Kabanata 33
Lalaban Ako
“Ano, Klare?” Malamig ang titig ni Gavin sa akin. Naaalala ko si Pierre sa kanyang mga titig. Chinito at mayabang.
Nilingon ko si papa at naghanap ng kakampi. Binuksan ni Ama ang kanyang bibig para magsalita ngunit umubo si papa at pinutol iyon.
“Pupuntahan ko ang table ng mga Montefalco.” Ani papa.
Bumaling si Ama sa kanya, halatang gulat sa sinabi ni papa. “Ricardo, where are your manners. We are eating right now.” Ani Ama. “There’s time for that.”
“Babalik ako pag main course na. I’ll bring my daughter. I need her to formally introduce me to her family.” Sabay tingin ni papa sa akin.
Pansamantala akong nabunutan ng tinik. Kahit na ano ay tatanggapin ko mawala lang ako sa mesang iyon.
“And they will think na I’m being snob kasi hindi ako sumasama sa’yo, is that it? Well, I’m gonna come with you.” Ani Ama at nauna pang tumayo.
“Ma, you eat. Kaya na ni Klare…”
Ngumiwi si Ama at nagsimulang mag ikot sa mga mesa ng mga Lim sa aming likuran. Tumawa ang mga Co at nagbatian sila, tumitigil at ngumingiti para sa pictures.
“Klare, let’s go.” Bulong ni Hendrix sa akin habang tumatayo.
Nilingon ko si Pierre na nakatitig lang sa akin. Tsaka pa lang siya gumalaw nang narinig ang utos ni Hendrix.
“Samahan mo si Ama, Pierre.” AnI Hendrix at tamad na tumayo si Pierre.
“Don’t you think this is rude, Ricardo?” Tanong ni Tita Marichelle nang sabay silang tumatayo ni papa.
Nginitian nila ang mga Co. Ang kanilang lolo at iilang mga tiyahin ay abala sa pakikipag kwentuhan kay lola. Si Pierre ay nasa gilid ng matanda kasama nong nurse na nag aalalay sa kanya.
“Sandali lang naman. When the main course is served, we’ll be back.” Ani papa at tumango sa akin.
Tumango rin ako pabalik at nagsimulang maglakad patungo sa mga Montefalco.
Batid ko ang titig ng mga pinsan kong nakatoon sa akin. Si Azi ay umiinom ng tubig at matalim ang tingin sa bawat hakbang ko patungo sa table nina mommy at daddy. Alam kong masyadong nakakaintriga. Si papa, tita Marichelle, at Hendrix ang nasa likod ko patungo sa table ng mga magulang ko. This is awkward.
Nilingon kami ni Charles at may binulong kay mommy. Napatingin si mommy sa amin at nagpunas agad siya ng labi gamit ang table napkin. Kitang kita ko ang resemblance ng mukha namin ni mommy. At kahit di ko lingunin si papa ay hindi ko rin ma idedeny na anak nga niya ako. This is so awkward.
“Dad…” Tawag ko dahil abala si dad sa pakikipag usap kay tito Stephen.
Tumayo si tito Benedict at naglahad ng kamay sa kay papa na ngayon ay nakatayo sa gilid ni mommy. Naka hawak sa braso ni papa si Tita Marichelle na ginagala ang mata sa long table kung saan naroon ang aking mga tito at tita.
Nakita kong lumapit si Azi sa kanyang daddy na nakaupo at hindi man lang tiningnan si papa sa paglapit.
“Ricarcdo.” Ngiti ni tito Benedict, inaayos ang kanyang salamin.
Tumango si papa kay tito. Tumayo rin si dad at naglahad ng kamay kay papa.
Nakita ko ang ulo ni Damon at Rafael na parehong pumirmi sa kamayan ng dalawa. Kinagat ko ang labi ko nang tumayo si mommy sa gitna nila.
“I know you know my brothers, Ricardo but I believe I haven’t introduced them to you formally?” Ani daddy sabay tingin sa mga tito ko.
Ngiting pilit ang nakita ko sa mukha ni tito Stephen na kahit sa appetizer ay champagne ang iniinom na panulak.
“This is Stephen and his wife Dana Montefalco.”
Tumango si papa at naglahad ng kamay kat tito Stephen. Tinanggap ito ni tito pero ramdam ko ang tensyon. Mabuti na lang at hindi nag papaapekto si papa.
“Kuya Azrael and his wife, Claudine Montefalco.” Sabi ni dad.
Ganon rin ang ginawa ni papa kay tito Azrael na tinanggap din ang kamay kahit di man lang tinitingnan si papa. Si Azi ay nakatitig kay papa na para bang sinusuri kung anong klaseng tao talaga ang papa ko.
“That’s their son, Azrael Montefalco the third.” Ani dad at tinuro si Azrael na tumayo ng maayos at tumango kay papa.
Nilingon naman ni papa si Tito Benedict at nagtawanan na ang dalawa.
“Of course I know Attorney Benedict and Leizl.” Nagkamayan parin si Tito at papa kahit na kilala na ang isa’t-isa.
Nakita kong binaba ni papa ang tingin niya sa kay mommy na pinapanood si dad na nakikitawa sa dalawa.
“And this is my wife, Marichelle Ty.” Sabay hawak ni papa sa kamay ni tita Marichelle na nakabalot ng itim na gloves.
Ngumiti si tita Marichelle. Chinita siya ngunit tulad ni Pierre at Hendrix ay hindi lubusang singkit ang mga mata. Maganda, hindi maitatanggi. Sa kanyang porselanang kutis, itim at makintab na buhok, tangkad ay hindi maipagkakaila na halos ituring na siyang may dugong maharlika sa kanilang lahi.
“Nice meeting you.” Sabay lahad ng kamay ni Tito Benedict sa kay Tita Marichelle nang napagtantong walang naglalahad ng kamay sa kanya.
“Ang laking pamilya namin. Pasensya na kung mahirap isaulo kami isa-isa.” Tawa ni tito Benedict.
“Napansin ko nga. Bumabaha ng Montefalco. Halos lalaki pa ang mga anak ninyo.” Ngiti ni tita sabay pasada ng tingin sa mga tito at tita kong naroon. “Kulang pa yata kayo, Exel is not around.”
“Ah, yes. Nasa St. Luke’s. Pupuntahan namin siya ni Kuya Stephen next week.” Sabi ni tito Benedict.
“Is he well?” Tanong ni papa sa lahat.
“He’s doing better. Hindi lang pwede ma stress. He’s with his family. Silang lahat. Beatrice, Yasmin, Justin, and Elijah.”
Nang marinig ko ang pangalan niya ay bumagsak ang tingin ko sa aking mga daliri.
“Sayang at iyon pa naman ang isa sa inaabangan ni mama. She wanted to see Exel.”
“I’m surprised. She knows Exel?” Tumaas ang kilay ni tito Az kay tita Marichelle. Lumunok si tita at napatingin kay papa. Hindi alam kung anong isasagot
“I… well, they know each other because of me.” Sabi ni papa.
“Azrael, why don’t you call your other cousins. Kahit saglit lang. We’ll introduce them also.” Sabi ni mama na parang winawala ang usapan.
Nilingon ko si Hendrix. Hindi ko rin alam kung paano nagkakilala si tito Exel at si Ama o si papa? Ngumuso lang si Hendrix sa akin.
“Maybe I should ask Kuya about it. I failed to ask him the last time.” Sabi ni tito Az.
“Dad, Kuya is not very well. Maybe you should lessen your queries.” Marahang sinabi ni tita Claudine. Nakatingin lang siya sa tulalang si tito Azrael. Nakikita ko si Claudette sa kanyang ekspresyon ngayon na parang pinapanood ng mabuti ang mukha ni tito.
Tahimik habang tinatawag ni Azi ang mga pinsan ko. Naramdaman ko ang kamay ni Hendrix na kumakalabit sa aking braso. Alam ko ang pangangalabit niyang iyon. Naramdaman niya ang tensyon.
Bumuntong hininga si papa at naunang nagsalita.
“Well, I bought a piece of land in Surigao way back. Kaya nakilala ko si Exel. Malaki ang business nila doon kaya hindi imposibleng hindi kami magkakakilala.”
Nalaglag ang panga ko. Nag iwas ng tingin si mommy at inabala ang sarili sa pagtatawag kina Erin na nagdadalawang isip pang lumapit.
Ito ‘yong mga panahon na hinahanap niya si mommy! Napadpad si papa sa Surigao dahil hinahanap niya si mommy. Kaya ayaw sagutin ni tita Marichelle! Kaya hindi masagot ni papa! Kaya ayaw pag usapan ni mommy!
Nilingon ko si tita Marichelle na kahit nakakapit kay papa ay nakatingin sa mesa ng mga Ty.
“Tita…” Tawag ko.
Ngumiti siya sa akin ngunit kita ko sa mga mata niya ang pagiging balisa.
“Papa…” Nilakasan ko ang boses ko at hinawakan ang kamay ni tita. Sinubukan kong magpakasaya para maibsan ang tensyon. “These are my cousins.”
Sabay lahad ko sa kamay ko. Lumapit ang mga pinsan ko sa kanilang mga magulang.
“This is my brother, Charles Montefalco.” Sabi ko. Tumango si Charles sa kanila. “Erin, Josiah, and Chanel, tito Benedicts and tita Liezl’s children. Damon and Rafael, tito Stephen and tita Dana’s boys. May asawa na si Damon, this is Eba here…” Sabay turo ko kay Eba na nakakapit kay Damon. At kay Xian na bitbit ni Damon sa kanyang kabilang braso. “This is their son, Xian.”
“Oh! The first born of the third generation?” Ngiti ni papa.
Tumawa si tito Stephen at tumango.
“Si Azrael at Claudette naman anak ni tito Az at tita Claudine. Si Knoxx nasa Manila, ‘yong eldest nila.” Sabay ngiti ko sa tumatangong si tita Marichelle.
“Ama…” Narinig kong sinabi ni Hendrix sa likod ko.
Nanlaki ang mga mata ko at nilingon ang aking lolang maliksing naglalakad patungo sa amin. Si Pierre, tita Luisa, at ‘yong nurse sa likod niya.
“Ah! This is my mother, Senica Chiong Ty.” Sabi ni papa.
Nakangiti si Ama habang pinapasadahan ng tingin ang buong pamilya ko.
“I am saddened to hear about Exel’s situation.” Panimula ni Ama. “Mas masaya sana ito pag nandito siya. I’ve met him and he’s a good person. I am sure that his siblings are just the same.” Tumango siya sa mga tito ko.
Si Tito Benedict ulit ang unang naglahad ng kamay. Tinanggap niya ito. Ni hindi tumayo si tito Azrael o tito Stephen para rumespeto sa lola ko. I know them. They are proud, typical Montefalco. But I’m sure they will respect my grandmother. Pero nang si daddy na ang naglahad ng kamay at hindi man lang tiningnan ni Ama iyon ay kumalabog ang dibdib ko.
“Ricardo’s brother and sisters will be happy to meet you all.” Ngiti ni Ama, iniiwan sa ere ang kamay ni dad na binawi niya na lang.
Hinawakan ni mommy ang braso ni dad. Alam kong alam ni mommy na hindi iyon dahil hindi nakita ni Ama ang nakalahad na kamay ni dad. Iyon ay simbolo na ayaw niyang makipag kasundo sa kanila.
Kumunot ang noo ko nang nilingon ni Ama si dad at nginitian. Nakita ko ang nag aabang na tingin ni mommy sa kay Ama. Mas lalo lang akong kinabahan.
“I have to tell you, Lorenzo, you raised Klare well.” Tumango si Ama.
Nalaglag ang panga ko at umatras ng kaonti. Ayokong pumagitna sa mga sinasabi niya. Tumango si dad. “Hindi ko alam na nagkasundo pala kayo ng anak ko, Madame. I thought you did not like her. I raised her the Montefalco way. And I am not sure if she will suit your mood all the time.” Ngumiti si dad.
Hindi ko idinitalye sa kay dad ang lahat ng nangyari sa Davao. Ngunit alam nila na hindi nagustuhan ni Ama ang pag punta ko doon. Alam nila na umalis akong galit si ama. They’re not blind.
“Ah, Lorenzo. She bears my blood. How can she not suit me?” Tumaas ang kilay ni Ama kay daddy.
Humalakhak si tito Azrael habang ginagalaw ang kanyang wine glass. “Well, she’s still half Montefalco. Her mother is married to one.”
Nakita ko ang pag lingon ni Ama kay mommy. Lahat ng balahibo sa aking batok ay tumayo. Nanginig ang labi ni Ama, para bang may gustong sabihin pero ayaw lumabas sa bibig niya. Bumagsak ang tingin ni mommy, at bahagyang yumuko bilang pagbati sa atensyon ni ama bago nagpantay ulit ang titig nila.
Nag iwas ng tingin si Ama sa kanya at pinasadahan ng isang beses ang buong pamilya ko.
“Shall we eat the main course now?” Ngiti ni lola.
“Yes, we shall.” Ani tito Azrael at tinanguan si tito Stephen.
“Luisa, let’s go.” Ani Ama at walang pag aalinlangang tinalikuran ang mesa ng mga Montefalco.
“Klare…” Tawag ni papa sa akin dahil nanatili ako doon.
Hinawakan ko ang kamay ni mommy at daddy. “Babalik po ako.” Sabi ko at hindi ko alam kung bakit pinipiga ang puso ko habang umaalis doon. I belong there. My God, I am sure that I belong there. Kahit wala akong ni isang patak na dugo nila… alam ko…
Mas naunang nakabalik si Ama sa mesa namin kaya pagkadating ko ay nakita ko na siyang nakikipag tawanan sa mga tiyahin ko.
“I will bring perhaps Pierre, Hendrix, and Klare. Hindi pa sila nagkakaroon ng bonding abroad. It’s a good chance to unwind and to visit the history. Learn the traditions… again.” Ngiti ni Ama, kausap ang isang matanda sa pamilya ng mga Co.
Tahimik na naghihintay si Gavin sa kanyang pagkain at halos wala akong pakealam sa gagawin o sasabihin niya. Nakatuon ang atensyon ko sa sinasabi ni Ama.
“Well, I miss China also. If you want, we can bring some of your grandsons? Maybe pwedeng isama na rin natin si Gavin. Alam kong walang problema ang batang ito.” Sabay tingin ni Ama kay Gavin.
Napatalon si Gavin at ngumiti kay Ama. “That’s a good idea.” Nilingon niya ulit ako. “… don’t you think?” Kita ko ang pang aasar sa mata niya.
Nag iwas ako ng tingin at itinuon ang pansin ko sa pagkaing inihahain sa akin. Nagpatuloy ang tawanan ni Ama at ng buong pamilya sa kabila. Marami siyang sinabi tungkol sa mga tradisyon at tungkol sa sakit niya, sa takot niyang hindi siya payagang bumyahe ng malayo, at marami pang iba.
“Ama, why don’t we visit Surigao?” Nagtaas ng kilay si Cristine, ang pinsan kong panay ang laro sa kanyang cellphone. Tinanguan pa ito ng isa ko pang babaeng pinsan. “Hindi ba ay may lupa si tito Ricardo doon?”
Lumiwanag ang mukha ni Ama at mas lalo lang dumami ang kanyang mga sinabi.
I heard that she’ll stay here for about a month or two. Depende kung papayagan siya ng doktor at sa kagustuhan niya na rin. Marami siyang sinabi tungkol sa Cagayan de Oro. Nalaman ko rin na ang mga Co at Lim na pamilyang nandito ay originally galing Davao at pumuntang Cagayan de Oro dahil sa expansion ng mga negosyo. Kaya pala magpinsan si Jesse Co, iyong pinagkanulo kay Cristine, at si Gavin Co, itong katabi ko.
Hindi ko na magalaw ang dessert ko. Pinaglalaruan ko na lang ang strawberry sa ulo ng kulay pink na icecream at halos kada limang segundo ay nililingon ko ang mesa ng mga Montefalco.
Umubo ang katabi ko. Naagaw niya ang atensyon ko. Nagtaas siya ng kilay sa akin. Kumunot ang noo ko at nag iwas agad ng tingin sa kanya.
“Can we talk?” Aniya.
Bumaling ulit ako sa kanya. “Nag uusap na tayo.”
Ngumisi siya. “I mean privately. Mukhang di mo naman kakainin ang dessert mo, labas tayo ng hall. Pasyal tayo sa pool.” Anyaya niya.
“Anong pag uusapan natin?” Tanong ko, nag aalinlangan.
Naramdaman ko ang tingin ni Pierre sa aming dalawa. Maging si papa ay nakatingin na rin sa amin. Nagtataka kung ano maaari ang binubulong namin sa isa’t isa. Luminga ako dahil ayaw kong makunan kami ng mga larawan. Inisip kong ayokong makita ni Elijah ito. Ayokong magselos siya sa isang walang katuturang bagay. Isa pa, hindi diretsong sinabi ni Ama na pipilitin niya ako kay Gavin. At kahit sabihin niya man iyon ay hindi ko parin ito susundin kaya walang dapat ipangamba si Elijah. He should take care of his father. Nang sa ganon ay pag nakabalik na sila dito ay matatanggap na kami nito.
“Sasabihin ko sa’yo pag nakalabas na tayo. If you want this to work, then lalabas ka kasama ko.” Aniya.
Ngumiwi ako at nayabangan sa sinabi niya. Bago pa ako makapagsalita ay tumayo na siya, hinuhulog ang table napkin sa mesa at, “excuse me…” bago lumabas.
Sinundan ko siya ng tingin. Nilingon ko si Hendrix. Alam kong narinig niya ang bulungan namin ni Gavin. Natulala siya sa aking mga mata at tumango rin pagkatapos ng ilang sandali.
“You go. Sasabihin ko sa mga pinsan mo. Don’t worry.” Ani Hendrix.
Hindi ko naintindihan pero ang malamang maayos ‘yon kay Hendrix ay nakapag pakalma sa akin. Tumayo ako at sumunod na sa tinahak na daan ni Gavin. Sisiguraduhin ko na sa pag uusap namin ngayon, malalaman niya na ayaw ko at lalaban ako.
[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]