Until Forever – Kabanata 27

Kabanata 27

Depressant

Kinakabahan ako sa mga ikinikilos ni Elijah. Hindi ko siya matingnan nang palabas na kami sa Microphone Hero.

“Okay ka lang?” Tanong ni Claudette sa akin nang hindi ako mapakali palabas.

“Ayos lang.” Sabi ko.

Nauna na si Elijah sa labas. Hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Mabuti na lang at nong nakalabas na kami ay nakita ko siyang kaabang doon, hinihintay kami.

“Elijah, tara na! Mauna na tayo, dude!” Sabi ni Azi.

Umiling si Elijah sa kanya. Nakapamulsa at ngumunguso.

“Hayaan mo nga ‘yan, Azi! Tara na!” Sabay tulak ni Josiah kay Azi.

“Si Cherry ba ‘yon?” Nanliit ang mga mata ni Azi at agad na pumanhik patungo sa Illest dahil may nakitang chics.

Tumawa si Erin. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Nagtatawanan silang lahat sa kung anong pinag uusapan. Lumingon si Rafael kay Erin.

“Baka nandon rin si Eion, Erin. I know Silver’s coming.” Medyo nag iingat na sinabi ni Rafael.

Ipinagkibit balikat lang iyon ni Erin. “We’re cool, Raf.”

Lumingon si Erin sa akin at kay Elijah. Si Claudette ay kasama na si Hannah, Julia, at Liza papasok ng Illest. Sumulyap si Erin kay Hendrix at agad ng linapitan ng kapatid ko si Vaughn.

“Let’s go, Vaughn.” Ani Hendrix kahit na nag aalinlangan pang sumama si Vaughn dahil sa paghihintay sa akin.

“Susunod lang kami.” Sabi ni Erin sabay kaway kina Rafael.

Nauna na sila. Ang naiwan ay si Damon, Eba, Erin, Elijah at ako. Agad pumunta si Elijah sa likod ko at hinawakan niya ng marahan ang baywang ko. Napatingin ako sa kamay niya at halos maestatwa ako sa kinatatayuan ko. Nakita ko ang pagdungaw ni Erin sa kamay ni Elijah at ang pagtaas ng kanyang kilay.

“Wag kayong mag tagal, ah? Ayokong nagsisinungaling.” Ani Erin at sumunod na sa Illest.

Pinanood ko ang paglayo niya. Si Damon at Eba na lang ang naiwan. Ngumiti si Eba sa akin, kumikinang ang mga mata habang pinapanood ang bawat kilos ni Elijah.

“Ang cute niyong dalawa.” Ngiti niya.

Ngumiwi si Damon sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay bago tumingin muli kay Elijah. “15 minutes. Balik kayo agad. Di rin kami magtatagal. Hindi daw makatulog si Xian pag wala kami. Baka gusto niyong sumabay pag uwi?”

“We’ll see.” Sabi ni Elijah sabay tango kay Damon.

Sumulyap si Damon sa akin bago nakipag high five kay Elijah at umalis hawak ang kamay ni Eba.

Pinanood namin silang pumasok sa Illest. Maingay na doon at sumasayaw na ang mga neon lights. Tahimik kaming dalawa. Hinihintay kong mag salita siya. Kahit na kaming dalawa na lang ay may mga naka aligid paring kilala namin kaya kailangan paring mag ingat.

“Hmmm. You want to drink milk tea or something?” Paunang sinabi niya.

Nilingon ko siya at tumango na ako agad, nagpipigil ng ngiti.

Ngumiti rin siya pabalik. “Come on.” at naglakad palabas ng Lifestyle District.

Lumiko kami sa gilid kung nasaan ang isa pang branch ng Sweet Leaf. Naka dim ang lights. Pagkapasok sa lugar na punong puno ng mga pictures, paintings, at bagay na kulay pink at brown ay agad akong naging komportable. Bukod sa hindi nang uusyoso ang dalawang crew sa harap ay mas lalong gumaan ang loob ko nang nakitang walang tao doon.

“Anong sa’yo?” Nilingon ako ni Elijah nang pumwesto na ako sa isang sofa.

“Wintermelon.” Sagot ko.

Tumango siya at dumiretso na sa counter.

Kung eksena ito noon ay siguro hindi na ako pumayag na nandito kami sa Sweet Leaf kahit na walang tao. Sa takot na baka makita kami ng mga pinsan ko ay hindi ko makakayanan ito. Ngayong suportado na kaming dalawa ay mas nagkaroon ako ng lakas ng loob.

Pagkabalik niya ay umupo siya sa tabi ko, umambang aakbayan ako. Hindi ako makagalaw sa ginawa niya. Ni hindi ako makatingin sa kanya. I want to be intimate but he’s too much to take in.

“Finally, no Vaughn around. He’s too nosy.” Aniya. “Binara ko kanina.”

“Mabait naman s-siya. Hayaan mo na.” I stuttered.

“I honestly don’t care if he’s a good person. I just want him to seriously stop hitting on you.” Ani Elijah, dinudungaw ako ng seryoso.

Syempre, iniisip ni Vaughn na single parin ako. Hindi ko na lang binanggit iyon kay Elijah. Baka mamaya ay sabihin niya pa sa lahat na kami na. Baka hindi siya makapagpigil.

“Heto na po ang order niyo, sir.” Sabi nong bading na waiter habang nilalapag ang order naming may nakalagay na pangalang “Klare. Elijah.”

Agad kinuha ni Elijah ‘yong straw at nilagyan niya muna ang akin bago ‘yong sa kanya. Hindi ko maiwasang punahin ang kanyang pagka maalaga. I love him so damn much for that. Inabot niya sa akin ‘yong tea ko.

“Why don’t you change your relationship stat on Facebook?” Nagtaas siya ng kilay.

Halos maibuga ko ang milk tea na iniinom ko. Kumunot ang noo niya.

“You change your relationship stat on Facebook.” Utos na iyon.

“Elijah…” Nakangiti kong sinabi.

“Hindi ka titigilan ng mga lalaking ‘yan kung hindi ka mag lalagay ng In a Relationship.” Untag niya.

“Pano kung mag tanong sila kung sino? Sinong isasagot ko?”

“Then don’t answer them. It’s not your obligation to answer their every damn question, Klare.”

Ngumuso ako sa sinabi niya. May punto siya don pero hindi lang ako makapaniwala sa gusto niyang mangyari.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at nakita kong pinindot niya ang icon ng Facebook. Pinanood niya ang pagdungaw ko roon.

“I’ll change mine now. You can change yours tomorrow. Walang magdududa. And besides, pag nag duda sila sating dalawa, I don’t care. Saan din naman patungo ‘to? Malalaman at malalaman din nila ‘yon.”

Huminga ako ng malalim. “Ang kulit mo.”

Ngumiti siya. “Ayoko lang ng may nag iisip na may pag asa sila sa’yo. Wala na silang pag asa.”

Nagtaas ako ng kilay sa confidence niya. Tumawa siya sa reaksyon ko.

Darn. Kapag kasama ko talaga siya ay nakakalimutan ko ang oras. Kahit buong magdamag siguro kami dito at nag uusap ay ayos lang sa akin. Hindi ako nagsasawa sa mga sinasabi niya.

Nang nag usap kami tungkol sa aking birthday ay nakita ko ang pamumungay ng kanyang mga mata. Hinanap ko iyon nang naglakbay ito sa mga frame na nasa kabilang dingding.

“Wala ako sa birthday mo.” Aniya.

Sinubukan kong huwag pawiin ang ngiti sa aking labi pero siguro ay sa lungkot na nadama ko ay hindi ko na naiwasan. Hinawakan ni Elijah ang kamay ko.

“Aalis kami kasama si Dad-“

Hindi ko na napigilan ang pag putol sa kanya. “U.S?” Basag ang boses ko.

Umiling siya. “No, baby. I won’t go anywhere that far without you anymore. Pupunta kaming Manila. I assure you na hindi ako aabutin ng isang buwan doon. Kailangan kong sumama at bumawi kay dad. Gusto kong magpagood shot sa kanya habang mag papatingin siya sa St. Luke’s. Heart Rehab. I’ll see if I can do something about our relationship. Babalikan kita agad.”

Inisip ko ang mga sinasabi niya. It’s his dad. Wala akong karapatang sabihin sa kanya na huwag dahil ayaw kong wala siya sa tabi ko. Natatakot ako sa pagkakataon. Natatakot ako sa aming sitwasyon. Natatakot ako na baka may hindi magandang mangyari. Natatakot ako na mapako ang pangako niya at hindi ko siya masisi. That’s too selfish of me though so I will let him go.

“Take your time. Don’t rush, Elijah. Dad mo ‘yan. He needs to recover.” Sabi ko at tiningnan ang mga daliri naming pinagsalikop niya.

Naglalaro ang daliri niya sa mga daliri ko. Isang bagay na paniguradong magpapaiyak sa akin sa sobrang pangungulila. I’m gonna miss him so much. At sa birthday ko pa, wala siya? Well, I’ve spent two birthdays without him anyway. This won’t make a difference right? I hope so.

“We’ll Facetime every night. I promise.” Ngiti niya.

Tumango ako at nakatoon parin sa aming mga daliri.

Tumunog ang cellphone ko. Umayos kaming dalawa at dinungaw ko ang pangalan ni Pierre na tumatawag. He’s worried? I don’t know. Hindi nga pala ako nakapag paalam sa isang iyon.

“Hello?” Sagot ko, pinapanood si Elijah habang nakatingin rin pabalik sa akin.

“Where are you?” Malamig niyang tanong.

“Bakit?” Tanong ko.

“Akin na, Pierre.” Malamig na sinabi ni Claudette.

“Tss…” At narinig kong naka Claudette na ang cellphone. “Hello, Klare?” Boses ni Claudette.

“Dette?” Medyo kinabahan na ako.

“‘Yong kuya Hendrix mo, uhm… He’s hurt.” Sabi niya. “We are… We’re heading home. Diretso na. Asan kayo? Nasa Lifestyle pa? Sabay na tayo? Sumabay sina Azrael kina Raf.”

“W-What? Bakit? Anong nangyari kay Hendrix?” Napatayo ako at halos dumiretso na sa pintuan.

Malakas ang pintig ng puso ko at inisip ko kung ano ang maaaring nangyari sa kapatid ko. May mga masasamang loob ba na may alam na anak ang kapatid ko ng isang negosyanteng multi millionaire? Oh my God!

“Elijah, let’s go.” Sabi ko kahit nakasunod na si Elijah sa akin.

“What happened?” Tanong niyang wala akong maisagot. Naka dungaw na rin siya sa kanyang cellphone, tinitext ang kung sino.

Halos tinakbo namin ang daanan patungong pariking lot ng Lifestyle District.

“Lika na lang dito. Bilisan niyo. Si Damon ang nag hatid kina Julia, Liza, at Hannah.” Sabi ni Claudette. “Ida drop lang daw ni Pierre si Vaughn. Sasama kami ni Erin sa inyo ni Elijah.”

Habang nagsasalita si Claudette ay naaninag ko ang front seat ni Pierre na nakabukas at may nakaupo doon. Nakatayo si Erin habang mukhang ginagamot ang nakaupo.

“Klare! Where have you been?” Salubong ni Vaughn sa akin pagkatapos kong ibaba ang cellphone ko.

Sumunod agad si Claudette sa akin nang binalewala ko si Vaughn at dumiretso na sa kapatid kong dumadaing at umiiwas sa pag gamot ni Erin sa kanya.

“They’re here. Klare, sumama ka na lang kay Elijah. Isama niyo si Ahia at Erin. Ihahatid ko si Vaughn. Claudette’s coming with me.” Utos ni Pierre.

Kumunot ang noo ko.

Pinatunog ni Elijah ang kanyang sasakyan sa tabi ng sasakyan nina Hendrix. Nilingon ko si Vaughn sa gilid ko na nakakunot parin ang noo sa akin at naghihintay ng sagot.

“Jesus Christ, give it up, Vaughn.” Sabi ni Erin at tinulak si Vaughn palayo sa akin.

“Nagtanong lang naman ako. He’s brother got hurt. She wasn’t there.” Mariing sinabi ni Vaughn.

“Vaughn, nagutom ako kaya kumain ulit ako.” Palusot ko. Hindi makatingin kay Vaughn. “Rix, let’s go. Sa back seat ka na.” Sabi ko at nilapitan ang kapatid kong dumudugo ang kabilang pisngi.

Ni hindi ko alam kung ano ang nangyari. Kahit paano ay napawi naman ang sobrang kaba ko. I thought of the worst. Thank God, gasgas lang. But still I’m worried. Hindi nagkakaron ng ganito ang kapatid ko.

“Pierre, take care of the car.” Malamig niyang sinabi sa kay Pierre na pinagbubuksan si Claudette sa back seat.

Tumikhim si Claudette at pumasok, sumulyap sa akin habang pinapapasok ko naman si Hendrix sa likod ng sasakyan ni Elijah.

“Pupunta sina Rafael sa bahay niyo sa Hillsborough ngayon to check on us. Si Damon at Eba nagpaalam na umuwi na.” Sabi ni Erin bago pumasok sa loob ng sasakyan ni Elijah.

Nilingon ko ang nakaabang na si Elijah sa akin. Tumango siya at lumapit na ako sa front seat para makaalis na kami.

Nakita kong umalis na sina Pierre, Claudette, at Vaughn. Sumunod naman kami. Nilingon ko ang dalawa at naabutan ko si Erin na patuloy ang pag gamot sa sugat ni Hendrix.

“Anong nangyari?” Tanong ko.

“It’s his fault.” Sagot ni Erin.

“Nagtatanong si Klare kung ano ang nangyari. Hindi siya nagtanong kung sino ang may kasalanan.” Iritadong sinabi ni Hendrix at agad dumaing nang mariing pinindot ni Erin ang namamagang pisngi. “Ouch!”

“Kung sana ay hindi siya nagpa bida ay sana hindi siya nagkaganito.” Sabi ni Erin. “Bar ‘yon kaya syempre, sasayaw ako. What the hell is wrong with you?”

Kumunot ang noo ko sa kapatid kong nakabusangot ang mukha.

“You’re dancing with your ex. Hindi ka parin nadadala? Just… nasan mo nilalagay ‘yong utak mo?” Tumaas ang tono ng boses niya.

Naramdaman kong gumapang ang kamay ni Elijah sa kamay ko. Nilingon ko siya at nilagay niya ang index finger niya sa kanyang labi. “Shh.”

Tumingin ako sa daanan habang dinidinig ko ang pagtatalo ng dalawa sa likod ko.

“So what? Anong pakealam mo? This isn’t your life.” Malamig na sinabi ni Erin.

“Don’t come running to me pag nasaktan ka niya ulit. I’m not going to shelter you anymore.”

Nalaglag ang panga ko at halos natunaw sa kinauupuan ko. Narinig ko ang sipol ni Elijah. Nilingon ko siya at malaki ang kanyang ngiti. Gusto ko siyang sapakin bigla. Tumigil siya at huwag na huwag siyang sasawsaw.

“I didn’t ask for anything. I will never ask for anything, Hendrix.” Sabi ni Erin.

At don ay natahimik ang dalawa. Halos wala na rin akong masabi nang ang lintik na Elijah ay sumasalida pa.

“Baby, the deafening silence is killing me. Can you please turn the stereo on?” Malambing niyang sinabi.

Matalim ko siyang tinitigan. Kumindat siya sa akin at sinunod ko na lang ang hiningi niya.

Tahimik kami kahit na pumasok na kami sa Hillsborough. Sa malayo pa lang ay kita ko na ang dalawang sasakyang naka park sa tapat ng bahay namin. Nasa loob na yata ‘yong kina Pierre.

Lumabas kaming apat pagkatapos nipark ni Elijah ang sasakyan. Mabilis na nagmartsa si Hendrix papasok sa bahay namin. Sumunod si Erin sa kanya. Nagkatinginan kami ni Elijah. Nagkibit balikat siya sa akin at pumasok na rin sa loob kasama ko.

Narinig ko ang mga pinsan kong nag uusap sa sala ng bahay.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Erin.” Sabi ni Rafael.

“Malay ko ba na papatulan niya si Eion.” Sabi ni Erin at umupo sa tabi ng isang tulog ng si Josiah at Azrael. Maging si Claudette ay nakapikit na rin sa balikat ng humihikab na si Rafael.

“Dito na lang kayo matulog.” Sabi ni Pierre at tumayo na, nagtungo sa kay manang na nasa gilid at naghihintay ng utos.

Napatalon si Rafael sa sinabi ng kapatid ko. Inisip ko kaagad na magkakasya naman siguro sa mga guestrooms.

“Wag na.” Ani Rafael.

“Sige na, Raf. Nag isip karin naman kanina na matutulog tayo kina Elijah.” Sabi ni Chanel.

Wala na doon si Brian. Siguro ay umuwi na kaya kaming magpipinsan na lang talaga ang natitira.

“They’re asleep. Dito na lang kayo matulog.” Sabi ulit ni Pierre.

Napatingin ako kay Hendrix na hinahaplos ang sugat sa gilid ng kanyang labi at tinitingnan ang dugo sa kanyang daliri. Narinig ko ang tikhim na Erin.

“God.” Aniya at agad siyang tumayo para lapitan si Hendrix nang biglang tumayo ang iritadong si Hendrix.

Natigilan si Erin lalo na nong nag walk out si Hendrix.

“Kung napipilitan ka lang na gamutin ang sugat ko, wag mo na lang gamutin!” Sabi ni Hendrix at dumiretso sa kusina.

Laglag ang panga ni Erin nang hinarap niya kaming lahat. Napatingin ako kay Elijah na walang kupas ang ngiti.

“Looks like bro needs a depressant.” Sabay tingin niya kay Rafael.

Nilingon ni Rafael si Azi na patay sa tulog. “Sana pala di ko nilasing ang isang ‘to. Magaling ‘to sa advice, e.” Tinampal ni Raf ang pisngi ni Azi.

Nakita kong gumalaw ang mata niya at halos masapak niya pa si Rafael kahit na hindi pa nadidilat.

“Fuck… stop it.” Bulong niya.

“Gising! Inom tayo.” Sabi ni Rafael.

Umiling ako. “Tumigil na nga kayo.”

“Hmmm. Why not.” Sabi ni Azi habang nakapikit parin. “Employee of the month? Liver. Hard working, e.” Halakhak niya.

Tinapik ni Elijah ang likod ko. Nilingon ko siya at inilapit niya ang kanyang labi sa aking tainga. “Show me your room. Para alam ko kung saan ako matutulog pagkatapos naming mag inuman.” Bulong niya.

Napatingin ako kay Pierre na abala sa pag uutos kay Manang.

“Hindi ka pwede sa kwarto ko.” Sabi ko.

“Pwede. Pag lasing ang kuya mo.” He smiled.

Umiling ako at sinapak siya. Humalakhak siya at tinanguan na si Rafael. Sabay silang pumunta sa kusina, kung nasaan paniguradong nag lalasing ang kapatid ko.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading