Baka Sakali 2 – Kabanata 3

Kabanata 3

Walang Makakapagpabago

Kabado ako habang naglalakad sa stage. Ako yung huling rarampa. Ako din yung nasa gitna naming lima. Halos di ako makalunok sa sobrang kaba ko.

“First time?” Tumaas ang kilay ni Brandon habang nililingon ako.

Siya kasi ang huli sa mga lalaki. Ibig sabihin, magkasunod kami sa linya. Una siyang lalabas, tapos ako.

“Yep.” Hindi ko siya tinignan.

Pinanood ko si Jasmine na nakanganga ang ngiti habang naglalakad. Para bang over confident kung makapaglakad sa ramp.

“Kaya pala pang finale yun.” Narinig kong sinabi ng isang model.

Mas lalo akong dinaluhan ng kaba. Wala akong experience sa mga ganito kaya kabadong-kabado ako ngayon.

“Ikaw si Rosie, diba?” Tanong niya.

Kabanas! Ayokong makipag-usap sa ngayon. Ayoko ring makipag-usap bukas o kahit kailan man. Tumango ako. Ayoko namang maligo sa tsismis na lumalaki ang ulo kaya nagsusuplada.

“I’m Brandon.” Naglahad siya ng kamay.

Nagdalawang isip pa ako kung tatanggapin ko ba yung kamay niya. Pero tinanggap ko rin nang may kasamang buntong hininga.

Mabilis lang yung kamayan namin pero nang bawiin ko na ang kamay ko, hindi siya pumayag. Nagkatinginan kaming dalawa. Nakasimangot ako habang nakangiti siya.

“Ang bilis mo namang makipag shake hands.” Aniya at ngumisi.

“Shake hands lang naman. Hindi holding hands.” Tuluyan ko nang nabawi ang kamay ko.

Inirapan ko siya pero natawa na lang siya.

“Sungit…” Tumawa ulit siya.

“BRANDOOON!” Narinig kong sigaw ni Kira galing sa stage. “It’s your turn! Hindi ka ba nakikinig?”

“Oh! Sorry!” Mabilis siyang tumakbo palabas ng back stage.

Pinasadahan niya ng daliri ang mahabang buho niya habang confident na rumarampa sa harapan. May mga tinuro pa siyang mga babae. Nag flying kiss din siya sa mga ito.

“THAT’S NOT HOW YOU DO IT, BRANDON! Hindi ito rampa ng mga naka hubo’t-hubad! Seryosong rampa ito. Suite yung susootin mo!” He rolled his eyes.

“Sorry, Kir…” Tumawa ulit si Brandon.

“Nagpapasikat lang yan!” Sigaw ng mga babae sa backstage.

Tinignan nila ako. Nag iwas ulit ako ng tingin. Ang weird naman… Kinakabahan tuloy ako lalo.

“Rosie, ikaw na ang susunod.”

Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ko ang sinabi ni Kira. Hindi na ako makapag isip ng mabuti sa sobrang kaba.

“Rosie…” Bulong ni Karl sakin.

“Saan ka ba galing?”

“Doon lang kay Ms. Bubbles. Gulong-gulo yung mga models habang naglalaway sa lintik mong boyfriend. Dapat sumali na lang siya dito eh.” Aniya. “Alam kong di yun papayag.”

Nagkibit-balikat ako habang tinitignan ang pagrampa pabalik ni Brandon. Nakatingin na naman siya sakin.

“Rosie, dear, lika na!” Sigaw ni Kira.

Lumunok ako at nagsimulang maglakad papuntang stage. Hindi ako makangisi sa sobrang kaba. Naaninaw ko ang walang buhay na mukha ni Jacob… nang nakita niya ako, umayos siya sa pag upo at nabuhayan ang ekspresyon niya.

“Kembot ng konti!” Sigaw ni Brandon.

Umirap ako habang naglalakad pero sinunod ko rin ang payo niya.

“Very good, Rosie!” Sabi ni Kira habang nag hihintay sa gitna ng ramp.

Tumigil ako sa harapan niya.

“Itong mukha mo, pang finale talaga. Pati katawan mo. Now pose, 1… 2… 3… tapos talikod.”

Sinunod ko ang mga sinabi ni Kira.

“Very goood!!!” Sabi ni Kira.

May pumalakpak pa sa audience. Nilingon ko si Jacob na nakastanding ovation habang nginingitian ako. Uminit tuloy ang pisngi ko sa ginawa niya. Nakita ko talaga ang sabay-sabay na paglaglag ng mga panga ng mga babaeng nandoon at naglalaway sa kanya.

“Opppsss! Hija, bawal lumingon sa audience kung may pumapalakpak. Patuloy lang sa paglakad hanggang sa makaabot sa position. Okay?”

“Sorry, Kir.” Sabi ko at naglakad ng patuloy.

“WOOOO!” Pumalakpak din si Brandon nang papalapit na ako sa tabi niya.

Ngayon, silang dalawa na ni Jacob ang pumapalakpak. Napapikit na lang ako habang tumatayo sa posisyong tinuro ni Kira.

“Galing mo, Rosie!” Bulong ni Brandon sakin.

Tinignan ko na lang ang nakahalukipkip na si Jacob sa audience. Diretso ang tingin niya kay Brandon. Para bang naghihintay na makipagbakbakan sa titigan. Umiling na lang ako.

Isang beses pa naming inulit ang lahat. Nag tiis talaga ako.

“Yung mga ibang malayu-layo pa, pwedeng sa audience muna kayo para makita niyong mabuti kung anong gagawin ng mga nauna.”

Tumayo ako at agad nagmartsa sa audience. Kating-kati na akong kausapin at makasama si Jacob. Nakaupo siyang mag isa doon sa audience habang pinagmamasdan akong papalapit sa kanya.

“Doon tayo!!!” Tili ng ibang modelo sabay turo sa unahan o likuran ni Jacob. Kahit saan basta malapit kay Jacob! Heh! Minsan nakakainis yung kagwapuhan niya. Lahat nahuhumaling. Buti na lang di niya pinapansin yung iba.

“Rosie, pupunta ka diyan? Icheck natin gowns natin?” Anyaya ni Jasmine sakin.

Umiling ako, “Ikaw na lang. May pupuntahan lang ako.” Sabi ko.

Tumango siya at umalis na para tignan ang gowns namin.

Ang akala koy diretso na akong makakapagmartsa papunta kay Jacob, yun pala, nandito si Brandon at nakaharang sa daanan ko.

“Hi!” Bati niya.

“Hello!” Patuloy akong naglakad.

“Bilis yata ng lakad mo. Relax!” Humalakhak siya.

Nilagpasan ko na. Kainis! Wa’g siyang magkakamaling mag flirt sakin sa harapan ni Jacob. Baka masupalpal siya ng di oras.

Nakatitig siya sakin at seryoso ang mukha niya. Uupo na sana ako sa tabi niya pero tinapik niya ang hita niya.

Napaawang ang bibig ko habang nagkakatitigan kami. Alam ko ang ibig niyang sabihin pero ayokong maniwalang gagawin namin ‘to sa harap ng nakatitig na mga babae at lalaking models.

“Ha?” Marahan kong tinanong.

Tinapik niya ulit ang hita niya.

Uminit ang pisngi ko. Pakiramdam ko, kulay kamatis na ang mukha ko sa ginagawa niya. Nang nakalapit na ako sa kanya, dahan-dahan sana akong uupo sa lap niya pero bigla niya akong yinakap galing sa likuran.

“Ahyyy!” Bumilis ang pintig ng puso ko.

Narinig ko agad ang pagbubuntong-hininga ng mga tao sa likuran at mga taong nakatingin samin.

“Mag boyfriend sila!” Pabulong ito pero dinig na dinig ko.

Mahigpit ang yakap ni Jacob sakin. Sinandal niya ang mukha niya sa leeg ko. Parang inaamoy at hinahalikan niya ang leeg ko kaya nakikiliti ako.

“Good job!” Sabi niya at ngumisi.

Kinabahan ako. Akala ko ayaw aayaw na siya dahil kay Brandon, pero hindi pala.

“Gusto mo na ba dito?” Tanong ko.

Hinigpitan niya lalo ang pagkakayakap sakin.

“Hindi parin. Ayoko. Tsaka… May mga lalaki pala dito?”

“Uhmm.. Oo. Kanina ko lang nalaman.” Napalunok ako.

Nagkatinginan kaming dalawa. Hinalikan niya ako bigla sa pisngi. Maraming beses at sunod-sunod.

“Jacob…” Saway ko.

“Hmm?” Patuloy siya sa paghalik.

“Maraming tao…” Sabi ko.

Tumigil siya at ngumisi. “Mamarkahan kita sa harapan nila para di na sila magtangkang kunin ka sakin.”

Binatukan ko, “Hindi naman talaga ako magpapaagaw! Crazy!”

Napabuntong-hininga ako. Mabuti na lang at naging open minded na rin siya dito.

Hinalikan niya ang buhok ko habang nakaupo parin ako sa hita niya.

“Jacobbb!” Sinapak ko ang braso niya.

Habang ginagawa niya yun, nakita ko si Brandon sa harapan namin. He’s stunned. Halos laglag ang panga niyang tinititigan kaming dalawa. Well, yes, I’m taken.

“I love you, Rosie…” Bulong ni Jacob sa tainga ko.

“I love you, too.” Sagot ko.

“I love you, more…” Sagot niya. “Walang makakaagaw sa iyo.”

Ngumiti ako. Nahagip na naman ng paningin ko si Brandon na ganun parin ang reaction.

“Anong problema ng adik na yan?” Sabay nguso ni JAcob kay Brandon.

“Hindi ko alam. Hayaan mo na.” Sabi ko.

“Finaleee group! Lina kayo!” Sigaw ni Kira.

Tumayo ako pero hinila ako pabalik ni Jacob.

“Uwi na tayo?” Yaya niya.

“Isang oras pa nga tayo dito.” Tumawa ako.

“Ginugutom na ako eh.” Sabay hawak niya sa tiyan niya.

Tumaas ang kilay ko, “Gutom?”

Ngumisi siya, “Oo. Gutom na gutom… Tsaka… uhaw din ah?” Humalakhak siya.

Uminit na naman ang pisngi ko.

Naglakad ako nang di natatanggal ang ngiti sa mukha ko. Shet na Jacob! Alam na alam ko kung anong klaseng gutom at uhaw ang sinasabi niya.

“Habang nandito pa ako, wa’g niyo isiping the best na ang syota niyo!” Pangaral ni Brandon kina Jasmine sa backstage.

Nakita niya ako. Para bang sinasadya niyang paringgan ako kasi inulit niya ulit yun.

“Again, sabi ko, habang nandito pa ako, wa’g niyong isiping the best na ang syota niyo!”

Nag iwas ako ng tingin sa kanila. Jacob is the best for me. No other man is perfect for me. Walang makakapagpabago ng isip ko nito.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: