Baka Sakali 1 – Kabanata 55

Kabanata 55

Give Me Time

Halu-halo ang emosyon ko. Umuwi ako sa bahay para makatulog ng maayos pero di ko nagawa. Bumisita si Karl kinaumagahan. Tahimik si Maggie, James at Karl habang pinapanood akong namumugto ang mga mata habang nanonood ng TV.

“Rosie…” Sa wakas binasag ni Maggie ang katahimikan.

Tinignan ko siya. Puyat na puyat ang mga mata ko sa kakaiyak.

Iniisip ko si Jacob. Gusto kong magtext pero naka off ang phone ko. Hindi ko magawa kasi alam kong kagabi puno yun ng hate messages galing sa kung kani-kaninong number. Tingin ko pakana yun ni Belle. Traydor!

“Sigurado ka na ba? Hindi ka man lang ba magpapaalam kay Jacob?” Tanong ni Maggie.

Umiling ako, “Di na. Mas mabuti yung ganito.” Tumulo yung luha ko.

“Rosie, ilang beses na kayong nagkasakitan. Please naman, sa ngayon, ipaliwanag mo sa kanya kung bakit ka lalayu.”

“Maiintindihan niya yun, Mag. Kung okay na siya ngayon, nakakapag isip na siya ng maayos. Pagsasabihan din siya ng ate ni Callix. Sisiraan ako nun panigurado. At mag iiba na naman ang ihip ng hangin. Sigurado akong maniniwala na naman siya. Mag, walang tiwala si Jacob sakin!” Napahikbi ako sa sinabi ko. “Gold digger… yun na naman ang issue.”

“Rosie, di naman siguro ganun si Jacob.” Sabi ni Karl.

“Nagawa niya ito noon, magagawa niya ulit ngayon.” Sabi ko.

“Pinaglaban ka niya. Muntik na siyang mamatay sa mga suntok ni Callix para sayo… imposibleng ganun.” Sabi ni Karl.

“Uh… Maggie, Rosie… may tao sa labas.” Sabi ni James na kanina pa tahimik at nakikinig samin.

Napatingin kaming lahat sa labas. Tama si James! May tao nga! Kinabahan ako! Sa sobrang kaba gusto ko na lang mag tago o tumakbo sa malayo… o di kaya lamunin ng lupa. Naaninaw ko ang Hummer nina Jacob sa labas.

“OH MY GOSH!” Sabi ko.

Pinagkakaguluhan ito ng mga kapitbahay namin dito sa apartment. May biglang kumatok sa pintuan. Binuksan ito ni James…

“Nandito ba si Rosie Aranjuez?” Tanong ni Don Juan Antonio Buenaventura, ang daddy ni Jacob.

Bago pa siya nasagot ni James, nagkatagpo na ang aming mga mata. Nanlaki ang mga mata niya nang nakita ako.

“P-Pasok po kayo… P-Pasensya na po kayo dito sa apartment namin mejo magulo… wala kasi kaming katulong…” Litanya ni Maggie habang kinukuha yung nakakalat na tuwalya at damit sa sofa namin.

Ngumiti si Don Juan, ngiting nakakapag paalala sakin kay Jacob, “Rosie, pwede ba kitang makausap?” Aniya habang umupo sa sofa. “Okay lang, Maggie… Wa’g ka ng mag abala.” Sabi niya kay Maggie nang nakita niya itong naglilinis parin.

“Opo. Sure.” Sabi ko kahit na kinakabahan.

“Okay lang ba kung sa labas?” Tanong niya.

Napalunok ako, “Opo. Magbibihis lang po ako.” At maliligo.

Umalis na ako agad para maligo at magbihis ng mejo okay na damit. Minadali ko ang lahat kasi kinakabahan ako. Bakit ako gustong makausap ni Don Juan? Okay naman yung disposition niya siguro di niya naman ako huhusgahan, diba? Kasi kung huhusgahan niya ako, sa pintuan pa lang sinigawan niya na ako.

Pumunta kami sa isang malapit na coffee shop. Sa kasamaang palad, ang coffee shop na ito ay tambayan ng iilang estudyante sa school namin. Malapit lang kasi ang apartment sa school kaya di maiiwasang makapunta sa mga lugar na maraming schoolmates. Pero okay lang kasi Sunday naman ngayon at mukhang iilan lang ang nandito.

“Hindi po ako oorder…” Sabi ko.

Tumango siya at nagorder ng sa kanya… at ng para sakin.

Napabuntong-hininga siya bago magsalita…

“Rosie… kamukhang kamukha mo si Precy Aranjuez.” Aniya.

Hindi ako nagsalita. Tinitigan ko lang siya.

“Pero mas maganda ka.” Napabuntong-hininga siya. “Alam ko kung ano ang tunay na nangyari sa inyong dalawa ni Jacob, Rosie.”

Naghintay siyang magsalita ako pero tahimik parin ako…

“Sa Alegria pa lang, alam kong mahal ka niya. I know my son. Mana siya sakin. At ngayon, alam ko rin ang tunay na nangyari kung bakit nandoon siya sa ospital.”

Mas lalo akong kinabahan sa sinabi niya. Naiiyak na nga ako sa kaba. Anong sasabihin niya? Na layuan ko na si Jacob? Oo, lalayuan ko naman talaga si Jacob pero parang ang sakit lang kung yung papa niya na ang magtaboy sakin. Okay lang kung si Callix, o yunga te ni Callix, pero kung si Don Juan?

“Kahit na… pinagtakpan ni Callix ang tunay na nangyari. Sinabi niya sa mommy niya na napaaway si Jacob. Walang imik si Jacob pero alam ko, Rosie. Nung gabing sinabi niya sakin na iniwan ka niya dahil mahal ka ni Callix. Alam ko na agad na mangyayari ang ganito. Kasi… kilala ko ang anak ko. Iniwan ka niya para sa pinsan niyang mahal ka… akala niya madali ka niyang makalimutan pero hindi, diba? Kaya ganun ang nangyari sa kanya.”

“Lalayuan ko na po si Jacob.” Sabi ko. May bukol na nakabara sa lalamunan ko kaya di ako makapagsalita ng maayos. “Mahal ko rin po siya kaya ko siya lalayuan. Ayokong masira siya sa pamilya niya. Ayokong magkasiraan sila ni Callix. Yan lang ang tanging paraan para mahalin siya… sa ngayon…”

Napaiyak na ako sa sinabi ko.

“Rosie, nakita mo naman diba? By now, siguro narealize mo na na walang distansya ang makakapagpalayo kay Jacob sayo. Nakita mo siya, diba? Hindi mo siya mapipigilan. Sinabi ko sa kanya na maaring ganito ang magiging desisyon mo pero di siya pumayag. Anong gagawin mo ngayon, ipagtatabuyan mo siya? Alam mong di yun matitinag sa pagtataboy mo. Rosie, ako ang kasama niya sa Alegria habang wala ka. Inakala kong makakaya niyang wala ka kung makihalubilo siya sa ibang babae pero hindi eh… sayo parin siya, baliktarin mo man ang mundo.”

Napaiyak ako lalo sa sinabi ni Don Juan.

“Mahirap lang po kami. Di po kami mayaman. Tapos sinasaktan ko pa siya. Sinira ko ang buhay niya. Di ako deserving sa ganung klaseng pagmamahal. Maari pong makalimutan niya ako in time. Bata pa po kami… Makakalimutan niya rin ako tulad ng pag limot mo kay Auntie Precy noon para sa mommy ni Jacob.”

Natahimik siya sa sinabi ko.

Ilang sandali pa bago siya nagsalita…

“Rosie, tingin mo ba pagkatapos mo siyang iwan ngayon for good, kaya niya pang magmahal ulit? Nakita mo ba kung gaano siya ka… baliw sayo? Mahal ko si Precy noon pero halos mabaliw ako nang nawala ang mommy ni Jacob… At wa’g na wa’g mong sasabihin kay Jacob na mahirap ka lang kaya hindi kayo pwede… Tinalikuran niya halos lahat ng kaibigan niya sa Alegria dahil sa bagay na yan.”

“Pero yun mismo ang sinabi ng ate ni Callix sakin. Alam ko po… mahirap lang kami… Maaring pinangarap kong yumaman din dahil ayaw ko ng nasa abroad yung mama at papa ko pero di sa ganitong paraan. Di ko sasagutin si Jacob para dun at mas lalong di ako magpapatali sa kanya para lang dun.”

Tumango si Don Juan at ngumiti, para bang may naaalala siya.

“OMYGOD! Roseanne Aranjuez!” Sa pintuan pa lang kilala ko na agad kung sinong sumigaw. Si Grace!

Kasama niya ang kanyang mga alipores. Parang everyday foundation day sa kakapal ng make up.

“Sorry po, tito, mga kaibigan yan ni Jacob. Baka po mag eskandalo yan dito dahil sa nangyari-“

“Anong nangyari? Balita ko nagsuntukan si Callix at Jacob dahil sayo? So ano? Sinong pinili mo?”

Kabanas naman ang mga ito.

“Si Jacob, syempre! Diba? Mas gwapo at mas mayaman!” Sabi ng isa sa alipores niya.

“Wala akong pinili. At di ako pipili.” Sabi ko.

Nagtawanan sila at narealize nilang di ako nag iisa. Nakita ko sa mukha nila ang pagkabigla sa nakita nilang kasama ko. Hindi nila kilala ang daddy ni Jacob kaya malamang pagkakamalan nilang boyfriend ko ang daddy niya.

“Oh my god! Don’t tell me-“

“Grace, ito si Don Juan Antonio Buenaventura. Daddy ni Jacob.” Sabi ko.

Nakita kong nanlaki ang mga mata nila. Seryoso naman ang mukha ni Tito don Juan.

“Mga kaibigan kayo ni Jacob?” Tanong niya kay Grace.

Namutla si Grace at tumango.

“Nandito kami ni Rosie para kumbinsihin siyang pakasalan ang anak ko. Ngayon, kung kaibigan ka ni Jacob, maari mo ba akong tulungang kumbinsihin ang babaeng mahal niya?”

Nalaglag ang panga ko sa sinabi ni Don Juan. Nagbulung-bulungan si Grace at ang mga alipores niya bago nag walk-out na maasim ang mga mukha.

“Sorry, Rosie.” Tumawa si Don Juan.

“Pero po… mas lalong magkakagalit si Callix at Jacob sa ginawa niyo.” Sabi ko.

Habang tinatapos ko ang salita kong iyon, nanlaki na ulit ang mga mata ko nang nakita ko kung sino ang nasa likuran.

“Wala akong pakealam, Rosie.”

Napatayo si Don Juan nang narinig niya ang anak niya sa likuran. May cast sa kamay ni Jacob at may iilang band aid sa mukha. Namamaga ang kaliwang pisngi nito. Halos maiyak ako nang nakita ko siya. Para sakin? Ganito? Ganito ang mangyayari sa kanya?

“Jacob, tumakas ka ba sa ospital?” Tanong ni Don Juan.

Binalewala siya ni Jacob, “Kung iisipin nilang lahat na pera ang habol mo sakin… ngayon pa lang pinaparating ko na sa kanila na wala akong pakealam. Ibibigay ko sayo lahat ng gusto mo. Gagawin ko ang lahat. Wala silang pakealam kung anong gagawin ko dahil buhay ko to. Ito ang pinipili ko. Ikaw ang pinipili ko.”

Napapikit ako sa sobrang sakit, “Jacob… kailangan kong lumayo sayo. Ayoko ng nagkakaganito. Ayokong nasasaktan ka. Ayokong nagkakasiraan kayo.”

“Lalayu ka? Mas lalo mo akong masasaktan sa gagawin mo-“

“Jacob, just… give me time.” Para din naman sayo ‘to.

Sana magkaayos na kayo ni Callix. Sana maging okay na ang lahat para pwede ng tayo ulit.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: