Until He Was Gone – Kabanata 38

Kabanata 38

Kill For You

Mabilis akong tumakbo palayo sa restaurant. Kabado ako. Kasama kaya ni Gwen ang mga kaibigan niya noong high school? Baka may kilala ako dito sa paligid?

Naglakad na lang ako nang nakalayo na sa resto. Patungo na ako sa may mga pine trees at mga upuan na parte ng Forest Park. Kinuha ko ang cellphone ko at mabilis na tinype ang mga itetext ko kay Elijah.

Ako:

Nasa mga pine trees ako. Tapusin mo muna iyan. Dito lang ako maghihintay sa dulo kasi wala masyadong tao. Just find me here. I’m scared. She’s Erin’s friend.

Suminghap ako at nagpatuloy sa paglalakad. Walang tao dito. Hindi na gaano itong pinupuntahan dahil masyado na itong malayo. Kitang kita ang zipline sa banda dito. Naririnig ko ang mga tumitiling sumusubok non.

Umupo ako sa isang bench at tinukod ko ang siko ko sa mesa. Kinakalma ko parin ang sarili ko. Cagayan de Oro is a really small city. Lumabas kami at nagpunta sa malayo pero naging masikip parin ang mundo para sa aming lahat. Una ay si Pierre Ty, ngayon naman ay si Gwen.

Tumunog ang cellphone ko at nakita ko ang message ni Elijah.

Elijah:

Which part? I’ll find you now.

Mabilis akong nag text. Alam kong hindi siya hahayaang makaalis ni Gwen doon. Lalo na’t gusto nitong makipag usap sa kanya. Kaya lang, kung si Elijah na talaga ang mag dedesisyon ay maaring wala na iyong magagawa.

Ako:

Sa pinaka dulo. I’m okay here. Ayokong may makakita sa ating dalawa. Kung kasama mo pa siya, wag na muna kayong pumunta dito.

Nagulat ako nang hindi iyon na send. Anong problema? Tinaas ko ang cellphone ko at nakita kong kaonti lang ang signal nito. Kaya siguro walang pumupunta sa parteng ito ng Dahilayan ay dahil walang signal dito? Kung siniswerte ka nga naman!

Paulit ulit ko na lang iyong sinend kahit palaging failed.

“O, ba’t ka mag isa?” Isang nakakapanindig balahibong boses ang umalingawngaw sa likod ko.

Lumapit siya sa wooden chair na kinauupuan ko at umupo siya sa harap ko habang nakatingin sa malawak na lupain ng Dahilayan.

“Wala lang.” Sabi ko kay Pierre.

Tumikhim siya at nilingon ako. “Asan ang pinsan mo?”

“Uh, nasa restaurant.” Sabi ko at dinungaw ulit ang cellphone ko.

Tinaas ko ito at winagayway para masend na iyong message. Pinanood lang niya ako habang nakapangalumbaba siya sa mesa.

“Asan ang iba mong pinsan?” Tanong niya.

Natigil ako sa ginagawa ko. Mabuti ay nasend sa huling subok ko. Bumuntong hininga ako at tumingin sa kay Pierre. May pinaglalaruan siya sa dila niya habang tamad akong pinagmamasdan.

“Nasa… Cagayan. Xavier days, e.” Sagot ko.

“Ba’t ka nandito?”

I’ll act as calm as possible. Hindi pwedeng ganito! Hindi pwedeng kinakabahan ako kahit hindi pa naman kumpirmado kung nagdududa nga siya. Pag nakumpirma ko ay magmamakaawa na talaga ako sa kanya na wag ipagkalat ang nalaman.

“Nasan ‘yong kuya mo?” Pabalik kong tanong sa kanya.

Tumaas ang kanyang kilay. “He’ll be here any moment.”

Nanlaki ang mga mata ko. Pupunta rin si Hendrix dito?

“Back to my question. Ba’t ka nandito?”

Kumalabog ang puso ko. Alam kong nagdududa na talaga siya. Kahit sino naman siguro. Pero dapat ay hindi na sya makealam. Hindi kami close at wala siyang makukuha kung ipagkalat niya iyon. Wala rin siyang makukuha kung aalamin niya ang tungkol sa amin ni Elijah. Kung likas na tsismoso siya ay wala rin sa kanyang mukha.

“Namamasyal lang.” Sagot ko.

“With your cousin… Elijah?” Aniya na parang nagdadalawang isip pa sa pangalan ng pinsan ko.

“Yup!” Kalmado kong sagot.

Natahimik siya. Pinagmasdan niya akong mabuti. Nag iwas ako ng tingin dahil nakakatakot ang kanyang titig.

“Ba’t di niyo kasama ang iba niyong pinsan?” Tanong niya.

“They’re busy.”

Tumango siya. “At kayong dalawa, hindi busy?”

Dammit! Bakit nasa hot seat ako sa kanya? Kahit ang mga pinsan ko ay hindi pa ako tinatanong ng ganito ka nakakatakot na mga tanong.

“Hindi. That’s why we are here.” Medyo naiirita kong sagot.

“I see.” Aniya at pinagsalikop ang kanyang mga daliri.

Tinakpan niya ang kanyang bibig at pinagmasdan akong mabuti sa taas ng nakasalikop niyang daliri. Blanko ang kanyang mga mata. Batid ko ang pagiging chinito niya at ang tangos ng kanyang ilong. He’s good looking. And he looks so familiar.

“Do you usually… hug each other?” Panibago niyang tanong na nagpakalabog sa puso ko.

Halos di na ako makahinga. I need Elijah’s text now. Pabalik balik kong tinitingnan ang cellphone kong nawawala ang isang bar ng signal. Nasend ko naman ang message na nasa dulo ako ng mga pine trees. Malamang ay nahirapan iyon. Hindi niya alam kung aling dulo ang tinutukoy ko.

“Uhm-“

“And hold hands?” Dagdag niya.

There is no point in denying it. Alam niya. May alam na siya. May naramdaman na siya at gusto niya ng kumpirmasyon. Naguguluhan ako kung sasabihin ko ba sa kanya ang totoo o hahayaan ko siyang mag isip kahit na mukhang may alam na siya.

Tumikhim siya. Para bang sa tagal ng sagot ko ay may nakumpirma agad siya.

“You’re cousins, right?”

Naririnig ko na ang kalabog ng puso ko. Nakapirmi na rin ang titig ko sa kanya. Hindi siya naiintimidate kahit na magkahalong takot at galit na ang pinapakita ko.

“Hindi ka ba nandiri? Hindi ba siya nandiri? Who fell first?”

Hindi ako makahinga sa sunod-sunod at straight to the point niyang mga tanong. Nangangapa ako sa mga salita. Hindi ko alam kung sasagutin ko ba siya o luluhod na lang ako para mag makaawa na wag niyang ipagkalat ang tungkol dito.

“Don’t be scared. I’m open-minded, Klare.” Umangat ang kanyang labi at nagpakita ang kanyang dimple.

Tumunog ang cellphone ko at may dalawang mensaheng sunod sunod ni Elijah.

Elijah:

I’m coming to get you, Klare.

Elijah:

Klare? You’re not replying. Saan banda? Nandito ako sa may mga zorb? Saang dulo?

Mabilis akong nagtype ng sasabihin ko sa kanya. Kahit na blanko ang utak ko dahil sa ulan ng tanong ni Pierre.

Ako:

Malapit sa Zipline.

Pahirapan na naman sa pag si-send nito. Kumalabog na ang puso ko dahil sa mga mata ni Pierre na nanonood sa pagpapanic ko.

“If he’s in love with you, ba’t ka mag isa dito?” Tanong niya.

Napalunok ako. “Pierre. Please don’t tell anyone.”

Tumunganga siya sa akin. Damn, he looked merciless. Pakiramdam ko ay kahit na mukha siyang tahimik at walang pakealam ay may pagsasabihan parin siya nito.

“I want to know. Ba’t ka mag isa kung in love siya sayo? Iniwan ka ba niya dito?”

Kinagat ko ang labi ko sa sinabi niya. Binalewala niya ang pagmamakaawa ko. I need to try harder.

Tumingala siya at mukhang nag isip ng malalim. Ngumuso siya at tumingin sa akin.

“Hindi ko maimagine na maiinlove ako sa pinsan ko. That’s gross.” Humalakhak siya. “I’m really curious. How? Why? And what really happened? Montefalco kayong dalawa. Sabay kayong lumaki.”

Nagbara na ang lalamunan ko. Bukod sa sarili ko ay ngayon lang ako natanong ng ibang tao ng ganito. Kahit si Claudette ay nag tanong ngunit hindi ganito ka rami at ganito ka sigurado. Si Pierre na ibang tao pa ang nagtanong sa akin nito.

“Pierre.” Narinig ko ang malamig na boses sa likod ko.

Nilingon ko at nakita kong si Hendrix iyon. Oh, great! The Ty brothers together.

“Kuya…” Ani Pierre at tamad na tiningnan si Hendrix na lumapit sa kanya.

“What are you doing?” Bulong ni Hendrix.

“I’m chatting with Klare Montefalco.” Sabay turo niya sa akin.

Sumulyap si Hendrix sa akin at kumunot ang noo.

“Pasensya ka na, Klare. May sinabi ba’ng weird sa’yo si Pierre? Don’t mind him…”

“Wala akong sinabing weird! She’s weird!” Sabay turo ulit ni Pierre sa akin.

“Pierre!” Sigaw ni Hendrix sabay tingin sa akin na parang nahihiya. “Sorry, again. Ikaw lang ba mag isa? Where’s-“

“Klare!” Narinig ko ang hinihingal na boses ni Elijah sa likod ko.

Mabilis akong tumayo at tinalikuran ang magkapatid para salubungin si Elijah. Thank God he’s alone! Walang Gwen na kasama! Walang kahit sino!

Pinagpawisan ang kanyang noo. Alam kong hinanap niya ako sa buong Forest Park. Nakakaguilty tuloy. Diretso ang mga titig niya sa magkapatid. Kabado agad ako. May alam si Pierre sa aming dalawa, si Hendrix wala. Ngunit hindi ako magugulat kung malalaman din iyon ni Hendrix kalaunan.

“Are you okay?” Nilingon niya ako. “Nag alala ako.”

“Kung sana ay hindi mo siya iniwan ay hindi ka nag alala-“

“Pierre, stop your god damn mouth!” Sigaw ni Hendrix sa kapatid niya.

“Hindi ko siya iniwan.” Naiiritang sinabi ni Elijah at humakbang palapit sa dalawa.

Hinawakan ko ang braso niya at hinila siya pabalik ngunit ramdam ko ang panginginig nito.

“Elijah, sorry, ako na ang bahala sa kapatid ko. Sorry.” Pumagitna agad si Hendrix sa kanila.

Mabigat ang bawat pag hinga ni Elijah habang tinitingnan ang dalawa. He’s annoyed. I’m annoyed, too. Ngunit nangingibabaw ang kaba sa akin. Gusto ko na lang makipagbati o makipag kasundo kay Pierre na sana ay wag niyang sabihin ang nalaman niya.

“Did you ever wonder why you like each other? You’re cousins.” Ani Pierre.

“Wh-What?” Napalingon si Hendrix sa kapatid niya.

Hindi na ako nakagalaw. I want to beg. Gusto kong lumuhod at magmakaawa na wag nilang ipagkalat. I know this is inevitable. Kung sana ay kayang iwasan ay kung maaari ay maiwasan muna. I love Elijah dearly. Ganon rin siya sa akin. I don’t want this to end. Yet.

“Pierre, please, Pierre.” Tumakbo na ako patungo sa kanila.

Hindi ko alam na lumuluha na ako. Hinawakan ko ang braso niya. Sumunod si Elijah sa akin at hinigit niya ako palayo sa kay Pierre. Pumiglas ako ngunit hindi ko nakaya ang pagkakahawak niya sa akin.

“Please, Pierre. Please… Please…” Napapaos kong sinabi habang kumakawala sa braso ni Elijah na nakapulupot sa baywang ko.

“Baby…” malambing na boses ni Elijah ang bumulong sa akin.

Nanlalaki ang mga mata ni Pierre. Pareho silang gulat ni Hendrix sa inasta ko.

“Stop crying, baby.” Bulong ni Elijah habang niyayakap ako sa likod.

Kumalma ako ngunit hindi ko napigilan ang mga salita sa paglabas sa bibig ko. “Pierre, parang awa mo na. Wag mong ipagkalat. Pierre, please.”

Pumikit si Hendrix at tumingin kay Pierre. Gulat na gulat parin si Pierre. Ngayon ko lang ata nakita na nag iba ang ekspresyon niya. Madalas ay blanko siya at ngayon ay halatang windang.

Binitiwan ako ni Elijah at humakbang siya palapit kay Pierre. Halatang galit siya ngunit kinakalma niya lang ang sarili niya.

“Elijah…” Tawag ko.

Ayokong magkagulo silang dalawa. Kung magsusuntukan sila dito ay baka magalit lang si Pierre at ipagsasabi niya sa lahat ang nangyari. Mabubuking kami.

“Elijah, please calm down.” Tawag ko.

Pumagitna agad si Hendrix sa dalawa. Nagulat ako nang nakitang naglahad si Pierre ng kamay.

“Easy, Elijah.” Utas ni Pierre. “Hindi ko sasabihin.”

“Sinasaktan mo siya and you expect me to take your shit?” Ani Elijah bago niya tinulak si Pierre kahit na nasa gitna si Hendrix.

Napaupo si Hendrix sa wooden chair habang tumatayo naman si Pierre galing sa pagkakatulak sa damuhan.

Ako na mismo ang pumagitna. Tinulak ko ang dibdib ni Elijah. I swar I’ve never seen him this angry before. Maaring nagalit siya kay Eion noon, pero ngayon, hindi siya galit, kinamuhian niya si Pierre. I want to calm him down.

“Easy, Elijah. Hindi ko sinasadya. Hindi ko alam.” Ani Pierre. “I’m just concerned-”

“Sino ka para maging concern? At kung gusto mong ipagkalat ang kung anong meron kami? You… go ahead! You think we’ll break just because of that? Try us. Try me.” Malamig na sinabi ni Elijah.

“Hindi ko sasabihin kahit kanino. I respect you. I respect Klare. I’m not a fucking hashtag. I won’t tell the world what’s trending! And I’m not doing this for you! I’m doing this for her.”

“Elijah…” Tumikhim ang kalmadong si Hendrix sa likod.

Nilingon siya ni Elijah. Pumikit ako habang hinahawakan ang dibdib ni Elijah. Please, calm down.

“Trust us. We won’t tell anyone. At naniniwala din ako sa inyong dalawa. Sorry for this. We really are.”

“Baby, let’s go…” Nanginginig kong sinabi. “Ayaw ko na dito.”

Tumahimik si Hendrix. Narinig ko ang buntong hininga ni Pierre. Unti unting kumalma ang katawan ni Elijah. Hinawakan niya ang magkabilang braso ko. Kinagat ko ang labi ko. That’s the first time I called him ‘baby’.

“Dammit, baby, I can even kill for you.” Hinalikan niya ang ulo ko at niyakap. “But your ‘baby’ is melting me.” Bulong niya bago ako inilayo sa dalawa.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: