Kabanata 50
Mga Mata
“Hector! Hector, hindi pwede…” Hinahabol ko siya ngayon dahil dire diretso ang lakad niya sa room niya.
Nakita kong mabilis niyang tinapat yung card sa pintuan at bumukas agad ang pinto. Hindi niya man lang ako nilingon. Diretso ang pagpasok niya. Bumuntong hininga ako at napilitang pumasok sa loob.
Hindi ko alam na pupunta si Clark ngayon. Alam kong present siya sa mga events dahil photographer siya pero hindi ko inakala na hanggang dito ay makakasunod siya.
“Ba’t di mo sinabi na nandito yung ex mong gago?”
Tinaas ko ang isang kilay ko at humalukipkip habang pinagmamasdan ko ang galit niya. “Hindi ko rin alam na yung dalawang ex kong gago pala ang pupunta dito. Don’t blame me.”
Nanliit ang mga mata niya at ginulo niya ang kanyang buhok bago bumagsak sa malaking kama.
Doon ko lang napagtanto kung nasaan kaming dalawa. Iginala ko ang paningin ko sa buong kwarto at kitang kita ko ang mga maingat na pagkakagawa ng bawat disenyo. Malinis at mabango din doon. Masyadong malaki para sa isang hotel room. Malalaki din ang kurtina at maraming mukhang mamahaling muwebles. Nakita kong may veranda din doon kung saan nakaharap sa may pool side nung resort.
“Dito ka na matulog.” Malamig niyang wika.
“May room naman ako. Though, may ka share pero ayos lang ako dun.”
“Paano kung yung gago ang ka share mo?”
“Does that change anything? Gago ka rin naman?”
Tumunganga siya sakin gamit ang galit niyang ekspresyon. Umiling ako. Hanggang ngayon, hindi ko parin nakalimutan ang panggagago niya sakin. kaya hindi ko siya matanggap ng buong buo. Dahil nasubukan ko nang maniwala sa kanya. At ang sinukli niya sakin ay ang panggagagong iyon. Alam kong mas nakaka gago pa ang ginawa ni Clark sakin pero ang hindi ko alam ay kung bakit mas naiirita ako kay Hector.
Kaya ayun at tahimik siya nung nag lunch kami. Yan kasi ang bagay sayo, yung binabanatan. Ang akala niya ay siya na ang tama sa lahat ng pagkakataon. Pero ang totoo ay gusto niya lang kontrolin ang lahat at gusto kong isaksak sa kokote niya na hindi, minsan hindi mo makokontrol ang mga bagay, na minsan may mga bagay na kahit anong gawin natin, hindi natin mababago. Na kailangan tanggapin na lang… kasi wala na tayong magagawa. Because you can’t order a person to change his feelings…
“Oh come on! Bilis na! Go! Go! Go!” Sigaw nang sigaw si Kira nang natarantana.
Alas tres pa lang ay ang dami dami ng bigating tao sa resort. Kitang kita ko na rin ang billboard namin nina Brandon, Amy, at RJ sa labas.
“Jusko naman! Brandon!” Tinuro ni Kira si Brandon nang nakitang lumalagok ito ng inumon sa gilid habang naka boxers lang.
Tumawa ako at pumikit ulit kasi minimake up-an pa ng make up artist. Busy ang lahat. Yung ibang models ay ready na. Yung male models halos budburan na ng tanning lotion ang katawan. At si Hector… Si Hector ay nakahalukipkip lang malayo sa harap ko. Nag mamasid at nag hihintay na magkamali ang mga taong nasa paligid ko.
“Ches, shot?” Dinig ko ang humahalakhak na si Brandon sa likod.
Alam kong sira ulo na ang isang ito, noon pa. Pero madalang siyang uminom. May problema kaya ito?
“Yeah!” Kinuha ko ang binigay niyang shot glass at nilagok.
“Dai, ang lipstick mo.” Sabi ng make up artist sakin.
“Re touch lang mamaya. Isang shot lang naman.”
Uminit ang sikmura ko sa ininom ko. Ano yun? Whiskey. Darn!
“Chesca…” Malamig na sinabi ni Hector.
Halos mapa snap na ako dahil expected ko na ang pagpapakita niya dito.
“Chill, pare.” Inunahan agad siya ni Brandon.
“Kung gusto mong uminom, mag lasing ka, wag mong idamay ang fiancee ko.” Ani Hector.
“Alright, alright… Nag offer lang ako. Chill. Ayokong magka pasa habang rarampa.” Nagkibit balikat si Brandon at umalis.
Umirap ako sa kay Hector na ngayon ay bumaling na sakin. “Oh please, taga Maynila ako. Sanay ako dyan, Hector. Hindi ako matatamaan ng ganun ka dali. At kung nagseselos ka, wala kang karapatan kasi si Brandon, kaibigan ko na nung wala ka pa… Hindi pwedeng dahil nariyan ka ay iiwasan ko na lahat ng kaibigan ko.” Untag ko.
Bumuntong hininga siya at yumuko.
Ngumuso ako. Parang may kung anong pumipiga at lumalaslas sa puso ko ng paunti unti. Para bang tuwing nakikita ko siyang yumuyuko at nalulungkot ay gusto kong sampalin ang sarili ko. Halos suntukin ko na ang dibdib ko para ibalik ang pagiging bato ng puso pero hindi ko iyon nagawa, lalo na nang tinalikuran niya ako.
“Okay… I know… Gym lang ako saglit. Balik ako pag simula ng ramp niyo.”
Pinagmasdan ko siyang umaalis patungo doon sa gym ng hotel. Ako naman ay bumaling na lang sa salamin at tiningnan ang sarili kong make up. Gaaah! Bakit ako naapektuhan?
Inabala ko ang sarili ko sa pag susuyod sa buong backstage. Binabati ko lahat ng kilala ko noon at ang mga kaibigan kong model na taga ibang school.
“Ganda ng gown mo, naiinggit ako!” Ani Princess.
Ilang pose ang ginawa namin sa iba’t ibang photographers. Kaya lang, hinagisan ako ng robe ni Kira. Ayaw niya daw nang na eexpose yung gown. Kaya halos sa lahat ng pictures ay naka robe ako.
“Hey, Hey! Pa picture nga kami ni Chesca! Come here, Amy!” Sigaw ni Brandon sabay akbay saming dalawa ni Amy. “Preeee!” Kinawayan niya si Clark. “Picture mo kami.”
Oh… Great!
Ngumisi si Clark at tumango habang inaayos ang camera niya.
“I’m not paid for backstage photos, Brandon Rockwell.”
Tumawa si Brandon pagkatapos ng isang shot. “Well, kung ganun, pumayag ka kasi nasa shot na yan ang ex mo… I bet.” Pagkatapos ng sinabi niya ay awkward niya kaming iniwan para pumunta na naman sa ibang mga model.
“Uh…” Agad ding umalis si Amy.
Kaya kaming dalawa lang ni Clark ang nakatunganga ngayon sa harap. Nakita kong lumunok siya. Halata sa mukha niya ang kaba. Kita ko rin ang namamawis niyang noo.
“Sige, Clark. See you around.” Sabi ko nang di ko na kaya ang sitwasyon.
“Ch-Ches, sandali lang.” Hinawakan niya pa ang kamay ko.
Agad akong luminga linga pagkatapos kong bawiin yung kamay ko. Sigurado akong susulpot na naman si Hector ngayon. Pero ilang sandali ang nakalipas ay hindi siya nagpakita. Oo nga pala! Nag gym siya! Kaya hindi niya ako nabantayan ngayon! Damn!
“Bakit?” Medyo iritado kong tanong.
HIndi dahil bitter parin ako samin, ngunit dahil walang Hector na dumating.
“Kayo na ba ni Hector? K-Kayo na ba ulit?” Tanong niya.
“Hindi.”
“K-Kung ganun ba’t magkasama kayo? Ba’t iisa kayo ng suite?”
“Ayaw niya ako dun sa suite na hinanda para sa models.” Sinabi ko na parang wala lang.
“At bakit siya nandito? Hindi ba wala na kayo? Hindi ba nagkagalit kayo? Kung hindi naman kayo, bakit siya nandito?”
Nanliit ang mga mata ko.
Wala akong maisagot sa tanong niya. Pero mabilis akong nairita.
“Ang dami mo namang tanong, Clark. Para saan yung mga sagot? Wala na naman tayo. Tsaka… wag ka ng umasa. Dahil wala na talaga tayong babalikan.” Tinalikuran ko siya pero hinila niya ulit ako.
Narinig kong sumipol si Brandon sa likod. I know the freaking idiot is watching this.
“Bakit? Kayo ni Hector, may babalikan pa? Nag kasiraan kayo diba? Diba tinawag ka niyang ‘whore’? Diba ‘experience’ ka lang? Ano, Chesca? Binigay mo ba ang virginity mo sa kanya kaya niya nasabi iyon?” Pabulong ngunit mariin niyang sinabi.
Luminga ako na parang tanga. GUSTO KONG DUMATING SI HECTOR NGAYON DIN! He is my frigging Knight in Shining Armor! Pero bakit wala siya sa mga panahong kailangan ko siya? Kasi… Kasi… tinaboy ko siya! Naiirita ako! Naiirita ako sa kay Hector… pero higit sa lahat… mas naiirita ako sa sarili ko.
“Bitiwan mo ako Clark!” Pumiglas ako sa pagkakahawak niya ngunit hindi niya ako binitiwan. Imbes ay mas lumakas at dumiin ang pagkakahawak niya.
“OKAAAAAAAAAY GUYS!” Pumalakpak si Kira na siyang nagpa hiwalay sa aming dalawa. “The ramp will start… in 5… 4… 3… 2… 1…”
Dinig na dinig ko agad yung music na malakas. Lumabas na ang mga unang models. Tinitigan pa ako ni Clark bago siya pumanhik at nakisali sa mga photographers sa harapan.
“Hmm, Ches, si Hector ang manok ko.” Humalakhak si Brandon.
“Brandon, si Hector din ang manok ko. Sinong kapustahan natin ngayon? Dapat si Clark yung sayo…” Untag ni RJ.
“Mga walang hiya! Tumigil kayong dalawa!”
“O… Sige…” Nanliit ang mga mata ni Brandon habang tinitingnan ako. “Si Clark akin. Si Hector sayo, RJ. Bente pesos lang ang pusta ko.”
“HA? Anong klaseng pustahan yan-“
Binatukan ko na silang dalawa.
“Mga walangya! Wag niyo ngang pagkatuwaan yung kagaguhang tinatamasa ko!”
Tumawa lang ang dalawa habang ako ay medyo… well, medyo lang naman… medyo naiirita kasi hanggang ngayon, wala pa si Hector.
Pagkatapos ng halos trenta minutos na paghihintay matapos ang rampa ng iba ay kami na ang tinawag ni Kira. Dumidilim na at may ilaw na ang mga torch sa labas. Huminahon na rin ang maingay na music kanina. Ibig sabihin nito ay medyo malumanay ang lakad na gagawin ko. Huminga ako ng malalim at nakitang malumanay nga ang paglalakad ni Amy. Hindi lang basta malumanay, halos madrama na iyon.
Sinundan iyon ni RJ na ganun din… Ako naman ang sumunod. Kabadong kabado ako. Hindi kasi talaga ako sanay sa ramp. Madalas ako sa mga photoshoot. Sinuyod ko ang mga tao habang ngiting ngiti. Ilang sandali ang nakalipas ay laking gulat ko nang nakita ko si Hector na nakatitig sakin habang kinakausap ang isa sa mga bigating guests.
Nakita kong ngumuso siya nang tinitigan ko rin siya. Ngumuso siya pero seryoso parin ang mga mata. Kumikislap ito sa bawat pagsayaw ng apoy ng torch sa harapan. Mukhang mababaw pero ang totoo ay malalim at mahirap abutin. Kinilabutan ako sa titig niya. Damang dama ko ang pag tindig ng palahibo ko sa batok.
Nag iwas agad ako ng tingin at bumaling sa kabilang side. Pero bago pa ako tumalikod ay sinulyapan ko ulit si Hector. Ganun parin ang titig niya. Ginapangan ako ng kaba… Sobrang bilis at sobrang lakas. Yung pakiramdam na nahuhulog ka sa kawalan. This feeling is different… Very different. Yung pakiramdam na hindi mo alam kung lalanding ka pa ba sa pagkakahulog mo, dahil tingin mo, walang lupa… puro kawalan lang… at hindi ka matatapos sa pagkakahulog mo. Mahuhulog ka lang buong buhay mo.
Napagtanto ko na ang pag ibig ay isang bagay na hindi mo kayang kontrolin. Ito ay isang bagay na saulo na ng sistema mo, na hindi mo na kailangang ipilit, dahil kusa mo itong mararamdaman sa bawat hibla ng pagkatao mo. Love is something your cells and tissues memorized. And you can’t do anything about it because you are made of it.
Bumuga ako ng malalim na hininga pagkadating sa backstage. Tulala ako at hindi ko alam bakit. Kahit noong nakabalik na ang hyper na si Brandon galing sa pag rampa niya ay tulala parin ako.
“What’s up, professional model?” He chuckled.
Hindi… Hindi ang crowd, hindi ang pressure, hindi ang gown, hindi ang designers, hindi ang malalaking tao ang nagpakaba sakin… kundi ang mga mata niya.
[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]