Until He Was Gone – Kabanata 4

Kabanata 4

 

 

Bumalik ako sa kuwarto nang medyo tulala. Nagulat ako nang nadatnan ko rin na tulala ang pinsan kong nakaupo sa kama. May tuwalyang pink sa kanyang ulo at naka-topless na. I can see the tribal-kind tattoo on his left pecs. Nag-iwas ako ng tingin.

“Naligo ka?” tanong ko at umupo ulit sa tukador. “Akala ko inaantok ka na?”

Kinuha ko iyong guitar niya sa tabi ng kama. Hiniram ko ito sa kanya last month at hanggang ngayon hindi ko pa nasasauli.

“Not… anymore.” Nagbuntong-hininga siya at hinawakan ang kanyang lower lip. “Anong gagawin mo?” tanong niya at binaba ang tuwalya kong ginamit niya.

“I’ll just… I’m bored.” I lied.

Ang totoo ay hindi ako makatulog. Labing-limang minuto akong tumunganga sa labas ng building kahit umalis na si Eion doon at nawala ang antok ko. Kahit ang alak ay hindi ako kayang patulugin ngayon. He is so complicated. Too complicated. Ngayon lang umusad ang relasyon namin from casual friends to… I don’t know. Pero iyong pagtatalong nagawa namin kanina ay pagbabago na talaga para sa akin.

Nakatingin si Elijah sa akin mula sa salamin. Seryoso ang kanyang mukha nang tiningnan akong nag-strum sa guitar niya. May kung ano siyang kinuha sa gilid at nakita kong cellphone niya iyon.

“Sinong ka-text mo?” tanong ko.

Umiling siya at pinakita ang cellphone niya. “Wala. Magvi-video lang ako ng kakantahin mo.”  Ngumisi siya.

Huminga ako nang malalim at ngumisi rin.

Tumayo siya at nilapag ang iPhone sa harap ko. Kita ko sa salamin na nasa eksaktong angle lang iyon. Makikita ako, makikita rin siya.

“Use my phone! Baka ipam-blackmail mo lang ito sa akin!” Tumawa ako.

“Paano ito magiging blackmail?” Umiling siya. “This will be wonderful.”

Ngumuso ako at tumitig sa mga mata niyang expressive. Malalim at may mahahaba at mabibigat na pilikmata. This is why he probably got so many girls around him. Dahil pagkatama pa lang ng mga mata mo sa mga mata niya, you will fall for him at hook, line, and sinker na agad.

“Okay,” sabi ko.

Nakita kong pumula na ang gitnang buton. Ibig sabihin ay nagsisimula na ang video na iyon. Umupo siya sa likod at kita kong nasa video pa rin siya.

Ngumisi ako at pinagpatuloy ang ginagawa ko. Nilagay niya ang unan sa kanyang kandungan at nagsimula akong kumanta.

 

“Sa hindi inaaasahan

Pagtatagpo ng mga mundo

May minsan lang na nagdugtong,

Damang dama na ang ugong nito

Hindi pa ba sapat ang sakit at lahat

Na hinding hindi ko ipararanas sa’yo

Ibinubunyag ka ng iyong mata

Sumisigaw ng pag-sinta…”

 

Hindi naman ako nakaka-relate sa kantang ito sa nararamdaman ko kay Eion.

 

“Tayong umaasang

Hilaga’t kanluran

Ikaw ang hantungan

At bilang kanlungan mo

Ako ang sasagip sa’yo…”

 

Dahil kahit anong gawin ko, oo nga’t hilaga’t kanluran ang agwat namin, pero hindi ako hahantong sa kanya. Ayaw niya sa akin. Kumalabog ang puso ko nang maalala ko iyong kinilos at sinabi niya kanina. Ayaw niya ba talaga sa akin? May gusto ba siya sa akin o gusto ko lang paniwalaan ang mga imposible? Dahil baka sakali’y magkakatotoo?

Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ulit si Elijah na mabibigat ang mga matang nakatitig ng seryoso sa akin habang hinahaplos ang labing kinakagat niya. Ngumuso ako at napahikab.

“Sleep now, Klare,” utos niya.

Tumango ako habang tinitikom ang bibig sa pagkakahikab at nilagay ang gitara sa gilid ng kama.

“I want to shower, pero inaantok na talaga ako,” sabi ko at bumulusok na ako sa kama sa tabi niya.

“That’s okay. Hindi ka naman mabaho. Medyo lang.” Humalakhak siya kaya pinalo ko na ng unan.

“Annoying! Doon ka na nga sa guest room!” sabi ko.

“Ayoko nga!” Tumayo siya at nilingon ko.

Nakita kong hindi pa nga pala napapatay iyong iPhone niya. Kinuha niya iyon at may pinindot siya bago pinatay ang main switch ng ilaw ko. Ang tanging natira ay ang lamp sa gilid ng kama. Humiga na siya sa gilid ko at naamoy ko agad ang bango niya.

“Elijah…” antok kong sinabi. “Did you use my shower gel?”

“Hmmm. Uh-huh.”

“Again?” Buntong-hininga ko.

“Yup.”

“Kainis ka! Bumili ka ng sa’yo!” sabi ko at sumuko na sa antok ko na halos wala na akong marinig sa sunod niyang sinabi.

“Ayoko. I’m kinda addicted…”

***

Iyon na lang ang tanging naaalala kong nag-usap kami ni Eion hanggang sa tatlong araw na lang at debut ko na. Dahil masyadong bongga ang gagawing debut ay kinakailangang mag-practice ng isasayaw. I hate this part. Oo na’t gusto ko ang pagsasayaw kaya lang ay pakiramdam ko naaabala ko ang mga kaibigan ko. Buti na lang at kakatapos lang ng midterms.

Naroon na ang mga pinsan ko at ang mga kaibigan kong kasama naman sa 18 Candles. Ang tanging wala ay si Daddy at si Mommy na kasama sa Roses at Candles.

Halos nandito na ang lahat at may partner na rin lahat. Pinasadahan ko ng tingin ang mga pinsan at kaibigan ko. Kahit si Charles ay may ka-partner nang si Claudette! Ako na lang ang walang partner! Eion is late.

“Klare, we are starting without your escort,” sabi ng trainer.

Tumango ako.

Pinasadahan ko ulit ng tingin ang mga pinsan kong enjoy na enjoy sa kanilang partners. Si Damon lang ‘ata ang medyo nababanas. Partner siya ni Julia at hindi ko alam kung ano ang pinagpuputok ng butchi niya. Maganda naman si Julia at sikat. Seriously, what is wrong with him? Eh, kitang-kita ko nga na kanina pa tinatsansingan nina Josiah at Azi iyong mga partner nila.

Nilingon ko si Elijah at tumaas ang kilay ko nang naabutan ko siyang tinitingnan ang partner niya nang nakangisi na para bang may nakakatuwa.

“Okay, Klare?” ulit ng trainer.

“Alright.”

Kaya nagsimula na sila sa pagsasayaw. Umupo na lang ako at pinagmasdan ang pagtuturo ng trainer sa kanila. Nilingon ako ni Azi at pinandilatan niya ako.

“That’s what you get, Klare. Sabing ako ang escort, e!” aniya.

Nakita kong medyo na-offend ang kaibigan kong partner niya dahil nakatoon sa akin ang atensiyon ni Azi.

“Okay lang naman iyon, Klare,” paliwanag ng trainer. “Sa part na ito, paparating ka pa lang naman. At tatanggapin ka ni Eion sa hagdanan habang sumasayaw silang lahat.”

“I don’t like your idea here,” singit ni Elijah. “You mean para kaming mga extra sa fairytale nina Klare at… Eion?” Kumunot ang noo niya nang sinabi niya ang pangalan ni Eion.

“Yes, parang ganoon!” Tumawa ang trainer at bumaling sa akin.

Ngumiti ako at narinig ko ang maingay na pagbuntong-hininga ni Elijah.

“Sasayaw siya pero sa huli na at konti lang naman kaya walang problema kung ma-late man ang escort niya.”

“And we’re a bunch of extras?” angal ni Elijah.

“Calm your tits, Elijah!” Dinig kong saway ni Kuya Justin sa kapatid niya.

“I am calm!” baling niya sa kapatid niya pero medyo mainit na ang titig niya.

“I dunno, bro. Hindi ko alam kung ano ang meaning ng calm sa’yo.”

Narinig kong tumawa si Rafael sa gilid at tinapik niya si Elijah. “Apparently, we are the extras here.”

Napatalon ako nang nakita kong may lalaking pumasok na may earphones sa tainga at may dala-dalang bag. Hindi siya ngumingiti at hindi rin naman siya nakasimangot. Palagi talagang ganoon ang ekspresyon ni Eion. Ngumiti ako sa mga pinsan ko. Nag-ilingan sila. Tumawa si Josiah at tinapik si Elijah sa likod.

“Give it up.”

Nagsimula na ulit ang pagpa-practice nila. Inulit-ulit nila iyong simpleng sayaw habang kami naman ni Eion ang pinagtutuonan ng pansin ngayon ng trainer.

“Dito ang kamay mo sa baywang niya, Eion.” Diniin ng trainer ang nag-aalangan niyang kamay sa baywang ko. “Dito naman ang isa sa kamay niya.”

Nakita kong lumunok si Eion. Hindi man lang siya makatingin sa akin habang ako ay titig na titig sa kanya at halos mabingi sa kalabog ng sarili kong puso.

Isang minuto lang yata ang sayaw pero nahihirapan kaming dalawa. Hindi ko alam kung nininerbiyos ba ako o ano pero lagi kong naaapakan ang paa ni Eion.

“Alis na kami, Klare!” sabay kaway ng mga kaibigan kong babae na dumalo sa practice pagkatapos ng isang oras.

Kita ko agad na nakapulupot ang mga braso nina Azi at Josiah sa mga partners nila sa sayawan.

“Coffee?” Dinig kong anyaya ni Josiah sa kaibigan ko.

Darn! See? Dapat pinagsabihan ko ang friends ko tungkol sa mga pinsan ko, e. But I’m pretty sure they know na halos lahat ay playboy, lalong-lalo na sina Josiah, Azi, at Elijah. No. Actually, silang lahat. Nilingon ko ang pinsan kong maaring may iuwing babae sa condo niya, si Damon, pero nagulat ako nang siya lang sa lahat ang walang kasamang babae! Imbes ay nasa cellphone siya at nakikipagtawagan at mukhang seryoso ang usapan.

“Bye, Klare!” sabi nina Erin sa akin. Kasama nila ang ibang lalaking kaibigan namin simula pa noong high school.

Tumango ako at inagaw na ng trainer ang atensiyon ko.

“We’ll do it again twice at tapos na!” Pumalakpak siya at excited na nilagay ulit ang kamay ni Eion sa mga parte kung saan dapat sila.

Napalunok ako. Iyong pagkakahawak niya sa baywang ko ay parang lutang lang. Hindi talaga nilalapat iyong kamay niya sa damit ko. Ang kamay niya naman sa kamay ko ay halos hindi gumagalaw. Hindi ko rin ginagalaw ang daliri ko dahil nahihiya akong makuha ko ang atensiyon niya kung galawin ko iyon.

“Elijah?” Napalingon ako sa partner ni Elijah na si Hannah.

“Hmm?”

Ngumuso ako at halos ngitian siya nang nadatnan ko ang titig niya.

“Hindi mo ba ako yayayain? Palabas na sina Josiah kasama si Leana.” Sabay kulot ni Hannah sa wavy niyang buhok.

Naaalala ko noong high school pa kami. Bukambibig ng mga kaibigan ko ang mga pinsan kong mailap. Kaibigan nga pero kung titingnan mo ay parang may ibang mundo silang lahat.

“Go!” Tumatawa ako at Nag-cheer si Elijah habang gumagalaw kami ng marahan ni Eion sa kanta.

Pinandilatan ako ni Elijah at agad hinapit ang baywang ni Hannah na bahagya pang tumili dahil sa ginawa ng pinsan ko.

Napawi ang ngiti ko at nanliit ang mga mata ko. He is holding her so close… Hindi kaya nanganganib si Hannah sa kanya? What if he breaks the heart of my friend? Ugh!

“Hey…”

Napatingin ako kay Eion na ngayon ay medyo iritado akong tinititigan.

Uminit ang pisngi ko sa titig niya. “Hmmm?”

“Kung ayaw mong bigyang pansin ang pagsasayaw natin, humanap ka na lang ng ibang babalewalain mo,” malamig niyang sinabi.

“H-Ha? I’m sorry—”

“I want your full attention when we’re dancing, Montefalco.”

Napalunok ako sa sinabi niya at kumalabog ang puso ko. “O-Of course! Sorry.”

Yumuko ako.

Narinig ko ang buntong-hininga niya. Kinagat ko ang labi ko.

Nang natapos ang sayaw ay agad niyang binitiwan ang kamay ko.

“Break muna, para sa next. Teka lang. Aayusin ko lang muna ‘yong backdrop,” anang Trainer.

Tumango ako.

Umupo si Eion at uminom ng mineral water habang naghihintay sa trainer namin na ngayon ay kausap na ang events organizer.

Umupo rin ako sa kabila. Damn! I can’t even start a conversation with him! Lagi akong kinakabahan baka magkamali ako kung kakausapin ko siya. May kumalabit sa akin. Nilingon ko ang kapatid ko at nakita ko ang pares ng medyo chinky niyang mga mata na katulad noong akin. Umiinom siya galing sa tumbler niyang Ben10.

“Why did you let Kuya Elijah go?” tanong niyang nagpakunot ng noo ko.

“Bakit? Anong meron?”

“Sinong mag-uuwi sa akin?”

Tumango ako at tumingin sa cellphone. “Tatawagan ko si Dad so he can pick us up! O ‘di kaya magta-taxi tayo! O jeep!” sabi ko.

Nagkasalubong ang kilay niya. “But I have Kumon! I need to go now!” Humalukipkip siya.

“You spoiled brat! Hintay ka! Bigyan kita ng pamasahe diyan, e.”

Nag-angat ako ng tingin nang narinig ko ang pag-ubo ni Eion. Nakita kong ngumisi siya habang pinagmamasdan kaming dalawa ng kapatid ko. Yumuko ako at nag-init agad ang pisngi ko.

“Shhh! Mamaya. Malapit na ‘to,” sabi ko ng pabulong kay Charles.

“Kung gusto n’yo, uwi na lang tayo. Kuha na naman natin, Klare. Ihahatid ko kayo.”

“Good idea,” sabi ng tunog matanda kong kapatid.

Umiling ako pero sa totoo lang, windang ako dahil ihahatid niya kaming dalawa!

“Nakakahiya, Eion.”

Tumayo siya nang dumating ang trainer namin at kinausap ito. Tumango ang trainer at tumingin kay Charles at sa akin.

“Okay. Sige. Kuha n’yo na naman.”

Tumalon ang kapatid ko at agad tumakbo papalabas ng clubhouse. Great! Kapalmuks talaga ni Charles pero sige na nga! This is a good thing!

Binuksan agad ng kapatid ko ng walang bahid na hiya ang likod ng D-Max ni Eion.

“Sorry,” sabi ko nang napansin niya iyon.

“Okay lang.”

“Charles! Behave!” saway ko sa kapatid kong inirapan lamang ako.

Kaya noong nasa front seat na ako ay ginapangan ulit ako ng kaba. Lalo na dahil kailangan kong magsalita. Hindi naman siguro puwedeng hindi ko siya kausapin, ‘di ba? Kailangan ko ng topic!

Biglang nagpakita si Charles sa gitna naming dalawa. I’m pretty sure inaapakan niya iyong upuan sa likod ng nakapaa o naka-sneakers.

“Hey! Baba ka nga!” sabi ko.

“Do you play guns, Kuya?” Topic niya.

“It’s okay, Klare.” Lingon ni Eion.

Okay. I think he’ll save my ass from the topics. Hinayaan ko kahit na hiyang-hiya na ako.

“Anong klaseng mga gun ba?”

“You know? Real guns or something?”

“Hmmm. Nakahawak na ako ng baril.”

“Do you play… airsoft?”

Nilingon ko agad ang kapatid ko. Nilingon niya rin ako at nginiwian.

“Nope,” ani Eion.

“Oh? Si Kuya Elijah magaling mag-airsoft!” wika niya at bumaba na sa pagkakaupo na para bang nawalan siya ng gana dahil lang ‘di naglalaro si Eion ng airsoft.

Advertisements

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.