Kabanata 27
The Same Page
Hindi ko na napigilan si Eba nang hawiin niya ang kamay ko at umalis siya ng walang pasubali. Gusto ko siyang sundan para magtanong kahit na mukhang alam ko na ang sagot ngunit pinigilan ako ni Elijah.
“Elijah, bitiwan mo nga ako!” Sigaw ko pagkatapos naming magbayad sa counter at papasok na kami sa kanyang sasakyan.
Lumilinga linga parin ako para hanapin si Eba ngunit wala akong makita. Nakahawak si Elijah sa aking kamay at kinakaladkad niya ako palabas ng grocery para lang mapigilan ako sa pagtakbo at pag hahanap kay Eba.
“It’s not our story to tell, Klare.” Ani Elijah nang nakapasok na ako sa kanyang sasakyan.
Kumunot ang noo ko at matalim ko siyang tinitigan, “I’m not going to tell Damon about his son, Elijah. Hindi niya deserve ang kanyang mag ina!” Inis kong sinabi.
Hindi ko pa natatanong si Eba kung kaninong anak si Xian ngunit kumpirmado ko na sa mukha ng kanyang anak kung sino ang ama nito. Maging si Elijah ay kinumpirma ito. Isa pa, dumagdag lang ang pagtakas ni Eba ng walang imik sa kumpirmasyon. There’s no mistaking. It’s Damon’s son! Kung ano man ang naging problema nilang dalawa at bakit ayaw ni Eba na magpakita kay Damon ay hindi ko alam. Pero tuwing naiisip ko na si Eba lang mag isa ang nagpalaki sa bata at walang pakealam si Damon dito ay umiinit ang dugo ko.
“What are you thinking?” Tanong ni Elijah habang nag dadrive siya.
Mabilis ang paghinga ko dahil sa galit na umuusbong sa sistema ko. I should calm down, okay. Mahirap lalo na pag naiisip ko ang maputlang mukha ni Eba habang bitbit ang kanyang anak na nakatingin sa akin.
“Hindi alam ni Damon na may anak siya, Klare. Wala siyang alam.” Ani Elijah.
Bumaling ako sa kanya. “Well that’s because he never cared! Naaalala ko kung paano niya pinamumukha kay Eba na ayaw niya ng committment. What’s with you boys ba? Bakit kayang kaya niyong manggamit ng ibang babae at iwan na lang sila agad?”
Kinagat niya ang kanyang labi.
Damn it! Bakit nakakalma niya ako? Nag iwas ako ng tingin sa kanya. Gusto kong diligan ang galit sa puso ko hanggang sa makarating kami sa bahay. I want to confront Damon. Ngunit hindi ko maipagkakaila na tama si Elijah. Labas kaming dalawa dito kaya dapat ay wala kaming sabihin.
“Hinanap ni Damon si Eba, Klare. Believe me. Hinanap niya si Eba ngunit hindi niya mahanap. We guessed she’s out of the country.”
“Bakit niya hinanap? Alam ba niya na buntis siya nung umalis? Because, Elijah, I feel so damn guilty!” Mabilis ang pintig ng puso ko at tumataas ang tono ng boses ko. “Naabutan ko si Eba na nagsusuka sa CR noon! Do you remember? At naisip kong baka buntis siya ngunit binalewala ko lang because I can’t conclude that fast and I have my own issues!”
Tinigil ni Elijah ang kanyang sasakyan sa harap ng aming building at hinarap niya ako.
“Hindi alam ni Damon na buntis si Eba noon. Listen, Klare. Wala kang kasalanan dito. Don’t… just don’t start blaming yourself again for this. Labas tayong dalawa dito-“
“Elijah, ako! Nakita ko si Eba na nagsusuka! Dapat alam ko agad, diba-“
“Hush, baby, please. Stop blaming yourself.”
Huminga ako ng malalim dahil sa mga iniisip ko at dahil na rin sa pagpapakalma sa akin ni Elijah. “Hindi sapat ‘yong paghahanap na ginawa ni Damon kay Eba.”
Pumikit ng mariin si Elijah.
“I will blame him for this, Elijah. I’m sorry but I’m going to blame your cousin. Silang dalawa ang gumawa ng baby na ‘yon at dapat ay nag karoon na siya ng doubts na baka nga nabuntis niya si Eba kaya umalis. Dapat ay naisip niya na iyon at mas lalo siyang naghanap! At ngayon, papano natin nakita si Eba sa Savemore? Nandito lang pala siya sa syudad! At anong ginagawa ni Damon? Tumigil siya sa paghahanap?!”
Nangilid ang luha ko para sa nakakaawang batang Montefalco. If he was mine, I would love him so much. Hinding hindi ko siya papabayaan at hindi na ako babalik sa syudad na ito. Hinding hindi ko siya ipapakita sa kanyang ama. Nanlaki ang mga mata ko nang may napagtanto ako sa lahat ng mga iniisip ko. Si mommy! Ganun din ba ang naisip niya nang nabuntis siya ni papa noon sa akin? Inilayo niya rin ako, hindi ba? Oh my God!
“Baby, look at me.” Marahang sinabi ni Elijah.
Pinunasan ko ang konting luha na lumandas sa aking pisngi. “Alam kong maaaring hindi niya minahal si Eba kaya hindi siya naging ganon ka desperado na mahanap siya. His attraction wasn’t enough. O baka nga tinigilan niya ang paghahanap kay Eba because he didn’t want a son!”
Marahang hinawakan ni Elijah ang aking pisngi at hinarap niya ako sa kanya. Dahan dahang kumalma ang paghinga ko. Napatingin ako sa kanyang mga mata at sa kanyang labi. Alam kong nasa harap kami ng aming building at kahit na tinted ang kanyang sasakyan ay hindi ko parin kayang isugal iyon. Ngumuso siya habang tinititigan niya ng diretso ang mga mata ko.
“Listen… Noong umalis ako at pumuntang New York, mahal na mahal kita. Tinulak mo ako palayo pero handang handa ako na bumalik sa’yo sa oras na sabihin mo sa aking kailangan mo ako. Sa oras na malaman kong hindi ka maayos, handa akong bumalik, Klare.”
Tumango ako at nagulat nang inungkat niya iyon.
“Desperado ako. Oo. Ngunit kung mas makakapagpasaya sayo ang malayo ako ay gagawin ko kahit na masakit. I did that, alright? At inisip ko non na wala na talaga. We’re really done. It will be damn easy for you to find someone else. It will never be easy for me. I know. Kasi sinubukan ko na noon, at sinubukan ko ulit sa New York, pero wala parin. Ikaw parin. Pero anong magagawa ko, Klare? If you don’t want me in your life, how the hell will I fight?”
“No, Elijah. Huwag mong itulad ang istorya natin sa kay Damon. From the very beginning, pinamukha niya kay Eba na wala siyang maibibigay sa kanya dahil ayaw niya ng committment.”
Pumikit si Elijah.
“Sometimes, Klare, you do weird things for the people you really love.” Bulong niya sa akin.
Huminga ako ng malalim.
“Kahit na anong tulak ng taong mahal mo palayo, bumabalik ka parin na parang tuta.”
“No…” Umiling ako. “Damon… Si Damon talaga. Ginamit ni Damon si Eba. Alam niya na gusto siya ni Eba. He made her fall for him. At pagkatapos ay ginamit niya si Eba.”
Tumango si Elijah sa akin. “Wag tayong padalos dalos. Let’s ask Damon first. Let them deal with this.”
Humugot ako ng isa pang malalim na hininga at umambang lalabas na. Pakiramdam ko ay tatlumpung minuto kaming late sa gusto ni Charles.
“Hey…” Ani Elijah bago ako makalabas.
Wala sa sarili ko siyang binalingan. Nagulat ako sa bigat ng ekspresyon sa kanyang mga mata. Napaawang ang bibig ko at kumalma lang nang nakita ko siyang ngumiti.
“I’m sorry for being an asshole. Sa ibang babae. Sorry.” Aniya.
Ngumuso ako. “Ba’t sakin ka nag sosorry? Sa kanila ka dapat mag sorry, diba?”
Ngumiti siya. “I’ll do that later. Ikaw muna. Ikaw una. Palagi.”
Nauna pa siyang lumabas sa akin. Sinundan ko siya ng tingin habang kinukuha ang mga pinamili namin. Come on, Klare!
Sa utak ko ay inayos ko na lahat ng sasabihin ko kay Damon. Pinapanood lang ako ni Elijah sa elevator habang nag iisip ako non. Ngunit sa huli ay nawala ako sa pag iisip dahil sa titig niyang nakakaasiwa kaya ang ginawa ko ay nag kunwari na lang na nag iisip. Damn! What a distraction!
Pagkapasok namin sa bahay ay nakabihis na si Charles at nakakunot na ang noo. Mabilis niyang kinuha sa kamay ni Elijah ang mga pinamili namin. Dumiretso naman ako sa mga boys na nag lalaro na naman sa Xbox.
Ang naroon ay si Damon at Josiah na naglalaro, si Azi na umiinom ng kape, at si Claudette na nagbabasa ng magazine. Pinanood kami ni Claudette habang diretso ang lakad ko sa kay Damon na maingay na tumatawa dahil sa pagkatalo ni Josiah.
“Dame…” Utas ko nang narealize na wala nga pala akong listahan ng sasabihin dahil nakalimutan ko lahat nang nagtabi kami ni Elijah sa elevator.
Nasa dining table si Elijah at tinitingnan ang pinamili habang si Damon naman ay hinaharap ako pagkatapos niyang ma knock out si Josiah.
“Ako naman!” Ani Azi at kinuha kay Damon ang joystick.
“What the fuck, dude!” Sabi ni Damon ngunit lumayo na si Azi para makipaglaro kay Josiah.
Bumaling si Damon sa akin at nag taas siya ng kilay. Pumikit ako dahil hindi ko alam kung papaano ko sisimulan ang usapang ito ngunit napagtanto kong mas mabuti kung diretsuhin ko siya.
“We saw Eba Ferrer sa grocery kanina.” Sabi ko.
Nag iba ang ekspresyon ni Damon. Galing medyo galit ay naging galit na galit na siya ngayon.
“And?” Taas niya sa kanyang kilay.
“Watch your mouth there, Dame.” Ani Elijah sa dining table.
Damn, Elijah. Wala akong pakealam kung murahin ako ni Damon dito.
“I… I just thought you want to know.” Sabi ko.
Hindi ko sasabihin sa kanya na nakita ko siyang may kasamang anak at mukha itong Montefalco. I won’t dare. Bahala siya kung ano ang problema niya. I just want him to know that Eba’s in town. Iyon lang!
Bahagya siyang nag isip at umiiling iling. Natigil si Claudette sa pagbabasa ng magazine at tumitig siya kay Damon.
“She left me.” Ani Damon. “Bakit… Bakit ko hahabulin ang taong ayaw akong makita?” Humalukipkip siya at humilig sa sofa.
Hindi makatingin ang kanyang mga mata sa akin. Dumilim ang kanyang features at pakiramdam ko ay sinasarado niya ang kanyang sarili sa akin.
“Yeah. Mind your pride, Dame. Nevermind the broken heart. Just keep your pride.” Halakhak ni Azi.
Nagulat ako sa sinabi niya kaya tumingin ako sa kanya.
“Ansabi mo, Azrael?” Mariing sinabi ni Azi.
“Ang sabi ko, pride over heart. Iyon ang gusto mo, diba?” Sarkastikong sinabi ni Azi.
Humalakhak si Josiah nang natalo niya si Azi sa laro.
“Anong sabi mo?” Mariing sinabi ni Damon at tumayo para kwelyohan si Azi.
Tumayo si Claudette at halos sumigaw para itulak si Damon palayo sa kanyang kapatid. Lumabas ang humihikab na si Chanel at Erin para maabutan iyon.
“Damon, easy!” Sabi ni Elijah at inilayo niya si Damon kay Azi.
“Boys! What’s wrong?” Sigaw ni Chanel habang kinukusot ang kanyang mata.
“Wala kang alam, Azrael! Huwag kang mag marunong!” Sigaw ni Damon kay Azi. “Bitiwan mo ako, Elijah!”
“Stop sticking your nose to where it does not belong kuya Azi.” Nakisali pa si Charles sa kanila.
“Oo nga, Dame, wala akong alam. Sinasabi ko lang ang opinion ko. That’s for you. Para sa akin? Pag may gusto ako, I’ll be down on bended knees kahit na ayaw ako ng babaeng mahal ko. I’d fucking beg for my chance, Dame! That’s for me. At ikaw, kung ayaw mo, iyon ‘yong sayo. I don’t want to offend you but I’m sorry.” Iling ni Azi.
“Kuya, tama na.” Bulong ni Claudette habang tinutulak si Azi.
“I don’t care about your principles, Azi.” mariing sinabi ni Damon.
“Then don’t! Hindi kita pinipilit. Sinasabi ko lang naman. Sino ba dito ang nag hire ng maraming detective para lang makita ulit si Eba at ngayong may nakakita na sa kanya, you act as if you don’t care? Ta’s pag nakawala ulit, hahanap hanapin mo ulit? Damn!”
Nakita kong pumula sa galit ang mukha ni Damon. Pumikit ako. Gustong gusto ko nang sabihin na may anak sila, may Xian na involve dito, ngunit ayaw kong manghimasok. Kung hahanapin man ni Damon si Eba, hindi iyon dahil may responsibilidad siya doon, kundi dahil mahal niya ito.
“Azi!” Sigaw ni Erin na medyo magulo pa ang buhok. “Stop it!”
Hinawi ni Damon ang kamay ni Elijah at mabilis siyang dumiretso sa guestroom, padabog na sinarado ang pintuan.
“Now what?” Halakhak ni Azi.
Tumingin si Elijah sa kanya at kumunot ang noo niya rito. “Where did you learn the lines, Azi?”
Ngumisi siya at kumindat. “Let’s just play.”
Binalingan ako nina Erin, Chanel, at Claudette. Hindi ko alam kung tama ba ang gagawin ko pero pakiramdam ko ay maiintindihan nila lahat kung sasabihin ko ang totoo. Habang kumakain kaming apat sa mesa ay binubulong ko sa kanila ang nangyari sa grocery.
“Sino ‘tong Eba Ferrer na ito?” Tanong ni Erin nang nag sink in sa kanya na nakita ko si Eba kasama ang isang batang kamukhang kamukha ni Damon.
Hindi ko alam kung nasabi ko ba sa kanila ang tungkol kay Eba noon o alam ba nila at nakalimutan lang nila. Nakita ko sa mukha ni Claudette na mukhang kilala niya si Eba. Laglag ang kanyang panga habang tinitingnan ako pagkatapos kong sabihin na may anak ito at kamukhang kamukha si Damon.
“Oh my God?” Ani Chanel.
“Shhh! Ate…” Bulong ni Erin. “Huwag mong iparinig sa boys. You know them, no secrets. Ayokong malaman ni Dame na may anak siya. He’s an asshole.”
Napatingin ako kay Erin. I’m glad we’re on the same page.
Tumunog bigla ang cellphone ko. Nagulat ako nang nakitang isang hindi kilalang numero iyon. Sino ito? Kumunot ang noo ko habang tumatayo at dumidiretso sa kusina para sagutin ang tawag na iyon.
“Hello?” Sabi ko nang ako na lang mag isa.
Noong una ay hindi ko nakuha ang boses niya. Namamaos ang kanyang boses at tunog kakagising lang. “Klare, good m-morning.”
“Sino ‘to?”
“Sorry, di ko nasabi sayo. Si… Eion ‘to.”
“Uh, oh, Eion, napatawag ka? I… I’m sorry kagabi sa mga pinsan ko.” Sabi ko habang hinihinaan ang boses ko.
Kumalabog ang puso ko. Hindi dahil nagugustuhan ko ang pagtawag niya, kundi dahil natatakot ako dito. Natatakot ako na may ibang ibig sabihin ito.
“Can we talk? ‘Yong tayong dalawa lang?” Aniya.
“Uh… Uhm… When? Where?”
“Enrolment na next week, hindi ba? Susunduin kita pagkatapos mong ma enrol.” Aniya.
“Uh… O sige.”
[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]