Baka Sakali 1 – Kabanata 10

Kabanata 10.

Sating Dalawa

Naglakad kami ni Jacob papuntang DSA, nagbabangayan parin…

“Kasalanan mo ‘to!” Aniya.

“Anong ako? Kung di mo ako iniinis eh di ‘to mangyayari sakin.” Sabi ko naman.

“Anong sakin? SATIN! Sating dalawa! Kung di mo rin sana ako kinakausap-“

“Eh kinakausap mo ako eh, sasagutin kita. Anong gusto mo? Makikinig na lang ako sa mga panlalait mo?”

“Ikaw itong unang nanglait at nagsusungit! Kainis talaga!”

Natigil siya nang nakarating na kami sa DSA Office.

“Anong kasalanan?” Sabay tingin ng nakaglasses at matabang teacher na nandoon.

“Talking while classes are going on?” Sabi ko.

Tumingin siya sakin at kay Jacob at nanlaki ang mga mata niya.

“Jacob Buenaventura tsaka Roseanne Aranjuez… 6 Dandelion.” Sabi ni Jacob ng inililista ang pangalan namin.

“Isang buwan na ah? Mag uniform ka na Aranjuez.” Sabay tingin ni Jacob at nung teacher sakin. “Bukas pag di ka pa nag uuniform, bibigyan ulit kita ng red form…” Tumingin siya saming dalawa ni Jacob. “Tandaan, tatlong red forms, suspended!”

Tumango na lang kaming dalawa ni Jacob. May uniform na ako pero ayoko pang suotin iyon pero mukhang wala akong magagawa. Pero dahil Friday bukas, mag P-P.E attire ako kasi P.E namin.

Pabalik na kami sa classroom nang nagsimula na naman ng sermon si Jacob.

“Ayan kasi, may pa chix-chix ka pang nalalaman sa pagsusoot ng mga damit na yan.” Aniya habang tinuturo ang damit kong bili ni Callix noon.

“Anong problema mo dito? Maganda kaya! Fashion ang tawag diyan! Wala yan dito sa bukid…” Umirap ako.

“Kita mo na? Napaka-judgemental mo. May mas magagandang damit pa diyan, ano. Ang sinasabi ko lang naman ay kung sana nag uniform ka na lang. Nag-aaral ka kaya dapat mag uniform ka.”

“Yes, pa!”

Nag-irapan ulit kaming dalawa bago makapasok sa classroom. Mga mata ng mga kaklase namin ay nakatingin samin ni Jacob habang binibigay ang red form. Nang natapos na ang araw na iyon, maraming nakiusyuso kay Jacob dahil sa red form na nakuha naming dalawa pero di niya ito inentertain.

“Jacob!” Sabi ko nang papaalis na siya. “Yung thesis?”

“Malayo pa yun. Kung gusto mo eh simulan mo na lang. May gagawin pa ako.”

Kainis talaga! Anong akala niya sakin? Grrrr. “Siguraduhin mo lang na importante yang gagawin mo!” Pero tinalikuran niya na ako bago pa ako natapos sa pagsasalita at nakita kong sinalubong siya sa labas ni Eunice.

Makikipagdate? O baka magsasaka na naman sa bukid? Whatever! Makapunta na nga lang ng library at nang masimulan ko ng konti ang introduction ng thesis namin. Ni hindi ko pa alam kung anong topic naming dalawa.

Pagkatapos ng nakakaantok na pagtatambay ko sa library ay namulat na rin ako sa katotohanan na wala akong makikita dito. Inis na inis ako kay Jacob. Puro bangayan lang ang nangyayari samin at nakakuha pa kami ng red form. Dalawang red form nalang, Rosie, at suspended ka na! Habang nakaupos sa library, tinext ko si Maggie na nakakuha ako ng red form today dahil kay Jacob.

“Uh?” Tumingin ako sa nagsasalita at nakita ang malalaking glasses ni April. “Di ka pa ba uuwi?” Tanong niya.

“Uh…” tinignan ko ang relo ko. 5:15pm. “Uuwi na.” Kinuha ko ang bag ko at tumayo na.

“Sabay na tayong lumabas.” Anyaya niya.

Tumango naman ako at sumunod sa kanya. Pagkalabas namin ng library may narinig agad akong parang tumutugtog sa isa sa mga classroom. Samantalang sa grounds naman ng school, marami pang estudyante, yung iba nag vo-volleyball, soccer at basketball. Tumingin si April sa basketball court at inayos ang glasses niya.

“Di ko alam na may club activities pala ang school na ‘to. Di pa ako nakakauwi ng ganito ka tagal eh.” Sabi ko habang tinitignan ang mga estudyanteng nag papractice. Some normal school, eh?

Tumango si April, “Lika na?”

“T-Teka lang.” Sabi ko. “Gusto kong tignan muna ang mga clubs. Di ka ba kasali sa isa dito?”

“Uhh. Kasali… Sa Math Circle.”

Tumango ako, “May modeling kaya dito o photography something na club?” Tinignan ko si April pero di siya umimik.

Naglakad ako papuntang basketball court at nakita ang dalawang lalaki sa mga kaklase ko na nag babasketball.

“Apriiiil!” Tinawag si April ng isa sa kanila. “Asan si Jacob?”

Inayos ulit ni April ang glasses niya bago siya sumagot, “N-Nasa banda… Susunod lang daw siya.”

Napatingin ako kay April.

Eto pala yung sinasabi ni Jacob na gagawin niya?! Tapos kasama siya sa basketball varsity at banda? Sa kalagitnaan ng pag-iisip ko, narinig ko ang banda na tumutugtog ng isang pamilyar at lumang kanta. Ilang beses ko na ‘tong narinig pero ngayon ko lang iyon na appreciate, lalo na nung lumapit na ako sa pinagkaguluhang classroom kung saan naroon ang banda at si Jacob mismo ang kumakanta at nag-gigitara kasama si Leo at iba pang kaklase namin.

“Pag automatic na ang luha, tuwing nag hahating gabi. Pag imposibleng mapatawa, di na madapuan ng ngiti. Kumapit ka kaya sa akin ng ikaw ay maitangay sa kalayaan ng ligaya…”

Sparkling good! Napangiti ako habang nakikipagsiksikan sa mga babaeng tumitili sa labas ng classroom. Kitang-kita ko si Jacob na seryosong kumakanta at mas lalong nakita ang kagwapuhan niya habang kumakanta.

Gwapo pero suplado, magaling pang kumanta at mukhang player din ng basketball… Kahit na di siya tulad ni Callix na mayaman, he’s definitely the most attractive guy I’ve ever met. Sa halip ng mga kahiya-hiyang pagsasaka scenes with all his sparkling abs and sweat, nakita ko sa kanya ang isang gwapo… mabait? pero totoong tao…

Dinig na dinig ko ang puso ko habang naririnig siyang kumakanta.

“Jacoooob! Ang gwapo mo!!!” Sabi nung babae sa likuran ko kaya ayan tuloy at napatingin siya sakin.

Kasabay ng pag lakas ng pintig ng puso ko ay ang pagpula ng pisngi ko, lalo na nung nagkatinginan na kaming dalawa habang seryoso siyang kumakanta. Napaalis tuloy ako doon sa classroom at sa school. Napauwi ako ng bahay ng di nagpapaalam kay April at parang magha-heart attack sa sobrang bilis at lakas ng pintig ng puso ko.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: