Until He Returned – Kabanata 37

Kabanata 37

Don’t Give Me Up

“Pumasok tayo sa loob.” Mahinahong sinabi ni daddy.

“Hindi, Lorenzo, itong anak mo-“

“I said pumasok tayo sa loob!” Halos pasigaw na sinabi ni daddy.

Napatingin si mommy kay daddy. Sinamantala ko ang pagkakataong iyon para dumiretso sa elevator. Hindi ko man lang tiningnan ang nagtatakang si Charles. Sumunod ang kapatid ko sa akin sa elevator at sabay kaming umakyat habang nagtatalo si mommy at daddy sa labas.

Tulala ako sa elevator at hindi ko alam kung anong sasabihin ko kay Charles. Nakatingin naman siya sa akin buong byahe pataas. Nang nakalabas kami ay saka pa lang siya nagsalita.

“Ate, you and Kuya Elijah…”

Pumikit ako nang hindi niya madagdagan ang sinasabi niya. Umakyat ako sa hagdanan at pinindot ang doorbell. Ilang sandali ay binuksan na iyon ni manang at nakapasok na kami ni Charles.

“Charles, stay in your room.” Utos ko habang nilalagay ang bag ko sa sofa.

“No, ate, papagalitan ka ni mommy.” Ani Charles.

Sa wakas ay nagawa kong mag angat ng tingin sa kanya. Halo ng pag aalala at takot ang nakita ko sa kanyang mga mata. “Charles, you don’t wanna see or hear this.”

Umiling siya pero bago pa siya nakapagsalita ay padabog nang binuksan ni mommy ang pintuan.

“Klare!” Tawag ni mommy habang sinusundan siya ni daddy.

“Helena!” Sabay hawak ni daddy sa braso ni mommy ngunit marahas na binawi ni mommy ang kanyang braso at napa igtad si dad.

“Charles, go to your room.” Utos ni daddy pagkatapos akong sugurin ni mommy.

Hinawakan ni mommy ang aking braso. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita ko siyang ganito ka galit pero hindi parin ako nasasanay.

“No, dad!” Ani Charles.

“Hindi ka pa ba nadadala? Hindi ka pa ba nagsasawa sa mangyayari? Halos kamuhian ka ng mga tito at tita mo noon dahil sa ginagawa mong iyan!”

Mabilis ang agos ng luha ko habang tinititigan ko si mommy. “Mom, mahal ko si-“

“Anong klaseng pagmamahal ‘yan? You are so selfish, Klare! Ito na ba ang ganti mo sa amin? Ha?”

Umiling ako. Tinawag ng marahan ni dad ang pangalan ni mommy ngunit hindi niya ito marinig.

“Klare, ganti mo ba ito sa akin?” Nakita ko ang mga luha sa mga mata ni mommy. Patuloy ako sa pag iling. “Kung ganon, ano na naman ‘to? Pinag bigyan kita sa lahat! Pinagbigyan kita na makasama si Ricardo! Pinagbigyan ko lahat ng kapritso mo!” Tumigil si mommy at lumayo sa akin, isang daliri niya ay nasa ere. “No. Don’t tell me kaya mo binago ang apelyido mo para pu pwede na kayo ni Elijah!”

“Helena!”

“Mom!” Halos sabay siyang sinaway ni dad at Charles.

“Is that it, huh, Klare?” Sigaw ni mommy habang lumalapit siya sa akin. “Ano na ‘to ngayon, inaakit mo ba si Elijah kahit na may mahal na siyang iba? HE GOT OVER YOU, KLARE! At sinong sisisihin ko ngayon dito? IKAW! Kasi ‘yong tao, may mahal ng iba, pero ikaw…” Tinuro ako ni mommy.

Baradong barado na ang aking lalamunan at pumapagitna na si Charles sa aming dalawa.

“… ikaw, dumidikit ka!”

“Helena, you are talking to our daughter!” Sigaw ni daddy.

“Mom, tama na! Walang kasalanan si ate!” Ani Charles.

“Is this your form of rebellion? Kasi alam mong nagawa ko na ‘to noon kaya gagawin mo rin ‘to ngayon?” Pumiyok ang boses ni mommy.

Tinulak ko si Charles sa gilid para harapin si mommy. Hindi ko na kaya. Nanginginig na ang buong sistema ko sa mga sinasabi niya. Malaki ang respeto ko sa mga magulang ko at gusto kong marinig ang lahat ng mga hinanakit nila sa akin pero gusto ko rin na malaman nila kung ano ang nasa utak ko.

“Mom, ‘nong umalis si Elijah dito pinakawalan ko siya kahit nasasaktan ako. Wala ka sa sapatos ko kaya di mo maramdaman ang emosyonal at pisikal na sakit! Hindi mo nakita, ma…” Bumuhos ang luha ko. “Hindi mo nakita kung paano ako umiyak, paano ako nangulila pero isinantabi ko lahat ng iyon dahil mahal ko kayo-“

“Pwes kung kaya mo naman palang isantabi, bakit hindi mo isantabi ‘yon ngayon?” Sigaw ni mommy sa akin.

“Helena, listen to your daughter!” Sigaw ni dad kay mommy.

“I tried so hard, my… I was miserable. Hindi niyo ‘yon nakita kasi hindi naman kayo nakatingin. Akala niyo ba hindi ko naramdaman? Iba na ang tungo niyo sa akin sumula ‘nong umalis si Elijah. Mom, umalis ‘yong mahal ko tapos nalaman ko pa na anak ako sa labas… Mom, nawala ko ang sarili ko…” Humikbi ako.

Umiyak si mommy at napaupo sa sofa.

“‘Nong nagkita ulit kami, hindi pa talaga ko maayos pero pinanindigan ko ang desisyon ko. Hindi ko babawiin iyon kahit na gano ko siya kamahal. Pero… iyan siya, e. Mahal niya ako-“

“Elijah isn’t in love with you. May girlfriend siya…” Ani mommy.

“Kuya Exel made it clear, Helena, hindi niya papabalikin si Elijah dito pag hindi pa siya nakahanap ng iba… Is that it, Klare?” Tanong ni daddy.

Tinitigan ko lang si mommy at naghintay ako sa susunod niyang sasabihin habang nakaupo siya sa sofa.

“Mom, I’m sorry…” Pumiyok ang boses ko. “I’m sorry kung puro pasakit lang ang dala ko sa inyo. I’m sorry kung pinapahamak ko kayo…”

“Klare…” Malamig na sinabi ni daddy. Nag angat ako ng tingin sa kanya. “Anong plano ninyo ni Elijah? Are you going to keeo this secret forever? Bakit hindi niyo sinasabi?”

Pinunasan ko ang aking pisngi. “Naghihintay lang kami ng tamang tyempo, dad. Obviously, this isn’t the right time. We have a big event coming.” Napatingin ako sa kamay ko.

“Klare, pinsan mo si Elijah-“

“Mom!” Singhal ni Charles. “Hindi mag pinsan si ate at si kuya Elijah.” Aniya.

Napatingin ako kay Charles na mukhang iritado na. Kung hindi man niya alam ang nangyari sa amin noon ni Elijah, ngayon paniguradong alam niya na.

“Pinalaki silang magkasama Charles. Your ate and your kuya Elijah are cousins by heart.” Ani mommy.

Tumawa si Charles. “So what now, mom? We’ll let ate cry and push away Kuya again?”

“I won’t do that again.” Mariin kong sinabi at pinanood ko ang paglukot ng mukha ni mommy dahil sa narinig. “You have to deal with it, mom. Kung gusto ninyong sabihin sa lahat bukas sa kasal ni Dame at Eba ang lahat ng ito, it’s your choice. My choice is to buy time, wait for the right opportunity… But if you want us to break so bad, then go ahead, mom!”

Galit akong tinitigan ni mommy. “Saan ka natutunong magsalita ng ganyan? Iyan ba ang itinuro ni Ricardo sayo?”

“Helena, hayaan na natin si Klare. She’s old enough. She knows what’s right and wrong. She can decide for herself!”

Tingin ko ay nasabi ko na lahat ng maari kong sabihin kaya habang nagtatalo si mommy at daddy ay mabilis akong tumakbo patungo sa aking kwarto. Sinarado ko iyon at sumalampak agad sa aking mga unan. Ilang sandali akong humagulhol dahil sa pisikal na sakit na nararamdaman ko sa aking puso.

Kinalma ko ang sarili ko bago kinuha ang cellphone na punong puno ng mensahe ni Elijah. Nag aalala na siya sa nangyari. Walang pag aalinlangan kong dinial ang kanyang numero. Isang ring ay sinagot niya ka agad. Buntong hininga ang una bago siya nagsalita.

“Are you okay?” Tanong niya. “Anong nangyari?”

“Alam na ni mommy at daddy…”

Ilang sandali pa bago siya nagsalita. Narinig ko ang mga galaw niya at ang pagtunog ng kanyang sasakyan.

“Elijah…” Tawag ko at kumalabog ang aking puso.

“Umiiyak ka ba?” Tanong niya at narinig ko ang pag pihit ng kanyang sasakyan.

“Hindi.” Pinilit kong maging matapang ang aking boses.

“Papunta na ako.”

“Elijah, please, no… Wag na nating paguluhin pa ang sitwasyon.”

“Klare, kung alam ng mommy at daddy mo, hindi ko hahayaan na ikaw lang mag isa ang sasalubong sa lahat ng sasabihin nila. I’ll be there. I’ll be there with you.”

“No…”

“I’ll be there in five minutes.” Aniya at binaba ang kanyang cellphone.

Napatalon ako sa kinahihigaan ko. No… no… No way… I need to do something. Hindi ko hahayaan na makakatungtong si Elijah sa bahay namin. Kailangan ko siyang salubungin sa baba at pigilan. Madadaan pa ito sa usapan.

Naririnig ko parin ang pagtatalo ni mommy at daddy sa labas. Humilig ako sa aking pintuan at binantayan ko ang relo. Nang dumaan ang tatlong minuto ay humupa na ang bangayan ng dalawa at narinig kong kumalabog ang pintuan sa kwarto.

They won’t see me yet. Hindi pa nila mapapansin iyon sa CCTV. Nagdasal ako na ganon nga. Dahan dahan kong binuksan ang aking pintuan. Luminga ako at nakita kong nakapatay na ang ilaw sa aming sala.

Dahan dahan akong naglakad patungo sa pintuan at kinalas ko ang tatlong bar doon, pinihit ang gitna ng door handle at lumabas na. Halos mapatalon ako sa gulat nang nakita ko si daddy na nakapamaywang sa aming hagdanan. Kumunot ang noo ni dad sa akin. Mukhang naistorbo ko siya sa malalim niyang iniisip.

Dammit, Klare! Buking na naman?

“Dad…” Nauutal kong banggit.

“Saan ka pupunta?” Tanong niya.

Tinikom ko ng mariin ang bibig ko. Ayaw ko sanang magsalita. Gustong gusto kong magsinungaling pero lalala lang ang lahat pag magsisinungaling ako.

“Nasa… labas po si Elijah.”

Nanlaki ang mga mata ni daddy. “Anong ginagawa niya dito?”

“I… I told him alam niyo na. Nag… nag aalala siya.” Nag iwas ako ng tingin.

Tumango si daddy at bumaba. Siya na mismo ang pumindot sa elevator. Nang bumukas ito ay iminuwestra niya sa akin ang loob. Tumunganga ako dahil hindi ko siya maintindihan.

“Let’s go. Ako na ang bahala sa mommy mo pag nakita niya ito sa CCTV. I need to talk to Elijah.” Aniya.

Tumango ako at mabilis na nagtungo sa loob ng elevator. Ito na yata ang pinakamabagal kong sakay sa elevator. Mabagal dahil hinihintay kong bumaba ito at makita si Elijah.

Kasabay ng pag bukas ng elevator ay ang paglabas din ni Elijah sa kanyang sasakyan. Mabilis siyang nagtungo papunta sa akin kahit na kitang kita niyang kasama ko si daddy.

Pinigilan ako ni daddy sa paglapit.

“Elijah.” Ani Dad.

“Tito…” Ani Elijah habang hinahanap ako sa likod ni dad.

“Mag usap tayo.” Ani daddy.

Sumulyap si Elijah sa akin, saka kay Daddy, bago tumango at sumunod sa kanya. Nag usap sila malapit sa sasakyan ni Elijah. Umupo ako sa gutter ng parking lot namin habang pinapanood ko ang seryosong usapan nila.

Niyakap ko ang aking tuhod. Tatlumpong minuto na silang nag uusap. Hindi parin natatapos. Lumalamig at lumalalim na ang gabi.

“Klare…” Tumingala ako kay daddy na lumalapit sa akin. Tumayo ako para maglebel ang tingin naming dalawa. “Matulog na tayo.” Aniya.

Nilingon ko si Elijah sa likod niya.

“Tito, pwedeng kahit sandali lang?” Ani Elijah sa likod ni daddy.

Nag igting ang bagang ni daddy at hinarap niya si Elijah. “Okay.”

Parang kalabit sa akin ang mga salita ni daddy at mabilis akong tumakbo kay Elijah para yumakap. Niyakap niya ako pabalik, hinahalikan ang buhok ko at tinatahan ako kahit hindi na ako umiiyak.

“You alright?” Bulong niya.

Batid kong nakatingin si daddy sa amin pero naubos na ang pakealam ko. He knows about us, anyway.

Tumango ako at tumingin sa mga mata ni Elijah. This is where I really belong. I belong in his arms.

“Hey, baby, listen… This will be quick…” Aniya.

Tumango ako at halos handa na sa kahit anong sasabihin niya.

“No matter what happens, don’t give me up, okay?” Aniya habang hinahawakan ang magkabilang pisngi ko.

Tumango ako.

“Okay, baby? I want to hear it.”

“Okay.”

May kung ano sa mukha niyang nag aalinlangan sa sinasabi ko.

“Klare, please, I want to hear it straight from you…”

“I won’t give you up, Elijah.” Bulong ko, namumuo ang mga luha sa aking mga mata.

Alam ko kung bakit siya nawalan ng seguridad sa akin, sa amin. Ako ang bumitaw noon. Iniwan ko siyang lumalaban sa ere at natural lang na magduda siya ngayon. Nakatitig parin siya sa akin na para bang sinasaulo niya ang bawat detalye ng aking mukha.

“Please, don’t ever give me up again. Mahal na mahal kita Klare, at pag naiisip kong iiwan mo ulit ako, itutulak mo ulit ako, pakiramdam ko hindi ko na makakayanan. I will never get over you anymore. I’m going to fight for us… kahit anong mangyari at kahit gaano ka tagal.”

Tumatango lang ako dahil hindi ko na kayang magsalita. Hahagulhol ako sa oras na bubuksan ko ang aking bibig.

“Please, baby, that’s all I’m asking… Just don’t give me up. Ako na ang bahala sa lahat.”

Tumango ulit ako. Hinalikan niya ang aking noo at bumitiw siya, dumiretso sa kanyang sasakyan. Nilingon niya ako bago niya sinarado ang pintuan.

Pinupunasan ko ang mga luha ko.

“Klare, let’s go…” Dinig kong sinabi ni daddy sa likod ko ngunit hindi ko siya pinansin.

Binaba ni Elijah ang kanyang salamin. Ngumiti siya kahit bakas sa kanyang mga mata ang pagod.

“Klare… bumalik ka na sa bahay niyo. Hindi ako makakaalis dito pag nakikita kang umiiyak.”

Mabilis akong tumango at tumalikod sa kanya. I swear to God, kahit anong ipapagawa ni Elijah sa akin ay susundin ko.

Mahimbing ang tulog ko sa gabing iyon. Kahit na alam kong hindi tamang maging kampante ako dahil sa sitwasyon. Pero ang boses ni Elijah at ang mga mata niya ay nakakapanlambot.

Nang nag madaling araw ay walang imik si mommy sa akin. Naging normal ang pakikitungo niya sa akin, kay daddy, at kay Charles. Ganon rin si daddy. Ngunit hindi matanggal ang simangot sa mukha ng kapatid ko. Hindi siya kumikibo kay mommy at bawat hindi niya pag kibo ay tumitingin si mommy sa akin na para bang nanghihingi ng tulong.

“Charles, lika na.” Sabi ko.

Alas kwatro ay bumyahe na kami patungong Midway Resort dahil doon gaganapin ang kasal. Ang mga pinsan ko ay naroon na, kagabi pa lang. Ganon din si Damon at Eba. Mahigit isang oras ang byahe patungo doon at kailangan naming mag madali dahil alas sais ng umaga ang kasal ni Damon at Eba. Iyon daw ay para masalubong nila ang pagsikat ng araw.

Tulog kaming dalawa ni Charles sa buong byahe at pagkadating ay mabilis na kaming nagbihis. Busy ang buong angkan sa pagmi-make up, pagbibihis, at kung anu-ano pa sa loob ng hotel nila. Tawanan, ngitian, at usapan ang nag paingay sa bawat kwarto. Maingay na nagtatawanan si Chanel, Erin, at Ate Yasmin habang nag pipicture kami. Nakakangiti ako ngunit hindi ko magawang tumawa ng lubos.

“Mamaya, tutulak na si Eba at Damon sa labas ng bansa. Sinong maiiwan kay Xian?” Excited na tanong ni Ate Yasmin.

“Kina Tito Stephen daw siya! Bisitahin natin!” Excited na sinabi ni Erin.

Pastel colors ang naging gown naming mga girls. Malambing na kulay Blue Green ang akin na dumadausdos hanggang tuhod ko. Kulay orange ang kay Erin na bumagay sa kanyang pagka morena, kulay pink ang kay Claudette na kinaiinggitan ko dahil paborito kong kulay, kulay green ang kay Chanel, kulay yellow naman ang kay Ate Yasmin. Sa mga pinsan naman ni Eba ay may kulay lavender, yellow green, at kung anu ano pa. Eight kaming bride’s maid at eight din ang groom’s men.

“Sige na… Pasok na groom’s men.” Anang photographe sabay bukas sa aming pintuan.

Pinapasok niya ang mga groom’s men pagkatapos naming magpamake up. Naka black tux silang lahat at tumili ang mga bride’s maid na pinsan ni Eba. Halos manlaki ang mga mata ko nang nakita ko ang nakangiting si Elijah, kumikinang ang kanyang hikaw sa kaliwang tainga. Nag iwas ako ng tingin.

“Klare, tabi kayo ni Claudette.” Ani Erin sabay turo sa dulong parte ng mga babae.

Tumango ako at sumunod sa gusto niya.

Pinahilera kaming lahat doon. Sa gitna si Elijah, at iyong magiging partner niyang pinsan ni Eba, iyong maarteng tinutukoy nila noong dinner. Napalunok ako at ngumiti na lang sa camera.

Habang pinipindot ng photographer ang kanyang camera ay dumating si mommy at pinasadahan niya ako ng tingin, at si Elijah, sinisigurado niyang hindi kami magkatabi o magkasama. Don’t worry, mom. I know what to do.

“Doon naman sa labas!” Sigaw ni Erin kaya lumabas kaming lahat.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: