End This War – Kabanata 30

Kabanata 30

Free Hugs

Humugot ako ng malalim na hininga at lalagpasan na sana siya sa sobrang kaba ko. Ngunit hindi ko namalayan na hinahawakan niya pala ang kamay ko. Ayaw niyang gumalaw. Sinubukan kong hilahin ang kamay ko pero nakatayo lang siya doon at nakatingin sa akin ng seryoso.

“Hector, uwi na tayo. Nilalamok na tayo dito.” Utas ko nang di makatingin sa kanya sa sobrang pag iinit ng pisngi.

Damn! We kissed! At kahit mababaw na halik lang iyon, naghuramentado na agad ang puso ko!It feels like my first time kahit na nakailang beses na kami ni Clark noon. Para akong bumabalik ulit sa babaeng naagawan ng first kiss!

“Hindi mo pa ako sinasagot.” Aniya.

Kumunot ang noo ko. Hindi ako sigurado kung aling sagot ang tinutukoy niya. Sagot sa panliligaw o sagot sa tanong niya.

“Hector!” Saway ko.

Unti-unting nag angat ang kanyang labi.

Damn he’s just so hot! Lahat ata ng aksyon niya ay nakakapagpatunaw sa akin. Hindi ko na alam kung bakit ganito na lang ang kanyang nagagawa sa akin.

“Hinalikan kita, hindi ka nanlaban. Ano ang ibig sabihin nun?” Ngumisi siya.

“Adik! Nanlaban ako! Ang lakas mo lang kaya di kita naitulak!” Inirapan ko siya kahit na alam kong nag aangat na rin ang labi ko. Gusto kong matawa.

“Oh, naghihintay ako ng sampal pagkatapos. Bakit wala?”

“At naghahanap ka ng sampal? Bitiwan mo ang kamay ko para masampal kita.”

Tumawa siya, “Lalong di ko bibitiwan ang kamay mo, Alde.”

Biglang may dumaan na mga tricycle kaya nahila ko siya sa paglalakad pabalik ng bahay namin.

“Tayo na kasi!” Sabi ko dahil mahirap parin siyang hilahin.

“Nainis ako kanina sa cheering niyo. Kitang kita yung hita mo sa uniform niyo.” Matabang niyang sinabi.

“Oo. Wala naman akong magagawa tsaka tapos na yun.”

“Hindi yun pwede sakin.” Aniya.

“Wala ka namang magagawa kasi yun ang soot namin talaga. Tsaka kami naman ang nanalo kaya no regrets.” Sabi ko.

“Oh bakit di ka na nood ng game ko?” Tanong niya.

“Paano ako manonood kung basang basa ako kanina, duh!” Umirap ako sa kawalan.

“Huh? Anong basang basa?” Bakas sa tanong niya ang pagtataka at pagkagulat.

“Eh diba nga binuhusan ako ng tubig ni Abby?”

Mabilis niya akong hinarap ulit sa kanya. Napatigil kaming dalawa sa paglalakad.

“Anong sabi mo?”

Nanlaki ang mga mata ko.

Oh my God! Wag niyong sabihing hindi niya alam ang nangyari? Ano ba kasi ang sinabi ni Kathy sa kanya?

“Bakit ka basa? Bakit ka binuhusan ulit ng tubig ni Abby? Anong…”

“Ano bang sinabi sayo ni Kathy? Na kinausap nila ako in peace?” Umirap ako. “Hindi naman sa nagsusumbong ako sayo Hector, pero akala ko sinabi nila ang parte kung saan pinagtulungan nila ako sa corridor. Panay ang away at insulto nila sakin habang may dalawang lalaking nakahawak sa magkabilang braso ko. Binuhusan ako ng tubig.”

“Bakit nila ginawa yun sayo?”

Suminghap ako, “Hector, nagawa na nila sakin yun noon, kaya di malabong maulit. At ito yun ngayon. Halu-halo ang inis nila sa akin dahil sa pagkatalo ng Agri Biz sa cheering at dahil na rin sa issue nating dalawa. Tangina, sinabi pa nilang inakit ko yung judges through my uniform.” Tumawa ako. “Kung mang aakit ako, mag huhubad agad ako!” Humalukipkip ako at tiningnan ang seryosong mukha niya.

“Subukan mong mang akit ng iba, Chesca. Subukan mo… Baka matali kita.” Malamig niyang sinabi.

Napangiwi ako. “That was a joke, alright. Ang punto ko ay paano nila nasabi iyon? Hindi ko naman ipinakita ng sadya yung hita ko!”

“Sadya man o hindi, ayokong may makakita. At humanda sila…” Aniya. “Anong karapatan nilang manghimasok sating dalawa.”

Hinatid ako ni Hector sa bahay at umuwi rin. Kinabahan tuloy ako sa sinabi niya. Anong gagawin niya sa mga kaibigan niya? Kinabukasan ay nalaman ko rin kung ano. Alas nuwebe nang dumating ako sa school para sa booth. In fact, dapat ay mas maaga ang dating ko dahil sa booth. Kaya lang tinanghali ako sa pag gising.

Pagkapasok ko pa lang sa school ay kitang kita ko na ang mga mata ng usiserong nakamagnet agad sa bawat kilos ko. Sinalubong ako ng tatlong lalaki sa gate. Si Koko, at ang dalawang lalaking nakahawak sa braso ko kahapon.

“Sorry, Chesca.” Isa-isa nilang sinabi.

Kitang kita ko ang pagsisisi sa mukha nila. Kitang kita ko rin ang pasa sa mukha ni Koko. Siya lang ang may pasa. Nanuyo ang lalamunan ko. Si Koko lang ang hindi makatingin ng diretso sa akin. Bakas parin sa mukha niya ang galit.

“Ah? Okay…” Sabi ko dahil hindi ko alam kung anong sasabihin ko.

Malapit sa girl’s CR ay namataan ko naman si Kathy at Abby na panay ang iyak. Matalim ang titig ni Kathy sakin pero hindi mapawi ang luha niya sa pisngi.

“Sorry din daw sabi ni Abby at Kathy.” Utas ni Koko.

Tumango ako at nilagpasan sila.

Ang haring iyon ay kayang mapaikot sa palad niya ang sino mang bruto sa Alegria. Batid niya ang awtoridad niya sa buong Alegria. Batid niya na halos sasambahin na siya ng mga kaibigan niya at alam niya kung paano gamitin ang awtoridad niyang iyon.

Nang nasa Mahogany Street (ito yung tawag sa pathyway papuntang canteen) na ako ay namataan ko agad sina Jobel na nag aayos ng tarpaulin sa taas ng booth namin. Nag aayos na rin ang ibang booth. Diretso ako sa booth namin.

“Sorry, late ako!” Sabi ko.

“Chesca! Hindi ka na ba bumalik kahapon? Ano ba ang nangyari? Ang weird!” Sabi ni Jobel.

Tumawa si Mathew.

“Ang weird talaga! Alam mo ba kanina, tinulungan kami nina Koby sa pag aayos dito sa booth.” Ani Sarah.

“Talaga?”

“Oo. Gulat nga kami kasi tumulong sila. Peace offering daw yun sayo. Bakit? May problema ba kayo? I mean, oo, alam nating may problema kayo ni Koby pero diba matagal na yun?” Tanong ni Jobel.

“Ah! Wala.” Ayoko ng palakihin pa ang problema kaya hahayaan ko na lang silang paniwalaan na dahil iyon sa naging problema namin noon.

Ilang sandali ay naging abala na ulit kami sa booth. Halos maging disaster yung mga ginagawa ko sa juice namin.

“Ay ano ba yan, Ches! Tabi ka nga.” Saway ni Sarah. “Ganito maghati ng gulaman.” Sabay pakita niya sakin sa paghahati ng pandan na gulaman na ilalagay namin sa pandan juice.

“Okay.” Sabi ko. “Magmamarketing na lang ako at baka masira ko pa yang juice natin.” Tumawa ako.

Si Jobel at Sarah ang abala sa mga juice. Si Marie ang abala sa paperworks. Kaming dalawa ni Mathew ang nasa harapan ng booth para magkalap ng costumer.

Sa malayo ay kitang kita ko agad ang booth nina Hector. Mga pagkain ang nandoon. Kadalasan ay pork ribs, chicken barbecue, at kung anu-ano pa. Alam kong galing iyon sa rancho nila. Nakita kong nakapangalumbaba siyang nakatitig sakin habang abala ang mga kagrupo sa pagmamarketing.

Bumaba ang tingin niya at nakita ko ang pagtaas ng kilay niya at ang pag iiba ng ekspresyon. Napatingin ako sa soot kong itim na skater skirt at sneakers. Ngumisi ako sa kanya. Umiling naman siya ng pa slow motion.

Kikindatan ko sana siya nang bigla akong sinalubong ng malaking bunganga ni Jobel.

“CHESCA! Wala tayong customer after fifteen minutes na pagbubukas! May naisip ako! MWAHAHA!” Aniya at hinila ako palapit sa booth.

Nakita kong may bondpaper doon na sinusulatan ni Sarah gamit ang pentel pen.

“Ano yan?” Tanong ko.

“One juice, one free hug!” Ani Jobel. “Iyon ang rule dito! Syempre, makikisakay tayo, marami kang fans at maraming fans si Mathew.” Sinulyapan ni Jobel si Mathew na panay ang bati sa mga seniors na nagpapacute sa kanya. “Dito tayo kikita!”

Bago pa ako umapila ay pinahawak na ni Jobel sa akin ang bond paper at tinulak na ako para ipagkanulo sa mga estudyanteng naglalakad lakad sa mga booth.

“Talagang free hug pag isang juice, Mathew?” Tanong ng isang babaeng pulang pula ang pisngi.

Nagkamot ng ulo si Mathew at nahihiyang tumango.

“KYAAAA!” Agad pumila ang mga babae sa booth.

Nagtawanan kami ni Mathew.

“Jobel,” Sabi ni Mathew. “Buti palitan itong si Chesca. Di ka kikita dito. Alam ng lahat na may hari ng nag mamay ari sa kanya. Mabibigwasan ang makakahawak ng konting balat niya.”

Umismid ako sa biro ni Mathew. “Uy! Hindi yan totoo! Single parin ako hanggang ngayon at available palagi kaya kikita parin tayo dito.” Sabay tingin ko sa paligid.

Iniwasan kong tingnan ang booth nina Hector dahil alam kong sa oras na makita niya itong hawak kong karatula ay talagang malalagot ako.

Habang nakalingon ako sa kaliwa ay may humihikab na lalaki sa kanan.

“Inuuhaw ako.” Aniya pagkatapos maghikab.

Nilingon ko agad siya at nakita kong may konting luha sa gilid ng mga mata ng isang chinitong Harvey Yu. “Uyy, pandan juice! May gulaman pa!” Aniya sabay kuha sa wallet niya.

“Harvey, bibili ka?” Tanong ni Mathew.

“Oo, Matt.” Aniya sabay ngisi.

“Free hugs pag bumili!” Kumindat si Mathew sa kanya.

“Huh? Kanino? Sayo? Wag na lang bro, sorry, di tayo talo!” Tumawa si Harvey.

Hindi ko namalayang nakangisi na rin pala ako. Nakakahawa ang tawanan nila.

“Hindi no! Nukaba! Kay Chesca.” Sabay nguso ni Mathew sa akin.

Nilingon ako ni Harvey at tinapunan ng tingin mula ulo hanggang paa. “Whoa! Ang bagal naman nitong pila! Sige na! Pabilis please!” Aniya sabay wagayway sa pera niya.

Tumawa ako sa naging reaksyon ni Harvey. Ang cute niya talaga. Hindi ko alam kung bakit natutuwa ako sa kanya.

Pagkatapos niyang bumili ay agad niya akong binalingan ng nakangisi. Ngumuso ako at kinabahan.

“Free hug, Harvey.” Tumawa si Mathew.

“Ilang segundo ba?” Tanong ni Harvey nang nasa harap ko na siya.

“Uhm… Ano Ches, ilang segundo?”

“2 seconds?” Sabi ko.

“Alright.” Agad niya akong binalot ng yakap.

Hindi ako gumalaw dahil mahigpit ang yakap niya sa akin.

“Patay!” Bulong ni Mathew sa gilid nang kumalas si Harvey sa pagkakayakap.

May mga lalaking pumila na rin sa booth namin. Napatingin ako sa kanila at panay din ang wagayway ng pera nila.

“Ano ba kayo! Makakabili din kayo! Uhaw na uhaw na ba kayo para ganyan makaasta?” Nagmura si Jobel dahil halos masira ang booth sa pagtutulakan nila.

“Hector, pare!” Bati ni Harvey sa harap ko na siyang ikinagulat ko.

“Harvey, pwede bang umalis ka? Na iirita ako.” Diretsahang sinabi ni Hector.

“Ha? Bakit? Napansin ko nitong mga nakaraang araw lagi kang galit sakin…” Nagtatakang tanong ni Harvey.

Hinila siya ni Mathew palayo saming dalawa ni Hector. Napamura pa siya sa ginawa ni Mathew at muntik na niyang mabigwasan ito. May binulong lang si Mathew at agad tumango si Harvey sabay tingin sakin at alis.

Hinapit ni Hector ang baywang ko galing sa likuran. Idiniin niya ang braso niya sa baywang ko kaya napaatras ako hanggang sa naramdaman ko na siya sa likod ko.

“Hoy Hector!” Umalingawngaw ang sigaw ni Jobel. “Bawal yan! Bili ka muna bago hug!”

Tumingala ako sa mukha ni Hector na nag hahalong galit at histerya.

“Magkano lahat? Bilhin ko kapalit ang yakap niya ng buong araw.” Malamig niyang sinabi.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: