Baka Sakali 3 – Kabanata 21

Kabanata 21

Poison To Me

Hinatid ako nina Ron at April sa Bahay ni Lola. Laking gulat ko ng gising pa si Auntie Precy. Hindi raw siya makatulog dahil wala pa ako.

“Asus, si Auntie! Sorry po! Sige na, matulog ka na. Nakakauwi naman talaga ako dito sa Bahay, a? Kahit noon,” sabay ngiti ko.

“Ayos lang noon, Rosie. Nandyan si Jacob. Ngayon…” Pagod niyang sinabi sabay pikit ng mga mata sa kawayang upuan.

Napawi ang ngiti ko at bahagya akong natulala. Yeah, right.

“Auntie, mauna na ako sa taas. Matutulog na ako…”

Kung hindi lang ako uminom ay siguro dilat ako buong gabi. Mabuti na lang talaga at natamaan ako. Hindi kaya ng pagod talunin ang lahat ng iniisip ko.

Kinabukasan ay naglinis ulit ako sa bahay. Hiyang hiya ako kay Auntie dahil na late tuloy siya sa pagpasok dahil sa pagpupuyat kagabi.

Pagkatapos kong maglinis ay naligo at nagbihis na ako.

Aalis ako ngayon. Naisip ko kasing maaaring bukas dito na lang muna ako sa bahay. Araw araw kasi akong lumalabas para mamasyal. Iisipin ko na ring pahinga na iyong bukas para sa Sabado ay hindi ako masyadong strained.

Isang itim na bohemian cropped top at faded high waist shorts ang suot ko. Isang maliit na bag para sa cellphone at kung ano pang kailanganin at naka tsinelas lang ako. One thing I remembered about their plantation: maputik. I don’t want to risk my shoes.

Pwedeng dumaan sa Kampo Juan patungo sa plantation. Gusto ko rin sanang maaninag ang ganda ng Kampo Juan ngayong may araw pa pero mahihirapan lang ako doon. Maaari kasing makasalubong ko pa doon si Jacob pag doon ako dumaan kaya minabuti kong dumiretso sa short cut.

“Sa farm po ng mga Buenaventura…” sabi ko sa driver ng tricycle.

Tinanong pa ako kung aling entrance at sinabi ko iyong tanging entrance na alam ko. Doon ako nag antay kay Jacob noon para makagawa kami ng thesis. I can’t help but reminisce.

Nang binaba ako ng driver sa tamang lugar ay parang gusto ko nang mag back out. Ang damo ay mahahaba na at ang mga punong kahoy ay mas malalaki. It’s amazing how everything in this place matured.

Hawak hawak ko ang sling ng bag ko papasok sa matalahib na entrance. Naninikip ang dibdib ko. I remember it so clearly. I waited here for Jacob. Nang dumating siya, may dala siyang itim na kabayo at sinakay niya ako doon.

Sabi niya, malayo daw iyong pupuntahan namin. Doon pa kasi iyon sa kung saan mas malalim ang ilog.

Sa malawak na bahagi ng lupain ay tanaw ko ang taniman ng mga mais. Kitang kita sa mga tanim na malapit na ang harvest. Tumingala ako sa langit dahil pansin ko ang dilim. Alas tres pa lang ng hapon pero medyo makulimlim na. I should go back but… I feel like if I did, it means I’m not ready to face this yet.

Ang pagpunta ko sa kubo ay ang simbolo ng pagpapalaya ko kay Jacob. Kahit na masakit. Kahit na naiinis at nagagalit ako. I will never deny my anger. At hindi ko rin alam para kanino talaga iyon. Is it for Jacob? For not choosing me? For allowing us to stay like this? For Felicity? Because she’s the new love of Jacob? For myself? For holding on so tight when I shouldn’t?

Tingin ko, kailangan kong maramdaman ang lahat para matauhan ako. Kailangan ko ang lahat ng ito.

Mahabang lakad ang nangyari. Sa gilid ng sapa lang ako naglakad. Habang tumatagal ay palapad ito ng palapad.

Fifteen minutes of walking brought me to their pineapple plantation. Lahat ng tanaw ko ay puro mga matutulis na korona ng pinya. Sa malayo ay ang makulimlim na kalangitan sa Tereles Peak.

Sumasakit na ang mga paa ko. Hindi naman ganoon ka layo iyong kubo kumpara sa pinuntahan namin ni Jacob noon pero malayo parin ito kung lalakarin.

Wala ni isang tao akong nakita. Ang tanging naririnig ko lang ay huni ng mga ibon, kaluskos ng mga insekto, at ang pag agos ng ilog.

Ang tubig sa ilog ay malinaw, gaya ng dati. Some things never change, huh? Like the pristine waters of this river.

Habang tumatagal ay lalong lumalalim ang ilog. The rapids were lesser. Ang mga malalaking bato ay hindi na masyadong kita.

Kumalabog na ang puso ko. Lalo na nang nakita ko ang nipa na bubong ng bahay kubo.

I was sure it’s the same kubo before. Sariwa sa aking alaala ang itsura nito sa labas o sa loob man.

It’s the same old brown nipa house. Parang kinukurot ang puso ko habang lumapit ako dito.

Nakapunta na kaya si Felicity dito? There’s just no point in asking that.

Tumigil ako ilang metro lamang ang layo sa kubo. Masaya ako. Masaya parin ako. Masaya ako na nandito ito at nakatayo parin. Hindi tulad ng ibang alaala namin ni Jacob na kinalawang at wasak na.

Sa bagay… bakit ito mawawal ‘di ba? He probably can’t remember anything. Dito nagpapahinga ang mga trabahante nila sa pineapple farm.

Habang pinagmamasdan ko ang kubo, naaalala ko ang ayos nito noong nandito kami. Diyan sa kahoy na iyon tinali ni Jacob ang malaking itim na kabayo habang sumisilong kami.

Kaya ko bang pumasok? Kaya ko ba?

Umihip ang hangin. Natabunan ng ilang tikwas ng aking buhok ang aking mukha. Suminghap ako at marahang pumikit.

Nagsisi ba ako na nakilala ko siya? Hindi. Nagsisi ba ako na minahal ko siya? Hindi. Nagsisi ba ako na binigay ko sa kanya ang lahat sa akin? Hindi.

Ang sabi kasi, hindi pa pwedeng magmahal ang teenager. Mapusok kasi. Madaling makuha sa matukso sa mga bagay na ‘di dapat at labag sa batas ng Diyos. Tama. I lack judgement and wisdom… that time, yes.

But did I regret what happened? No. I gave my all to the person I truly love. I gave everything that I had just to make him feel that I do love him. Sa hindi magandang paraan, oo. Dahil tama, mapusok ang pagmamahal na iyon dahil bata pa kami. Kaya heto ako ngayon ay umiiyak para sa pag ibig na inakala kong para talaga sa akin pero hindi.

Tumulo ang mga luha ko ng walang pigil. Hindi na ako makahinga dahil sa pagpipigil ko sa paghikbi. Pakiramdam ko namatayan ako. Siguro… in a way, namatayan nga ako.

Dumilat ako. Malabo ang paningin ko dahil sa mga luhang nagbabadya. Nilingon ko ang ilog. Kailangan ko nang bumalik pero hindi ko pa kaya. I need to pour out my feelings. Para wala na akong babalikan pa dito.

Dalawang hakbang palapit sa kubo ang ginawa ko.

Alam n’yo kung ano ang masakit? Iyong hindi ko alam kung anong ipagdarasal… kung ang mabalik ba si Jacob sa akin o ang tulungan akong makalimot. Right now, all I want is some peace of mind but how can I find it if it means Jacob? And I know I can’t have him anymore so I’m left with no choice but to forget him!

Nagsisi ba ako na iniwan ko siya? Na tinulak ko siya palayo? Hindi. Hindi dahil masaya ako sa kanyang buhay ngayon. Sumisigaw ng tagumpay ang bawat sulok ng kanyang buhay…

Pero tangina naman bakit ganito ang nangyari? Bakit ang sakit?

Ang sabi nila, masakit ang pag ibig. Ngayon, napagtanto kong hindi pala iyon. Hindi masakit ang pag-ibig. Hindi masakit ang magmahal. Masakit ang pag-iisa. Masakit ang maiwan. Masakit ang mang iwan. Masakit ang mapalitan. Ang pagmamahal ang tanging makakapawi sa lahat ng sakit. Iyon ‘yon.

Kinagat ko ang labi ko.

I miss him! I miss him so much! I miss everything! I miss the way we were! I miss his eyes. I miss his nose. I miss his lips. I miss his voice. I miss his hair. I miss his scent. I miss his touch. I miss everything about him.

At ang hirap kasi nandyan siya pero miss ko parin siya. Nandiyan siya pero kinukulang ako. Ang hirap hirap! Gusto kong umalis at makalimutan na lang bigla ang lahat ng mga alaala para maging maayos naman ako kahit paano!

“Rosie?”

Nalaglag ang panga ko. Sa sobrang gulat ay hindi ako agad nakabawi. Marahan kong pinunasan ang aking mga luha.

Sa likod nanggaling ang boses ni Jacob. Hindi ako lumingon. Ang leeg ko’y basa pa sa luhang iniyak ko. Hinaplos ko iyon para mawala ang luha. How can I fucking hide this?

Huminga ako ng malalim bago siya hinarap. Agad ko siyang sinalubong ng ngiti at kunot ng noo.

“O, Jacob? Mag isa ka?”

Shit!

Hindi siya nagsalita. Nanatili ang mga mata niya sa akin. It’s intimidating! Sakay siya sa isang kulay brown na kabayo. Umiindayog ang buntot nito lalo na noong bumaba si Jacob.

Hinila niya ang kabayo sa isang puno at tinali niya ito doon.

“Bakit ka nandito?” tanong niya, binalewala ang tanong ko.

Shit. Bakit ngayon pa?

Tumikhim ako at sinikap na ayusin ang paghinga kahit na abot abot na ang kaba.

“Namamasyal lang ako. Tapos ko na kasing napuntahan ang halos lahat. Galing akong… Kampo Juan. Ang ganda na doon. I wandered around so I got here…” paliwanag ko.

Nakatalikod pa siya, inaayos ang kabayo. Napalunok ako. That was a brilliant reason, Rosie!

“Ikaw? Ba’t ka narito? At bakit ka mag isa? Asan si Felicity?” tanong ko para hindi niya na ulit ako matanong.

Bumaling siya sa akin. He’s wearing a black v neck t shirt and a dark blue jeans. There is no trace of humor or anything in his expression. Seryoso siya at iyon lang talaga iyon.

“Inaasahan mo ba ang pagdating ko kasama si Felicity? Nasa mansyon siya. Bakit?”

He answered my questions with more frigging questions.

“Ah! Hindi… It’s just weird that you’re alone…” Madalas mo siyang kasama. Hindi ko na dinugtungan.

Hawak hawak ko parin ang sling ng aking bag. Hold on to your dear life, Rosie.

Napalunok ako nang humakbang siya palapit sa akin. Tumindig ang balahibo ko lalo na’t nakatingin lamang siya sa akin. This is just so awkward.

“Namasyal ka at napadpad ka dito? Ganito ka layo?” tanong niya sa malamig na tono.

Huminga ako ng malalim at hindi sumagot. Fine. Tinalikuran niya ako. Ngayon ay nakapamaywang siya at nakaharap sa ilog.

“Ja-” Aalis na sana ako pero nilingon niya ako kaya tumigil ako sa pagsasalita.

Nagkatinginan kaming dalawa. Nakapamaywang siya habang tinitingnan ako. Hindi ko kaya. Nag iiwas ako ng tingin.

“Naalala mo…” panimula niya.

Dinig at ramdam ko ang pakulog na tambol ng aking puso.

“Dito… noon. Ang daming nagbago.”

Hindi ako makapagsalita. Pakiramdam ko ay pag nagsalita ako, manginginig lamang ang boses ko. Ang tapang niya para banggitin lahat ng ito.

Binalot kami ng matinding katahimikan.

I guess this is it.

Iniisip ko pa lang iyong nangyari kay Auntie Precy, nangingilabot na ako. Pakiramdam ko mangyayari din sa akin iyon. Dahil pakiramdam ko pipiliin at pipiliin kong mahalin si Jcob kahit hindi na siya para sa akin.

At siguro, ang dahilan na rin kung bakit talagang hindi kayang bitiwan iyon ni Auntie ay dahil hindi niya tuluyang nasabi kay Don Juan Antonio ang nararamdaman niya. I refuse to be like her. I refuse to stay stuck like this. I want to move. I want to try.

I want to break my heart for the right reasons. I want to get hurt because I should be. Ayaw kong maging okay nang di sinusubukan ang kahit ano. I want to break my heart because it can never be. I want to cry because it is the end. Hindi iyong masaya ako pero hindi ko sinubukan. Masaya ako pero hindi ko alam kung pwede pa ba o hindi na! I would get hurt trying. I will bleed trying. I will push it all until it’s the dead end. Until it hurts so much because it doesn’t really fit.

“Dito tayo nagsimula. Hindi.” Umiling siya. “Sa Alegria tayo nagsimula.”

Nagtiim bagang ako.

“Namumula ang mga mata mo. Umiyak ka ba?” tanong niya.

Nag angat ako ng tingin sa kanya. Nangingilid muli ang mga luha sa aking mga mata. How can he talk like this? like it’s nothing.

“Para saan ang luha mo?” He licked his lips. “Para sa masasayang alaala? O para sa mga nawala sa atin?”

“I’m happy for you.” Nanginig ang boses ko pero wala na akong pakealam.

I will bleed trying, alright. I will give everything para sa huli, wala akong pagsisisihan!

“Really, I’m happy for you.” Hindi na kapani paniwala dahil tumakas na ang luha sa aking mata.

“Thank you.” Tumango siya.

“So… Yeah… I’m sorry na rin talaga.”

“I’m sorry, too…” malamig niyang sinabi.

Ang sakit. Ang sakit na humihingi siya ng tawad sa akin.

“Para saan?” nanginig ang boses ko. “Ang alam ko… ako lang naman ang may atraso…”

I’m sorry for loving Felicity? What? Damn it!

“Sorry dahil hindi ko kaya ang gusto mo noon…” aniya.

Hindi ko maintindihan iyon. Nanatili ang atensyon ko sa kanya habang umiiling. It’s confusing me.

“Gusto mo ng ganito, ‘di ba? The successful Jacob Buenaventura?” aniya.

“Of course, I want you like this. It’s for you…” giit ko.

“Kaya ba iniwan mo ako noon? Dahil hindi ko kaya ang ganito?”

Nalaglag ang panga ko sabay maagap na umiling.

“Hindi! Hindi ganoon, Jacob. I pushed you away because I’m a poison to you.”

Umiiling na siya pero nagpatuloy ako sa pagpapaliwanag.

“I pushed you because I can see that you are failing because of me?”

“Paano naging ikaw ang dahilan kung ikaw lang naman ang kinakapitan ko noon?” Sigaw niya sa akin.

Napapikit ako.

“Paano naging ikaw ang dahilan para mabigo ako kung ikaw lang ang tanging kayamanan ko! Pag kasama kita, hinding hindi ako mabibigo!”

Humikbi na ako. Kahit anong pigil, hindi ko kaya. “Jacob, you can be great. With yourself. You can be so great like this… If you just stop thinking about me.”

“Tama ka. Kaya nga nandito ako ngayon, ‘di ba? Kasi wala na tayo. Pero, Rosie… Hindi mo ba naisip? Na kaya ko rin ang ganito kung magkasama tayo noon?”

Umiling ako. I stand by my decisions. “Jacob, there were things only I can see… that time. I need to secure my family. I want you to be great pero hindi mo nagagawa dahil masyado kang nakatingin sa akin. You don’t think about yourself! You think about me.”

“I think about you because I love you!”

“That was too much!” sigaw ko. “You also have to think about yourself. Your business. Don Juan’s legacy! You have to think about your future. Na secured ka kahit wala ako. Na kaya mong tumayo sa sarili mong mga paa.”

Tumango siya pero mas lalo lang akong nanlamig.

“Iyon ang desisyon mo. Na iwan ako. Kaya mo ‘yon? Kaya mong iwan ako para lang don?”

“Para lang don? Lang? Jacob, that’s everything for you! That’s for you! I did not even think of myself-“

“Ni minsan ba inisip mo kung anong mararamdaman ko? Nawala ko si papa! Nahihirapan ako sa Alegria. Ikaw lang! Ikaw lang! Ikaw lang, Rosie! Ikaw lang ang makakapitan ko! Ikaw lang ang pamilya ko! Ikaw lang ang tanging nagpapalakas sa akin pero pinili mo iyon? Hindi mo ba naisip na imbes na mabuo mo ako ay winasak mo ako ng husto sa ginawa mo?”

Humagulhol na ako.

“Ikaw lang ang tanging inaasahan ko noon.” Marahan niyang sinabi. “Hindi mo naisip iyon? Pinagpalit mo talaga ang lahat para dito? Kayang kaya mo ‘yon?”

Umiling ako. Hindi na ako makapagsalita. Kitang kita ko ang pamumula ng mga mata at ilong ni Jacob.

“Bakit? Dahil hindi mo kayang makitang naghihirap ako? Hindi ka naniniwala sa akin? Hindi mo kayang naghihirap tayo? Hindi ako ang Jacob na mahal mo kung mahirap ako? Ganoon ba?”

“I never said that!” sigaw ko.

“Kulang si Jacob pag ganoon? Kasi ako… Rosie… ako… kahit pa mahirap ako. Kahit simpleng buhay lang basta nandyan ka sa tabi ko, kaya ko na. Kahit na ano pa ‘yan, magsisikap ako para sa ating dalawa. Mag sisikap ako para sa’yo…”

Nanghina ako. Masyado nang mahapdi ang mga mata ko. Napapikit ako nang narinig ko ang kulog sa langit.

“Hindi mo kaya ‘yon? Mamuhay ng simple basta nandito ako? Hindi mo kaya ‘yon? Kaya ko ‘yon… Pero hindi mo ako binigyan ng pagkakataon. Kaya ko ‘yon, Rosie.” Umiling siya. “Tingin mo hindi ako magsisikap? Tingin mo nasanay akong mabuhay na marangya?”

“Jacob, hindi ganoon ‘yon. If I can push you to your limits, then I will. For you.”

“At para diyan, tinulak mo ako palayo. Ni hindi mo inisip ang mararamdaman ko. Na wasak na nga ako, dinikdik mo pa ng husto.”

“Hindi ganoon ‘yon, Jacob.”

Suminghap siya. “Iniwan mo ako sa panahong ikaw lang ang kinapitan ko. Kahit na sabihin mong para sa akin iyon, bakit? Alam mo ba? Kaya ko parin ang lahat ng ito, lalo na kung kasama kita. Hindi ko kailangan ng pagsasakripisyo mo! Hindi ko kailangan ng sakit!”

Kinagat ko ang labi ko.

Kumulog at nagsimula ang malalaking patak ng ulan. Hindi na siya ulit nagsalita. Hindi rin ako gumalaw. Hindi ko alam kung tatakbo ba ako pabalik o sisilong na lang. Gusto kong sumilong muna pero ayaw kong mapag isa kaming dalawa.

“Pero tama ka… You’re a poison to me,” aniya sa malamig na tono.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: