Until He Returned – Kabanata 47

Kabanata 47

Catch Up

Nabasag lang ang awkward na katahimikan nang nagsalita si Hendrix.

“Sorry, Elijah. They were too excited.” Ani Hendrix sabay tingin sa nakasimangot na Elijah ngayon.

“Bakit kayo nandito?” Tanong ni Elijah at nagsalin ng tubig sa may coffee table.

Tumayo naman ako para makita silang lahat. Inisa-isa ko silang tiningnan at ang bawat isa sa kanila ay may dala dalang gamit. May malaking luggage si Azi at Claudette. Ganon din si Erin. Si Josiah, Damon, Rafael, at Knoxx ay parehong naka pack bag. Nagsiksikan sila sa aming living room. Umupo si Azi at hinaplos niya ang sofa.

“Ah! Finally!” Bumuntong hininga siya.

Napatingin ako kay Erin na nag iwas naman ng tingin sa akin. Malaki ang ngisi ni Claudette nang nilapitan niya ako. Kinakabahan ako pero mas nangibabaw ang kagalakan ko dahil nakita ko ulit sila.

“Ang sakit ng ulo ko pero ayos lang.” Ngumisi si Claudette at niyakap ako.

“Nagpumilit sila. Nasa school kami ni Pierre nang nilapitan ako ng mga pinsan mo na saan daw ‘yong bahay namin sa Davao.” Sumulyap si Hendrix sa mga pinsan ko. “Bukas pa sana kami pupunta dito ni Pierre kaso…” Nag kibit balikat siya.

Nilaapg ni Elijah ang kanyang baso at nakipag high five siya kay Rafael at Damon.

“Dude, where have you been?” Ani Azi, siya lang ang nakaupo sa sofa.

“Oo nga!” Dagdag ni Joss sabay lahad ng kamay kay Elijah.

“Kina Rafael.” Ani Elijah.

“What?” Sigaw ni Azi. “Nasa kina Rafael ka lang?”

“Teka, sinong nagsabi sa inyo na magkasama kami ni Klare dito?” Tanong ni Elijah sa kanila.

“Me.” Amin ni Damon. “Nakita ko ang data ng flight mo sa computer ni Rafael.”

Umiling si Rafael. “So nosy.”

“You left your wife?” Tanong ko kay Damon dahil nakita kong tatlo lang ang babaeng narito, si Erin, Chanel, at Claudette.

“Alam niya. Siya ang nag encourage, actually.” Ani Damon.

“Alam ba ng mga magulang natin na nandito kayo?” Tanong ni Elijah.

Umiling silang lahat. “We told them, mag a-outing lang sa Midway.” Sabi ni Knoxx.

“Who would believe that reason?” Ani Elijah.

“Mga parents natin.” Sagot ni Azi. “Apparently, tinulungan tayo ng mga kapatid mong makaalis. Hindi sila sumama pero sila ang nag encourage sa amin. We brought your Chevy by the way. Say thanks, please?”

“What? You brought my car? How?”

Nanlaki ang mga mata ko. That’s why they’re all exhausted! Nag land trip silang lahat. “Oh my God, Rix? Nag land trip kayo?” Tanong ko at binilang agad ang oras.

Mag aalas otso na non ng gabi at binilang ko pabalik ang oras. Walong oras ang byahe patungong Davao.

“Brought four cars. Your Chevy, Josiah’s, Rafael’s, and ours.” Ani Knoxx.

“Kayo, Pierre?” Tanong ko sa kapatid kong mukha ring pagod.

“Land trip din. Hindi kami nagkasya sa airplane. We were too many. Tss.” Ani Pierre at lumapit sa akin.

Umupo si Claudette sa tabi ni Azi at hinilig niya ang kanyang ulo doon.

“Tabi, Dette.” Sabi ni Erin sa kay Claudette habang hinahawi ang maiksi niyang buhok.

Nagsiksikan silang lahat sa sofa ng room namin.

“Klare, tinawagan mo na ba si daddy? Anong nangyari? Anong sinabi ni lola? Uuwi ka ba ng bahay?” Sumulyap si Hendrix kay Elijah.

“No…” Sagot ni Elijah. “She’s staying here.”

Nag igting ang panga ni Hendrix at bumaling ulit sa akin. “Why, Klare?”

“Kasya tayo lahat sa bahay. Marami kaming guestrooms.” Sabi ni Pierre sabay sulyap sa mga pinsan kong nasa sofa.

“We don’t need your hospitality. We can afford.” Singhal ni Azi.

Napatingin ang kapatid ko sa kanya. Si Azi naman ay nakipag usap kay Josiah tungkol na naman sa pagkawala ni Elijah at parang wala siyang sinabing ganon kay Pierre.

Hinawakan ko kaagad ang braso ni Pierre. Hindi ito ang panahon para mag away-away. Marami akong tanong. Gusto kong malaman kung bakit sila nandito? Kung ano na ang mga alam nila? Ngunit alam ko rin namang medyo pagod na silang lahat kaya mas maigi sigurong magkaroon muna sila ng matutuluyan. Alam ko ring maraming tanong si Pierre at Hendrix sa akin. Pero uunahin ko muna ang mga Montefalco.

“Okay, may room na kayo?” Tanong ni Elijah sa mga pinsan ko.

“Yup. Booked near you. Two Executive suites, tulad nito.” Ani Rafael sabay wagayway sa mga cards.

“Paano niyo nalamang nandito kami?” Tanong ko sa kanila.

“Hendrix, Klare. I told him kung saan ako tumutuloy.” Ani Elijah.

Napansin kong magkasundo si Hendrix at Elijah. Sa pagkakaalam ko ay ginawang pribado ni Elijah ang data niya sa hotel na ito kaya impossibleng ma track kami ni Rafael o ni Damon. Kaya pala… it’s my brother.

“Hindi ka uuwi, Klare?” Tanong ni Pierre.

“Pierre, I can’t. Kahit si tita Marichelle, pinalabas ako ng bahay.”

“Who’s tita Marichelle?” Nalilitong tanong ni Channel.

“Their mom, Chan.” Sagot ni Claudette at kinagat niya ang kanyang labi.

“Bakit hindi mo tinawagan si dad? For sure may magagawa siya!” Sabi ni Pierre.

Nakita ko agad ang pag ko-contact ni Hendrix ng kung sino sa kanyang cellphone. Kinabahan ako tuwing naiisip kong si daddy ang tinatawagan niya. Mabilis ko siyang pinigilan.

“Rix, wag na lang muna. May sakit si lola. Inatake siya kanina kaya pinaalis ako ng mga tita ninyo. Bukas, we’ll tell papa. Masyado ng gabi ngayon para problemahin niya ito. Tsaka, pagpahingahin muna natin si lola.”

“Klare, you’re my sister. Bahay mo rin iyon.”

Umiling ako. “Let’s face it, Rix. I’m not welcome. Bukod sa hindi maganda tingin nila sa akin ay dinagdagan pa ng problema kay Selena.” Sabi ko.

“What Selena?” Putol ni Erin.

Nagulat ako nang nalaman kong wala silang alam na relative namin si Selena. Wala silang alam tungkol doon at nagtaka agad ako kung bakit sila nandito.

“Apo ni lola si Selena.” Sagot ko kay Erin.

“What?” Nagkatinginan ang mga pinsan ko.

Suminghap si Hendrix at umiling. Pabalik balik ang kanyang lakad at tumigil siya nang nakapag desisyon.

“Ganito, we’ll let you stay here. Okay, Klare? Catch up kayo sa mga na miss ninyo-“

Pinutol ko kaagad si Hendrix. “Hindi nila alam? Akala ko alam nila at…” Hindi ko maitago ang kaba ko.

Umatras agad ako at lumapit kay Elijah na kausap ni Azi at Josiah.

“Why are you all here?” Tanong ko. Hinahanda ko na ang sarili ko sa mga masasakit na sagot nila.

“Alam naming hindi ka tanggap ng lola mo, Klare. At nalaman din namin kay Damon na pupunta ka dito kasama si Elijah. Inisip namin na kung magtatanan kayong dalawa, kailangan naming i-convince kayo na huwag.”

Nalaglag ang panga ko. They’re here to stop us?

“You’re doing it wrong, Chan.” Putol naman ni Knoxx. “We’ll fight with you. Unti unti nating sabihin sa parents nating lahat na okay lang kayo. Okay lang na ganito ang set up. Walang mag tatanong at mangungutya kung maayos sa ating lahat ang sitwasyong ito.”

Tumango ako at medyo naliwanagan. Ngunit hindi parin ako makapaniwala na okay na sa kanilang lahat ang sitwasyon namin ni Elijah. Si Claudette at Azi ay parehong sang ayon, noon pa man. Si Chanel, Knoxx, Damon, at Josiah ay medyo tutol ngunit nandito parin silang apat. Si Rafael, tutol rin pero nang tulungan niya si Elijah, napagtanto kong maayos na rin sa kanya. At si Erin, sobrang tutol. Nakakagulat na nandito siya.

“What’s with Selena? She’s still here, Klare?” Mariing tanong ni Erin sa akin.

Tumango ako.

“Relatives kayo? At anong nangyari?” Tanong ulit niya.

“Nang pinakilala ko si Elijah, akala ng mga Ty na sila parin ni Selena. Noong una, natakot pa akong umamin na hindi na iyon totoo. At wala ring pakealam si Selena kung totoo man ‘yong mga sinabi niya o hindi. Umalis sila ni Elijah sa bahay… at sinabi ko rin kay lola kung ano talaga ang totoong nangyari kay Elijah at Selena.”

Tahimik silang lahat na nakikinig sa akin. Tumigil sa pagsasalita si Josiah at bumaling rin sa akin. Nakapamaywang lang si Elijah at pinapanood akong kinikwento sa kanila ang nangyari.

“Hindi sila naniwala. Nagkaron ng high blood pressure si lola, kaya pinaalis ako don.”

Hindi ko na idedetalye kung paano ako ininsulto. That was between me and the people involved. Kahit na masakit at gusto kong sabihin sa ibang tao para makawala siya sa aking sistema ay nanatiling tikom ang aking bibig.

Nanliit ang mga mata ni Pierre. “That was a bad scene, I’m sure.”

Kilala niya si lola kaya alam niyang hindi iyon ganon ka dali nangyari. Bumaling si Pierre kay Hendrix.

“Kuya, let’s go home. Kausapin natin si ama.”

“She’s sick. Wag kang padalos dalos, Pierre.” ani Hendrix.

“Then, anong sasabihin natin?” Tanong ni Pierre.

“We need to get an exec room too. ‘Yong malapit dito.”

“What? Di tayo uuwi? Then how are we going to solve this.”

“We’ll stay here for tonight. Bukas ng umaga, uwi tayo para kausapin si mommy. Besides, wala silang alam na umuwi tayong Davao. Klare is here, we need to be here.”

“Alam ni mommy na uuwi tayo ngayon. Remember? It’s Cristine’s debut tomorrow night!”

“Who’s Cristine?” Singit ni Josiah na agad siniko ni Elijah.

“Kaya nga bukas tayo ng umaga uuwi. Pupunta tayong lahat don.” Tumingin si Hendrix sa aming lahat.

“What? We’ll gatecrash?” Umismid si Erin.

Natahimik si Hendrix at natulala sa sinabi ni Erin.

“Magkakaroon lang ng scene doon pag sasama kaming lahat, Hendrix. Isa pa, ang dami namin. Imposibleng hindi kami mapapansin.” Ani Elijah.

“Akong bahala sa inyo. Hindi kayo mapapansin because it’s masquerade. Sasabihin ko kay mommy na magdadala ako ng kaibigan. They won’t mind.”

“Then what, Rix? Baka magkagulo lang sa debut ni Cristine. Nandon si Ama, nandon rin si Selena.”

“Magkakaroon ng pagkakataong mag usap kayo ni Selena. At isa pa, siguro ay kung uuwi man si dad, didiretso siya sa debut. We’ll talk to him there. Not necessarily on the venue pero pwede ko siyang dalhin sa labas with us. And then you can talk to ama.”

Umiling ako. “I won’t. Tapos na akong magsalita, Rix.”

Natahimik ulit si Hendrix. Seryoso niya akong pinanood bago siya bumuntong hininga.

“Ihanda niyo na ang mga damit niyo. Ako na ang bahala sa mga mask. Pupunta tayo sa party bukas.” At tinalikuran niya kaming lahat.

“We’ll book a room, Klare.” Sabi ni Pierre at pinasadahan ng tingin ang mga pinsan ko. “Pahinga na kayo.”

Umalis ang mga kapatid ko. Ngayon ay ang mga pinsan ko na lang ang natitira. Pare parehong pagod sa haba ng byahe at siguro ay pareho na ring gutom tulad ko.

“Kuya Knoxx, order ka naman ng pagkain.” Sabay hawak ni Claudette sa kanyang tiyan.

“Yup. I think we should… uh, go to our rooms?” Anyaya ni Knoxx.

“Sinong saan?” Tumayo si Elijah.

“Two rooms right? Well, I, uh, guess, Erin, Chanel, Claudette-” Turo ni Rafael.

“Can we have Azi in our room?” Request ni Chanel.

“What the fuck. I’m not gay.” Luminga linga si Azi.

Tumawa si Elijah at tinukso si Azi.

“Okay fine. Lima tayo sa room at tatlo ang girls sa kanila? Ayos ba?” Tanong ni Rafael.

“Fine!” Umirap si Chanel. “We want boys in our room kasi.”

“We can stay in your room if you want. Pero sa room namin kami matutulog.”

Litong lito ako sa kanilang mga desisyon. Umupo ako sa isa pang sofa at pinanood silang nagdedesisyon para sa gabing iyon.

“Can we catch up now? Here? Pagkatapos nating mag ayos ng kwarto?” Tanong ni Claudette.

“Why not!” Excited na sinabi Chanel. “Dito na lang kaya tayo kumain?”

Tumingin silang lahat kay Elijah ng nakangisi. Umirap si Elijah at bumuntong hininga.

“Isa pa, I’m sure pupunta rin naman dito ang mga Ty, dito na lang tayo.” Nakangising sinabi ni Chanel.

Sumipol si Azi.

Uminit ang pisngi ko nang narealize na naninibago sila dahil nasa iisang kwarto kami ni Elijah. Hindi ito ang unang pagkakataon ngunit ngayon pa lang nila natanggap ulit. We won’t do anything strange but I don’t want to sound defensive. Alam kong marumi na ang utak nila sa ngayon at ayaw kong gatungan pa iyon. I’ll just shut the hell up while my face is burning shit.

“Sure.” Ani Elijah.

“YES!” Sigaw ng boys at naghigh five ulit silang lahat.

“Bring the beer!” Sabi ni Knoxx.

“And the chips!” Dagdag ni Josiah.

“Tumigil kayo. This is Davao, not Vegas. May mangyayari pa bukas at hindi tayo nandito para mag party!” Saway ni Chanel.

“But we can drink, right? Ang KJ mo ate.” Sabi ni Josiah.

“Whatever losers! Let’s go, Erin, Dette!”

Tumayo ang mga girls at dumiretso sa pinto. Si Claudette lang ang lumingon sa akin para magpaalam.

“Mag aayos lang kami, babalik din kami para mag dinner dito.” Aniya.

Tumango ako. Gusto kong sabihin sa kanila na na aappreciate ko ang pag punta nila dito. Ang effort nila at ang presensya nila ay sapat na sa akin. Ngayon, wala na akong pakealam. Ang gagawin namin bukas ay ang pagpapaliwanag na lang kay papa at ang pagpapaalam sa kanya na uuwi na kami ng Cagayan de Oro City. Ang malaman na kasama ko ang mga pinsan ko sa labang ito ay sapat na sa akin. I feel like I can face Tito Azrael, Tito Exel, and Tito Stephen. Salamat sa mga pinsan ko.

“Sinong nag drive ng sasakyan ko?” Tanong ni Elijah.

Tinuro ni Knoxx si Azi.

Ilang mura ang narinig ko sa dalawa. Si Damon naman ay abala sa pakikipag usap sa telepono at sa pag oorder ng mga pagkain.

“Father figure.” Halakhak ni Rafael at lumipad agad ang dirty finger ni Damon para sa kapatid.

Damn, I miss them so much. I miss the warmth of the Montefalcos. Sabihin na nating nagkaroon nga ako ng problema sa kanila noon ngunit iyon ay dahil mahal nila ako. Concerned sila sa sasabihin ng ibang tao sa amin ni Elijah at syempre hindi nila matanggap na may ganong nangyari. Pero mahal nila kami kaya natanggap nila kami ni Elijah. Wala na akong mahihiling pa. This is enough for me.

“Mag sho-shower lang ako.” Hikab ni Damon sabay kuha sa card ng kanilang kwarto.

Sumunod si Knoxx at Rafael. Si Josiah, Azi, at Elijah naman ay nag uusap tungkol sa sasakyan. Pinatingin daw nina Josiah at Azi lahat ng dalang sasakyan para maganda ang kondisyon kung sakaling ba byahe kami pabalik.

Umupo ako sa sofa ng maayos at kinapa ko kaagad ang remote ng TV. Binuksan ni Azi ang bintana at dinungaw ang buong syudad sa balcony.

Lumapit si Elijah sa akin at tumabi. Nilagay niya sa tainga ko ang takas na kong buhok at ngumuso siya.

“Masaya ka ba dahil nandito sila?” Tanong niya.

“Masaya na ako kanina. Mas naging masaya lang ngayon.” Ngumiti ako at nahagip ko sa aking mga mata ang panonood ni Josiah sa amin.

Uminit agad ang pisngi ko. Hindi parin talaga ako kumportable na nagiging public na kaming dalawa. Kahit kina Azi at Claudette ay hindi ako komportable, sa iba ko pa kayang pinsan?

“Ako, medyo na istorbo.” Ngumisi si Elijah.

Kumunot ang noo ko, gusto ko sanang magsalita ngunit lumalapit na si Josiah sa amin.

Napatingin si Elijah sa tinitingnan kong si Josiah at Azi. “Umalis na nga muna kayo?”

“Elijah!” Sabay hampas ko sa braso niya.

Napakamot ng ulo si Josiah. “Yeah, I, uh, I think we should go.” Sabi ni Josiah ng medyo naaasiwa at mabilis niyang hinila si Azi palabas.

Pumikit ako sa kahihiyan. Hindi ko ata kaya na ganito kami ni Elijah sa harapan nila!


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d