Invisible Man – A3

A3.Cough

“Ano ba naman yan Maxine Alvarado!” Nasigawan ako ng captain namin sa volleyball.

Mainitin talaga ang ulo nitong si Chloe de Silva – ang team captain namin. Tulad nina Brent, Ara, Chad, senior na rin si Chloe. Ako ang baguhan dito kaya utos siya ng utos sa akin at madali siyang naiirita kahit wala naman akong ginagawang masama.

“Bilisan mo naman ang pagkuha ng bola! Pwede?!” Sigaw niya.

Nag tawanan naman sila ng iba ko pang teammate. Hello? Sino ba kasi ang loka-lokang nag s-spike tapos na a-out ang bola? Wala namang control itong ibang teammates ko eh. Grr…

“Bilis na!”

Nakita ko sina Ara sa malayo na nakatingin sa amin. Nakakahiya tuloy, tatakbo-takbo ako dito at pawis na pawis tapos andami pa namang estudyante na nasa paligid.

“I-spike mo na! Bilis!!!” Sigaw ulit ni Chloe.
“Eto na!” Pinulot ko ang bola at inispike na papuntang court.

Malayo ako sa court. Binalewala ko na rin ang kontrol sa bola dahil pagod na ako.

Narinig naming na tumama ang bola.

Napanganga ang lahat.

“Richaaaard!” Sigaw ni Chloe.

Tapos bigla nagkagulo at nagtipon ang lahat sa volleyball court.

“Maxine! Ano ba yang ginagawa mooooo!?”

Patay! Natamaan ko si Richard o Chad na president ng student council. Nandoon din pala siya malapit sa court!

Tumakbo ako papalapit ng court. Kahit na nakikita kong umaaso na ang mga ilong ni Chloe at pulang-pula na ang pisngi dahil sa nagawa ko.

At naroon si Chad, pinagkakaguluhan! Kulang na lang ay kargahin siya ng mga babae papuntang clinic.

“Sorry! Sorry!” Sabi ko kay Chad na iniinda pa ang sakit sa ulo.

Ang sama ng tingin ng mga babae sa akin dun lalong lalo na si Chloe.

“Maxine, dito ka lang! Hintayin mo ang pagbabalik ko! Humanda ka, paparusahan kita! Naintindihan mo ba yon?!” Sigaw siya nang sigaw kahit nasa harapan lang niya ako. “Chad… Lika na, dadalhin na kita sa clinic! Tabi nga kayo!” Sabay tulak sa ibang babaeng nakikiusisa.

“Lagot ka!” Sabi ng isang teammate ko. “Crush ni Chloe si Chad kaya galit na galit yun!”
“Naku! I’m sure, ipapatakbo ka nun ng 100 laps sa quadrangle!”
“O baka naman paglilinisin ka nun ng Wash Room! Lagot ka talaga, Maxine! Kay bagu-bago mo, ang dami mo ng atraso!”

Kinabahan ako sa sinabi nila. O hindi! Anong mangyayari sakin pagbalik niya? At ang crush ko pang si Chad ang natamaan ng bola!? HUHU. Ang malas talaga.

Kilala ang school na ‘to na school ng mga mayayaman kaya maraming estudyante ang maiimpluwensya ang pamilya. Sigurado ako, pagmalaman ‘to ng mga magulang ni Chad, baka lagot ako lalo! Tapos, hindi naman kasama ang pamilya ko sa ‘maiimpluwensyang pamilya’ kaya lalo akong kawawa! Patay!

Hindi na ako mapakali sa loob ng court habang iniisip ang mga mangyayari sa akin.

“Pssst!” Napalingon ako.

Nakita kong ang nakangiting Brent Cruz sa kabilang bakod.

“Ang lakas mo palang maka spike! Sa bagay, naramdaman ko na yun nung sinampal mo ako.” Sabay hawak sa pisngi niyang sinampal ko nun. “Nakakapanlinlang ang kapayatan mo ah. Akala ng lahat ordinaryong volleyball player ka lang.” Tumingin siya sa malayo, sa tinayuan ko kanina habang inispike ko ang bola. “Sinong mag aakalang kahit ganun ka layo, aabot pa talaga dito? Amazing power! Dumugo pa talaga ang ilong ni Chad.” Nakakakilabot ang ngiti niya.
“Dumugo ang ilong ni Chad?”

Umakyat siya sa bakod na nag nagbubukod sa volleyball court. Ewan ko ba kung bakit nabilaukan ako sa sarili kong laway nang nakita siyang umakyat ng bakod at biglang sumulpot sa harapan ko ng nakangiti. Painfully handsome. Ngayon alam ko na kung bakit masyadong maraming babaeng nahuhumaling sa kanya. Tinanggal ko ang mga aso na bumabara sa logic ko.

“Yup!” Bigla niyang hinawakan ang kamay ko at hinila.
“Teka! San ta’yo pupunta?”
“Edi sa’n pa? Sa clinic, kung san siya dinala! Ikaw ang may sala diba? Dapat nandun ka!”
“P-Pero sabi ng captain dito lang daw ako at may parusa pa daw siya sa akin.”
“Si Chloe bah?” Ngumiti ulit siya. “Parusa? Ha.”

Nagpatuloy siya sa paghila.

Bago kami tuluyang nakarating sa clinic, nakita ko sina Ara at ang mga kaibigan niya malapit dun at kinakausap si Chloe.

“Narinig kong paparusahan mo si Maxine Alvarado?” Dinig na dinig ko ang boses ni Ara.

Pero umaasta si Brent na hindi niya yun narinig at nagpatuloy sa paghila sakin.

“Teka nga. Sina Ara yun ah?”
“Hmm? Hayaan mo na yang spoiled brat na yan!” Sabi niya at binalewala ang daing ko.
“Spoiled brat?”
“Yup. She’s a spoiled brat and my twin sister.” Sumulyap siya sa akin at kinindatan ako. “Kilala mo pala siya? Inaway ka ba?”
“Hi-Hindi naman. Ang bait niya nga eh.”
Tumango siya.

Kaya ayun, dumiretso na kami sa clinic. Sa labas ng clinic ay ang mga nag-aalalang babae kanina. Ang samang makatingin sa akin ng mga ito ah?

“Maxine Alvarado diba?” Bulong nung isa sa kasama niya.

Di na nahiya! Hello! Naririnig ko yung bulungan niyo!

“Lika na!” Sabay hila sakin ni Brent sa loob ng clinic.

Ngayon ko lang naisip na kaya siguro ako pinagtitinginan ng mga babae dahil hawak-hawak ni Brent ang kamay ko. Aagd ko itong binawi. Ngumisi naman ang haliparot at nagkibit-balikat nang tiningnan ko siya ng masama. Flirt! Playboy!

“Chad!” Agad kong pinuntahan si Chad na nakaupo sa kama ng clinic.

Nakilala ko si Chad sa first day of school nang nawala ako sa corridors at sinamahan ako papuntang classroom. Nagpakilala siya as Chad Martinez. Dahil sa kanyang kagwapuhan, napatanong ako sa kaklase kong suplada kung sino ba si Chad Martinez sa school na ‘to. Ang sinagot ng kaklase ko ay siya lang naman daw ang president ng student council at top 1 ng klase sa whole fourth year!

“Okay lang ako.” Sabay ngiti ni Chad sa akin.
“Sorry talaga! Sorry!!!”

Ngumiti siya lalo. Ang mga mata niya halos kumislap na.

“I’m okay, Miss Maxine Alvarado. Thanks for being concerned.”
“Uh… Uhm…” Nag peace-sign ako.

Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang full name ko at bakit maraming nakakaalam ng fullname ko? Ke bago-bago ko dito.

Napatawa siya ng marahan at tiningnan ulit ako, “Ang cute mo.”

Wow! Uminit ang pisngi ko sa sinabi niya.

“Ehem ehem.” Biglang sumabad si Brent. “Sige, Chad. Pahinga ka na muna, alis na kami ni Maxine.”
“Uh… O sige.”

Hinila ulit ako ni Brent, mabilis lang nangyari ang lahat ng iyon.

“Kailan ka pa inubo?” Tanong ko pagkalabas namin ng clinic.
“Kanina lang, nung nagselos ako…” Ngumisi ulit siya at parang natutuwa sa nakitang ekspresyon sa mukha ko.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: