Baka Sakali 1 – Kabanata 56

Kabanata 56

Platonic

Dalawang linggong wala si Jacob. Hindi kami nag uusap nina Callix, Belle at Ava. Ang tanging ginagawa lang ni Ava ay tignan ako gamit ang naawang ekspresyon. Si Belle naman, pinagkakalat sa lahat ang nagawa ko. Si Callix, balik sa dati, tawa nang tawa sa mga kaibigan niya pero tuwing nagtatagpo ang mga mata namin, agad siyang sumisimangot.

“Rosie, daan ako mamaya sa bahay niyo ah? Naiwan ko pala yung t-shirt ko kahapon.”

“Whatever, Karl. Akin na lang yun.” Sabi ko sa tanging kaibigang natira.

“Kaw talaga, this past few days ang sungit-sungit mo… Hmmm. Jacob’s absence?” Ngumisi siya.

“Wa’g mo nga akong artehan.” Inirapan ko na. “Sige, kunin mo maya.” Sabi ko habang nagtititigan kami ni Belle.

Hindi parin siya natatapos sa pagkakalat ng pagiging gold digger ko at ang pag tuhog ko sa magpinsan.

“Lika na!” Sabay hila sakin ni Karl nang narealize niyang nag tititigan na ulit kami ni Belle.

“Sasabunutan ko talaga yang bruhang yan! Bwiset!” Sabi ko.

“Chill ka nga! Ang init ng ulo mo! Hayaan mo na lang yan! Huhupa din yang mga issue mo, soon. Mabuti pa wag mo ng dagdagan.”

“Uwi na ako! Baka mapatay ko pa ang walang hiyang yun.” Sabi ko.

Actually, baka mapatay ko ang halos lahat ng schoolmates ko. Marami kasi talagang nag tsitsismisan tungkol sakin. Hindi dahil sikat ako kundi dahil kay Jacob. Sa maiksing panahon ni Jacob dito sa school, marami siyang naging kaibigan. Halos lahat ng nakakakilala sa kanya, alam kung anong nangyari saming tatlo ni Callix.

“Okay! Pasok muna ako… See ya later!” Sabay kindat ng bakla sakin.

Naglalakad ako ng walang ulo dito sa school. Pag napapalapit ako sa isang crowd, agad silang tatahimik at titingin sakin. Imbes na mahiya ako, tinititigan ko rin sila pabalik.

“Huy, Rosie? Asan na si Jacob? Tsss!” Sabi nung isang kaklase ko sa Biology 10.

“Ewan ko. Mukha ba akong girlfriend niya?”

“Hindi! Ambisyosa ka!” Sigaw niya pabalik, umirap pa!

“Yun naman pala ba’t ka nag tatanong diyan!?” Umirap din ako habang naglalakad papuntang gate.

Pagkarating ko ng bahay, wala pa si Maggie. Nandoon pa sa school. Tumawag si mama at papa at nangumusta samin ni Maggie. Wala masyado akong nasabi. Hindi nila alam na dito na nag-aaral si Jacob sa Maynila. Ayokong malaman nila, lalo na ni mama dahil ipagkakanulo na naman ako nun.

Biglang may nagbukas ng pintuan habang binababa ko ang telepono.

“Oh my sht!” Napasigaw ako.

“Bakit di naka lock ang pinto? Ikaw lang mag isa diba? Ba’t di naka lock ang pinto? Paano kung may pumasok na masamang tao…?” Sigaw ni Jacob sabay turo sa doorknob.

“God! Jacob! Muntik na akong magkaheart attack!” Sabay hingang malalim. “Anong ginagawa mo dito?”

“Ano? Binibisita ka!” Sabay pakita ng naka cast niyang kamay at turo naman ng naka iilang bandaid niya sa mukha.

Wala na yung pamamaga ng mga sugat niya sa mukha. Malamang! Dalawang linggo na kaya ang nakalipas. Mahaba-habang panahon na. Hindi naman ganun ka grabe yung mga pasa para mag stay. Actually, mukhang magaling na siya. Balik sa kaperpektuhan ang walang galos niyang mukha.

“Binibisita? Sabi ko distansya, diba? Pumayad ka! Ano ‘to ngayon? ‘Rosie, sige, bibigyan kita ng panahon…’ Asan na yun?” Sabi ko.

“Ayun na yung panahon! Dalawang linggo! Panahon na yun!” Sabay lapit niya sakin.

Di siya makatingin sa mga mata ko. Namula ang pisngi niya. Umiling na lang ako at nag face-palm.

“Jacob, ibig kong sabihin, hanggang sa maging okay na ang lahat… Maging maayos.” Sabi ko.

“A…aray.” Sabay hawak niya sa kamay na nakacast.

“B-Bakit? Anong nangyari?” Lumapit ako sa kanya para tignang mabuti ang cast.

“Ang sakit, Rosie.” Sabay turo niya sa kamay niya.

“Bakit? Alin? Sabi naman eh sana nagpahinga ka muna! Umupo ka nga!” Sabay lahad ko sa sofa sa harapan namin.

Umupo naman siya.

“Sakit sakit ng mga galos ko. Aray…” Ngayon yung galos sa mukha naman ang iniinda niya.

“Talaga?” Inexamin kong mabuti ang mukha niya. “Wala na namang pamamaga ah? Ba’t masakit?” Tumaas ang kilay ko.

Namula ulit ang pisngi niya, “D-Di ka ba nag alala sakin? D-Di mo ako binisita sa ospital ah?”

“Hay nako! Jacob, magpagaling ka na lang.”

“Nagpapagaling naman ako ah? Kaya nga nandito ako kasi nagpapagaling na ako.” Ngumisi siya.

“At saan na nga kasi yung time na hinihingi ko? Tss! Pwede ba! Kilala kita!” Umiling ako sabay upo sa sofa.

Winala niya ang usapan. Tinuro niya ang doorknob at ibinalik ang issue doon.

“Yung doorknob, inilolock lalo na pag ikaw lang mag isa. Paano kung may kapit bahay kang rapist edi kanina ka pa na rape!”

“Opo! I lolock na kasi… next time.”

“Rosie naman! Seryosohin mo nga yan… Dapat talaga nilolock yan! Paano kung may magnanakaw? Manghold up dito? Paano kung may kumidnap sayo?”

“Oo na kasi…” Sabi ko habang tinitignan parin siya.

Di parin siya makatingin sakin. Para bang naghahanap siya ng pwedeng mapag usapan.

Nilapitan ko siya para icheck kung totoo ba talagang may ‘galos’ sa mukha niya. Tinanggal ko isa-isa ang bandaid niya at tadaaaaaah! WALA NG GALOS!

“Ikaw talaga! Malaking sinungaling!”

“Aray!” Sabi niya pagkatanggal ko sa huling bandaid. “Bakit?”

“Wala na oh!” Umirap ulit ako.

“Wala na ba?” Sabay tingin sa salamin.

“Jusko naman, Jacob! Umalis ka na nga dito!” Sabi ko.

Tumayo ako at binuksan ang pintuan para palabasin siya. Pero nang binuksan ko ang pintuan, tumambad ang nakangising si Karl sa labas.

“Uh… nakakaistorbo ba ako?” Tumaas ang kilay niya.

“Hindi, Karl. Sige… Kunin mo na yung t-shirt mo. Aalis na rin naman to si Jacob-“

“TEKA! Anong?!” Tumayo si Jacob at bumilis ang paghinga niya habang nakatitig kay Karl. “Anong kagaguhan ‘to?! Rosie?!” Hindi siya makapagsalita dahil hinihingal siya sa nakikita niya.

Nakapag face-palm ulit ako. Kung maka react wagas!

“Easy, dude…” Sabay pasok ni Karl sa bahay at sa kwarto ko para kunin ang naiwan niyang t-shirt.

Laglag ang panga ni Jacob habang pinagmamasdan si Karl na pumasok sa kwarto ko.

“R-Rosie, diba kwarto mo yun?” Tanong ni Jacob.

“Paano mo nalaman?”

Tinanggal ni Jacob ang cast ng kamay niya at tinapon sa sahig tapos sumugod sa kwarto ko… kay Karl.

“JACOB!” Sigaw ko habang tumatawa.

“Ito ba yung pinalit mo sakin? Kaya ba distansya? Kaya ba nanghihingi ka ng time? Kaya ba wala kang mapili samin ni Callix dahil sa kanya!?” Sigaw niya.

“Jacob, magkaibigan kami ni Karl.” Sabi ko.

Nakatayo lang si Karl doon habang hinahawakan ang naiwan niyang t-shirt.

“Nag movie marathon kami tapos nagpalit siya ng t-shirt kaya ayun, naiwan niya dito yung isa-“

“Rosie… nag momovie marathon tayo noon. Wa’g mo namang mantsahan ang mga alaala nating dalawa!” Suminghap siya.

Nagpipigil ako ng tawa habang tinitignan ang blankong ekspresyon ni Karl.

Gustuhin ko mang magpaliwanag ng maayos kay Jacob, hindi ko magawa. Nagpromise ako kay Karl na walang pagsasabihan sa munting secreto niya. Nawalan na ako ng ilang kaibigan this past few weeks, hindi ko makakayang pati si Karl ay mawala sakin dahil lang dito.

“Karl, umuwi ka na. Ako ng bahala dito.” Sabi ko.

“Okay, dude! Kaibigan lang kami ni Rosie…” Sabay takbo ni Karl sa labas.

Sinarado ko yung pintuan at tinignan ang pabalik-balik na paglalakad ni Jacob.

“Argh! Yun na yun?! Siya na!?”

“Jacob, tumigil ka nga!” Sabay upo ko sa sofa. “Magkaibigan lang kami. Platonic kami ni Karl.”

“Platonic?” Tanong niya.

“Yep, platonic. Yung magkaibigan na kahit kailan walang pwedeng mangyaring romance or something…”

Umupo siya sa tabi ko habang nakikinig sakin.

“Tayo?” Tanong niya sakin ng seryoso.

Nagkatitigan kaming dalawa. Balik perpekto ang features niya. Habang tumatagal, umaaliwalas ang mukha niya at tumatangkad pa siya lalo. Habang tumatagal, gumugwapo siya. Hindi ko masisisi kung bakit ang daming nahuhumaling sa kanya kahit na ayawan niya pa ang mga ito. Hindi siya yung tipong naghahabol ng mga babae, siya yung hinahabol ng mga babae.

“Tayo? Platonic din.” Sabay tingin ko sa bintana.

“We were never platonic, Rosie. Alam mo yun. Simula pa lang.”

“Ewan ko.”

Napatingin ulit ako sa mukha niya. Nagkatinginan ulit kaming dalawa. Alam na alam ko ang mga titig na ito kaya tumingin ako sa sahig para madistract siya.

“Alam mo yun. Kaya nga di ka makatingin ng diretso sa mga mata ko, diba? Kasi alam mo na pagtitignan mo ako, lalakas ang pintig ng puso mo… hindi mo maiintindihan ang mararamdaman mo. Alam ko kasi ganyan din ang nararamdaman ko.”


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: