Kabanata 39
Bet
Hindi ko alam kung paano ko nalagpasan ang halos isang oras na pagtunganga sa labas ng bahay namin. Unti unting nag datingan ang buong pamilya ko. Halatang nagising sa pag idlip, padabog na sinarado ni Tito Stephen ang sasakyan nila. Sumunod ang nag aalalang si tita Dana.
“Lorenzo, anong nasa isip mo at bakit nasa labas kayo? Gusto mo bang marinig ng buong Cagayan de Oro ang skandalong ito?” Sigaw ni tito.
Umiling si daddy at dumiretso sa elevator. Hinila rin ako ni mommy patungo roon. Magsasara na ang elevator at kitang kita ko ang panggagalaiti ni tito Stephen kay Elijah. Gusto ko siyang tulungan ngunit mahigpit ang hawak ni mommy sa kamay ko.
Pagkarating namin sa 4th floor ay naririnig ko na ang paghikbi ni mommy.
“Don’t start with me, Helena. This is all your fault!” Mariing sinabi ni Dad, papasok kami sa bahay.
“Your daughter is in trouble, Lorenzo. Alam mo iyon.”
Pumikit si daddy at nilingon si mommy. Frustrated si daddy sa ginawa ni mommy at gusto ko na lang takpan ang tainga ko, magtatalo na naman silang dalawa.
“Maaaring hindi gusto ng mga kapatid ko ang relasyon ng dalawa pero kailangan mo ba talaga ‘yon gawin? Ha? Nilaglag mo si Klare! Nilaglag mo ang sarili mong anak! Imbes suportahan mo siya ay nilaglag mo siya!”
Hindi umimik si mommy. Bumuhos ang kanyang mga luha.
Tumunganga ako sa pintuan ng aking kwarto at hindi ako sigurado kung tama bang magkukulong na lang ako dito sa loob at hintayin na gibain nila ang pintuan ko o sumunod at umupo sa sofa.
Umiinom ng tubig si Daddy sa counter habang si mommy ay humahagulhol sa sofa. Narinig kong bumukas ang pinto at nakita kong pumasok si Tito Stephen, Tita Dana, Rafael, at Elijah.
“Nasa Midway pa sina Damon at bukas ang alis niya kasama ang asawa nila. Raf, wag mong sabihin sa kapatid mo na may nangyaring ganito. Not on his wedding night!” Ani Tito Stephen.
Sa sulok ng sofa ako umupo habang pinapanood si Elijah na lumalapit sa akin, walang bakas na guilt at kalungkutan sa kanyang mga mata. Lumapit siya sa akin.
“Elijah!” Sigaw ni Rafael at pinigilan niya si Elijah sa paglapit sa akin.
“What?” Inis na sambit ni Elijah.
“Don’t make this worst!” Ani Raf at mabilis niyang hinila si Elijah palayo sa akin.
Inayos ni Elijah ang nagusot niyang jacket dahil sa pagkakahawak ni Rafael at nagtitigan ang dalawa. Pakiramdam ko ay mag susuntukan sila ngunit nang bumukas ang pintuan ay napigilan sila.
Dumating ang pare parehong naka jacket na si Claudette, Azi, at Knoxx. Umiiyak na si Claudette. Tinatahan siya ni Knoxx ngunit hindi siya matigil. Ang pulang ilong at pisngi ni Claudette ay nagpahabag sa akin. Ang makitang umiiyak siya sa sitwasyon namin ay humihigit sa gilid ng mga puso ko.
Mabilis niya akong niyakap.
“Klare…” Bulong niya.
“Dette!” Sigaw ni tito Az na pumasok kasama si Tita Claudine. “I told you, don’t defend something this dirty!”
Umiling si Claudette sa kanyang ama at hinawakan niya ang kamay ko.
“Dad, andun ako the whole time. Andun ako. Kasama nila ako. Simula pa lang, two years ago, dad, hindi ko kayang magkalayo sila.” Umiling siya habang tinatakpan niya ang kanyang bibig ng kanyang kabilang kamay.
“May kasalanan ka dito?” Nanliit ang mga mata ni Tito Az at nilapag niya sa aming mesa ang kanyang salamin.
“Dad, come on…” Ani Azi.
“You helped them?” Ani tito habang lumalapit kay Claudette.
“Dad!” Sigaw ni Knoxx, mas malakas sa mahinahong sigaw ni Azi. “Wag mong pag buntungan ng galit si Dette Dette!”
Bumulong bulong si tito ng mga salitang hindi ko marinig habang tumatalikod. Hinihimas ni tita Claudine ang kanyang likod at pinagsasabihan na huminahon.
Sa isa pang pag bukas ng pintuan ay nagpakita sa amin si tito Benedict, tita Liezl, kasama ang tatlong anak na si Josiah, Erin, at Chanel na parehong mukhang binunot pa sa kama. Namumugto ang mga mata ni Erin at hindi siya makatingin sa akin. Si Chanel ay dumalo kay Elijah, nagtatanong kung bakit pa siya pumunta dito.
Hindi makapagsalita si Elijah. Halos tulala siya at hindi ko na mabasa kung ano ang nasa isip niya.
Narinig ko ang pagbagsak ng pintuan ng kwarto ni Charles. Narinig ko ang sinabi ni daddy na bumalik siya sa kwarto niya ngunit mariing tumanggi si Charles. Hinanap niya ako sa dagat ng mga kamag anak namin. Nang nahanap niya ako ay tumabi siya sa akin kahit na sa sulok ay wala ng mauupuan.
“What happened, ate? Why are they here?” Tanong niya.
I wish I could answer him. Hindi ko rin alam kung ano ang mangyayari sa ngayon. Ginala ni Charles ang kanyang mga mata, inisa isa niya ang aming mga kamag anak at tumigil siya kay Elijah.
Bago ko pa masundan ang tingin ni Charles ay bumukas ulit ang pintuan at nagpakita si tito Exel kasama si Tita Beatrice. Sumunod si Kuya Justin na mabilis na tumabi kay Elijah, at si Ate Yasmin na nakatayo sa gilid ng kapatid.
This is it. Naalala ko kung gaano ako kinabahan noon. Nang kausapin nila kaming lahat. Kinabahan ako dahil natatakot akong mawala si Elijah sa akin. Ngayon, natatakot parin ako. Natatakot na magdedesisyon ako at siya ang pipiliin ko. Bibiguin ko ang bawat isa sa kanila. Ito na ang pinaka makasarili kong desisyon sa lahat. Maaaring balang araw ay pagsisisihan ko ito, maaaring balang araw ay malalaman kong mali ang desisyong ito, pero sa ngayon, ang naiisip ko lang na tama ay ang mahalin si Elijah.
Nagmano si Charles sa mga tito at tita kong naroon. Hindi ko na naisip na magmano pa, naalala ko noon na halos itapon ni Tito ang kamay ko habang nagmamano. Yumuko ako at naghintay sa unang magsasalita sa kanila sa gitna ng katahimikan.
“Dad…” Simula ni Elijah.
“Elijah, hindi kita pinalaking ganito.” Simula ni tito Exel.
Narinig kong sarkastikong tumatawa si Tito Az sa gilid. Nag angat ng tingin si tito Exel sa kanya.
“Will you listen, please?” Ani Elijah at tumayo siya.
Kumalabog ang puso ko. Hindi pwedeng tumunganga lang ako dito. I want to fight. I need to fight too. Tumayo rin ako ngunit hinayaan ko si Elijah na magsalita.
“First off, I love her and I don’t care-“
“You listen to me, son.” Mahinahong sinabi ni tito Exel. “You turned Klare into your mistress!” Napatalon ako dahil pasigaw iyon.
Parang nayanig ang daigdig ko dahil sa sigaw ni tito. Natigil din si Elijah ngunit nagpatuloy siya sa pagsagot sa kanyang daddy.
“Hindi na po kami ni Selena. Wala na kami, okay?” Ani Elijah. “So will you stop talking and hear your son first?”
Nakita ko ang nakaawang na bibig ni tita Beatrice habang patuloy na hinahaplos ang likod ni tito Exel. “I did not raise you like that, Elijah. Hindi kita pinalaking…” Halos di niya masabi ang salita dahil sobrang dumi nito. “Sinungaling…”
Pumikit si Elijah nang marinig iyon sa kanyang ina. I can almost hear him hurting. Nakita kong umiyak si Ate Yasmin sa gilid niya at si Kuya Justin ay nakapikit na lang.
Napagtanto ko doon na kinakaya ni Elijah na saktan ang pamilya niya para sa akin. Hindi iyon tama. Hindi kailanman magiging tama iyon. And I hate that he’s hurting because he’s fighting for me.
“Tita, I’m sorry…” Panimula ko.
“Oh no, don’t start, Klare.” Ani tito Az sa akin. “Alam mong may girlfriend ang tao!” Sigaw ni tito at nilapitan niya ako.
Hindi ko maiwasang makita si Knoxx at Azi sa mukha ni tito Azrael. Pumikit ako at sinalubong lahat ng kanyang sasabihin.
“You settled for that!? You allowed yourself to become a mistress?”
“Will you stop calling her a mistress, tito?” Sigaw ni Elijah sa kay tito Azrael.
Narinig ko ang daing ni Azi sa gilid.
“Iyon ang ginawa mo sa kanya Elijah. You turned her into a mistres. How could you? Iyon ba ang tinatawag mong pagmamahal? Kay baba baba pala ng tingin mo sa salitang iyon!” Baling ni tito Azrael kay Elijah.
“Wala na kami ni Selena. And you all know that I’m so fucking in love with her, alright? Alam niyo ‘yon kaya niyo gustong lumayo ako sa kanya!” Sigaw ni Elijah.
“You got over her, Ej.” Sabi ni Yasmin. “Alam kong bad idea talaga ‘yong pag balik mo…”
“Ate, hindi mo alam iyon. When I heard about her problems-“
“That’s the point!” Sigaw ni tito Exel sa kanyang anak. “‘Nong nalaman mo na hindi siya tunay na anak ni Lorenzo, may girlfriend ka na non. Selena practically all over you kaya alam kong wala ka ng nararamdaman sa kay Klare, kaya ka nakauwi.”
“Yeah…” Ani Elijah. “That’s the point dad. I used that opportunity para makabalik ako dito…” Pasigaw na ang bawat salita niya. “To check on her… Coz I couldn’t get her out of my system! Dahil kahit sino walang makakapantay! Walang papalit!”
“Naririnig mo ba ang sarili mo, Elijah?” Sigaw ni tito Stephen sabay lapit kay Elijah at tulak sa kanya.
Sumigaw ang mga pinsan ko. Pumagitna si Chanel sa dalawa. Tumalikod si tito Azrael at nag usap sila ni tita Claudine.
“Mag pinsan kayo-“
Pinutol ni Tito Benedict si tito Stephen. “They are not related by blood, Kuya. At mas lalong hindi na sila pareho ng apelyido ngayon.”
“Did you change your family name for this, Klare?” Baling ni tito Stephen sa akin.
Ang nakatalikod na si tito Azrael ay humarap at tumingin sa akin. Lahat ng mga mata ay nakatoon sa akin.
“I didn’t.” Sabi ko.
“Umasa ka na kayo ulit kaya pinagsamantalahan mo ang pagkakataong anak ka sa labas at iniba mo ang apelyido mo!” Naningkit ang mga mata ni Tito Stephen sa akin.
“Tito, hindi po…” Sabi ko, nangingilid na ang mga luha ko.
“Are you trying to relive the mistakes of your mother?” Sigaw ni tito Stephen sa akin.
Binuksan ko ang bibig ko para makahinga ng maayos. Hindi na ako makahinga ng maayos dahil sa nagbabara sa lalamunan ko.
“Don’t insult my daughter, Kuya Stephen!” Sigaw ni daddy.
“This is not your daughter, Lorenzo!” Ani tito.
Tumulo na ang mga luha ko. Bawat salita nila ay patalim na sumasaksak sa akin.
“She isn’t like anyone else. I told you, tito.” Nag igting ang bagang ni Elijah at hinarap niya si tito Stephen. “Wala na kami ni Selena! It’s just all for show! To get to her-“
“Elijah…” Nabasag ang boses ng mommy ni Elijah. “What happened to you? Hindi kita pinalaking ganito-“
“Mom, you don’t know what I can do for her. I’m sorry to disappoint you pero desperado na ako non. Guilty’ng guilty ako kasi iniwan ko siya at ang malamang nahihirapan siya dahil sa kanyang mga problema ay hindi ko kaya…” Nabasag din ang boses ni Elijah.
“We don’t want to hear your love for her, Elijah. This is incest. Ilang beses ko iyong sasabihin?” Ani tito Azrael na ngayon ay lumalapit kay Elijah. “Alam kong iniisip niyo na hindi na kayo magkadugo. Alam kong iniisip mo na pwede na kayo dahil magkaiba na ang apelyido niyo pero ang mga tao, kami, Elijah… Nakita namin kayong lumaki ng sabay, lumaki kayo bilang magpinsan. Ba’t di mo iyon nakikita? Lumaki kayong sabay at naniniwala na magpinsan kayo. Hindi kayo pwede sa isa’t-isa…”
Kinagat ko ang labi ko at nag angat ng tingin kay tito Azrael. “Hindi po kami magkadugo, hindi rin kami magkapareho ng apelyido. Paano po naging incest ito?”
Lumingon ulit silang lahat sa akin. Narinig kong tinawag ni Erin ang aking pangalan at sumabay ang kanyang paghikbi.
“Tito… maawa po kayo sa aming dalawa. Ilang taon na rin ang lumipas. Hindi ba sumagi sa isip ninyo na maaaring… maaaring…” Hindi ko mabuo ang salita dahil sa panginginig ng labi ko. “Maaaring pinagtagpo ulit kami dahil iyon ang gusto ng-“
“Ipinagtagpo kayo dahil hinayaan ko.” Mariing sinabi ni tito Exel. “Klare, I’m starting to think that you’re clouding Elijah’s mind too much. You’re not good for him-“
“Dad, wag niyo siyang pagsalitaan ng ganyan-“
“See?” Sabay lahad ng kamay ni tito Exel sa kanyang anak. Pumikit ng mariin si Elijah. “See? Kita mo kung anong ginawa mo sa kanya? I barely know him now. His mother… is weeping for her lost son… She doesn’t know Elijah anymore because of you.”
Napatingin ako sa mommy ni Elijah na pinupunasan ang luha habang pinipigilan si tito Exel.
“Kuya Exel, that’s enough.” Ani tita Claudine. “This is too much. This is not Klare’s fault.”
“Dad, I told you. This isn’t her fault! Ako ang naghila sa kanya sa sitwasyong ito! Pinanindigan niya ang desisyon niya noon sa akin at ako ang gumiba doon. Ako ang nag udyok sa kanyang mahalin ulit ako. Ako ang lahat ng may kasalanan nito.”
Parang hindi nila narinig si Elijah nang bumaling sila sa akin.
“Klare…” Basag ang boses ni tita Beatrice. “Klare, did you like him too much? Na nagawa mo iyon? Kahit na alam mong may iba siya?”
“I told her about Selena and I, mom.” Ani Elijah.
“Klare, nagdesisyon ka na noon, bakit hindi mo iyon pinanindigan?” Sabay hawi ni tita Dana sa kulot niyang buhok.
“Did you want attention too much, Klare?” Mariing sinabi ni tito Azrael sa akin. “Kaya ba gusto mong magkaganito ulit?”
“Azrael! Wag mong pagsalitaan ang anak ko ng ganyan!” Nanginginig na sigaw ni mommy.
Bumaling si tito sa kanya. “Helena, your daughter is out of her mind! This is disgusting!”
“Kuya Azrael, si Klare ang tinutukoy mo dito!” Sigaw ni daddy at umambang susuntukin si tito.
Ang makitang nagkakagulo sila ng ganito ay napakasakit. Ang makita ang galit ni daddy na nagwawala sa kanyang mga matang nakatitig ng diretso kay Tito Azrael ay hindi ko kaya. Hindi ko kaya. Ako na naman. Ako palagi. Ako palagi ang dahilan ng pagkakagulo nila. Naisip kong kung sana ay wala ako sa pamilyang ito, walang iibigin na pinsan si Elijah, magiging masaya siya sa ibang babae, at magiging masaya silang lahat. Sana ay wala na lang ako… Wala na rin naman talaga akong halaga. Inisip ko si Pierre at Hendrix at ang kanilang mga paghihirap kasagsagan nong nalaman ni tita Marichelle na may kabit si papa. Kung sana ay hindi iyon nangyari ay sana masayang lumaki ang dalawa. I’m the pain in the ass here.
“Tito…” Wasak ang boses ko at humagulhol na ako.
Nilingon ako ni Elijah at mariin siyang pumikit.
“Akala niyo ba hindi ko naisip na sana ay nawala na lang ako? Akala niyo ba kahit kailan hindi ko pinagdasal na sana ay wala ako rito? Hindi niyo alam, tito. Mahal na mahal ko kayo na gugustuhin kong isakripisyo ang sarili ko para sa ikakasaya ninyo. I’m more than willing to sacrifice just about anything you asked me to. Hindi ko pa ba iyon naipakita sa inyo?”
“Klare…” Tawag ni Elijah ngunit hindi ko siya pinansin.
“Iniwan ko si Elijah. Tinulak ko siya palayo!” Sigaw ko sabay turo kay Elijah.
Tahimik silang lahat na nakikinig sa akin. Humihikbi si Erin at Claudette sa sofa.
“Tinulak ko siya dahil iyon ang makakapagpapasaya sa inyo! Kahit na mamamatay ako bawat araw na wala siya ay okay lang… okay lang kasi makakamove on pa ako. Kasi iyon ang gusto ninyo!” Pinunasan ko ang luha ko.
“You changed your last name for this…” Ani tito Stephen. “Alam ko.” Aniya na parang may nakuha na talaga siyang impormasyon. “Alam mo kung gaano ka kamahal ni Elijah that’s why you changed your last name. That’s selfish, Klare. You are so selfish. Na kaya mong saktan kaming lahat para lang-“
“I suggested it, Kuya Stephen.” Ani tito Benedict.
“She accepted your offer! Kung talagang pinapahalagahan mo ang pamilyang ito, bakit mo pa kailangang ibahin ang apelyido mo? You can go on with your life and be a Montefalco! Bakit mo kinailangang maging Ty. Yes, your real father is Ricardo Ty pero lumaki kang Montefalco. Pinalaki ka ni Lorenzo, ang iyong ama. Wala ka bang utang na loob sa kanya? Wala ka bang inisip kundi ang sarili mo? Hindi mo ba naisip na masasaktan mo siya? Kami?”
“TITO!” Sigaw ko.
“Ate…” Bulong ni Charles sabay hila sa akin dahil lumalapit na ako kay tito Stephen.
Tinanggihan ko ang kamay ni Charles. Gusto kong harapin si tito Stephen sa pag asang pag mas malapit ako sa kanya ay mas maiintindihan niya ako.
“Tito, hindi po ikaw iyong araw araw na nakakarinig ng pangungutya sa ibang tao! Hindi ikaw ang pinag uusapan nila tungkol sa pagiging Montefalco ko gayong hindi naman ako tunay na anak! Wala kayo don! Ni isa sa inyo walang sumama sa akin para lagpasan iyon! Hindi ko… hindi ko sinusumbat ang pagkawala ninyo. I deserved your treatment! I deserved the cold. Kasi may kasalanan ako sa inyo. Kasi minahal ko si Elijah. Tiniis ko ang lahat ng iyon.”
Hindi ko alam kung makakatigil pa ba ako sa pag iyak. Paos na paos na ako at hindi ako titigil sa pagsasalita.
“Tiniis ko lahat ng naririnig ko sa ibang tao, tiniis ko ‘yong trato niyong iba sa akin. Habang tinitiis ko lahat ng sakit para lang mapanatiling buo ang pamilya ko ay unti unti kayong nalalagas sa akin. Nawalan ako ng mga pinsan. Nawala si mommy sa akin.” Nilingon ko si mommy at nakita ko ang pagsisisi sa kanyang mga mata. “‘Yong sarili kong ina halos hindi na ako matingnan dahil bawat galaw ko nag papaalala sa kanya sa lahat ng pagkakamali niya noon. Sa bawat hakbang ko puro pangungutya kay daddy ang lumalabas sa bibig ng mga tao. Na ako ang may dala ng dumi sa kanyang pangalan.” Nilingon ko si daddy na yumuyuko. “Dad, look at me.” Sabi ko.
Nag angat siya ng tingin sa akin.
“Alam ko po na hindi ko pa ito nasasabi sa’yo pero maraming salamat sa pagbibigay mo sa akin ng pangalan mo kahit na hindi naman talaga ako karapatdapat.” Hikbi ko. Umiling si dad sa sinabi ko. “Maraming salamat sa inyo dahil tinuring ninyo akong kapamilya kahit na alam niyong hindi, tito, tita… Masaya po ako. Pero… alam ko sa sarili ko na hihilahin ko lang kayo pababa kaya ko nagawang palitan ang apelyido ko.” Sabi ko.
Huminga ako ng malalim, nagpapasalamat at nasabi ko iyon sa kanila nang hindi ginambala kahit nino.
“Wag niyo pong isipin na hindi ako tumanaw ng utang na loob. Alam niyo po kung anong kaya kong gawin para sa pamilyang ito… Pero ngayon po… Isa lang ang hinihingi ko sa inyong lahat… Ito lang po talaga… I know I don’t deserve your family name. I will probably never deserve Elijah. Because he’s a Montefalco. Pero… parang awa niyo na po, mahal na mahal ko siya…” Bumuhos ang panibagong luha sa aking mga mata.
Kitang kita ko ang luha sa mga mata ni tito Stephen. Ganon rin ang nakita ko sa mata ni tita Claudine, tita Dana, at tita Liezl.
“Klare…” Buntong hininga ni tito Azrael. “I’m sorry pero mag pinsan kayo sa paningin naming lahat.”
Tumango si tito Exel at pumikit.
“Dad, no…” Ani Elijah.
“Hindi mo ba naiisip kung anong kahihinatnan ng lahat ng ito, Elijah?” Mariing sinabi ni tito Exel. “You lost my trust. You lost your mom’s trust. You made another mistake.”
Yumuko si Elijah at nag igting ang kanyang panga habang pinapakinggan ang sinasabi ng kanyang ama.
“Alam naming hindi kayo mag pinsan na totoo noon pa, but we intend you two to live as cousins. At ngayong nalaman mo na ang totoo ay hindi nagbabago ang desisyon ko-“
“Fuck, no. You are not telling me to push her away because I will never do that, dad.” Ani Elijah.
Umusbong ang galit sa mukha ni Tito Exel. “We are protecting you. You two are still young. You are just 22, son. You can find other girls. Pag hindi nag work ang relasyon ninyong dalawa at nagkahiwalay kayo, this family will never be the same again.”
“Gamble with me. Try me. Try us, dad.”
“This isn’t a joke. Hindi pwedeng sumugal sa isang bagay na hindi ka sigurado. We need a sure win.”
“This is a sure win, trust me.” Ani Elijah halos magmakaawa na sa kanyang ama.
“Kuya Exel, naririnig mo ba ang anak mo? Hindi ka ba kinikilabutan? Hindi ko ata kaya kung sasabihin iyon ni Justin kay Chanel. O ni Knoxx kay Yasmin. This is not right.” Ani Tito Azrael.
Hindi siya pinansin ni tito Exel. Nakatingin ng mabuti si tito Exel sa mga mata ni Elijah. “Tonight, you failed me. Wala kang napatunayan sa akin. Ang tanging pinatunayan mo lang ay kayang kaya mong bumitiw sa mga relasyon. You jump from one relationship to another like this is just a joke. You will jump from Klare to another girl one day. You’re not man enough to decide on your own.”
Namutla si Elijah sa sinabi ng kanyang daddy. Gusto kong magsalita ngunit walang lumabas na salita sa aking bibig.
“I don’t want you to create a mess. I don’t want to bet. This is a game for you. You’re still a boy. You failed me.”
Bawat salita ni tito ay ginigiba ako. Hindi ko na kayang isipin kung ano ang dulot ng mga salitang iyon kay Elijah. Nasasaktan ako ng sobra sobra para sa kanya. Humakbang ako para daluhan siya ngunit nakita kong humakbang rin siya palapit sa kanyang ama.
May kinuha siya sa kanyang bulsa. Binitiwan niya ang kanyang wallet at tumama iyon sa sahig.
“No… No… Ej.” Dinig kong iyak ni Ate Yasmin.
Kumalabog sa aming tiles ang susi ng kanyang sasakyan.
“Yeah, you’re right. I’m a failure. I don’t deserve anything. I failed you because I’m in love with my cousin so much! Binigo ko kayo dahil kayang kaya kong talikuran ang buong pamilyang ‘to para sa kanya!” Ani Elijah. “Come on, cage her. Coz I’ll get her without your help.” Banta niya at mabilis siyang umalis sa bahay sa gitna ng tawag ng mga pinsan ko at tawag ng kanyang ina.
[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]