Baka Sakali 1 – Kabanata 9

Kabanata 9.

Kumpletong Pangalan

Agad umalis si Jacob nung naglunch break sa araw na yun. Uuwi ako sa BAHAY NI LOLA para kumain pero bago ako makalabas ng Alegria HS may malamig na kamay na humawak sakin.

Si fishtail/April pala! Inayos niya ang eyeglasses niya bago siya nagsalita.

“S-Sana di mo na lang ako t-tinulungan kanina.” Sabi niya habang binabangga ng iba’t-ibang estudyanteng gutom na at gusto ng umuwi.

“Okay lang. Di naman kita tinulungan… Talagang nainis lang ako sa Eunice na yun-“

“Ayan t-tuloy nadamay ka pa. Pero salamat ah?” Sabi niya. “April nga pala ang pangalan ko. Roseanne, diba?”

Tumango ako.

Inayos niya ang bag sa balikat niya, “Friends?” Ngumiti siya.

Ito na siguro ang first time sa talambuhay ko na may nag anyaya saking makipagkaibigan. Meron din naman akong naging kabigan noong elementary, kaya lang di ganito ka pormal na kailangan pang edeklara na magkaibigan na kayo. Bigla-bigla na lang nangyayari yung iba eh.

Tumango ako at umalis din siya. Pagkabalik ko para sa hapon… nandoon na si Jacob sa tabi ng upuan ko. Umupo ako sa tabi niya at biglang-bigla ako nang kumaway si April sakin.

“Magkaibigan na kayo?” Tanong ni Jacob na tumataas ang kilay.

Nagkibit-balikat na lang ako.

“Buti para may good influence na sayo.” Aniya.

“Hay nako! Ano ba talaga ang problema mo at inis na inis ka sakin?” Sabi ko. Paano ba naman kasi, araw-araw kaming nagbabangayan.

I get it! Mayabang ‘tong sang ‘to kaya sa inis ko ay kinakalaban ko na rin.

“Ikaw? Anong problema mo sa mga mahihirap?” Tanong niyang seryoso sakin.

Napatunganga ako at inisip ng mabuti kung saan siya humuhugot ng drama niya.

“Sabi mo sakin diba, mayabang ako, kala ko kung sino akong mayaman. Wala bang karapatan ang mga mahihirap sayo? Napaka mata-pobre mo nam-” Pinutol ko siya at nilagay ang kamay ko malapit sa bibig niya.

“Hep! Tigilan mo na ako ah? Una tayong nagkita, tinawag mo akong pangit! Anong klaseng lalaki ka para tawagin ang isang babaeng pangit?”

Suminghap siya at inirapan ako.

“Tapos ngayon tinatawag mo akong mata-pobre? Ano pa ba? Huh?” Sabi ko at umiiling lang siya sa tabi ko.

“Eh masungit ka masyado!” Biglang sabi niya na nakaagaw pansin sa lahat.

“Ehe-Ehem… Mr. Buenaventura, may sinasabi ka ba?” Tanong ng English 27 Thesis Writing teacher namin.

“W-Wala po.” Namula ulit ang pisngi niya.

“So…as I was saying…” Nagpatuloy yung teacher pero di parin ako nakikinig.

Si Jacob lang laman ng isip ko. Kainis lang eh! Buti nga sa kanya at napahiya siya. Nakatingin siya sa nagsasalitang teacher pero nalaman kong di pala siya nakikinig nung…

“Sinabi mo pa saking mayaman ang boypren, wala akong pakealam. Di ako nagtanong.” Bigla niya na naman akong binanatan na para bang isang buong buwan niya itong itinago sa sarili at sa wakas ay nasabi niya rin.

“O edi kalimutan mo na-“

“Bakit? Pagmahirap ba di pwedeng maging boypren mo? Dapat mayaman lang?” Sabi niya sa mukha ko.

Napanganga ako sa sinabi niya. Maaring pang-iinis ang pakay niya nang sinabi niya iyon pero iba ang pagkakainterpret ko kaya napangiti ako. Napatingin ulit siya sa teacher at mukhang galit.

“Ehe-Ehem… Mr. Buenaventura at Ms. Aranjuez. I think you two are not listening.” Sabi nung teacher nang nakatingin na ang busyng mga kaklase namin saming dalawa.

Napanganga kaming dalawa ni Jacob.

“Please get a disciplinary form from the DSA office. Reason: Talking while classes are going on or I will not take your outputs for today.”

Tumango kaming dalawa ni Jacob.

“But before that, please get one one-fourth sheet of paper, write your names. As you can see… Kanina pa nagpass ng ganun ang mga kaklase niyo, kayong dalawa na lang ang kulang. Thesis writing is by pairs, kayong dalawa ang magpapartner, but I know it’s not a problem, right? Since nagchichikahan naman kayong dalawa edi kaya niyo ng gumawa ng Thesis at the end of the term?”

Pumula ang pisngi ko nang nakita ko ang mga kaklase kong nagbubulung-bulungan at tumatawa. Si April naman ay nakakagat labi at umiiling sa tabi. Nakataas naman ang kilay ni Eunice at pabulong na sinasabing ‘karma!’ Tumatawa pa.

Napatingin ako kay Jacob na kumuha na ng 1/4 sheet of paper at unang isinulat ang KUMPLETO AT WALANG WRONG SPELLING NA PANGALAN KO.

ROSEANNE L. ARANJUEZ

JACOB ANTONIO S. BUENAVENTURA

ENGLISH 27 – THESIS WRITING


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: