyari?” Halos manginig ang boses ko.

“Isang truck ng mga nag la-logging. Mabilis daw ang patakbo ng truck at mabilis din ang Ranger…”

Pumikit ako ng mariin. I can’t imagine it. I don’t want to.

Sa ospital ay nauna na si Auntie Precy. Papa Maynila ang byahe ng Ranger nina Jacob nang na aksidente ito. Ligtas ngunit kritikal ang driver nina Jacob ngunit pagdating namin ni Jacob sa ospital, patay na si Don Juan Antonio…


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d