Baka Sakali 2 – Kabanata 18

Kabanata 18

Kissmarks

Mabilis ang panahon pag ayaw mong matapos. Hindi ko namalayang bumalik na lang agad si Jacob sa Alegria. Napabunton-hininga ako habang tinitignang nawawala na ang sasakyan nila sa kanto.

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Kailangan ko pang maghanda para sa pag alis ko mamaya pero hindi matanggal sa isipan ko ang pangamba. Mas nangangamba na ako ngayon kumpara sa unang pag alis ni Jacob.

Alam mo yung feeling na pinagsisisihan mo yung isang desisyon mong di mo na pwedeng bawiin? Alam ko kung ano ang nakakabuti kay Jacob at eto yun. Ayaw kong maging selfish… Ayokong dahil sa pagseselos at mga pangamba ko ay ipagkakait ko na sa kanya ang pagkakataong ito.

Jasmine…

May gusto ka ba kay Jacob?

Kaya mo bang rumespeto sa relasyon naming dalawa?

“Rosie?” Kinalabit ako nang tumabing model sakin.

“H-Ha?” Tumaas ang kilay ko sa kanya.

“Okay ka lang?” Tanong niya. “Kanina ka pa tulala.”

Ngumisi ako at bumuntong-hininga. “Marami lang akong iniisip.”

Nasa loob kami ng airplane papuntang Sortee. Maingay ang mga kasama ko. Pinili ko talaga ang pinakahuling upuan para walang makaistorbo sakin. Hindi naman sa anti-social ako pero talagang wala ako sa mood makipag usap kahit kanino ngayon.

Natulala ulit ako. Pero ilang sandali ay nakuha ni Brandon ang atensyon ko. Nakatitig siya sakin… Nanliliit ang mga mata niya. Nasa unahan siya at maraming kaibigang kasama. Nagtatawanan silang lahat pero nakatoon ang buong atensyon niya sakin.

Suminghap ako at nag-iwas ng tingin. Tinignan ko na lang ang mga clouds sa labas.

Buong byahe niya akong tinitigan kaya buong byahe din akong nakatingin sa labas.

“You okay?” Tanong niya nang nakalabas na kami sa airplane.

Mainit at maganda agad ang bumungad na tanawin dito sa Sortee. Damang-dama mo ang summer kahit July na. Inisip ko tuloy na magbakasyon dito kasama si Jacob.

“Is this about your boyfriend?” Tumaas ang kilay ni Brandon habang tinitignan ako.

Umiling na lang ako at inirapan siya.

“Hey! Sinabi mo saking magkaibigan na tayo! Pag magkaibigan tayo, you should at least tell me your problems-“

“Wala akong problema kaya wala akong masasabi sayo.” Sabi ko.

Sinusundan ko na sina Kira kasama ang iba pang models papasok sa Sortee Beach Club.

Sunod naman ng sunod si Brandon sakin.

“Okay, that’s good. Sana nga lang wala talaga. Kita kasi sa mukha mong may problema ka.”

Napatingin ako sa kanya.

Ngumisi siya, “See? Kahit na hindi mo naman talaga ako nakakasama, kilala na kita agad. Pag araw-araw siguro tayong magkasama, mas lalo kitang maiintindihan.” Kinindatan niya ako.

“Wala akong problema. You’re just weird.” Sabi ko.

Tumawa siya, “Bakit naman? Dahil ba nandito parin ako kahit na pinagtabuyan mo na ako?”

Ngumuso ako at nagkibit-balikat.

Dahil determinado siyang makuha ang atensyon ko.

“9PM tayo aalis, guys! 6PM ang ramp kaya around 7PM, dinner tayo saka night swimming. Okay?” Sigaw ni Kira samin. “Diretso na sa backstage. Naghihintay na ang make up artists tsaka yung mga gowns.”

Napansin kong maraming bigating mga tao ang nakaaligid dito sa Sortee. Siguro dahil sa launching ni Ms. Bubbles. Ibang klase talaga ang hatak niya sa mga mayayaman. Siyempre, international designer kaya hindi na nakakapagtataka.

“Uy, Rosie, magsu-swimming ka?” Tanong ng isang model sakin. “Sumama ka nga samin. Masyado kang tahimik, eh. Ako nga pala si Jamie.”

Ngumiti ako, “Uhmmm… Sure… Hindi nga lang siguro ako mag su-swimming. Wala ako sa mood mag swimming.”

Siguro dapat akong makihalubilo nang di ko gaanong maisip si Jacob.

“O sige, mamaya ah?” Ngumisi siya at naglakad papuntang backstage.

Sumunod din naman ako. Habang naglalakad kami papuntang backstage nakita kong nilapitan ni Brandon ang mga kasama ni Jamie.

Nag-usap sila. Sumulyap yung ibang kasama ni Jamie sakin at bahagya silang tumango sa isa’t-isa. Si Brandon naman ang sumulyap sakin ngayon at ngumiti.

“Ano na naman ba?” Bulong ko sa sarili ko.

Nilapitan ako ni Brandon nang nakangisi parin.

“Ayan, makipagkaibigan ka. Mas lalo kang malulungkot kung mag isa ka lang.” Ngumisi siya. “Tsaka papangit ka pa… kahit lagi ka namang maganda.”

Sinimangutan ko ulit siya.

Mas lalong lumaki ang ngisi niya, “Kahit nakasimangot, ganda parin.”

Ngumuso ako para pigilan ang pagngiti ko. Umiling din ako para maiwasan ang pagngiti ko sa kanya.

“Let it go, Rosie… Aminin mo… Natutuwa ka sakin.” Tumawa siya.

Mas lalo na lang akong umiling. Ibang klase din talaga itong si Brandon. Masyadong determinadong makipagkaibigan. Well, kung makikipagkaibigan lang naman siya, wala naman sigurong kaso sakin iyon.

“Make-up na girls!” Sigaw ni Kira sabay palakpak. “Yung gowns!”

Skin tone ang gown ko. Long sleeve din ito at puno ng sequins. Tinali lang ang buhok ko at mejo dark ang make up, pulang pula ang lipstick. Pambawi di umano sa skin-tone kong gown.

“Tapos na ang finale?”

Dalawang oras ang paghahanda. Dumami na rin ang mga tao sa venue. Dinadalaw na naman ako ng kaba kaya tinignan ko ang cellphone ko.

Inisip kong hindi pa nakakarating ng Alegria si Jacob kaya malamang tulog pa iyon sa byahe. Tinago ko na lang ulit ang cellphone ko at naghanap na lang ng makakausap.

“Juskooo! Ang daming tao.” Pinaypayan ni Jamie ang sarili niya.

Naka kulay skin-tone na gown din siya. May deep v-neck ito at hindi longsleeve tulad ng akin. Kausap niya ang mga kaibigan niya.

“Rosie, handa ka na ba?” Tanong ng isang kaibigan niya.

“Hindi pa pero bahala na.” Napalunok ako.

“Kami rin! Oh my Gosh! Kami yung unang lalabas eh. Mas kabado talaga pag walang rehearsal ano?”

Tumango ako.

“Buti pa itong si Brandon.” Sabay turo ni Jamie kay Brandon na nakuha pang makipag biruan kasama ang ibang male models.

Naka skin-tone longsleeve siya at ilang butones lang ang nakasarado. Kitang kita ang maputi at firm niyang abs.

Naaalala ko tuloy si Jacob. Na mi-miss ko na ang sparkling abs niya. Kahit hindi pa kami nag iisang araw na magkahiwalay, namimiss ko na siya agad.

“Stop staring, Rosie.” Nakangising saway ni Brandon sakin.

Uminit ang pisngi ko. Kanina pa pala ako natutulala sa abs niya. Siyet!

“Oh, gusto mo pa yata?” Tumawa siya at umambang buksan ang natitirang butones sa soot niya.

Umiling ako at nag-iwas ng tingin.

“Natulala lang ako. Hindi ko naman yan tinititigan.” Sabi ko.

“Defensive!”

Suminghap ako at tinalikuran siya.

Pero bago ako nakaalis ay hinila niya ang braso ko. Hinarap ko siya para sana bigwasan pero nakita kong seryoso ang mukha niya at diretso ang tingin niya sakin.

“You’re too beautiful to let go, Rosie.”

Napalunok ako sa sinabi niya. Nagkatinginan kami bago sumigaw si Kira…

“Ready naaa! Magsisimula na!”

Dinig na dinig ko na yung background music na gagamitin para sa ramp ngayon. Lumabas na sina Jamie kaya hinila ko ang braso ko kay Brandon.

“Sana akin ka.” Aniya bago niya ako pinakawalan.

No. Way. I belong to Jacob Buenaventura. And he belongs to me…

Nang natapos ang ramp, para din akong nabunutan ng tinik. Ngayon, kaya ko nang rumampa ng walang rehearsal. Nabawasan na rin ang kaba ko. As usual, marami din ang natanggap kong flowers. Yun nga lang, walang galing kay Jacob.

“Bihis na kayo… Bikini ah? Lubus-lubusin na natin kasi uuwi na tayo mamaya!” Sabay tawa ni Kira.

“Of course naman!” Sigaw ng ilang models.

Nagdala ako ng bikini pero wala akong planong maligo at magbikini lang. Susootin ko ito pero syempre, mag sho-shorts at racerback akong lalabas dito sa dressing room. Hinubad ko ang gown at sinoot ang bikini.

Habang tinitignan ko ang sariling repleksyon ko sa salamin, narealize kong may kung ano sa dibdib ko. Marami… Mapupula at maliliit na pantal ang tumambad sakin. Nanlaki ang mga mata ko. Napatingin ako sa paligid. Mabuti na lang at nasa loob ako ng cubicle. Masyado akong preoccupied kanina nang nagbihis ako kaya di ko namalayan. Mabuti na lang at di sexy yung gown ko kaya hindi ito nakita! My God!

Hinawakan ko isa-isa ang mga pantal. Siyam ang nabilang ko. Nakapaligid sa dibdib ko. Kiss marks! Damn, Jacob!

Naalala ko yung mga maiinit at matatagal na halik niya nung nasa shower kami. Nagmadali ako sa pagbibihis. Ni hindi ko naisoot yung racerback na dala ko dahil may isang magpapakita. T-shirt ang sinoot ko para walang kissmarks na makikita.

Agad kong hinanap ang cellphone ko. Nakita kong may missed calls galing sa kanya. May text din siya.

Jacob:

Nasa Alegria na ako. I miss you. Sorry sa ginawa ko. 🙁

Ni-dial ko agad ang numero niya nang walang pag-aalinlangan.

Tumatawa siya nang sinagot ko.

“Jacob!” Sigaw ko.

“R-Rosie?” Naramdaman ko agad ang tensyon sa boses niya.

“Bakit mo ginawa ito sakin?” Sigaw ko.

Napapikit ako sa gigil.

“S-Sorry.” Napabuntong-hininga siya.

“Alam mo namang may ramp ako ngayon! Buti hindi revealing yung soot kundi maliligo ako ng make up sa kakatago sa kissmarks mo!”

“I’m sorry… Hindi ko lang talaga kaya.”

Suminghap ako at napaface-palm, “Alam ko. Hindi ko naman gagawin kung ayaw mo. Hindi mo naman to kailangang gawin.”

“Sorry, talaga. Galit ka ba?”

“Hindi. Naiinis ako sayo. Paano kung hindi ganoon yung gown ko?”

“Edi umuwi ka na lang tsaka… wa’g ng mag model.”

WHAAAT? Easy for you to say that!!! Pwede ring sabihin kong ikaw din sana umuwi na dito? Pero hindi, eh. Ako yung nag encourage sa kanyang mag field-study diyan kaya dapat suportado ko siya all the way.

“Rosieee… Sorry na… Rosiee.”

“Oo na… Haaay! Lagot ka talaga sakin pag nagkita tayo ulit!”

“Sorry na… Ahhh… Sorry na… Alam mo namang ayokong may nakakakita sa katawan mo, eh. Naiinis ako. Sorry, para akong bata… Hindi ko na uulitin. Promise, next time, pagmagkakissmarks ka, aksidente na lang yun. Hindi na sinasadya… Kaya sorry na.”

Napangisi ako sa sinabi niya, “Ewan ko sayo! Sige na nga! Uhmm… Tawag ka na lang mamaya. Around 10? Nandito pa kami sa Sortee. 9PM pa ang uwi namin.”

“O sige. I miss you.”

“I miss you din.”

“I love you.”

“I love you, too.”

“I love you, more. Sige, ah? Bye na. Pakabait ka diyan.”

Napangiti ako sa sinabi niya.

Pagkatapos naming mag usap, inayos ko ang gamit ko saka lumabas sa cubicle.

Nawindang ako nang nakita kong tulala si Brandon habang naka upo sa waiting area ng dressing room.

Nahuli ako sa pagbibihis kaya wala nang tao dito. Hindi ko alam na nandito pala siya. Ni hindi ko namalayang may pumasok. WHAT THE? Narinig niya ang usapan namin ni Jacob tungkol sa kiss marks?


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: