End This War – Kabanata 66

Kabanata 66

Success Is Nothing

Ginapangan ako ng matinding kaba dahil sa titig ni Hector sa lalaking nasa harap niya. Nakita kong kumuyom ang kanyang kamao habang tinititigan niya ito.

“Hector…” Bulong ko ngunit hindi niya ako pinansin.

Nakatoon lang ang pansin niya sa lalaking nakangisi sa harapan. Nakangisi sa akin. Napapikit ako nang bigla niyang inalog ang table. Kitang kita ko na nag pigil pa siya para hindi niya iyon tuluyang mapatumba. Gumuhit ang takot at gulat sa mga mata ng mga lalaki at nang maging kay Elena.

“Hector, chill, dude!” Sabi nung lalaking namumutla na.

Mabilis ang hininga ni Hector at para bang kahit kailan ay magagawa niya ng sumabog sa galit.

“H-Hindi siya hubo’t hubad. She’s-She’s wearing a bikini.” Anang lalaki.

“Wag na wag mong mababastos si Chesca.” Mariin at pabulong niyang sinabi.

Ramdam ko ang pagdidiin niya sa bawat salita sa pamamagitan ng pag hihigpit ng kanyang ngipin.

“Dude, di ko siya binabastos. Pinupuri-“

Inalog ulit ni Hector ang mesa. Napansin ko na nakatingin na ang ibang guests sa banda namin. Hinawakan ko agad ang kanyang braso sa takot na magkagulo pa lalo. Pulang pula ang kanyang mukha.

“And to my daughter, Maria Elena Aragon.” Pinagpatuloy ni Mr. Aragon ang kanyang pagsasalita sa harapan. Hindi niya napansin ang kaguluhan sa table namin dahil nagpipigil pa si Hector.

Mahilaw na ngumisi at tumayo si Elena para tanggapin ang masigabong palakpakan na hinandog sa kanya ng ibang guests.

“And of course,” Tumawa si Mr. Aragon habang tinititigan si Hector na hanggang ngayon ay galit parin.

Luminga ako sa dalawa. Kay Hector at kay Mr. Aragon.

“Mr. Hector Dela Merced,”

Nakatoon ang lahat ng atensyon ng mga tao sa table namin. Nakangiti sila at nakatitig kay Hector. Nakangiti din ang nakatayong si Elena habang pumapalakpak.

“Our future business partner.” Dagdag ni Mr. Aragon.

Napatingin si Hector kay Mr Aragon. Bumuhos ang palakpakan ngunit hindi ko makita sa mukha niya ang ngiti.

“Tayo, Hector.” Bulong ni Elena at hinila ang braso ni Hector.

Dahan dahang tumayo si Hector ngunit nanatili ang pagiging seryoso niya.

“Sana ay maging mabuti ang samahan ninyong dalawa. The future heirs of our business.”

Namilog ang mga mata ko. Silang dalawa ay magmamana ng business ni Mr. Aragon? Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niya roon pero tingin ko ay ang ibig niyang sabihin ay magiging magkasosyo ang dalawa sa business na ito. Umani ng masigabong palakpakan sina Hector at Elena. Ngumiti si Hector sa mga bumati at tumayo. Natuyuan ako ng lalamunan. Lalo na nung nag simulang makipagkamayan si Hector sa iba pang malalaking tao. Ganun din si Elena. Hanggang sa tuluyan na silang nawala sa dagat ng mga tao.

“Sorry, Miss Chesca.” Pabulong na sinabi nung lalaking nasa harapan ko. Tinitigan niya ulit ako mula ulo hanggang paa. “Talagang sadyang namangha lang ako sayo. Tsaka… hindi pala alam ng boyfriend mo na nasa FHM ka?”

Hindi ako nagsalita. Sa galit at panghihina ko sa nangyari ay wala na akong ganang magsalita. Ni hindi ko na siya tiningnan man lang. Ni serve na ang mga pagkain ngunit hindi parin nakakabalik si Hector.

Hinalughog ko ang buong venue at nahagip ko siyang nakaupo doon sa table kasama si Mr Aragon at iilan pang mga negosyante. Bumuntong hininga ako. Alam ko… Alam kong busy na siya sa negosyo niya. Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako o malulungkot. Pinilit kong maging masaya at maging kuntento. Kung ano man iyong issue namin ay paniguradong maayos din naman namin ito mamaya.

This can wait.

“Kainin mo na iyang pagkain mo, Miss Chesca.” Sabi naman nung isang lalaki sabay turo sa pagkain kong nasa mesa.

Kinuha ko iyong kutsara at sinubukang sumubo sa pagkain na binigay ng mga waiter. Nilingon ko ulit si Hector at kitang kita ko na masaya siya doon at may sarili siyang pagkain. Kahit na hindi niya pa ito nagagalaw.

“Hay naku! This is exhausting, isn’t it?” Nakangising umupo ng padarag si Elena sa upuan niya sabay hawi ng buhok.

“Bakit, Elena? Makikipagbatian ka lang naman.” Sabi nung lalaki sa harap ko.

“Jules, makikipag usap din tungkol sa business. Hector is amazing.” Uminom siya galing sa baso niya. “Kaya niyang mag keep up sa mga businessman. He belongs here.” Tumango siya at tumingin sakin.

Nag iwas ako ng tingin at nagkunwaring abala sa pagkain.

“You know, what, Chesca? You are so lucky to have him.”

Nag angat ako ng tingin sa nakangising si Elena.

“Though I’m not sure if he’s lucky to have you.” Napawi ang ngisi niya.

“Oy! Elena. Stop that, you brat.” Medyo iritadong sinabi noong Jules.

“Oh let’s face it! We can’t have a sexy starlet as a tycoon’s wife! For God’s sake that’s a disgrace!”

Nalaglag ang panga ko sa sinabi noong Elena. Samantalang siya ay sumisipsip sa kanyang juice at sarkastiko akong nginingitian.

“Excuse me, lang, Miss Elena. Hindi ako sexy starlet. I’m a professional model-“

“Parehas lang iyon. Don’t explain. Nagmumukha ka lang tanga-“

“Elena!” Pigil nung isa pang lalaki.

“I’m sorry, Miss Chesca, she’s a brat-“

Sa gigil ko ay hindi ko na napigilan ang paghablot sa tubig ko sabay saboy sa kanya. Kung may natutunan man ako sa pamamalagi ko sa Alegria, eto yun…

“Oh my gosh!” Sigaw niya at naestatwa sa kinauupuan niya.

Nakita kong naglingunan ang mga tao sa ibang table. Ngunit sa sobrang dami ng pinagkakaabalahan ay hindi na iyon nakita ng iba. Yung mga waiter lang ang lumapit para punasan ang damit ng basang si Elena.

“You’re a social climbing, cheap starlet!” Sabay turo niya sa akin.

I cannot believe it. Napatingin ang mga tao sa akin. Tumayo ako at kinuha ang purse ko. Hindi ko matagalan. Hindi ko kayang hindi siya kaladkarin at di siya kalbuhin. Wala akong pakealam kung iwan ko si Hector dito!

Nag walk out ako sa party nang walang nakakapansin kundi sila. Syempre, hindi naman ako malaking tao. Lumandas ang mga luha sa mga mata ko nang walang kahirap hirap. Nanikip ang dibdib ko pero hindi ako nagpakita ng kahinaan. Diretso parin ang lakad ko.

She’s right. Hector belongs here. Wala siyang mapapala sa akin. Aangat ako dahil sa kanya, ngunit wala siyang makukuha in return mula sa akin. I’m a liability. Buong pamilya ko. Nag aksaya pa siya ng milyon milyon para mabili ang bahay namin para sa akin. Kung mayroong tao man na magpapabagsak kay Hector ay ako na iyon. Dahil kaya niyang ibigay sa akin ang lahat ng wala akong pinapalit.

“Chesca!” Sigaw ng hinihingal na si Hector sa likod ko.

Nagpatuloy ako sa paglalakad at sa pagpunas ng luha ko.

Ba’t mo pa ako sinundan? I want to be alone. I want to find myself. Dahil mula ata nung nakilala ko siya ay hindi na tumigil ang mundo ko sa pag ikot sa kanya. Habang siya ay may mga mundong hinahawakan. Let’s admit it… Hindi lang ako ang mundo niya, samantalang siya lang iyong akin. That’s not a bad thing. At least not for him. Masama iyon para sa akin. Dahil ako, siya lang yung akin. Kung magunaw ang mundong iyon, magugunaw din ako.

“Anong nangyari? Gusto mo ng umuwi? Magsabi ka lang kung gusto mo na!” Dinig ko ang pagsusumamo sa boses niya.

And it hurt a lot. Yes. Siguro ay masyado lang akong naapektuhan sa sinabi ni Elena kaya ganito ako ka emosyonal.

Nilingon ko siya. Nakita kong kumislap ang mga mata niya sa pag aalala sa akin.

“Let’s go home if you want to.” Mariin niyang sinabi at hinawakan ang kamay ko tsaka kinaladkad ako patungo sa sasakyan niya.

Tumingala ako upang hindi na tumulo ulit ang luha. Nang umalis kami sa venue ay tahimik lang siyang nag d-drive. Hindi ko siya nilingon. Hindi rin siya nag tangkang magsalita.

“B-Bakit ka umalis? Busy ka pa doon. Sana hinayaan mo na ako.”

“We are one, Chesca. Kung saan ka, doon ako.” Aniya.

Kinagat ko ang labi ko. “I’m not going to be the hindrance of your success, Hector. Kung ikakabuti mo yung party na iyon, don’t mind me!” Sinabi ko iyon nang may nagbabantang luha sa aking mga mata.

“You are my inspiration to succeed, Chesca. Without you, success is nothing.”

Nanikip ang dibdib ko sa binitawan niyang salita.

“Bakit mo binuhusan ng tubig si Elena?” Tanong niya.

“Bakit? Nagalit ang daddy niya sayo dahil sa ginawa ko?”

Hindi siya nagsalita. Siguro ay tumama ako.

“Bakit?” Pag uulit niya.

“Sabi niya di tayo bagay.” Lumunok ako.

Medyo natawa siya. “Ilang babae pa kaya ang darating para sabihin sa’yo iyan at kelan ka hindi mag papaapekto? Come on, Chesca.” May bahid na frustration sa kanyang boses.

Hindi ako nagsalita hanggang sa itinigil niya ang kanyang sasakyan sa tapat ng apartment namin.

“Uuwi na muna ako sa condo. Nag text si tito na pupunta sila doon.” Napabuntong hininga si Hector.

“Lumuwas ang tito mo? Si Tita?”

“Hindi ko pa alam.” Aniya at tinanggal niya ang seat belt ko.

“Okay.” Matabang kong sinabi.

“Good night.” Hindi siya nakatingin sa akin nang sinabi niya iyon.

Humalukipkip ako at mas lalong nagtampo. “Ang lamig mo.”

Nilingon niya ako. Nagkuyom ulit ang panga niya at tinitigan ako pababa. “Hindi ko palalampasin yung ginawa mo, Chesca.”

“What? Yung pagbuhos ko ng tubig kay Elena-“

“No! Yung pag pose mo sa FHM.” Umirap siya.

“Hindi ko alam na lalabas na iyon, Hector. At isa pa, hindi pa tayo noon nang nag pose ako para doon.”

“Hindi ibig sabihin na dahil hindi pa tayo ay hindi na kita pag aari. Remember, you are mine, Chesca. Mine alone. Simula nung nagtagpo ang mga mata natin.”

Uminit ang pisngi ko. Hindi ko matagalan ang pagtitig ko sa kanya.

“Hindi ko kayang tumabi sayo kasama ang mga lalaking iyon dahil baka mag eskandalo ako sa party. At hindi ka rin okay sa akin. I’m so… so mad about you.” Pumikit siya.

Hindi ko maintindihan kung bakit nag aalburuto ang puso ko sa kaba. Para akong nakalutang sa hangin kahit kakasabi niya lang na inis siya sa akin.

“So mad, alright? Kaya matulog ka na at hahalughugin ko pa ang mga bookstores para bilhin lahat ng magazine na iyon.”

“What? Wag mong gagawin yan, Hector! Wag kang mag aksaya ng pera sa bagay na ganyan!”

Totoo iyong sinasabi ko. Alam kong medyo nakaka touch ang sinabi ni Hector ngunit tingin ko ay hindi na iyon makatarungan. Kahibangan na iyon. Hayaan niya na lang sana ito at huhupa din naman iyon next month. Magkakaroon naman ng bagong issue kaya hindi na iyon kailangan.

Nagulat ako nang padabog niyang binuksan ang pinto. Lumabas siya para pagbuksan ako.

“You… damn… sleep. You don’t tell me what to do, Chesca.”

Kinagat ko ang labi ko at lumabas na lang sa sasakyan niya.

“Hector!” Pigil ko sa kanya ngunit nilock niya ang front seat bago umikot para pumasok. “Hector!” Sigaw ko ulit sabay tapik sa sasakyan niya.

Binaba niya ang salamin.

“I’ll fetch you tomorrow morning. Dapat ay may peace offering ka. At ang gusto ko ay mag alsabalutan ka na at lumipat ka na sa condo ko.”

“WHAT?” Nalaglag ulit ang panga ko.

“Yes! Hindi kita papatawarin hanggat di mo iyon gagawin.”

Bigla niyang pinaandar ang sasakyan niya at pinaharurot. Seryoso ba siya sa sinabi niyang bibilhin niya lahat ng magazine na iyon?

Iyon ay palaisipan sa akin sa gabing iyon. Kahit sa pagtulog ay hindi ko alam. Ni text ko siya.

Ako:

Hector, asan ka na?

Agad naman siyang nag reply.

Hector:

Kakauwi ko lang. Ikaw? What are you doing? Sleep, Chesca. Maaga tayo bukas.

Napatingin ako sa relo. Tatlong oras na ang nakalipas mula nang hinatid niya ako dito sa amin. Ibig sabihin, mukhang totohanan na hinalughog niya ang syudad para bilhin ang mga kopya? O baka naman dumiretso siya sa publisher? O baka nagpatulong siya sa mga body guard nila sa paghahalughog? Hindi ko alam at hindi ako mapakali kaya nagmadali akong magbihis.

May susi ako sa condo niya at alam ko rin kung saan iyon. Ngumiti ako sa aking sarili tuwing naiisip yung condo niya. Pupuntahan ko siya.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: