Baka Sakali 3 – Kabanata 5

Kabanata 5

Liability

Umuwi muna ako sa amin para makausap si Maggie. Gusto ko ring makausap si papa sa Skype at magtanong kung kumusta na sila doon.

Pareho kaming depressed ni Maggie sa nangyayari pero ayaw namin iyong ipakita. Lalo na kay Papa. Kailangan naming maging matatag.

“Pa, kumusta?” tanong ko at tumabi kay Maggie para makita ng mabuti ang screen ng laptop.

“Nasa ospital pa ang mama ninyo.” Iyon lamang ang sinabi niya.

“Kumusta na siya? ‘Tsaka, uuwi ba kayo? K-Kamusta na siya?” frustrated na sinabi ni Maggie.

Hinawakan ko ang braso ng aking kapatid. We need to calm down. Lalong lalo na sa mga sitwasyong ganito.

“Maayos na siya ngayon. Salamat sa Diyos at mild lang-“

“Ano ba kasing nangyari?” ani Maggie.

“Noong isang araw kasi, nag birthday iyong Pinoy kong natrabaho. Naimbitahan kami sa kanila at may lechon. Miss na miss na ng mama ninyo ang lechon kaya naparami…” ngumiti si papa.

Hindi ko parin makuha ang humor doon. I know he’s just smiling para gumaan ang loob namin.

“Hindi ko naman inakala na ganoon ang mangyayari. Nagising na lang ako ng mga madaling araw, tapos nakita ko siya… sinugod ko siya sa ospital. Mabuti at naagapan. Maayos na siya ngayon pero pansamantalang mananatili dito sa ospital. Hindi pa niya masyadong maigalaw ang kanang kamay.”

Dumapo ang kamay ko sa aking bibig. I can’t believe that my mother is in this state. Masiyahin at masigla si mommy. Ang marinig na ganito siya ngayon ay nakakapanlumo.

“Hindi malala kaya huwag kayong mag alala. Nag panic lang ako. Maayos ang lagay ng inyong ina. Natutulog siya ngayon pero pagkagising niya, tatawag ulit ako sa inyo.”

“Hindi ba kayo uuwi?” tanong ni Maggie ulit.

“Maggie, alam mo namang wala pa kaming ipon para gawin ‘yan…”

“Hindi na po ako mag aaral muna. Magtatrabaho na lang po muna ako. Kahit si Rosie na lang muna ang pag aralin, umuwi lang kayo…”

Huminga ng malalim si papa. “Gaya ng sabi ko, napag usapan na namin ng mama ninyo kanina ito. Ayaw niyang umuwi. Gusto niyang magtrabaho dito. Magpapahinga lang daw muna siya. Gusto niyang tapusin ang lahat ng ito. Iyong pag aaral ninyo at pangarap din niyang magkaroon tayo ng sariling bahay.”

“Pero pa…” apila ni Maggie.

Napapikit ako. Hindi ko alam kung paano ito. Alam kong hindi magpapaiwan si papa sa New Zealand. Parati silang magkasama ni mama. Alam ko rin na ayaw ni mama na umuwi ng di kasama si papa. At ayaw rin ni mama na umuwi dahil maghihirap kami. Ano ngayon kung maghirap? Ang importante ay maayos kami.

“Maggie, ayaw ko nang guluhin pa ang isip ng mama ninyo. Mamaya mas lalo lang siyang magkasakit pag pinagpilitan ko. ‘Tsaka sabi ng doctor, she’s okay now. Huwag lang kumain ng grabe. At magiging normal din siya in time kapag nakapag pahinga ng maayos.”

But mild stroke isn’t a joke.

“Titigil po muna ako. Mag tatrabaho na lang muna ako-“

Pinutol ako ni Maggie. “Ako ang magtatrabaho. Tutal ay naka ilang tigil na rin ako, Rosie. Sayang naman ‘yan kung di mo itutuloy.”

“Pero Maggie, maghihirap lang tayo. Pwede naman tayong magtrabahong dalawa para maka uwi si mama at papa dito…”

“Oo nga, pa…” sabay tingin ni Maggie sa laptop.

Umiling si papa. “Aantayin ko na lang kung kailan makukumbinsi ang mama ninyo. Sa ngayon buo parin ang loob niyang manatili kami dito. Hindi na muna siya makakapagtrabaho…”

Nakakapanlumo ang lahat. Hindi ko alam kung paano mapipilit si papa at mama na umuwi. Alam kong susunod si papa sa kung anong gusto ni mama at kung gusto ni mama’ng manatili, wala na kaming magagawa.

Tulala kaming pareho ni Maggie sa sala pagkatapos ng tawag. Naiisip ko ang mga pwede kong pasukang trabaho. Naisip ko rin ang pag aaral na iiwan ko. Naisip ko rin si mama at papa. Naisip ko kung anong mangyayari sa lahat.

“Rosie…” ani Maggie kaya nawasak ang katahimikan. “Ganito, mag tatrabaho ako para sa gastusin sa bahay. Huwag na muna tayong manghingi kay papa ng pera. Kailangan niya iyon para sa gamot ni mama.”

“Mag tatrabaho na rin ako-“

“Hindi!” iritado niyang sinabi. “Tutal ay may trabaho ka naman, hindi ba? Kahit na nag aaral ka, nag momodeling ka. Gamitin mo ang pera mo sa pagmomodel sa pang matrikula mo. Allowance. Huwag mo nang isipin ang bahay…”

Alam kong mahirap ito kay Maggie. Pangalawang tigil niya na ito kung sakali. Kaya ko namang magsakripisyo. Manghihinayang ako. Pareho naman kaming nanghihinayang. Pero alam ko ang mga priorities.

“Maggie, kaya ko ring magsakripisyo-“

“Ako ang Ate mo kaya hayaan mo ako. Ako ang masusunod pag wala si mama at papa at sinasabi ko sayo ngayon na ako ang bubuhay sa’yo, pansamantala. Ako muna ang magbabayad sa gastos, Rosie. Kumpara sa ating dalawa, ikaw ang mas angat sa pag aaral dahil ilang beses akong tumigil kaya mauuna ka.”

“Hindi naman yata tama ‘yan. Palagi na lang bang ikaw ang magsasakripisyo?” galit kong sinabi.

“Oh please! I know you also want to finish your studies fast. I know you can do it, Rosie. Kaya huwag ka nang mag reklamo at sumunod ka na lang. Don’t worry, I’ll let you pay for this in time. Kapag tapos ka na at ako naman ang mangailangan, alam kong hindi mo ako tatalikuran kaya sige na.”

Gulong-gulo ang isip ko. Ganunpaman ay nagpatuloy ako sa pag-aaral. Mas lalo kong pinagbuti.

Iba talaga kapag nag aaral ka ng may purpose kumpara sa wala. Mas inspirado ka.

Hinalikan ako ni Jacob sa labi nang pabagsak siyang humiga sa aking kama. Nilingon ko siya. Nakapikit na siya sa aking tabi.

Dinampian ko ng halik ang kanyang labi. Mas lalo lamang niya akong nilapit sa kanyang dibdib at ilang sandali ay naging pirmi na ang kanyang paghinga.

He’s asleep.

Siguro ay pagod sa pabyahe byahe. Mabuti na lang at tapos na ang semester na ito. Madugong semester at marami kaming pinag daanan pero kaya parin kahit paano.

“Jacob, may gig nga pala ako mamaya…” sabi ko pero alam kong tulog na siya.

Nasabi ko na sa kanya ito. Hindi naman niya ako pinagbawalan at nasanay na siya. Only that he wants to be with me always. Pero paano ito ngayong gayong tulog siya at mukhang pagod?

Nakatutok ako sa cellphone ko, nag aantay kay Jacob. Kumpleto na ang make up at damit ko. Kakagising niya lang kanina at papunta na raw siya dito.

“Brandon!” sigaw ng mga kaibigan kong model.

Napatingin kaagad iyong iba sa akin. Nagkatinginan kami ni Brandon. He’s his usual self. Nakatali ang buhok niya ngayon at ang kulay silver na tuxedo ay magandang tingnan sa kanya.

Ilang gig na rin na nagkikita kami at saludo ako sa kanya. Walang awkwardness sa aming dalawa. Maybe because of his happy go lucky attitude, huh?

Isa kami sa mga finale. Nasa isang room lang kami at naghihintay na magsimula at magkaroon ng signal para sa amin. Jasmine isn’t around. I heard, she pulled out on this agency.

“You look tensed…” ani Brandon.

Nag-angat ako ng tingin sa kanya. “Wala pa si Jacob…”

Nang nakatanggap ako ng text ay tumuwid ako sa pagkakaupo. Lumapit si Brandon sa akin at dinungaw lamang ako.

“Brandon, so you really did sign up for that international stint?” biglaang pambungad ni Kira sa hamba ng pintuan.

Lumapit siya sa amin ngunit hindi ko mapirmi ang atensyon ko sa kanila.

“Yup… Kaya wala ako sa susunod ninyong gigs… By the way, invite your models this coming May. May offer si Mr. Valenzuela sa akin. Kinagat ko na para naman hindi boring pagbalik ko sa Tagaytay!” Tumawa siya.

Jacob:

Papunta na ako. I’m sorry, pagod na pagod ako.

Ako:

Okay lang… Sana hindi ka na lang nag abala. Mas okay sa akin na makapagpahinga ka.

“Para saan?” tanong ni Kira.

Nag angat ako ng tingin kay Brandon. Nagkibit siya ng balikat kay Kira at sumimsim sa canned energy drink.

“I’m not quiet sure if it’s a pageant or just a contest. Basta, alam ko he’s inviting amateur models to join. It’s for V Malls catalogue. Malaki ang premyo at sa Tagaytay gaganapin. I’m just there to host the venue of the event… I’ll send you the details soon.”

Bumaling si Brandon sa akin.

Kumunot ang noo ko. “Aalis ka sa agency?” tanong ko.

“Hindi naman aalis pero may stint ako sa ibang bansa so… I’ll be there for siguro a month…” Nag ngising aso siya. “Why? Are you going to miss me?”

Umirap ako at tumawa. “Seriously, Brandon. International?”

“Hay! Nagulat ka pa e alam mo namang international model iyan. Hindi ko alam bakit rumarampa pa ‘yan dito sa Pinas!” Tawa ni Kira.

“Babalik naman ako, Kira. Tulad ng dati…”

“That’s a good offer…” Hindi ko maiwasang mainggit. Kapag may international offer, ibig bang sabihin malaking pera ang makukuha? Malamang. Malamang mas malaki sa nakukuha dito.

“Yup…” Tumango si Brandon sa akin.

“Uy, teka! Sige na mag retouch na muna dahil nagsisimula na ang una…” ani Kira sabay palakpak.

Naging abala ulit kami sa backstage. Habang minimake upan ako ay panay ang tingin ko sa cellphone ko para sa text ni Jacob.

Jacob:

Traffic. Makakaabot pa ba ako?

Ako:

Huwag kang mag madali. Ayos lang… Please…:)

Ilang sandali ang nakalipas ay tinawag na kami. Wala pang text galingkay Jacob. Siguro ay nasa byahe parin siya.

“Ano ba, Rosie? Isasama mo ba ‘yang phone mo sa ramp?” sigaw ni Kira.

Ngumiwi ako at nilagay iyon sa drawer ng tukador. Lumabas na ako ng backstage para maghanda. Hindi ko alam kung makakaabot pa ba si Jacob pero ayaw ko siyang ipressure.

Nang nagsimula nang mag dim ang lights at mag slow ang music, alam ko nang kami na. Ang suot ko ay isang puting flowing gown. Long sleeve ito at conservative ang harap. Ang deep V back nito ang highlight dahil naroon ang mga intricate designs na gawa ng designer namin ngayon.

“Go Go! Brandon!” sigaw ni Kira at nauna na doon si Brandon sa mga lalaki.

Sumilip ako sa labas. Maraming tao at pormal lahat. Hindi ko mahanap si Jacob.

Nang tinawag na ni Kira ang mga babae ay inalis ko na sa isipan ko ang lahat. I’m doing this to earn so I should concentrate.

Nang ako na ang naglakad, gustuhin ko mang luminga linga para kay Jacob, hindi ko ginawa. I need to be serious on this. Kung gusto kong magka offer ako ng tulad kay Brandon, kailangan kong seryosohin ang lahat ng ito.

Dahan dahan ang paglalakad ko. Sinasalubong ko ang matitingkad na kulay sa madilim na paligid. I abandoned all my thoughts. Ang tanging nasa sistema ko na lang ay ang pagrampa at pag project sa mga camera.

Nang bumalik ako sa backstage ay ‘tsaka pa lang ako nakahinga ng malalim. Hindi pa nga ako nakalma ay pinalabas ulit kami para sa pagpapakilala sa designer. Sumunod ako, mas relax na ngayon.

Pinasadahan ko ng tingin ang crowd pero wala akong nakitang Jacob. I’d like to think that he’s just somewhere I couldn’t see.

Ilang sandaling nagsalita ang designer habang naroon kami sa stage. Bumalik na lang kami ay hindi ko parin nakita si Jacob. Nang nakarating sa backstage ay tumakbo agad ako sa aking cellphone.

Jacob:

Kararating ko lang.

Jacob:

Tapos na?

Marahan akong pumikit. Ngayon lang iyong mensahe niya. Nahuli na siya.

“You need to be really good in this industry…” pagalit na singhal ni Kira para sa isang modelo.

Napalingon ako at nakita kong iyong bagong recruit na 16 years old ang pinapagalitan niya.

“Kailangan mong mag seryoso! At bakit ka linga ng linga doon sa gitna? Nagmukha kang tanga! Finale pa naman sana!” sigaw niya.

“Kira! Calm down…” ani Brandon.

Hindi ko alam kung anong nangyayari pero hindi na ito bago sa akin.

“Kung may pangarap ka palang mag international, dapat mas magaling ka pa diyan. Consider this as your experience! And you should learn from it. Marami ka pang kakaining bigas kaya wag kang mag mayabang…”

“Kira…” pigil ulit ni Brandon.

Nagkatinginan kami ni Brandon. Mabuti na lang at hindi talaga ako luminga linga kanina. Malaking event ito kaya sobrang pressured ang mga organizers at ang buong agency.

Magsasalita na sana ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Mabilis kong sinagot ito sa pag aakalang si Jacob ngunit nang nabasa kong si Auntie Precy iyon ay natigilan ako saglit. Umalis ako doon para sagutin iyon.

“Hello, Auntie…” sabi ko.

Hindi ako magtatagal sa tawag dahil kailangan ko pang tawagan si Jacob.

“Rosie… kumusta?” tanong ni Auntie.

It’s weird that she’s calling just to ask this. Alam kong hindi weird mangumusta pero hindi lang ako sanay. Minsan ay tumatawag siya pag may ibabalita o kung pinapapunta niya kami ng Alegria.

“Okay lang. Nasa gitna ako ng trabaho, Auntie…”

“Magkasama ba kayo ni Jacob?” tanong niya sa nag aalalang boses.

“Hmmm. Nasa labas po siya, bakit?”

Kumalabog ang puso ko. Hindi ko alam kung anong mayroon.

“Hindi ba kayo pupunta ng Alegria ngayon?”

Litong lito na ako. Ngayong summer, hindi pa ako nakakapag desisyon kung kukuha ba ako ng subjects (para mas mabilis gumraduate) o tumigil at mag antay ng June (para iwas gastusin) kaya hindi pa ako makapag desisyon.

“Bakit? Kakarating lang ni Jacob dito, e. Baka sa makalawa na at sasama ako.”

“Kasi tumawag ang kasambahay nila. Pinuntahan daw ng bangko iyong mansyon nina Jacob, Rosie!”

Hindi ako nakapagsalita. “Para saan?”

“Dahil doon sa deal ni Juan Antonio sa isang bagong corpo. Iyong tinanim niya sa 20 hectares na lupa ay napeste gaya ng maisan nila kaya mas lumaki ang utang. Ang sabi ni Manang, inuna daw ni Jacob iyong trucking mo kaya iyong perang sana pwedeng ipambayad sa pananim ay naubos sa trucking.”

Nasapo ko ang aking noo. Hindi ko alam kung saan tungo ito.

“Pumunta iyong bango at pinagpipilian kung alin ‘yong kukunin pansamantala habang di pa nakakabayad si Jacob sa utang ni Juan Antonio…”

Kinagat ko ang labi ko. “Anong kukunin?”

“Alin man sa pag aari nila. Sana ay ibigay niya muna ang trucking since liability ito sa ngayon.”


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: