Until He Was Gone – Kabanata 18

Kabanata 18

 

 

Kaya nang dumating kami sa isla at dumiretso sa isang resort na maghahatid sa amin sa White Island ay panay na ang reto ko kay Elijah at Hannah.  Tumutulong din sina Erin at Chanel sa ginagawa.

“Stop it. Nakakahiya na kay Hannah,” reklamo ni Elijah habang tinutulak siya ni Erin tuwing nagkakalapitan ang dalawa.

Pumula na parang kamatis ang pisngi ni Hannah. Palagi silang tinutukso ni Elijah. Nahawa na rin ang mga kaibigan namin sa panunukso sa kanilang dalawa. Nakikisali na rin kami ni Eion sa panunukso.

“Elijah! Mag-offer ka naman ng kamay mo kay Hannah!” Tumawa si Erin.

Papasok na kasi kami ngayon sa mga bangka. Apat na bangka ang inarkila namin patungong White Island. Iyong dalawang bangka ay puno na ng mga kaibigan nina Chanel at Josiah. Iilan na lang kaming hindi pa nakakasakay.

“Tulungan na kita,” ani Eion at tinulungan niya ako sa paglo-lock ng aking life vest.

“Thanks,” sabi ko at pinanood siyang ni-lock iyon.

“Where are your balls, man? Lost it? Man up, dude!” Tumatawang panunuya ni Azi sa tamad na ngumingiting si Elijah.

“You don’t need to tell me how to be a gentleman, Azi,” aniya at umapak na sa dulo ng umuugang bangka. Naglahad siya ng kamay sa nakakulay blue na T-shirt at bikini bottom na si Hannah.

Sumipol si Azi nang ibinigay ni Hannah iyong kamay niya kay Elijah. Naghiyawan kaming lahat. Maging ang nasa ibang bangka ay humiyaw dahil sa physical contact na namagitan sa kanilang dalawa. Ngunit hindi ko matanggal ang hilaw na ngisi ko.

“Tapos na,” ani Eion.

Umupo na si Hannah sa gilid. Sumunod naman sina Damon at Rafael. Anim lang ang puwedeng sumakay sa bangka. Kulang sila ng dalawa.

“The other two girls, please.” Tumatawang sinabi ni Rafael na ang tinutukoy ay sina Julia at Liza.

Nahihiya ang mga kaibigan kong tumungo sa bangka ngunit tinatawag na sila ni Hannah kaya wala silang nagawa. Nagpantay ang titig namin ni Elijah. Nakaupo na siya sa tabi ni Hannah. Umigting ang panga niya at nagtaas ng kilay. Kinabahan agad ako.

“Palilipatin ko ba si Damon sa bangka namin, Klare, para roon kayo ni Eion? He wouldn’t mind. Mukha namang ‘di siya masaya,” ani Claudette.

Pinagmasdan ko si Damon na nakabusangot ang mukha habang katabi si Liza. Si Rafael itong nakaakbay na sa kaibigan kong nahihiya. Damon seems off these past few days. Nilingon ko agad si Claudette at nagtaka ako sa tinanong niya sa akin.

“Bakit? Okay naman ako sa bangka natin,” sabi ko at nilingon ang bangka namin.

Naroon na si Eion at kinakawayan ako. Naroon na rin sina Erin at Azi. Hindi ko na nilingon si Claudette sa kaba. Pumanhik na ako sa nakaabot na kamay ni Eion sa akin. Tinanggap ko iyon at sumakay na. Nauna na sa pag-andar ang dalawang bangkang sinasakyan nina Chanel at Josiah. Sumunod naman iyong kina Elijah at huling umalis iyong sa amin.

Tuwang-tuwa kami habang sinasalubong ang malalaking alon patungo sa White Island. Excited na iyong mga kaibigan ko kanina dahil maganda ang tanawing madadatnan namin sa White Island at puting-puti pa ang buhangin doon. Ready na ang mga camera nila para kuhanan ng picture ang kani-kanilang mga sarili.

Nang nakarating kami sa White Island ay masyadong mainit. Mabuti na lang at pare-pareho kaming may mga sunblock. Pang-ilang bisita na rin kasi namin dito at alam na namin kung anong kahihinatnan ng pagbisita rito. Kaya lang ang mga lalaki kong pinsan ay walang dalang sunblock. Si Azi lang ang mayroon at medyo vain siya.

“Ayoko nga! Manghingi nga kayo sa girls!” aniya at tinaboy ang nanghihinging si Josiah.

Walang puno at puro buhangin lang ang naroon. Kitang-kita namin ang kabuuan ng Mt. Hibok Hibok. Halos maubos ang mga memory card sa kaka-picture. May group picture, jump shots at kung ano-ano pang inuutos namin sa mga bangkero.

Naglabasan na rin ang mga two-piece bikini ng mga babae. Naghubad na sina Chanel para ipakita ang mga two-piece nila. Ang mga boys naman ay naka-topless na. Parang may kung anong mga insekto sa tiyan ko habang pinagmamasdan silang nagpapakita ng balat.

Kuminang ang balat ni Erin sa kulay blue-green niyang two-piece. Mas lalong niyang naipakitang pantay na morena siya. Tinali niya ang kanyang buhok at nainggit ako. Sa aming lahat, ako yata itong may pinaka-slender na katawan. Si Claudette ay payat ngunit kahit paano ay makurba ang katawan. Sina Erin at Chanel ay parehong makurba rin. Ako lang ang payat.

“Hubad na!” Halos mapunit iyong damit ko nang hinila iyon ni Erin. “Ito oh! OA mo, ha! Ikaw ‘ata may pinakamagandang katawan ‘pag naka-two-piece.”

Umiling ako sa kahihiyan.

Tuwing may trip kami noon, palagi akong naka-racerback at shorts lang. Sila iyong naka-two-piece. Ang lagi kong palusot ay dahil hindi pa ako nag-i-eighteen at ‘di ako pinapayagan ni Mommy kahit na ang totoo ay wala siyang pakialam kung mag-two-piece man ako o hindi.

“Eighteen ka na,” sabi ni Erin at inirapan ako.

“Kaka-eighteen ko lang,” sabi ko.

Ngunit hindi iyon tumalab kina Erin at Chanel. Pinilit nila akong hubarin iyong T-shirt ko. Nag-ekis ang braso ko sa dibdib ko nang nagtagumpay sila.

“Pati shorts!”

Tumatawa na ako habang hinuhubaran nila ako. Pinapagalitan pa nila ako kasi nagmamatigas daw. Malapit na kaming umalis doon para pumunta sa isa pang isla at kailangan ko nang maghubad para sa mga pictures at para na rin makaligo.

Nahubaran nga ako ng mga pinsan ko. Nakakahiya kasi tumingin pa ang mga boys. Nagtama ang mga mata namin ni Eion. I saw him smirk.

Nakakahiya tuloy lalo. Lalo na tuwing naaalala ko si Cherry. Kahit na hindi ko naman siya nakitang naka-two-piece ay nararamdaman kong maganda ang katawan niya. Iginala ko ang paningin ko at nakita ko si Elijah na nakatingin sa amin, sa akin.

Oh… Mas napansin ko ang paghuhuramentado ng sistema ko. Nakita ko pang lumapit sina Azi sa amin.

“Uy! Si Elijah!” sabi ni Erin kay Hannah.

Imbes na si Hannah ang kabahan ay ako pa itong naghuhuramentado. Darn. Makintab ang kanyang katawan at mas lalong nadepina ang mga hugis at disenyo ng tribal tattoo niya sa dibdib. What am I feeling? Hindi ko alam. One thing’s for sure: this is dangerous. Too dangerous.

“O, ‘di ba Elijah mahilig ka sa mga may malalaking hinaharap and ass like that?” Tumatawang sinabi ni Erin.

“Hmmm. I think not, Erin,” sabi ni Claudette.

Napatingin ako kay Claudette na blanko ang ekspresyon sa kanyang pink at polka dot na bikini.

“Who wouldn’t like the curves?” sabi ni Azi nang nakakunot ang noo. “Of course, Elijah digs it!” Sabay tapik niya sa braso ni Elijah.

Tumawa si Elijah. “Of course I dig it.”

He’s flirting. He’s on his asshole mode. Asshole for me. Nag-iwas ako ng tingin. Humalukipkip ako para itago ang katawan kong walang ipagmamalaki.

“I think Elijah prefers someone slender,” dagdag ni Claudette na halos balewalain ng lahat.

Nilingon ko si Claudette. Iniwasan niya agad ako, imbes ay bumaling siya sa kuya niyang si Azi.

“Or maybe not. Siguro wala sa katawan. Wala sa mukha. Something,” aniya bago siya nangalabit sa boyfriend ni Chanel at binigay ang DSLR. “Kuya, please take a picture of us. ‘Yong kaming magpipinsan?”

“Sure,” ani Brian.

Mabilis kaming nag-pose ng mga pinsan ko. Katabi ko si Elijah at hindi ako makangiti sa camera.

“One, two, three…”

Ilang shots pa ang ginawa. Nakailang pose na sila habang ako ay nanatiling nakahalukipkip. Sa isa pang picture ay nagulat ako nang pinulupot ni Elijah ang braso niya sa akin. Naramdaman ko ang init ng katawan niya sa likod ko. I can almost feel the ripples of his chest. Kinilabutan ako. Mas lalo lang akong naestatwa.

“Looks like you lost your self-esteem,” bulong niya.

Pinilit kong ngumisi. Ayaw kong magmukha akong gulantang sa mga picture na nakuha sa amin lalo na nang ganito kami kalapit.

“I didn’t,” bulong ko sa kanya.

“You shouldn’t,” bulong niya sa akin at kinalas niya ang braso niya.

Nilingon ko siya. Nagkatinginan kaming dalawa habang naglalakad siya palayo. Kinagat niya ang labi niya. Napahawak ako sa dibdib kong malakas ang pintig.

Ano itong dinudulot sa akin ni Elijah? At ano iyang mga ipinapahiwatig niya sa akin? May gusto ba siya sa akin? Ang pag-iisip nito ay nagdudulot sa akin ng pangingilabot. Ngunit mas lalo akong kinikilabutan tuwing iniisip kong gusto ko rin siya.

***

“Oh! Hello!” Tumalon-talon ang isang babaeng sakay ng kararating lang na bangka.

Naaninag ko agad ang short-haired, mala-Emma Watson, na naka-two-piece  na kulay green na si Cherry kasama ang mga kaibigan niya. Nakipagbeso siya sa ibang kaibigan ni Chanel. Common friends! Nilapitan din siya ni Eion. Nagulat ako nang nagyakapan ang dalawa.

“Ouch! That hurts!?” sabi ni Liza sabay tingin sa akin.

“Ayyy!” May sumigaw at bigla kong narinig ang bagsak ng tubig sa ibang banda.

Nakita kong nahulog si Hannah sa bangka. Kung ano ang ginagawa niya at bakit siya bumalik doon ay hindi ko alam. Bumagsak siya sa hanggang tuhod na tubig at nakita kong dumugo ang tuhod niya.

“Hala!” Nagtakbuhan agad kami.

Nauna na ang boys para daluhan siya. Itinayo siya ni Elijah nang dahan-dahan. Kumapit si Hannah sa batok ni Elijah habang iniinda ang sakit ng pagkakabagsak.

“Aray ang hapdi!” reklamo niya nang nalagyan ng tubig dagat ang kanyang sugat.

Nakapalibot kami sa kanya. Nag-panic sina Liza at Julia at kinuha agad ang mga first aid na dala. Binigay nila ito kay Elijah na siya ‘atang gagamot sa sugat ni Hannah.

“Wala kang Betadine, Chanel?” tanong ni Elijah nang nakitang puro alcohol ang binigay ng mga kaibigan ko.

Umiling si Chanel. “Wala, e.”

“Okay lang. Magtitiis ako,” sabi ni Hannah.

Tumango si Elijah at marahang nilagyan ng alcohol ang sugat ni Hannah. Pumikit si Hannah sa hapdi. Medyo malaki ang naging cut ng sugat niya. Siguro ay napunit ito dahil sa isang matulis na bagay.

“Aray!” kagat-labing inda ni Hannah.

Niyakap niya ang batok ni Elijah nang mahigpit. Kumunot ang noo ko at napaatras. Hindi ko kayang tagalan iyon. Hindi ko kayang tagalan ang pagkakakita sa kanilang ganoon kalapit.

“Anong nangyari?” Hinihingal na tanong ni Eion sa akin sa likod.

Iniwan niya na siguro si Cherry. Sinagot ko siya na nahulog si Hannah doon. Wala masyadong naging imikan pagkatapos doon. Bumalik na kami sa resort. Napag-usapan nila na naroon nga ang grupo nina Cherry sa White Island. Nakita ko ang mga titig nina Erin sa akin na para bang expected nila ang pagsasawalang kibo ko sa lahat ngayon dahil sa pagkakabanas. Pero ang totoo niyan, hindi ako nababanas dahil kay Cherry at Eion. Iba…

Wala akong ganang kumain sa gazebo ng resort. Halos hindi ko ginalaw ang kanin ko. Silang lahat ay sabik na sabik kumain. Nilingon ko si Elijah na katabi ang sugatang si Hannah.

“Surely, because of this incident magkakamabutihan ang dalawa.” Tumawa si Julia.

“Oo nga. May magandang dulot din naman pala ang pagkakahulog ni Hannah,” dagdag ni Liza.

Hindi ako makapagsalita. Nagpatuloy ako sa paglalaro ng atsara sa pagkain ko.

“Klare? ‘Di ka kumakain?” tanong ni Eion sa akin.

Napatalon ako nang bumaling si Elijah sa akin. Tiningnan niya ang pagkain kong ‘di ko pa nagagalaw. Umayos ako sa pag-upo at bumagsak ang mga mata ko sa pagkain. Kinuha ko ang balat ng manok at sinimulan ang pagkain nito kahit wala akong gana.

“Kumain ka. Pupunta pa tayo ng isa pang isla, sige ka,” sabi ni Eion sa akin.

“Eh, kasi naman po, nawalan siya ng gana dahil ‘yong mas pinapansin pa ang ibang babae,” tumatawang panunuya ni Julia.

“Huh?” tanong ni Eion.

Nakakunot ang noo niya nang bumaling sa akin. Ngumisi ako kay Eion at sinisi ang panunuya ng mga kaibigan ko. They should just shut up.  They don’t know everything.

“Wala, Eion,” sabi ko.

“Isang tanong, isang sagot, Eion. Do you still like Cherry? Mukhang nagseselos si Klare, e,” marahas na tanong ni Chanel kay Eion.

Nanlaki ang mga mata ko. Tumawa si Eion sa akin at tiningnan niya akong mabuti habang nakapangalumbaba.

Ngunit ang paningin ko ay lumagpas sa kanya at tumama sa nakakunot noong si Elijah. Nanonood siya sa amin. Nakikinig.

“She’s just an old friend, Klare. Bakit ka magseselos?” Tumawa siya.

“I-I-I’m not jealous,” sabay tingin ko kay Eion.

Totoo naman iyon. Hindi ako nagseselos. Umiling si Eion at ngumisi sa akin na para bang tuwang-tuwa siya sa pagseselos ko. No. Definitely, I’m not jealous over Cherry and Eion. I’m not jealous.

Uminom ako ng tubig. Humiyaw ang mga kaibigan ko at nagpatuloy sila sa panunukso sa aming dalawa. Hinayaan ko na lang iyon hanggang sa humupa ang panunukso nila.

“Restroom muna kung sinong may kailangan. Pupunta na tayo ng Mantigue Island!” Deklara ni Chanel.

Iyon ang last stop namin sa araw na ito. Matutulog kami rito sa resort at bukas ay sa isang hot spring naman kami bago umuwi.

Habang nasa restroom ang iba ay pinapanood ko namang nag kukuwentuhan sina Elijah at Hannah. Hindi ko alam kung ano itong galit na gumagapang sa akin pero isa lang ang alam ko, hindi ito tama. Tama ba ang magalit sa pinsan mo kung makita siyang may kausap na ibang babae? Hindi ‘di ba?

“Lakad-lakad muna tayo sa sea shore, Klare?” anyaya ni Eion sa akin.

Tumango ako sa maganda niyang ideya. Mas mabuti iyon nang hindi ko makita si Elijah na nakikipag-usap sa ibang babae.

Tumayo kaming dalawa at dumiretso na sa seashore. Tahimik pa noong una. Kailangan ko ito. Ngunit alam kong hindi puwedeng hindi kami mag-usap. Nakatingin siya sa akin, tumikhim, at nagsalita.

“Bakit mo naisip na may gusto pa ako kay Cherry?” tanong niya.

Ngumisi ako. “Wala ‘yon, Eion. Hmmm. Wala ‘yon  sa akin,” sabi ko.

“Kumalat ba ang balita na crush ko siya?” Nagtaas siya ng kilay.

Ngumisi ako. “Oo. Pero actually, okay lang talaga. Hindi ako nagseselos—”

“Dapat lang. Klare, she’s just my crush. I want you… to be my girlfriend.”

Namilog ang mga mata ko at hinarap ko si Eion. Malaki ang ngisi niya sa akin. Umihip ang malakas na hangin galing sa dagat at dinig ko na ang sigaw ng mga pinsan ko. Aalis na raw kami. Pupunta na kaming Mantigue Island.

“Will you be… my girlfriend?” tanong niya at kinagat ang labi.

It was perfect. Everything was just so perfect. Iyong ngiti niyang ‘di magkamayaw, iyong buhok niyang hinihipan ng hangin, iyong suot niyang puti na umaalon dahil na rin sa hangin, at ang buhok kong sumasabog sa gilid ng aking pisngi dahil sa pag-ihip.

Dapat ay kami na sa lugar na ito. Dapat. Ngunit hindi. I cannot deny my feelings. Yes, I do like him but I don’t like him enough. Ngayon ko lang ito tunay na napagtanto. Because I know, naramdaman ko na kung paano magustuhan ang isang tao to the point of possessiveness. At hindi iyon para kay Eion. It was for someone else off limits. Yes, I am rational enough to acknowledge that he is off limits as I am for him.

“I… can’t,” sabi ko habang umiiling.

Advertisements

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.