Until He Returned – Kabanata 41

Kabanata 41

Angelus

Lumipas ang ilang linggo at wala parin akong nasasagap na impormasyon tungkol kay Elijah. Bawat text ng hindi kilalang number o tawag ng hindi kilalang number ay agad kong pinapatulan sa pagbabakasakaling siya iyon.

Desperada na akong makarinig sa kanya. Lumilinga linga ako sa buong school araw araw sa pagbabakasakaling makita ko siyang nakatingin rin sa akin.

“Klare,” sabay tapik ni Hannah sa aking balikat.

Napatingin ako sa kanya. Napangiwi siya sa ginagawa kong paglinga. Ang lahat ng mga kaibigan namin ay iniisip na si Elijah ay nasa Surigao lang at nag fa-follow up sa palm oil business nila doon.

“Sinong hinahanap mo?” Sabay linga rin niya sa loob ng library.

“Wala. May… ano… hinihintay lang ako.” Sambit ko at napatingin sa mga librong kinuha ko kanina sa shelf.

Tumingin si Hannah sa likod ko. Siniko siya ni Julia at sabay silang nagligpit ng mga gamit. Nakapagtataka dahil iiwan nila kami ni Claudette. Si Claudette ay may hinahanap pang book sa third floor.

“O, saan kayo pupunta?” Tanong ko.

Ngumuso si Julia. “Baka kasi… kailangan niyong mapag isa ng taong hinihintay mo.”

Nanlaki ang mga mata ko at bumilis ang pintig ng puso ko. Hinila ni Julia si Hannah. Nakita ko ang takot sa mga mata ni Hannah habang papaalis sila. Sinundan ko sila ng tingin at naaninag ko si Eion na nakatingin sa akin.

Si Eion ba ang tinutukoy nila? Luminga pa ako ng isang beses sa bawat sulok ng 2nd floor library para maghanap kay Elijah pero wala siya doon. Kung ganon, si Eion nga ang tinutukoy nila. Nakapamulsa si Eion na naglakad patungo sa table ko.

Bumaling ako sa mga libro at yumuko para mag kunwaring nagbabasa. Umupo siya sa tabi ko at narinig ko ang singhap niya.

“Klare, I’m sorry.” Aniya.

Nanatili akong nakatingin sa libro. “Ba’t ka nag sosorry, Eion?”

“Sa lahat lahat ng ginawa ko.”

Bumaling ako sa kanya. “Anong nagawa mo?”

Pumikit siya at tumikhim. “Sa inyo ni Erin. Sa… lahat.” Aniya.

Pinilit kong ngumiti. “Kay Erin ka mag sorry. Sa lahat ng nangyari sa inyong dalawa.” Nag iwas ulit ako ng tingin. “I can see that you don’t really love her.”

Ilang sandali siyang natahimik sa sinabi ko. Alam kong mahapdi ang naging salita ko ngunit hindi ko maiwasan. Hindi ko alam ang buong istorya nila ni Erin. Ang tanging alam ko lang dito ay wala na silang dalawa at hindi maganda ang naging katapusan nila. Palaging umaalis si Erin pag nandyan si Eion at hindi rin kumportable si Eion pag nandyan si Erin.

“I liked her, Klare. I loved her. Pero hindi lang talaga kami nagkakaintindihan.”

Naiirita ako sa mga taong hindi gumagawa ng paraan para maintindihan ang taong mahal nila. Kung tunay mong mahal ang isang tao, kahit hindi kayo magkakaintindihan, you will stay and you will try to understand. Ang gawin iyong excuse para lang iwan ang mahal mo ay hindi makatarungan. Naiirita ako dahil iyon lang ang naging problema nila at nag break na agad sila. Naiirita ako dahil sana ay iyon na lang ang naging problema namin ni Elijah imbes na itong kaguluhan sa pamilya.

“You don’t love her, then. Kasi kung mahal mo siya ipaglalaban mo siya, Eion. Kung mahal mo siya, iintindihin mo siya.” Kinagat ko ang labi ko at mas lalong hininaan ang boses. “Narinig ko sa 6th floor kung paano nagmakaawa si Erin sa’yo para lang balikan ka niya. You don’t treat girls like that. Lalo na dahil sinabi mo sa aking mahal mo siya. You’re probably just confused.”

Nanlaki ang mga mata niya.

Wala ng katuturan kung idedeny ko pa o mag bubulagbulagan ako sa nangyari noon sa 6th floor. He knows my secret. He knows everything about me.

“I don’t know, Klare. I’m sorry kung nasaktan kita. Nag sorry na ako kay Erin pero hindi niya ako kinakausap. I want her back but I’m not asking for anyone’s help. Sorry dahil pinilit ko si Erin na malaman kung sino ‘yong gusto mo.”

Hindi na ako nagsalita. I think that’s enough. Wala na kaming dapat pang pag usapan pa. I’m not going to tell him that I don’t like him for Erin.

“Sorry to hear about Elijah, Klare.” Aniya. “Wala siya sa Surigao diba? He’s gone…”

Lumunok ako. Ang marinig galing sa ibang tao ang katotohanang iyon ay hindi ko matanggap. Mahigit isang buwan na at wala parin akong natatanggap na kahit isang salita galing kay Elijah. It breaks my heart.

“Babalik siya.” Sabi ko. “He’ll be home for me.”

“What if di na siya babalik?” Tanong ni Eion na naka agaw ng atensyon ko.

“He’ll come back.” Matigas kong sinabi.

“It’s been, what, a month, Klare. What’s taking him so long?”

“Eion, dalawang taon siya sa U.S pero bumalik siya sa akin.” Sabi ko.

“I know… This one’s just different.” umiling siya. “Ang sabi ni Erin sa akin, umalis siya dahil pinagsalitaan siya ng masama ng kanyang pamilya.”

Natahimik ako. Nagulat ako dahil nag uusap pa rin sila ni Erin hanggang ngayon kahit hindi naman sila nag kikibuan sa publiko at halos hindi sila nagtitinginan. At isa pa… may punto siya. Hindi kaya pinili na rin ni Elijah ang umalis para sa kanyang pamilya?

Pagkatapos ng pag uusap namin ni Eion ay nanatiling bumabagabag sa akin utak ang lahat ng kanyang mga sinabi. Bakit hindi pa nagpapakita si Elijah sa akin hanggang ngayon? Iniisip kong dahil sa mga pinsan kong nakaaligid sa akin. O dahil sa takot niyang may makakita sa amin.

“Klare…” Sambit ni Rafael nang nakasama ko siya sa loob ng campus.

“Hmmm?” Nag angat ako ng tingin sa kanya pagkatapos kong luminga sa paligid.

Nakaupo siya sa tabi ko habang nanonood ng mga tao sa paligid. Nasa loob kami ng Pavilion at busy ang lahat para sa midterms.

“Tumigil ka na sa pag hahanap kay Elijah.” Ani Rafael.

Nagulat ako sa bigla niyang sinabi. Paano niya nalaman na hinahanap ko si Elijah? Am I that obvious? Hindi ako nagsalita pero dinugtungan niya ang sinabi niya.

“I know you’re looking for him everyday. Pareho kami ng na obserbahan ni Josiah at Azi sa’yo. Stop it. Magmumukha kang tanga. Hindi siya lalapit dito. Maraming naghahanap sa kanya. Pinapahanap siya ni papa at tito Exel.”

“Raf, hindi ko iyon maiiwasan. I’m deperate. It’s been 6 weeks at wala pa akong natatanggap galing sa kanya.”

Nanliit ang mga mata niya. “Do you expect him to contact you?”

Kinagat ko ang labi ko.

“Come on, Klare. May usapan ba kayo? Just tell me.”

“Wala.”

“Don’t lie to me. May usapan ba kayo?” Tanong niyz ulit.

Ganito rin ang naging tanong ng nagmamakaawang si Tita Beatrice sa akin. Nagpunta siya sa bahay kasama si Ate Yasmin para magtanong ulit sa akin kung nakipag communicate ba si Elijah sa akin.

“Klare…” Aniya, mas matigas at mas pormal kumpara noong huli kaming nagkita.

Nanonood si mommy sa amin habang si Ate Yasmin ay hinahawakan ang braso ng kanyang ina.

“Hindi pa ba nag titext sayo si Elijah?”

Umiling ako. Sana ay masagot ko siya ng mas magandang sagot katulad ng ‘oo’ pero hindi, e. Wala pa akong naririnig galing kay Elijah.

“‘Yong banta niya noong nawala siya, Klare. He’ll get you with his own strength, I’m pretty sure may ginawa na siya ngayon.”

“Beatrice, are you calling my daughter a liar?” Matigas na putol ni mommy.

Umiling si tita Beatrice. “Of course, I believe Klare. Pero Helena, it’s impossible. My son is in love with your daughter at ang mawalay sa kanya ng halos dalawang buwan ay hindi makakaya ng anak ko. There must be something… about it.”

“Ang sabi ni Klare, wala siyang natanggap galing kay Elijah. Deal with it.” Humalukipkip si mommy.

Bumuntong hininga si tita Beatrice at tumingin sa akin.

“I’m sorry, Klare.” Aniya at nangilid ang luha sa kanyang mga mata.

Nangilid din ang luha sa aking mga mata. Ang makitang frustrated ang mommy ni Elijah dahil hindi pa niya nahahanap ang kanyang anak ay nakakahabag sa akin. Pareho kami ng taong mahal. Pareho naming mahal si Elijah.

Iniisip niya rin siguro kung maayos ba si Elijah. Kung ligtas ba siya. Kung nakakakain ba siya ng maayos. At kung anu-ano pa. Gabi gabi ko iyang iniisip at hindi ko lubos maisip kung ilang beses iyan nagpabagabag sa utak ni tita Beatrice. Anak niya si Elijah at mahal niya ito, maaaring higit pa sa pagmamahal ko sa kanya.

Nang tumungtong ng dalawang buwan ay wala pa rin akong naririnig galing kay Elijah, hindi ko na nakaya.

“Azi!” Tawag ko nang magkasama kami sa campus. Tumingin ako sa paligid at hininaan ko ang boses ko para walang makarinig na ibang tao. “Wala bang sinabi sayo si Elijah?”

“Si Elijah? Bakit? Nahanap na siya?” Nagulat si Azi sa tanong ko.

Unti-unting nabasag ang puso ko. Ang marinig sa pinaka malapit na pinsan ni Elijah na wala siyang alam tungkol sa kanya ay masakit. Iniisip kong kahit text ay may natanggap si Azi galing kay Elijah.

Nanuyo ang lalamunan ko. “Hindi. Akala ko lang nag text siya sayo.”

“Bakit? Nag text siya sayo? Klare, nag text ba siya?” Hinarap ako ni Azi mas seryoso ang mukha niya.

Nagulat ako nang nakita ko sa kanyang mga mata ang pagmamakaawa na sabihin ko sa kanya ang totoo. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko at niyugyog niya ako sa pag aakalang pu pwedeng mayugyog niya sa akin ang sagot. Umiling na lang ako at unti unti kong naramdaman ang luha ko sa pisngi.

“Azi, I’m desperate. Please, kung kinontak ka ni Elijah, pakisabi naman sa akin, o. Sabi niya kukunin niya ako. Ba’t ganon? Ba’t hanggang ngayon wala pa?”

Nag mura siya at tinanggal niya ang kamay niya sa mga balikat ko.

Humikbi ako. Pumikit siya at nilagay ang index finger sa ere.

“Don’t say anything, Klare. Huwag kang umiyak sa harapan ko. Ang makita at marinig galing sayo na hindi ka pa niya hinahanap ay nakakairita para sa akin. Damn…” Aniya at nag iwas siya ng tingin.

Pinunasan ko ang luha ko. Tumango ako at humikbi pa sa harap ni Azi. I’m so desperate and I’m tired of pretending. Hindi normal ang pakiramdam ko, hindi normal ang buhay ko, paano ko nagawang mamuhay ng normal sa loob ng dalawang buwan?

“Akala ko tinitext ka niya at hindi ka lang nagsasalita. Akala ko may plano kayo!” Aniya.

Umiling ulit ako.

Pinasadahan niya ng palad ang kanyang buhok. “Fuck wala? Kailangan niyang bumalik ng buhay para mapatay ko siya.” Ani Azi at umalis.

Kahit mag isa ako sa buong campus at sa labas, pauwi ng bahay, ay wala paring paramdam si Elijah sa akin. Kinakabahan na ako. Kumakalabog ang puso ko sa mga naiisip ko. Paano kung may nangyari ngang masama sa kanya? Paano kung… hindi ko kayang kumpletuhin ang lahat ng iniisip ko. Masyadong masakit at hindi ko kakayanin.

“Klare, sabi ni dad, sana ay makapunta ka ng Davao ngayong nalalapit na . Walang pasok sa mga panahong iyon.” Ani Hendrix sa akin nang bumisita ako sa Hillsborough.

Tumango ako. “I’ll try.”

“Don’t try, Klare. Just go there! Pagbigyan mo si dad! Pinagbigyan ka niyang manatili sa impyernong puder ng mga Montefalco!” Ani Pierre.

“Hindi na naman ganon ka gulo doon. Just a little, Pierre.”

Nanliit ang mga mata niya sa akin. “Don’t you deny it. Kita sa mga mata mo ang stress. Nahihirapan ka na. Isang kalabit na lang magsusumbong na ako kay Dad.”

“I’m stressed because Elijah’s nowhere to be found.” Sagot ko.

Nanahimik ang dalawa. Ganon naman talaga. Walang makakasagot sa problema ko. Walang nakakaramdam sa mga pangambang nararamdaman ko habang iniisip ko si Elijah. Asan na siya? Nakalimutan niya na ba ako?

Pumayag ako sa gusto ni daddy. Pag dating ng intramurals, pupunta na ako ng Davao. Iniisip kong paano kung maghanap si Elijah sa akin sa mga panahong iyon?

Papasok ako sa Xavier University, tulala habang iniisip ang lahat ng maaaring mangyari sa pag alis ko patungong Davao. Iniisip kong maghahanap si Elijah sa mga oras na iyon. Paano kung kaladkarin siya ng mommy at daddy niya pabalik sa New York at sabihin nilang wala na ako, hindi ko siya pinili. Nanlamig ang mukha ko sa mga naiisip.

Tatlong beses tumunog ang bell at nagsimula ang pamilyar na prayer ng Angelus habang nasa harap ako ng Immaculate Conception Chapel. Tumigil ang lahat na para bang tumigil ang oras sa buong campus.

Nakatingin ako sa Office of Student Affairs, kung saan nanggagaling ang prayer. At nagpasalamat ako na nasa tapat ako ng puno at hindi ako naiinitan tulad ng mga estudyanteng nasa gitna ng kalsada. Umihip ang malakas na hangin at napapikit ako habang nagdadasal ng sarili kong dasal kasabay ng Angelus.

Dumilat ako at naaninag ko ang sagot sa dasal ko. Dalawang metro ang layo sa kinatatayuan ko, nakatingin si Elijah sa akin nang nakangisi. Nanlaki ang mga mata ko. Ilang beses akong kumurap para lang masiguradong hindi nga ako nananaginip. Ang tanging nag pipigil sa akin para tumakbo para yakapin at pagalitan siya ang ang prayer na hindi pa natatapos. Pumikit ako at nagpasalamat sa Panginoon, pagkadilat ko ay nakatayo parin siya, hindi makalapit. Pareho kaming naghihintay na matapos ang Angelus para lang makalapit kami sa isa’t-isa.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: