Baka Sakali 2 – Kabanata 12

Kabanata 12

Paano Kung

Sa gabing iyon, hindi kami pinayagang matulog na magkasama o iisa lang ang kwarto. Sinugod ni Auntie Precy ang bahay nina Jacob nang nag alas nuwebe na at di parin ako umuuwi sa Bahay ni Lola.

“HOOOY! Ilabas niyo si Rosieee!” Panay ang sigaw niya sa labas ng gate nina Jacob.

Kahit nanonood kami ng TV sa sala nina Jacob, dinig na dinig ko parin ang pag-aalburuto niya.

Nagkagulo ang buong bahay ni Jacob. Lumabas kami ni Jacob para tignan si Auntie Precy. Lumabas din ang ibang mga katulong at guards nina Jacob para tignan kung sino yung mukhang baliw na pasigaw-sigaw sa gate.

“Precy, pwede mo namang pindutin ang door bell. Hindi mo naman kailangang sumigaw.” Nabigla ako nang pati pala si Don Juan ay lumabas.

Nakita ko ang pagpula ng pisngi ni Auntie Precy. Umiling si Don Juan at tinignan kaming dalawa ni Jacib.

“I-Iuuwi ko si Rosie! Hindi siya pwedeng matulog dito! Dalaga pa siya kaya bawal!”

“Nako! Di na uso yan ngayon-“

Pinutol niya si Don Juan, “Hindi uso sayo, pero sakin, uso! Kanya-kanyang trip lang yan!” Sinugod ako ni Auntie Precy at hinila palayo kay Jacob. “Sorry, Jacob. Alam ko namang mabait kang bata… kaya okay lang naman siguro sayong sa amin matutulog si Rosie, diba?”

“Para namang ito ang first time na magkatabi kaming matulog. Eh naka ilang beses na kami.”

Nalaglag ang panga ng lahat, except kay Don Juan.

“A-Anong sabi mo?”

Nakita kong pumula ang pisngi ni Jacob. Naasiwa siya sa pakikiusyuso ni Auntie Precy.

“Ibig kong sabihin… Ilang beses nang natulog si-si Rosie dito sa bahay namin-“

“Oo! Dahil sa mga beses na iyon, hindi niyo pinaalam sakin ang pagdating niyo. Pero ngayong alam kong nandito siya, sakin siya matutulog. Susmaryosep.”

“Auntie…” Napabuntong-hininga ako.

“Sige na, Rosie. Umuwi ka na lang sa inyo at baka mabaliw pa yang Auntie mo.” Sabi ni Don Juan.

Biglang sinapak ni Auntie Precy ang braso ni Don Juan.

“Tseh! Ayoko lang…” Nakita kong mas lalong pumula ang pisngi ni Auntie.

Hindi ko alam kung ano dapat ang karugtong kasi hindi niya na dinugtungan pa… Tinalikuran niya na lang sila para umalis na.

“Jacob,” Tumindig ang balahibo ko sa boses na ginamit ni Don Juan. Malamig at puno ng command. “Ihatid mo sila.”

“Di! Wa’g na, may naghihintay na tricycle!” Sabi ni Auntie nang di nililingon.

“Ihahatid kayo, Precy.”

“Wa’g na! Ayos lang ako! Kaya ko namang mag isa…” Napalingon ako kay Auntie Precy.

Hindi ko naman mawari kung anong ekspresyon ang ipinapakita niya dahil madilim na sa nilalakaran namin.

“Hindi naman ‘to para sayo, para ito kina Rosie at Jacob.” Mas malamig na sinabi ni Don Juan.

SHET! Kahit hindi naman para sakin yun, bakit nasasaktan ako? Napalingon ako kay Don Juan, ayun at nakatalikod na siya. Si Auntie Precy naman ay natigilan.

Naramdaman ko ang panginginig ng kamay niya. Tumindig ang balahibo ko. Hindi ko alam kung dahil ba yun sa malamig na simoy ng hangin o dahil sa pangyayari.

“Rosie…” Tumigil ang Hummer sa tapat ng tinatayuan namin ni Auntie Precy. “Ihatid ko na kayo.”

Tumango ako at bumaling kay Auntie.

“Auntie, tayo na.”

Hindi siya gumalaw. Binuksan ko ang pintuan sa backseat ng Hummer at inalalayan si Auntie doon. Buti at hindi na siya nagmatigas. Hindi ko nga alam kung bumigay ba talaga siya o dahil nawalan siya ng lakas.

Tahimik kami ni Jacob sa byahe pauwi sa Bahay ni Lola. Tanging eye-to-eye contact at pagkikibit-balikat lang ang nagawa namin.

“Andito na tayo, Auntie.” Sabi ko at unang lumabas para pagbuksan ulit siya ng pintuan.

“Ah!” Tumawa siya ng plastik na tawa. “Salamat sa paghatid, Jacob.”

Tumango si Jacob at hinawakan ang kamay ko.

“Walang anuman po yun. Pasensya ka na kay papa-“

“Okay lang!” Aniya. “Sanay na ako.” Mas mahinang sinabi niya.

Nagkatinginan kami ni Jacob.

“Sige na, Jacob. Lumalalim na ang gabi. Maaga pa byahe natin bukas.”

Tumango siya at hinalikan ang noo ko, “Sayang, di tayo tabi.” Bulong niya sakin.

Napangiti ako pero saglit lang ito dahil inaalala ko parin si Auntie Precy.

Kinawayan ko si Jacob nang umalis na siya. Nagmukmok agad si Auntie sa kwarto. Inisip ko tuloy ang nangyayari. Yun din ang laman ng pag-uusap namin ni Jacob sa sumunod na araw…

“Mag-ingat kayo sa biyahe! Kailan ba magsisimula ang field study niyo, Jacob?” Tanong ng daddy niya.

Suminghap si Jacob at nilingon ang daddy niya.

“Next week.” Saka pumasok sa sasakyan.

Next week na pala ang field study nila. Akala ko talaga mejo matatagalan pa, eh. Dapat hindi ako magpahalatang mejo disappointed ako sa lapit ng schedule nila. Pag nalaman nitong disappointed ko nagsisisi ako sa pinagagawa ko sa kanya, malamang aatras ito.

Sa kalagitnaan ng byahe, hindi ko mapigilang di ibalik ang nangyari kahapon.

“Jacob, paano kung umibig ka ng iba?” Tanong ko.

“Hmm? Bakit ako iibig ng iba?”

“Kasi… umibig ka. Hindi mo naman mapipigilan yan, diba?”

Natahimik siya. Tinitigan niya lang ako ng mga isang minuto.

“Dahil ba ito sa nalalapit na long distance relationship natin, Rosie? Kaya napaparanoid ka na? Sabi sayo hindi maganda ang dulot-“

“Hindi, Jacob! Ano ka ba! Of course not! Inisip ko lang yung daddy mo at si Auntie. First love nila ang isa’t-isa, diba? Tsaka mejo gusto ako ng daddy mo noon dahil may hawig kami ni Auntie… So ibig sabihin, nahuhumaling parin siya kahit paano kay Auntie? Pero yung nangyari kagabi? Masakit yun, ah?”

“Ewan ko. Wa’g na lang natin silang pakealaman. Basta ang alam ko, pinili ni papa si mama dahil mahal niya si mama.”

Tumango ako.

Napalunok ako at nagreflect. Paano kung nainlove si Jacob sa iba? Ibang klase itong ma inlove. Yung tipong di na lilingon sa iba… wala nang nakikita kundi ikaw… Ganun din siguro si Don Juan? Kaya kahit wala na ang mommy ni Jacob, pinili niyang wa’g ng humanap ng iba. Paano kung ganun ang mangyari sakin? Pagsisisihan ko ang naging desisyon ko habang buhay tulad ng pagsisisi ni Auntie Precy sa desisyon niya. Kaya hanggang ngayon hindi parin siya nakakamove-on. Umaasa parin siya. OH MY GODNESS!

Kinagat ko ang labi ko nang naisip ko ang mga posibleng mangyayari.

“Hindi yun mangyayari satin, Rosie. Alam ko ang iniisip mo. Kaya tigilan mo na yan. Mauubos lang ang oras mo sa kakaisip ng walang katuturan. Buti pa ubusin natin ang oras natin sa halikan.” Ngumisi siya.

Hindi ko na rin napigilang di ngumisi. Binatukan ko na lang siya. Ang landi talaga nito.

Biglang tumunog ang cellphone ko.

“Hello, Karl?”

Nagkatinginan kami ni Jacob. Kumunot ang noo niya nang narinig na si Karl. Kumunot din ang noo ko sa reaksyon niya. Unti-unting siyang nag relax kaya hinila ko ang ulo niya sa dibdib kong may unan para makatulog siya habang kausap ko si Karl.

Sinandal niya ang ulo niya doon at pinikit ang mga mata.

“Hullo, girl! May gig ka this coming Sunday. Friday or Saturday ang rehearsal. Natanggap mo na ba sa ATM yung sweldo last time?”

Nalaglag ang panga ko. Nakalimutan ko yun, ah?

“Hindi pa. M-Meron na?”

“Oo! Tumataginting na 10 thousand pesos! Saang lupalop ka ba at bakit di mo alam?”

“Umuwi kami ng Alegria ni Jacob.” Sabi ko.

“Ahh! Kaya pala. Teka. Loud speaker ba ito?”

“Hindi.” Umirap ako.

“Hayyy salamat naman. Baka masakal ako nun. Anyway, yun nga… Kaso di ka finale sa ngayon. Give chance to others daw. 10 thousand pesos ulit ito! O diba, sa loob lang ng isa o dalawang linggo, 20 thousand ka agad? Ang saya no?” Tumawa siya.

“O-Oo!”

Shet! Masaya nga… Bibili ako ng regalo para kay Jacob para maalala niya ako sa Alegria. Siguro relo para lagi niyang maisusoot. Awkward kung bibigyan ko siya ng singsing, eh. Kinikilig ako, iniisip ko pa lang. Saka ko na lang siya bibigyan pag tapos na ako mag aral. Para ibig sabihin nun, ready na akong magpakasal.

“Ano? Go ka? Este… Wala ka ng magagawa dahil nasa kontratang pinirmahan mo iyon. Tsaka… nagkulang din ng models.”

“Ha? Bakit?”

“May ibang nag abroad, alam mo na, pasukan na kaya yung mga estudyante baboosh. Yung mga magagaling at full time models ang makakasama mo dito kaya malaking break ito. Hindi nga ako sigurado kung talagang 10kyaw lang ito, eh.”

“O-O sige! Game!”

“Ano daw?” Singit ni Jacob.

“OMG! Ayan na ba siya? Sige, bye na!”

“Byyee!” Tumawa ako at bumaling sa nakadilat nang si Jacob.

“Jacob, may modeling ako ngayong Sunday…”

“ANO?” Natigilan siya. “Sa Sunday ako uuwi ng Alegria para pagka Lunes, magsisimula agad. Wala na naman ako? Rosie, ipagpapaLunes ko na lang ang pag uwi.”

Umiling ako, “Pagmomodel ko over studies mo? No, Jacob. Tumuloy ka na. Okay?” Hinalikan ko ang pisngi niya.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: