End This War – Kabanata 29

Kabanata 29

Ikaw

Mabilis kong dinampot ang bag ko sa room habang abala sa pagbibihis ang iba. Nakita kong sinundan ako ng tingin nina Marie at Gary.

“Oh, Chesca, ba’t basa ka?” Tanong ni Marie.

Iyon ang dahilan kung bakit napalingon ang lahat sa akin.

“Uuwi na ako.” Sambit ko sabay kuha ng jacket at agad sinoot.

Hindi na ako nag abala pang magbihis. Ang gusto ko na lang mangyari ngayon ay ang makauwi ako sa bahay. Nanginginig ang buong sistema ko at hindi ko alam kung anong kaya kong gawin sa galit at panghihinayang ko. Galit sa ginawa nila sa akin… at panghihinayang… HIndi ko alam kung bakit ako nanghihinayang.

Bago pa sila makaapila ay umalis na agad ako doon. Halos tumakbo ako papuntang gate. Dinig na dinig ko sa corridor ang sigaw sa pangalan ni Hector. Nagsimula na ang game at mukhang mainit agad ang labanan dahil sa kanya.

Mabuti na lang at nang lumabas ako ay may nakita agad akong tricycle. Diretso ako sa bahay namin habang nanginginig ako sa lamig. Nang nakauwi na ako ay nagulat pa sina mama at tiya.

“Oh? Akala ko ba whole day ka ngayon sa school?”

“Ba’t basa ka, Chesca?” Tanong ni Tiya.

“Pawis lang ito.” Sagot ko at diretsong pumunta sa kwarto.

Nag flashback sa akin lahat ng nangyari kanina. Lahat ng pang aapak na ginawa nila sa akin, sa aking pamilya, at naiirita ako. Naiinis ako! Naiinis ako dahil totoo iyon! Totoo yung plano ko kay Koko noon! Totoong ganun ang pamilya ko! Pero hindi ko ginagamit si Hector para lang sa aming lupa.

Gusto kong umiyak pero ayaw lumabas ng luha ko. Pinapangunahan ako ng galit at inis ko sa mga tao, sa pamilya ko, sa sarili ko!

Naligo ako at nagmukmok sa kwarto. Bukas ila-launch ang mga booth. Hindi ko alam kung kaya ko pa bang bumalik doon. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin sa oras na makaapak ulit ako sa school.

“Chesca, diba acquaintance yung huling event sa closing ng Festival? May sosootin ka na ba?” Tanong ni Tiya nang bumaba ako sa hapon para kumain.

“Meron naman siguro sa mga damit ko.” Sabi ko nang di siya tinitingnan.

“Okay ka lang ba?”

Napatingin ako sa kanya at tumango.

Pinagpatuloy ko ang pagkain kahit na alam kong nawiweirduhan si Tiya sa asta ko.

Nang nag alas singko ay nagulat ako dahil panay ang tawag ni mama at tiya sa pangalan ko. Halos mabingi ako sa kwarto at para silang nalulunod sa kakatawag sa akin.

“CHESCAAA! NATUTULOG KA BA?” Sigaw ni mama.

“Hindi po!” Sabi ko sabay suklay sa buhok at baba sa hagdan. “Anong problema?”

Buong akala ko ay may problema kay Lola Siling kasi naabutan ko si Tiya na inaakay si Lola pabalik sa kwarto niya. Ngunit nagkamali ako… dahil isang matangkad, makisig, at guwapong lalaki ang tumambad sakin.

Nasa sala namin siya at nakaupo. Umaliwalas ang mukha ni Hector nang nakita akong bumababa sa hagdan. Agad kong tinikom ang nakaawang kong bibig.

Alam ko na ito. Alam kong oras na lang ang bibilangin para magkausap kami. At alam ko rin kung anong gagawin niya ngayon.

“Chesca, nandito si Hector!” Sabay ngisi at kindat ni Tiya. “Kukuha muna ako ng maiinom niyo.”

“Wag na ho.” Sabi ko. “Sa labas na kami mag uusap. May pupuntahan kami.”

Nakita kong tumayo si Hector.

“Ha? Bakit, Chesca?” Tanong ni Tiya.

Tiningnan ko siya ng matalim kaya ngumisi siya at bumigay rin.

“O siya, sige. Kayong bahala! Malalaki na naman kayo.”

Una akong lumabas ng bahay. Sumunod si Hector. Mabilis akong naglakad palayo sa bahay. Gusto kong sa labas dahil paniguradong makikinig sina mama at tiya sa pag uusapan naming dalawa at ayaw kong mangyari iyon.

Hindi parin nagsasalita si Hector kahit na nakalayo na kami sa bahay. Nasa kanto na kami nang hinarap ko siya.

“Ano? Nalaman mo na ba yung nangyari?” Matabang kong sinabi.

Sa tanong ko pa lang ay nag igting na agad ang panga niya, “Sinabi sakin ni Kathy.”

Kumalabog ang puso ko sa narinig sa kanya. Ano kaya ang mga sinabi nila?

“Chesca… alam kong alam mo kung anong problema ng mga Alde at Dela Merced.”

“Oo, alam ko. Yun ang lupa ng Alps, diba? Amin yun pero sinangla sa inyo.” Diretso kong sinabi.

Hindi na ako pwedeng magpaliguy ligoy pa. Iyon na dapat dahil alam ko namang nasabi na rin nina Kathy ito.

“Magkalaban ang pamilya natin dahil dyan.” Sabi ko.

Umiling siya, “Hindi ganun ang alam ko.”

“Hector, let’s face it. Alam mo iyon. Alam mong galit ang pamilya ko sayo dahil nasa inyo ang titulo ng lupa namin pero wala kaming magawa kasi wala kaming pera!”

Nag iwas siya ng tingin.

“Alam ko. Pero hindi ko kailanman inisip na kalaban kayo.” Aniya.

Natahimik ako. Hindi ko alam kung bakit ganyan siya. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin! Iisipin ko ba nga tama ang sinabi ni Tiya? Na baka ginagamit niya lang din ako para makuha ng tuluyan ang Alps? O tunay talaga ang bawat salita niya? Masyado siyang misteryoso sa akin. Hindi ko alam kung ang mga salita niya ay may laman o wala. Hindi ko alam kung may hidden agenda ba siya sa bawat hakbang niya o wala.

“Galit ang pamilya niyo samin. Pero kami, hindi. Kami ang may hawak ng titulo ninyo pero hindi kami humingi ng kahit ano galing sa Alps. Ni isang kusing, wala.”

Nagkatitigan kaming dalawa.

“At labas tayong dalawa diyan, Chesca. Labas tayong dalawa sa mga lupang iyan.” Mariin niyang sinabi.

Umiling ako, “Hindi, Hector. Ikaw ang nag iisang tagapag mana ng lahat ng lupain ninyo. Paano ka labas sa isyu ng lupa?” Umatras ako pero humakbang siya palapit sa akin.

“Ano ngayon kung ako? Nandyan pa si Lola para mamahala. Isa pa, nandyan din si Tita at Tito.”

Natahimik ako at nakita kong mas dumilim ang tingin niya sa akin. Kasabay ng pagdidilim ng paligid.

“Akala mong si Koko ang Dela Merced, hindi ba?” Tanong niya.

Kinagat ko ang labi ko. Hindi ako makatingin sa kanya. Sinasabi ko na nga ba… dadating sa puntong ito. Pinikit ko ang mga mata ko bago sumagot.

“Oo.”

“Kaya mo ba siya inakit noon?” Mas mariin niyang tanong.

Shit! “Oo.”

Natahimik siya. Nanikip ang dibdib mo. Sobrang sikip na hindi ko na kayang hindi humikbi. Kasabay ng hikbi ko ang pagtulo ng luha ko.

“Oo, Hector, okay!? Gusto ko ng bumalik ng Maynila! Ayokong maghirap kami! Gusto kong kunin ang titulo sayo! Gusto kong malaman kung anong mga iniisip ng Dela Merced sa lupa namin! Kung anong gagawin nila! Kung babawiin ba nila o bibilhin! Dahil hirap ako dito sa Alegria! Ayoko dito! Gust kong bumalik ng Maynila!” Pag amin ko.

Alam kong simula ngayon ay huhusgahan niya na ako ng husto. Maaring hindi na naman maibabalik pa ang dati. Hindi na siya manunuyo sa akin. Wala ng Hector na masugid kong manliligaw. It was all because of my past actions.

“Akala ko si Koko ay Dela Merced! Nakita ko siyang may soot ng jersey na Dela Merced!” Sabi ko. “Kaya hinayaan ko siyang lapitan ako! Tama ka nung sinabi mo sakin nung una na hindi ko siya gusto! Kung paano mo yun nalaman ay hindi ko alam!” Sabi ko.

“Alam ko dahil halatang hindi mo siya gusto!” Aniya. “At napaka… napaka tuso mo, Chesca! Kaya mo yun?” Pumiyok ang boses niya. “Ganun ka ba ka desperado? Na kaya mong magpagamit kay Koko para lang makuha ang titulo?”

Namilog ang mata ko sa sinabi niya. Mas lalong bumuhos ang luha ko nang nakita ko ang galit sa mga mata niya. This is it. Wala na. Sinasabi ko na nga ba. Ibubuhos ko na ang lahat dito. Lahat lahat.

“Akala ko si Koko ay Dela Merced. Pero hindi ko siya gusto at sinubukan kong pigilan ang desperadong planong iyon! Natigil lang ito nang husto nang nalaman kong ikaw pala talaga ang Dela Merced! Pero kahit kailan, hindi ko na sinubukan ulit yung plano. Nagsawa na ako! At alam kong unfair iyon para sa sarili ko! Hindi na ako magpapakadesperado! Kung lulubog kami dito sa Alegria, edi lumubog kami!” Sabi ko.

Nag iwas siya ng tingin sa akin, “Kaya mong magpagamit para sa lupa lang? Kaya mong magpanggap na gusto mo ang isang tao para lang doon?”

Tumikhim ako, “Kaya kong magpanggap, noon. Noong desperado pa akong makaalis dito.”

“Bullshit!” Mura niya sabay tingin sa kawalan. “Buti na lang ako yung tunay na Dela Merced.”

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Naguluhan ako. Nakita kong suminghap siya at tumingala. Lumunok ako at nagpasyang tapusin na ang pag uusap namin. Gulong gulo na ang utak ko.

“Sorry, Hector.” Sabi ko sabay talikod sa kanya.

Agaran naman ang pag hawak niya ng mahigpit sa braso ko para iharap ulit ako sa kanya.

“Nag uusap pa tayo, wag mo akong talikuran, Alde.” Matama niyang sinabi.

“Tapos na akong magpaliwanag. Nalaman mo na ang lahat. May plano ako na akitin ang tagapagmana noon. Yun na yun. Diba?” Ngumisi ako kahit na basa pa ang pisngi ko sa luha.

Kumuyom ang panga ni Hector, “Ako. Hindi ko pa nalalaman ang lahat. Ngayon, isang tanong, isang sagot, Chesca Alde.” Aniya.

Napalunok ako. May bahid na awtoridad sa tanong niyang iyon. Dumidilim na ang paligid. May poste ng ilaw sa tabi namin pero hindi pa iyon umiilaw.

“Ginamit mo ba ako? Dahil ako ang tunay na Dela Merced? Ginamit mo ba ako?”

Nagulat ako sa tanong niya. “Hindi mo ba ako narinig? Sabi ko, hindi ko na kayang ulitin! Lumubog na kung lumubog hindi ako manggagamit ng tao!” Sabi ko. “Kung ginamit kita, sana sinagot na kita agad at hindi na ako nagpaligaw sayo! Sana ngayon ay tayo na at hindi na kita tinarayan pa!”

Ngumuso siya at inangat niya ang kanyang mukha, “Kung ganun, bakit ka nagpaligaw? Bakit ka umiyak? Bakit mo sinabi sakin ang lahat?”

Malakas ang pintig ng puso ko kanina pero mas lalo lang iyong lumakas ngayon.

“Akala ko ba isang tanong lang? Bakit dumami?” Kinunot ko ang noo ko.

“Di mo ako ginagamit, diba? Kaya masyado kang mataray sakin? Kalimutan natin ang mga titulo ng lupa, mga apelyido ng pamilya natin, lahat… Bakit ka nagpaligaw? Bakit ka umiyak kanina? Bakit ganyan ang tingin mo sakin?”

Nag iwas agad ako ng tingin. Hinawakan niya ang beywang ko at inilapit niya ang buong katawan ko sa kanya.

“Bakit, Chesca? Sagot!” Mariin niyang sinabi.

Hindi ako nakapagsalita. Lalo na nung bumaba ang tingin niya sa ilong ko, sa labi ko. Suminghap siya at dahan dahan idinampi ang labi niya sa labi ko. Nagwala ang puso ko. Nakahawak ako sa dibdib niya. Gusto ko siyang itulak pero hindi ko mapigilan ang pagkakanulo ng damdamin ko sa kanya. Natunaw ang buong sistema ko. Mababaw at simpleng halik lang iyon pero ganun na agad ako maka react.

Agad siyang tumigil nang biglang umilaw ang poste. Nagkatitigan kami. Wala akong ibang marinig kundi ang puso kong mala kulog sa pagpintig.

“Wala akong pakealam sa lupa ninyo. Hindi ko aangkinin iyon. Ikaw, Chesca, ikaw ang gusto kong maging akin.”


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: