Baka Sakali 2 – Kabanata 13

Kabanata 13

Bye, Jacob

Mabilis natapos ang linggong iyon. Ganyan talaga ang buhay. Pag ayaw mong matapos ang mga araw, biglang bibilis ang oras. Pag gusto mo namang matapos na, babagal naman. Ngayong ayoko munang umalis si Jacob, biglang bumilis ang takbo ng panahon. Next week, araw-araw akong magwi-wish na sana ay bumilis ang panahon, pero alam kong mas lalo lang babagal iyon.

Patuloy sa pagsinghap si Jacob habang nagmamaneho patungong venue ng catwalk bukas. May rehearsal kami ngayon.

“Jacob, di bale… baka next time makakapanood ka na talaga.”

Umiling siya, “Kung sana di ako uuwi ng Alegria, makakapanood sana ako. Patingin ng dress mo.” Aniya.

Tumango ako at kinabahan.

Ang alam ko kasi, bag and shoe collection ang imomodel ko. Ibig sabihin, hindi long gowns. Malamang mga sexyng damit ang ipasosoot samin.

“ROSIE!!!” Binati ako ni Kira at Karl nang nakarating kami sa venue.

As usual, indifferent parin si Jacob sa kanilang dalawa. Busy na ang mga models sa likuran. Yung iba, sinusukatan na at ipinapakita na sakanila ang mga bags at shoes na imomodel.

“Three rotations yung gagawin niyo. Ibig sabihin, tatlong beses kang mabilis na magpapalit ng damit. Two rotations lang dapat ito, kaso lang, nagkulang sa models eh.”

Tumango ako.

“Karl, pwede patingin sa damit na sosootin niya?” Biglang sabi ni Jacob kay Karl.

Nalaglag ang panga ni Karl kasabay ng pag-hang niya.

“A-A-Ahhh. Okay. Wait lang.” Tinalikuran kami ni Karl.

Malagkit namang tinitigan ni Kira si Jacob.

“Maiiksi ba?”

Bumaling si Kira sakin, “May short-shorts doon tsaka… high wasted shorts, yung top ay cropped corset.”

“Ano yun?” Tanong ni Jacob.

Bago pa nasagot ni Kira si Jacob ay dumating na si Karl dala-dala ang mga sosootin ko.

Kumunot ang noo ni Jacob nang nakita ang mga maiiksing damit na ito.

“Rosie…”

“Jacob, rarampa lang naman ako gamit yan. HIndi naman ako magtatagal sa pagsosoot niyan.”

“Alam ko namang nagsosoot ka na talaga ng mga sexyng damit bago pa lang tayo nagkakilala pero sumusobra naman yata itong makikita yung pusod at pwet mo.”

Uminit ang pisngi ko.

Bahagyang tumawa si Kira.

“Bakit? Nag two-piece naman siya sa Imperial ah?”

Bumaling si Jacob sa kanya, “Iba yun. Nandun ako para angkinin siya. Ngayon, wala ako. Ibang usapan ‘to.”

“Tsk… Jacob, hindi ko nga kasi ako magtatagal sa pagsusoot niyan. Magbibihis ako agad ng-“

“Insecure ka ba, ‘tol?”

Napalingon kaming lahat sa lalaking nagsalita. Umiinom siya ng juice habang sumasandal sa isang mesa. Seryoso ang mukha niya. Unti-unti siyang ngumiti nang nakitang nakuha niya ang atensyon namin.

“Insecure ka dahil feeling mo maagaw si Rosie sayo pag magsosoot siya ng mga maiiksi nang wala ka?” Tumaas ang kilay ni Brandon.

“Ako ba ang kinakausap mo?” Tumawa si Jacob.

Pero alam ko kung ano ang laman ng tawang yun. Galit. Irita. Inis. Hinawakan ko agad ang braso niya.

“Sorry, ah? Hindi kasi tayo mag ‘tol. Akala ko iba ang kausap mo.”

Kumunot ang noo ni Brandon sa sinabi ni Jacob, “Insecure ka lang.” Inulit niya.

“Ansabe mo? Bakit ako maiinsecure? At kanino?”

Kumuyom na ang mga kamay ni Jacob. Nanginginig na ang braso niya sa gigil.

“Well, let’s see?? Sa mga tao sa paligid? Pakiramdam mo, maagaw siya pag wala ka. Wala kang tiwala sa kanya. Kung mahal ka niya, hinding hindi siya magpapaagaw. Mahal ka ba talaga siya?”

Ngayon, ako naman ang nagngingitngit sa galit.

“BRANDON!” Sigaw ni Kira at dinaluhan si Brandon para pigilan ang paninira niya sa isipan ni Jacob.

“HOW DARE YOU, Brandon!” Sigaw ko.

Naramdaman ko ang galit ni Jacob sa braso niya. Hinila ko agad ang kamay niya. Hinila ko siya sa likuran ko.

“Alam mo? Mas lalong bumaba ang tingin ko sayo. Kung pinagdududahan mo ang love sa isa’t-isa. Keep it to yourself. Wa’g mong iparinig yun samin kasi wala kang alam.” Umirap ako.

“Wait? What? I’m just sayong that he should stop being too insecure or too manipulative. This is a favor for you, Rosie.”

“No, thanks, Brandon. Masaya na ako sa kung anong meron kami ngayon. Salamat sa favor pero mind your own business.”

Napalunok siya. Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya bago ko siya tinalikuran at hinila si Jacob.

“Ang tanginang yun, punyeta, sarap sapakin!” Ginulo niya ang buhok niya habang pinapaupo ko siya sa tapat ng stage.

“Jacob, hayaan mo na yun.” Sabi ko.

“Hindi, eh. Sumusobra na siya. Masusuntok ko talaga yun balang araw.”

“Jacob…” Umiling ako.

Na distract ako sa sasabihin ko kasi may napansin na naman akong grupo ng mga babaeng nagbubulung-bulungan at nagtitilian habang tinitignan si Jacob na galit at iritadong nakatingin sa stage.

Hay nako, ibang klase talaga kung humatak ng fans ang kurimaw na ito. Ginulo niya ang buhok niya sa frustration.

“Sige na, magrerehearse na kami.”

Yumuko ako para halikan siya. Dapat one swift kiss lang yun pero nang naglapat na ang labi namin, hinawakan niya agad ang leeg ko para di agad ako makaalis. Hinihila niya pa ako para umupo sa lap niya habang naghahalikan kami.

“Jacob! Nasa public place tayo.” Tinulak ko siya.

“Alam ko.” Ngumisi siya.

Hay ang isang ito talaga. Narinig kong nagsinghapan yung models sa nakitang pang parental guidance na scene. Iniwan ko siya doon nang nakangisi.

Pagkarating ko sa backstage, sinalubong agad ako ni Karl.

“Hay! Yung Brandong yun, sayang ang hot pa naman pero patay na patay pa yata sayo. Pagtinatanong naming gusto ka ba niya, lagi niyang dinideny kahit halatang-halata na. Bukambibig ka niya, eh.”

“Ewan ko. I hate him. Muntik nang maging kriminal si Jacob kanina.”

Tumawa si Karl, “Muntik nang maging kriminal ULIT. You know, noon pa talaga yun mahilig makipagbasag-ulo. Ikaw lang nakakapagpakalma dun.”

Tumango ako, “Uhm… Akala ko ba wala ang ibang models? Bakit nandito si Brandon?” Tanong ko.

“Regular model si Brandon, Rosie. Hindi mo ba siya kilala? Brandon Rockwell? Model kaya yan ng Hanes sa ibang bansa. Tsaka ito na talaga ang trabaho niya. Pero maraming wala dito… si Jasmine, si Mikaela, si Madelle at marami pang iba.”

Si Jasmine lang yata ang kilala ko sa mga nabanggit niya.

“Bakit daw wala si Jasmine?” Tanong ko. “Nag-aaral ba siya sa ibang bansa?”

“Hindi, eh. Mukhang may gagawin para sa negosyo nila.

“Ahhh.”

“Hey!” Nairita agad akong lumingon sa nagsalita.

“Wa’g mo akong malapit-lapitan dito.” Sabi ko kay Brandon.

Kung makaasta ito parang walang nangyaring bangayan kanina.

Tumawa siya sa reaksyon ko.

“Now…now… you’re improving, Rosie.”

Kumunot ang noo ko at tinignang mabuti ang nakakairitang mukha niya.

Pinasadahan niya nang mga daliri ang buhok niya at dinilaan ang lower lip niya bago nagsalita ulit sakin.

“Di bale nang galit ka sakin, ang importante may nararamdaman ka.”

Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya.

Hindi ba ako pwedeng magalit sa kanya? Dapat pala indifferent ako! Naalala ko tuloy yung sinabi ni Maggie sakin noon, ‘There’s a very thin line between love and hate’.

“Let’s go, Rosie.” Dinig kong sinabi ni Kira. “Rampa mo na.”

Tumango ako at tinalikuran ang nakangiting si Brandon.

Mabilis natapos ang araw na iyon. Mabilis ang panahon. Hindi ko namalayang oras na para magpaalam si Jacob sakin.

Sa bahay kami natulog. Hindi naman siya mag-aabroad para ganito ka OA ang reaksyon ko. Kaya lang, talagang hindi na ako sanay na hindi kami nagkikita ng higit sa isang araw. Alam kong ganun din ang pakiramdam niya. Tahimik siya parati. Parang galit at naiirita pa lagi.

“Jacobbb…”

Suminghap siya at hinarap ako.

Papapasok na kasi siya sa sasakyan nila at wala parin siyang imik.

“Rosie, hindi ko na kaya ito.” Kumunot ang noo niya.

Ginulo niya ang buhok niya sa panggigigil.

“Limag araw, Jacob. Mag vi-video call naman tayo araw-araw, eh.” Hinaplos ko ang buhok niya.

Hinalikan niya ako habang ginagawa ko yun. Sabik ang mga halik niya. Yung tipong alam mo kung saan hahantong ang lahat pag nagpatuloy ito.

“Hmmm?” Dinig ko ang boses ni Maggie sa likuran. “Sige. Pasok na lang ulit kami ni James. Sabihin niyo lang pagtapos na yan. SPG, eh. Bata pa kami.” Tumawa siya.

Tinigil ko ang paghalik kay Jacob, half-open parin ang bibig niya habang tinitignan ang mga labi ko. Nakahawak pala siya sa magkabilang-balikat ko.

“Rosie, pwede bang sumama ka na lang? Tumigil ka muna ng isang sem. Di baleng magtitiis akong maghintay ng isa pang sem para magpakasal tayong dalawa wa’g lang tayong malayo-”

“Jacoooob… Sige na. Saglit lang ito. Wa’g mo na lang indahin. Mahirap din naman ito sakin, pero para sating dalawa, okay?”

Nanghina siya kaya binitiwan niya ang braso ko. Unti-unti siyang tumango. Unti-unti niya ring hinalikan ang noo ko.

“I love you so much, Rosie. Mamatay-matay ako pag di kita nakikita. Alam mo yan. Alam mo kung anong nangyari nung iniwan mo ako noon.”

“Iba yun, Jacob. Nagkahiwalay tayo noon at galit ako sayo nun. Ngayon, mahal din kita kaya walang problema.”

Tumango siya at tinalikuran ako. Pumasok siya sa loob ng sasakyan. Binuksan niya ang salamin. Seryoso ang mukha niya. Naiiyak ako pero ayokong ipakita sa kanya.

“Bye, Jacob… See you next Friday?” Sabi ni Maggie.

Tumango si Jacob kay Maggie at bumaling ulit sakin.

“Uuwi din ako sayo, Rosie. Siguraduhin mong naghihintay ka sakin palagi.”

Tumango ako. “Syempre.”


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: