Until He Returned – Kabanata 3

Kabanata 3

Klare Desteen L. Ty

Sa sumunod na linggo ay mas lalong lumala ang mga usap usapan. Hindi nga ako nakasama kay Pierre at Hendrix sa Davao. Hindi na rin naman nila ako pinilit na sumama doon. Halos wala nga akong text na nakuha galing sa kanila. Si Mr. Ty lang ang text nang text sa akin.

Mr. Ty:

Klare, hindi pa nakakauwi si Pierre at Hendrix dahil sa isang basketball tournament na sinalihan. Pag nagbago ang isip mo, just text them. I really want to bond with you.

Mas mabuti na rin sigurong hindi ako natuloy sa Davao sa linggong ito. Na promote kasi si daddy bilang Head of Office sa kanyang trabaho. Nagkaroon ng isang party, despidida sa retired Head of Office at welcome naman para sa bago.

Pumalakpak ako nang pumalakpak ang audience para sa speech ni daddy. Ngiting ngiti si daddy at halata sa buong opisina na paborito siya ng lahat. Maraming kumukuha ng picture sa pagsasalita niya.

Kumakain lang si Charles ng ice cream. May mantsa na ang kanyang maliit na tuxedo. Pinanood ko siya habang nakikita si mommy sa gilid ko na may katawanan at kabulungan. Naghiyawan ang ibang matatandang empleyado sa nakakatawang speech ni Daddy. Nang may sinabi naman siyang makabagbag damdamin tungkol sa pag alis ng kanilang dating Director ay natahimik naman ang mga tao.

Kasabay ng pananahimik ng mga tao ay ang pagkakarinig ko sa mga salita ng kasamahan niya sa opisina. Sa likod ko ay nagbulung-bulungan sila…

“Sayang si Lorenzo. Hindi pala kanya pero inangkin niya. Dapat ay dinala na lang ng bata iyong apelyido ng tunay na ama nito para hindi siya mapahiya.” Boses ng isang matandang babae.

Nilingon ko si mommy na nakangiti at inspiradong pinapanood si daddy. Ako lang ang nakarinig ng mga sinasabi sa likod. Kahit na sabihin nating maaaring naririnig ito ni Charles, hindi niya naman alam kung ano ang ibig sabihin nito.

“Oo nga, Mat. Kung ako si Lorenzo, matatanggap ko naman iyong bata pero di ko isusunod sa apelyido ko at magkunwaring akin ang batang iyon.”

Kinagat ko ang labi ko at halos manginig ang kamay ko sa halo halong mga emosyon. Bakit ganon? Daddy loves me so much. Iyon ang dahilan kung bakit kinupkop niya ako kahit na resulta ako ng pagkakamali ni mommy. Iyon na lang sana ang pagtuonan ng pansin.

“Okay lang naman talaga, e. Kaya lang, kabit pa ‘yong asawa niya.”, mas mahinang bulungan nila.

“Tama. Eskandalo talaga. Narinig kong nairita si Atty. Benedict Montefalco sa pang iintriga tungkol diyan. Ayaw nilang magsalita.”

Nilunok ko ang mga luhang nagbabadyang lumabas sa aking mga mata. Ganito na lang ba talaga palagi? Nilingon ko ang mga kasama ni daddy na nag uusap tungkol sa akin. Sa paglingon ko ay nalaglag ang kanilang mga panga at naging resulta sa pag uusap nila sa mas mahinang tono na hindi ko na marinig. Ang dalawang matandang babae ay ngumingiwi sa akin at hindi man lang nahiya sa kanilang inasal.

Pumikit ako nang naalala ko ang lahat ng iyon. Sa mga panahong iyon, patong patong na ang naging problema ko. Masyado na akong naguluhan at pakiramdam ko ay sasabog na ako sa isang kalabit na lang.

Hinilig ko ang ulo ko sa upuan. Napatalon ako nang bigla kong narinig ang boses ni Pierre.

“Kuya, lay your seat back. Para makatulog si Klare.”

Pinanood kong sinunod ni Hendrix ang sinabi ni Pierre kaya nakahilig ako nang mas maayos sa upuan. Pinanood ko ang bawat punong nadadaanan namin. Nakalayo na kami sa Davao. Nasa mga probinsya na kami at ilang oras pa ang byahe.

“Klare, we’ll stop for lunch later. Pag ginutom ka ng mas maaga sa break natin, sabihin mo sa akin.”, ani Hendrix.

Tumango ako at pumikit.

Ito ang isa sa dahilan kung bakit ako naging malakas sa mga panahong iyon. Nakilala ko si Pierre at Hendrix. Hindi ko alam kung paano nila nagagawa ang pag aalaga at pag aalala sa akin. Kung tutuusin ay dapat galit at matabang silang dalawa sa akin. Hindi iyon nangyari. Ang mga pagkukulang at mga guwang na naramdaman ko sa aking sarili ay napunan nilang dalawa. Maging si Papa ay ganon ang pinaparamdam sa akin.

Nang pinayagan ako ni dad na pumuntang Davao, hindi ko alam kung matutuwa ba ako o malulungkot. Mawawalay ako sa kanila ngunit matutupad ko na ang gusto ko. Hindi nagustuhan ni mommy ang desisyon na iyon. Aniya’y sapat na na nakilala ko si Mr. Ty, sapat na na nalaman ko ang katotohanan at hanggang doon na lang iyon.

“Helena, pagbigyan mo ang anak mo. Gusto mo ba, Klare?” Tanong ni daddy nang pinagtaasan na siya ng boses ni mommy.

Dahan dahan akong tumango. Galit ang nakita ko sa mga mata ni mommy ngunit hindi niya ako pinagbuntungan. Imbes na ako ang tirahin niya ay si daddy ang binanatan niya. Nag away ang dalawa dahilan kung bakit mas namroblema pa ako.

“Ate, dad is not around and mom is really busy. Kailangan kong pumasok sa swimming lessons today,” wika ni Charles.

“Ganon ba, Charles? Sa Marco ‘yon diba?” Kinagat ko ang labi ko.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Commute? Mag text kay Azi o kay Damon? What? Hindi na ako nakapag isip ng maayos. Lalo na nang narealize kong inasahan ni Charles na ako ang maghahatid sa kanya. Tinext ko na agad ang mga boys para matulungan ako. Nakapag reply si Josiah, Rafael, at si Azi. Sa kanilang tatlo ay nauna si Azi na walang ginagawa kaya siya ang naabala ko.

“Sorry, Azi… Wala talagang maghahatid.” Utas ko.

“Asan ba si tito?” Tanong niya habang nilalagay ni Charles ang bag niya sa likod.

“Nasa trabaho.” Palusot ko.

“Ganon? Kahit pala Sabado ay nagtatrabaho iyon. No wonder na promote.”

Ngumiti na lang ako. Bago umandar ang sasakyan ay tinapat ni Azi ang airfreshener sa aircon. Kinagat ko ang labi ko nang bumuhos sa akin ang mga alaala noon. There’s something with that scent. Maging ang showergel ko ay hindi ko na naaamoy nang walang naaalala.

Umubo si Azi at pinaandar ang kanyang sasakyan. Kinukurot naman ang puso ko habang pinapanood ang mga sasakyan sa labas. Kailangang mag salita pero wala akong masabi. Baka manginig lang ang boses ko.

May mga amoy, pakiramdam, sitwasyon, o bagay talaga na noon ay binabalewala mo at pag naging alaala na lang ay lagi mong naiisip. Nakakatuwa kasi kahit iyong pakiramdam ko tuwing malamig na gabi, siya ang naiisip ko. Ang amoy ng showergel at amoy ng airfreshener, siya ang naiisip ko. Kahit anong gawin kong iwas na isipin siya ay hindi ko talaga magawa.

“Kuya Azi.” Ani Charles at pumagitna agad sa amin nI Azi. “I miss kuya Elijah. Do you?”

Hindi kumibo ng ilang segundo si Azi. Pakiramdam ko ay kahit siya, nakakaramdam ng awkwardness sa tanong ni Charles.

“Of course.”

“Ate misses him too, for sure.”

Hindi ako sumagot sa sinabi ni Charles. He concluded, anyway.

“By the way, Klare. Nag usap na kayo?” Biglaang tanong ni Azi.

Umiling ako at binalingan siya. “I’m not allowed to talk to him.”

“Kami rin.” Aniya.

Nagulat ako sa sinabi niya. “Sabi ni daddy, kung di namin kayang tumahimik tungkol sa nangyari sa iyo ay mas mabuting huwag na lang makipag communicate kay Elijah. Besides, hindi naman din siya naghahanap ng paraan para makipag communicate. No Facebook, Instagram, or anything. Just nothing. Kaya wala rin.”

Naging mabuti rin naman iyon para sa akin. Alam kong sa oras na malaman niya ay maaaring tatakbo iyon pabalik dito. Yes, I needed him. Kaya lang, gaya ng sinabi ko, wala akong maibibigay sa kanya sa ngayon. Puro sakit lang at sama ng loob. I’m broken. So broken.

Umalis ako papuntang Davao para makapag bonding kay Mr. Ty at sa dalawa kong half brothers. Iniwan kong nag aaway si mommy at daddy dahil don. Hinatid ako ni Tito Benedict sa SM dahil doon daw ako ipi-pick up nina Pierre at Hendrix.

“Klare,” Basag niya sa matinding katahimikan. “Hindi na ako magpapaliguy ligoy pa, pero na consider mo na bang magpalit ng apelyido?”

Nagulantang ako sa tanong niya. Pinagmasdan ko pa si Tito habang nagmamaneho. Ngayon alam ko na kung bakit ayaw niyang si Josiah o ang driver nila ang mag mamaneho para sa akin. May gusto siyang itanong na sakin.

“Hindi pa po. Hindi naman ata iyon pwede.” Sabi ko.

“It’s allowed, Klare. Di ka na minor at biological parent mo si Mr. Ty. Hindi ko sinasabing magpalit ka. I just want to know kung may balak ka ba.”

Ano ba ang makukuha ko pag magpapalit ako ng apelyido? Matitigil ba si mommy at daddy sa away nilang dalawa? For sure matitigil ang tsismis sa kay daddy sa pagkupkop niya sa akin at sa pagiging martyr niya sa mga kasalanan ni mommy. Matitigil ang lahat ng ito.

Hindi ko masagot ang tanong. Kaya nang nagbakasyon ako sa Davao at naging mas magaan ang loob ko doon ay mas lalong nabura ang linya sa gitna ng dalawang apelyido.

“Welcome to Samal, Klarey!” Ani Pierre habang vinivideo ako sa loob ng bangkang inarkila namin.

Hinawi ko ang camera ngunit tumawa lang siya at nagpatuloy. Tinakpan ko ang mukha ko.

“Camera shy ang kapatid ko.” Tumawa siya.

Mabilis ang pintig ng puso ko sa pagkakasabi niya iyon. Ang kumpirmasyong iyon galing sa kanya ay nakakataba ng puso. Naramdaman kong may pamilya ulit ako. Iyong tipong masyadong mahabang panahon akong naging palaboy sa daan at sa ngayon ay may kumukupkop na sa akin. It’s heartwarming.

Alam kong mali ang mag isip ng ganon. Pamilya ko parin ang mga Montefalco. Sila lang talaga. Ngunit hindi ko kayang magsinungaling sa sarili ko. Staying with them was hard. Hindi naging madali ang makasama sila simula nang nalaman ng lahat ang totoo. I think it will never be the same again. At naiinis ako sa sarili ko kasi nararamdaman ko ito. Traydor ako at ayaw ko nang ganito.

Nang nakalapit na kami sa baybayin, nagulat ako nang tumalon si Hendrix sa dagay kasama ang isang malaking board.

“Pangit mo, Kuya!” Sigaw ni Pierre na tinutok naman ngayon ang camera kay Hendrix na sinusubukang tumayo sa board.

“He knows how to surf?” Napatanong ako nang nakitang kaya niyang gawin iyon sa medyo malalaking alon.

“Uh, not really!” Tumawa si Pierre nang lumagapak ang dagat dahil sa pagkahulog ni Hendrix.

Lumitaw ang dirty finger ni Hendrix galing sa dagat bago siya umahon. Humagalpak si Pierre at natawa na rin ako.

“Bye, Kuya! That’s not how you do it, though.” Tinutok niya ulit sa akin ang camera.

Nakapangalumbaba ako habang tinitingnan si Hendrix na nakahawak sa kanyang board sa malayo at tumatawa dahil may babaeng naka jetski na para bang umiikot sa kanya.

“Ayos lang kay Tita Marichelle at Mr. Ty na sa resort lang sila?” Tanong ko.

“Ganon talaga ang matatanda. Less adventurous.” Humalakhak ulit siya.

Hinawi ko ang camera ngunit hindi siya tumigil.

“Ba’t mo tinatawag si Dad ng Mr. Ty? You’re too formal for my taste, Klare.” Aniya.

Nagtaas ako ng kilay. Ganon din ang ginawa niya sa akin. Sa camera siya nakatutok at hindi sa mga mata kong pinapanood siya. “Wala namang sinabi si Mr. Ty na tawagin ko siyang kahit ano. I think he’s okay with ‘Mr. Ty’.” Sabi ko.

Umiling siya. “Daddy is just shy, Klare. Ayaw niyang mag request sayo nga ganon. It’s all up to you now.”

Nag iwas ako nang tingin. “May daddy ako, Pierre.”

“Papa, then?” Aniya.

Bumaling ako sa kanya. Pinatay at binaba niya ang camera bago bumaling sa akin.

“Papa. Say it, Klare. He’ll be happy.”

“Nahihiya ako.” Uminit ang pisngi ko.

“Eighteen years at sasabihin mo lang sa akin na nahihiya ka? Come on, pasayahin mo siya pagkatapos ng labing-walong taon na paghihirap na maalagaan ka.”

Bumaling ako sa papalapit na baybayin. Nakita kong nakatayo ang naka polo na si Mr. Ty o papa… Naka higa naman si Tita Marichelle sa Sun Lounger. May dala siyang lemonade at malaki ang kanyang sumbrero. Malaki ang ngisi ni papa nang tumigil ang bangka sa harap niya.

“Promise me, turuan mo akong mag skim board?” Sabi ko kay Pierre habang pinapanood siyang dinadampot iyong skimboard sa sahig ng bangka.

“Bilhan pa kita ng board, kung gusto mo.” Malaki ang ngisi niya.

Nakalahad ang mga braso ni Mr. Ty para sa aming dalawa. Nilingon niya ang bangka at kumunot ang kanyang noo.

“Where’s your ahia, Pierre?”

“Nandun sa mga alon. Nan chi-chix, dad. Some Anne Curtis look alike.” Humalakhak si Pierre.

Umiling si Mr. Ty at bumaling sa akin. “How was it, darling?” Malambing ang kanyang tono.

Pinagmasdan akong mabuti ni Pierre. Yumuko ako bago nagsalita. “I enjoyed it, pa. Thank you.”

Walang nagsalita. Ni si Tita Marichelle na madalas ay umaangal ay hindi na nagsalita. Hindi ko matingnan ang mukha ni Mr. Ty… o ni papa… Basta naramdaman ko na lang ang mainit na yakap niya na nagpaluha sa akin. Damn, it’s been ages since I felt this… Naiirita ako sa sarili ko kasi ganon ang naramdaman ko. Klare, ayusin mo naman. You are a Montefalco.

Walang nagsalita kahit humupa na ang luha ko. Nagawa pang magbiro ni Pierre sa isang walang kinalamang bagay na dahilan kung bakit mas naging magaan ang loob ko sa kanila. It feels like home… feels like they are my family. Real family.

Naiisip ko si Charles at ang mga ginawa niyang bagay para mapasaya ako. Nahahabag ako. He’s my family, too. Kung pwede lang ay dalhin ko siya saan man ako magpunta pero sa Montefalco Building siya dapat, kasi nandoon ang kanyang mga magulang. Naiirita na naman ako kasi naiisip kong dapat ay maging masaya ako sa piling ni mommy at daddy. Mahal ako ni mommy, mahal ako ni daddy, pero bakit hindi ko magawang maging masaya? Bakit ako naghahangad ng higit pa? Natural ba talaga iyon sa mga batang anak sa labas? Natural ba talaga na mangailangan ako ng iba pa bukod sa kanila? Noong hindi ko pa alam na anak ako sa labas ay hindi naman ako nangailangan ng iba, a? Kung ganon, ano ang nagbago? Anong meron noon na nawala na ngayon? Bakit lubos akong nangangailangan ng pagkalinga ni papa kung nandyan naman ang pamilyang kinagisnan ko?

Hindi ko alam. Siguro ganito nga talaga pag may kulang sa pagkatao mo. Kaya siguro hindi ko maintindihan noon ang mga desisyon ng mga anak sa labas ay dahil hindi ko iyon nararanasan. At ngayong nakakaranas na ako, kinikwestyon ko naman ang nararamdaman ko. I really can’t blame anyone. Ganito lang talaga ang pakiramdam. Walang kasalanan kahit sino. Talagang ganito lang ang pakiramdam.

“Paki lista po ang mga pangalan ng guests, Mrs. Ty.” Anang babae sa reception hall bago kami kumain sa restaurant.

Nag uusap si Hendrix at Pierre habang pinapanood ko si papa na may kausap sa cellphone at si Tita Marichelle na nag susulat.

“Check ko lang po kung tama ba: Ricardo Ty, Marichelle Ty, Hendrix Richard Ty, Pierre Angelo Ty… Yong babae po?” Sabay turo sa akin ng babae.

Napatalon si Tita Marichelle nang nakita ako. Para bang nagulat siya dahil nandito nga pala ako.

“Klare, what’s your name? Just Klare Montefalco?” Tanong ni Tita sabay sulat.

“Klare Desteen.” Sagot ko.

“Girlfriend po ni Pierre, Madame?” Humalakhak ang babae sa receptionist.

Umiling si Pierre at ngumisi sa akin.

“That would be incest.” Ani Hendrix. “Yon ang tunay na incest.” Bulong niya.

Tumawa ang dalawa. Hanggang ngisi lang ako habang pinagmamasdan si Tita Marichelle na tinataas ang kanyang malaking aviators. “Girlfriend agad? Why not katulong, miss?”

“Mom!” Sigaw ni Hendrix.

Nakita ko agad na binaba ni papa ang kanyang cellphone para lapitan si Tita Marichelle. “Marichelle! You’re being rude to my daughter!” Sigaw ni papa.

Nakita kong tamad na umirap si Tita Marichelle sa receptionist na nagulantang din. “Daughter.” Aniya.

“Say sorry!” Utos ni papa.

Galit na galit siya. Ngayon ko lang ata nakitang nagalit siya nang ganito. Mas galit pa siya ngayon kumpara sa unang pagkikita namin ni Tita Marichelle at sa pag ngiwi niya sa akin noon.

“You okay, Klare?” Tanong ni Pierre.

“Mom, stop acting like some spoiled brat. Tanggapin na natin. It’s been eighteen years.” Ani Hendrix.

“Marichelle!” Sigaw ulit ni papa.

“Alright, alright! Napapahiya pa ako! Ba’t kasi di na lang magpalit ng apelyido para di na tayo natatanong. I hate answering stupid questions, Ricardo. Change her surname, already. Ayokong sa kada pasok natin sa mga hotel o sa mga usiserong nagtatanong ay ako pa ang sasagot sa mahabang istoryang ginawa mo!” Bumaling si tita Marichelle sa akin gamit ang matalim at chinita niyang mga mata. “Change it, Klare. Isa kang Ty. Change your family name.”

Ilang linggo pa bago ko tuluyang napag desisyunan ang lahat. Nang dumating ako sa bahay ay nag kaayos na rin naman si mommy at daddy. Naging mabuti iyon para sa akin. Ngunit nang sinabi ko sa kanilang makikipag kita ulit ako sa mga half brothers kong sumama pabalik ng Cagayan de Oro ay hindi na ako pinayagan ni mommy. Nagalit ulit si daddy sa kanya.

“You are being possessive!” Sigaw ni daddy.

“Well that’s because Ricardo is brainwashing her, Lorenzo! Please understand me! Akala ko ba napag usapan na natin ito?”

I just want them to shut the hell up! Ano ngayon kung sasama ako sa mga Ty? Hindi naman ibig sabihin non ay kanila na ako. Ang gusto ko lang naman ay maging malaya. Malayang gumalaw sa gitna ng dalawa ngunit hindi talaga yata matatahimik ang lahat.

Hindi na rin ako matahimik. Isang araw ay nilapitan na ako ni Papa kasama si Tito Benedict. Nagulat ako nang si daddy rin daw mismo ang nag suggest. Alam niyang nahihirapan na ako sa sitwasyon. Hindi ko alam pero naintindihan ko. I need to stand. Kailangan kong pumirmi bilang isang Ty, dahil iyon naman talaga ang apelyido ko. I don’t deserve their family name. I’m not a Montefalco. I never was. But my dad made me who I am today. Utang ko sa kanila ni mommy kung ano ako ngayon and I’m proud of that. Pero siguro dumating na ako sa punto na kailangan ko na talagang klaruhin ang lahat ng ito. Set things straight… I am Klare Desteen L. Ty.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: