Until He Returned – Kabanata 5

Kabanata 5

Sayang

“Next week pa daw ang dating nina Vaughn dito. Busy siya sa Davao at ayaw namang mauna nina Jack dito.” Umiling si Hendrix habang binababa ang cellphone niya.

Tulala ako habang tinitingnan ang isang baso ng tubig. Kakatapos lang namin kumain at kanina pa nag uusap si Pierre at Hendrix tungkol sa trip na bukas agad namin gagawin. Pakiramdam ko ay ginagawa nila ito para ma ilihis ang atensyon ko sa ibang bagay.

“Tayo na lang, kuya. Ano ngayon kung tayong tatlo na lang muna?” Ani Pierre.

“Tas pagdating nila dito, saan naman tayo?” Tanong ni Hendrix.

“Depende. Marami pa namang pwedeng pasyalan. Dahilayan ulit? Ultra Winds, Duka Bay, Mantanggale, Dakak, Midway, kahit saan. Pwede nga tayong mag Cebu.”

“Ang gusto nina Jack, ‘yong dito lang, e. Palagi rin namang sa Cebu ‘yon.”

Tatlong buwan na ang nakalipas nang nalaman ko kay Claudette na may girlfriend na si Elijah. Nag dalawang isip pa siya nang sinabi niya sa akin iyon. Masakit. Sobrang sakit nga nang marinig ko iyon galing sa kanya, mas lalong masakit ngayong nakita ko siya. Ni hindi niya man lang ako nakita. Abala siya sa pagngiti sa babaeng kinahuhumalingan niya ngayon.

Inasahan ko na ang lahat ng ito. Masasaktan ako, oo, magrereklamo ako, oo, pero hindi ako manunumbat dahil batid kong kasalanan ko ang lahat. Hanggang doon lang ako. Hanggang reklamo sa sarili, hanggang dama sa sakit, hanggang doon lang dahil wala akong karapatan.

Ako ang nagtulak sa kanya palayo at hiniling kong sana ay makahanap na nga siya ng iba. Ngunit ngayong nangyari na, nasasaktan ako. Hanggang sakit na lang ako. These are the consequences of my actions. Tanggap ko ito kahit na nasasaktan ako. Kahit iyong karapatan na lang para masaktan, aakuin ko. Hindi naman ako manunumbat. Wala naman akong sisisihing iba. Hindi naman ako maghahabol. Tahimik akong masasaktan. That’s all.

“Klare, papasok pa ba kami?” Tanong ni Hendrix pagkatapat ng sasakyan sa aming building.

Gabi na non at kabado ako habang pinagmamasdan ang tahimik naming building. Sasakyan na lang namin ang meron sa labas kaya inisip kong nasa taas sina Mommy, Daddy, at Charles.

“Huwag na. Saglit lang naman ako.” Sabi ko sabay labas ng sasakyan.

“Okay, maghihintay kami.”

Tumango ako at dumiretso sa elevator. Tulala ako habang sumasakay doon at gusto ko na lang sampalin ang sarili ko. Bakit ako palaging tulala? Kinagat ko ang labi ko at dumiretso na sa bahay. Nadatnan ko sina mommy, daddy, Charles at ang kanyang mga kaibigan na nag lalaro ng kinect sa sala.

“O, Klare… Ano? Sasama ka ba bukas? Tatawagan ka na sana namin.” Salubong ni mommy.

“Hi, Ate!” Mabilis na lumapit si Charles sa akin.

Magkasing tangkad na kami. Kahit na hindi naman talaga ako katangkaran, masasabi kong matangkad na bata itong si Charles. Grade 5 pa lang siya at pumantay na siya sa height ko.

Nilapag ko sa mesa ang mga pagkaing mayaman sa Davao. Agad itong tiningnan ni Charles. Bumaling ako kay mommy at umiling.

“Wag na po. Sasama po ako kina Hendrix. Gusto ko sanang makasama si Charles at kayo. Pero since may trip kayo, maghihintay na lang ako sa pagbalik niyo. Isang linggo ba?”

Nagkatinginan si mommy at daddy.

“Oo, isang linggo.” Sabi ni daddy. “You have the keys here, right? Pwede kang dito na muna since wala kami ng mommy mo at walang kasama si manang dito. You can… bring your brothers.”

Nakita ko ang matalim na titig ni mommy kay daddy.

Nakatungtong na si Hendrix at Pierre sa aming building ngunit alam kong hindi parin ganon ka gaan ang loob ni mommy sa dalawa.

“Ayos lang po. Tingnan namin.” Sabi ko.

Nilingon ko si Charles na ngayon ay binibigyan ng mga pagkain ang mga kaibigan niyang maingay dahil sa Xbox. Bumaling siya sa akin at ngumisi.

“Ate, nakauwi na si Kuya Elijah. Just today.” Aniya.

Suminghap si mommy at daddy sa sinabi ni Charles. Hanggang ngayon, wala paring alam ang kapatid ko sa nangyari tungkol sa amin ni Elijah. Nalaman na lang ni Elijah na anak ako sa labas, 2 months ago, si Charles wala paring alam sa naging relasyon namin ni Elijah noon.

“Nagkita na ba kayo?” Tanong niya sa malalim na boses. Hudyat ng pagbibinata.

Umiling ako.

Nakita ko siya. Pero hindi niya ako nakita, Charles.

“Ganon? Why don’t you call him, ate? He’ll introduce Ate Selena to you. You know Ate Selena?” Ani Charles.

Dahan dahan akong tumango.

I know exactly who Selena is. Siya ang girlfriend ni Elijah at siya iyong nakita ko sa Limketkai.

“Galing sila dito kanina, Ate. They gave me new shoes. Two Derrick Rose latest from Adidas. Wanna see?” Excited na sinabi ni Charles.

“Sure, Charles. Patingin? Kakainggit ka naman.” Ngumisi ako at pinagmasdang umaalis si Charles para kunin ang bigay na sapatos ni Elijah sa kanya.

Nilingon ko si mommy at daddy na parehong walang kibo sa ginagawa ni Charles. Umubo si daddy at nag angat ng tingin sa akin.

“May pasalubong ka rin pala galing sa kanya.” Ani Dad.

Napalunok ako at nagulat sa kanyang sinabi. “Talaga po? Ano po yon?”

“Shoes din. Wait… Charles?” Tawag ni daddy. “Please get the shoes of Ate Klare. Nasa kwarto.”

Narinig kong umo-o si Charles at pumasok sa kwarto nina mommy at daddy. Nag iwas ako ng tingin sa kanila. Lahat ng regalo ni Elijah sa akin ay iningatan ko. Iyong barrette at ‘yong anklet ay parehong ginagamit ko pa. Sa katunayan, sinusuot ko ngayon ang anklet na binigay niya. That’s when he’s still in love with me. Ngunit ngayong may iba na siya, hindi ko alam kung matatanggap ko ang regalo niya. I will probably just leave it inside my room here. Kumikirot ang puso ko. The bitterness is hard to hide and this is the kindest thing I can do for this gift.

“Here, ate. It’s your favourite color.” Sabay bigay sa akin ni Charles ng isang kulay orange na box.

As usual, it was another latest from Nike. Alam niyang mahilig akong sumayaw kaya either training shoes o sneakers ang binibigay niya. This time, sneakers. I love it! Hindi ko talaga maipagkakaila na matayog at maganda ang mga taste niya sa bagay bagay.

“Wow! This is cool.” Sabi ko at sinarado ang box.

“Hindi mo ba isusukat?” Tanong ni Charles.

“He knows my size, Charles. Of course this will fit.” Sabi ko.

Tumango si Charles at ipinakita niya naman ang mga binigay ni Elijah sa kanya.

Sa bawat segundo na nandito ako sa bahay at naririnig ko ang pagsamba ni Charles sa kay Elijah, mas lalo akong nasasaktan. Para bang may mga kinikwento siya sa akin na minsan ay akin ngunit ngayon ay halos hindi ko na maabot.

“O di ba ‘yan dadalhin?” Tanong ni mommy nang naabutan niya akong nilalagay ang mga sapatos sa shoe rack ng closet ko.

“Hindi na, mom. May sapatos pa naman ako-“

“I know Ricardo can afford those things, Klare. But it’s a gift from Elijah.” Ani mommy.

Hindi ko alam kung bakit gusto ni mommy na dalhin ko iyong sapatos ni Elijah. What’s the point? But then again, I’m just probably bitter. Kailangan kong mag practice na hindi maging bitter. I need to really move on from all of these. Hindi pala talaga enough na na let go mo na ang lahat. Kailangan mo parin talaga ng pag mo-move on. We have no unfinished business anyway. May closure ang naging relasyon namin ni Elijah at sa huli ay klaro ang naging desisyon ko at hanggang ngayon pinaninindigan ko ito. There’s no point in hoping or trying. It’s done. He’s happy and I’m trying to be happy. Ito ang mga natutunan ko at ito ang mga pagbabago.

“Uuwi rin naman ako dito, mom. I’ll just leave it here. Besides, some of my shoes are here.” Sabi ko. “Nga pala, di na ako magtatagal. Naghihintay si Hendrix at Pierre sa akin. Uuwi na muna kami.” Hinalikan ko ang kanyang pisngi. “Take care kayo bukas, my. I love you.”

Pagkatapos kong magpaalam kay Daddy at kay Charles na masayang masaya sa nangyayari sa kanyang buhay, umuwi na ako at natulog sa bahay. Ngunit hindi maalis sa utak ko ang mga matang masaya ni Elijah habang tinitingnan si Selena. Para bang ‘yong mga nakakatakot kong panaginip ay nagkakatotoo na.

Tiningnan ko ang cellphone ko at nagulat ako nang may text si Claudette. Hindi naman siya madalas na nag titext sa akin. Isa pa, dis oras na ng gabi at gising pa siya?

Claudette:

I heard from tita Helena, nasa CDO ka raw. You okay?

Mabilis akong nag reply. Alam ni mommy na sa lahat ng mga pinsan ko, si Claudette lang ang nakakasundo ko sa ngayon. Maaaring pinapansin na rin naman ako ng mga boys ngunit hindi na tulad noon.

Ako:

I’m okay, Clau. May gagawin lang kami ng mga kapatid ko. Thanks for asking. Good night. 🙂

Iniisip kong may party sila ngayon para kay Elijah. He’s back, of course kailangang may party. Though, I don’t know if he’s back for good. Gusto kong malaman ang mga detalye: Kailan siya babalik? Babalik pa ba siya ng New York? Bakit siya umuwi? Anong ginagawa ninyo ngayon? Kaya lang… ayaw kong itanong ang mga ito. Mas pinili kong manahimik.

Kinabukasan ay halos tinutulak na ako ni Pierre at Hendrix sa sasakyan. Tuloy talaga kami ng Camiguin kahit na kaming tatlo lang. Hindi ako sigurado kung dahil ba gusto nilang makapunta doon o para lang makalimutan ko ang lahat ng nangyari.

“Ilang araw tayo don?” Tanong ko.

“Three days and two nights lang.” Umirap si Pierre. “We will need to register in this summer basketball tournament.” Aniya sabay tingin kay Hendrix.

“Kung hindi tayo magbabasketball, anong gagawin natin whole summer dito sa Cagayan de Oro?” Tanong ni Hendrix sa kapatid niya.

“We’ll just travel, Kuya. Labas tayo ng bansa with Klare.”

“You’re a big idiot. Kaya nga tayo nandito coz Klare wants to be with her family.”

Nagpatuloy sa pagtatalo ang dalawa. Nakaka guilty tuloy dahil halatang bored sila sa syudad at gusto nilang umuwi ng Davao ngunit wala silang magagawa dahil desisyon ko ito.

“Hendrix, Pierre, pwede namang umuwi kayo ng Davao. I’m okay here-“

“No.” Sabay silang dalawa at nagkatinginan.

“Besides, Klarey, pupunta ‘yong mga friends namin from Davao para magbakasyon dito. Baka rin kasi pagdating ng pasukan ay babalik na talaga ako ng Davao. Dad wants me to handle our business. Si Pierre naman, magsusunog na ng kilay since it’s his fifth year. So this bonding will be good for me.”

Tumango ako at nalumbay agad nang nalaman ang plano ni Hendrix.

“Hendrix, bibisita ka parin dito, diba?”

Ngumisi si Hendrix sa akin. “Sinusubukan ko pang kumbinsihin si dad na ‘yong business niya na lang muna dito ang ihahandle ko tulad nang ginawa ko last year.”

Sana nga. Sila na lang ang pinagkukuhanan ko ng lakas. Ayokong mahiwalay sa kanila.

Pamilyar na pamilyar na sa akin ang byaheng papuntang Camiguin. Parang mga bata si Pierre at Hendrix nang sumakay kami ng barge at nakakita sila ng tatlong dolphin na sabay sabay na tumalon.

“Wala bang ganito sa Samal? Niloloko niyo yata ako.” Tumawa ako nang grabe ang tuwa ni Pierre sa nangyari.

Nagtawanan kaming tatlo.

Kahit na tatlo lang kami, kumpara sa nakasanayan ko noong maramihan habang nag babyahe, magaan ang pakiramdam ko at masaya. I love my brothers. Hindi parin talaga malupit ang tadhana sa akin. Sa bawat sakit na naranasan ko, may katumbas parin na kaligayahan. At dyan ako dapat manahanan. Hindi sa mga sakit na naranasan ko.

Nakakatakot ang naging byahe patungong Mantigue Island. Masyado kasing maalon at mahangin kaya kabado ako sa byahe. Mabuti na lang at marunong naman kaming lumangoy na tatlo. Ang tanging nagpapanerbyos lang sa akin ay ang mga sinasabi ni Pierre.

“Beware of sharks daw o.” Sabay turo niya sa karatulang nadaanan namin sa gitna ng karagatan.

Nakatalikod na ito kaya di ko na nakita. Hindi ko tuloy alam kung totoo. Nanatili ang pag uusap namin tungkol sa mga sharks at nag pasya kaming pagkarating sa suite doon sa resort ay magda download kami ng mga movies na may kinalaman sa mga shark o mga isdang pumapatay ng tao.

Pinanood kong nag s-skim board si Hendrix at Pierre sa dagat habang nakaupo ako sa duyan. Ito iyong eksaktong duyan na inupuan ko nang nagpunta kami dito kasama ang mga pinsan ko. The memories are still so vivid to me. Para bang kahapon lang nangyari ang lahat.

“I DATED SO MANY DAMN FUCKING GIRLS TO FORGET YOU, KLARE!” That’s what he said to me.

Dinate niya ba si Selena para makalimutan ako? O nakalimutan niya na ako kaya niya dinate si Selena? Suminghap ako. No. Siguro ay nakamove on na siya kaya siya pumasok sa isang relasyon. I know him. May mga babae siya para makalimutan ko, pero hindi siya kailanman nagkaroon ng relasyon sa kanila. This time, it’s different. You can see it from his eyes.

“Klare!” Sabay kaway ni Hendrix at tinuro niya si Pierre na iniinda ang sakit sa likod pagkatapos lumagapak sa buhangin dahil sa skim board. Nagtawanan ang dalawa.

Kumunot ang noo ko at umiling bago sila dinaluhan para tulungan.

“Thank God we have a sister.” Linya ng dalawa pagkatapos kong lagyan ng cream iyong pulang likod ni Pierre.

“Kaya ikaw, Klare. Pag skate board o skim board, wag kang mangarap na si Pierre ang taga turo sayo kasi di ‘yan marunong.”

Nag asaran ulit ang dalawa nang pabalik na kami sa resort. Gumagabi na kaya naging maganda ang byahe nang pinagmasdan namin sa dagat ang papalubog na araw.

“Ako ang nagturo sa kanyang mag skate at skim, Kuya. At magaling siya. Talagang may starfish akong nakita kaya ako nadulas.” Paliwanag ni Pierre.

Nagtawanan at nag asaran kami hanggang sa dumating na kami sa restaurant. Mabilis na nag order ang dalawa ng pare parehong pagkain. Ganon din ang inorder ko. Mukha atang gutom na gutom sila dahil masyadong marami ang inorder nila. Naiisip ko tuloy kung asan na naman iyong driver at dalawang bodyguard na dala namin. Siguro ay kumakain sila kung saan? Hindi ko alam at hindi ako nagtanong.

Habang ngumunguya si Hendrix ng pagkain ay itinuro niya ‘yong babaeng kumakanta sa stage. Nilingon ko iyon. Kanina ko pa kasi napapansin na medyo malulungkot ang pinapatugtog at natutulala tuloy ako.

“I’ve seen you dance and all, Klare. Syempre, since college at pati na rin nong nag enrol ka sa dance studio sa Davao, pero ‘yong di ko pa naririnig ay ang boses mo.”

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Hendrix.

“Oo nga. Kumanta ka kaya? Just one song, please?” Ani Pierre.

“What!? No! No! No way!” Kinabahan ako sa request nila.

“Sige na! Turuan kitang mag surf, promise.” Ani Pierre na agad sinapak ni Hendrix.

“Dad doesn’t approve!” Aniya.

“Dad will. Please, Klarey?” Nag puppy eyes siya sa akin.

Panay ang iling ko ngunit pinagtulungan ako ng dalawa. Hinila ako ni Pierre patungo sa stage at nagtawanan kaming dalawa. Si Hendrix naman ay kinausap iyong vocals at ang guitarist.

Pinagpawisan ako ng malamig sa mga ginagawa nila. Pinasadahan ko ng tingin ang buong restaurant. Matumal yata ngayon? Kami lang at ang isang pamilya ang naroon kaya hindi masyadong big deal kung kakanta man ako. I guess I can do this?

“O sige na nga!” Umirap ako sa dalawa at bumaba naman ang nakangiting vocalist sa stage.

Mukhang nailigtas ko siya sa susunod niyang kakantahin, a? Uminom siya ng tubig at pumalakpak sa akin habang tinuturo ng guitarist ang sumunod na piece. May mga lyrics sa librong itinuro niya. Mabuti na lang at pamilyar ako sa kanta kaya pumayag ako.

“Woooo!” Sigaw ng dalawa kong kapatid.

Malakas ang palakpak ni Hendrix habang abala si Pierre sa DSLR niya. Ayan na naman at nag vi-video siya.

Ngumisi ako at umupo na sa high chair habang inaayos ang microphone. Nag simula ang pianist at guitarist. Marahan kong pinasabay ang ulo ko sa tono ng kanta at tiningnan kong mabuti ang lyrics ng kanta.

“Hello boy, it’s been a while

Guess you’ll be glad to know

That I’ve learned how to laugh and smile

Getting over you was slow

They say old lovers can be good friends

But I never thought I’d really see you, I’d really see you again” Nakapikit ako nang kinanta ko ito. Hindi ko naman pala kailangan ng lyrics dahil saulo ko ang lahat.

Nang dumilat ako ay halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang tumambad sa akin ang natigilang mga pinsan ko. Halos di ako makahinga nang nakita sila isa-isa. Si Azi at Damon na parehong nakanganga at nakatingin sa akin, si Rafael at Josiah na nakahalukipkip habang kampanteng pinapanood ako, si Claudette na kaka pasok lang sa restaurant, si Erin na nasa bibig ang mga kamay habang umiiyak, si Chanel na humahagulhol sa gilid, at si Elijah kasama ang kanyang girlfriend na magkahawak kamay. Nakita ko rin ang ilan sa mga kaibigan ni Chanel at mga kaibigan namin nina Erin. Si Eion naman na kakapasok lang ay mabilis na dumalo sa umiiyak na si Erin. Bakit? Bakit sila umiiyak?

Gusto ko na lang tumakbo at mag tago. Bakit sila nandito lahat? Is this a reunion? Why am I always in the wrong place and at a wrong time? Ngunit ang mga lyrics ng kinakanta ko ang nagpapirmi sa akin sa aking upuan. Pumikit ulit ako para kantahin ang chorus.

“I go crazy when I look in your eyes, I still go crazy

No, my heart just can’t hide that old feeling inside

Way deep down inside

Oh baby, you know when I look in your eyes, I go crazy…”

Nang dumilat ako ay nakita kong nakatitig ng diretso si Elijah sa mga mata ko habang masayang nagsasalita ang kanyang girlfriend.

Pumikit ulit ako.

Sayang.

Sayang na sayang, Klare. Hanggang dito na lang talaga.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading