End This War – Kabanata 8

Kabanata 8

Wala Ka Palang Kwenta

“Hello, honey.” Bati ni Clark sa akin isang gabi.

Gabi ko siya pinapatawag nang sa ganun ay hindi na ako abala sa gawain dito sa bahay at sa school.

“Hi!” Ngumisi ako at mas lalong hinigpitan ang yakap ng unan ko.

“Kumusta?” Tanong niya.

“I’m okay.”

Pang apat na araw ko ngayon sa school. Ganun parin ang ginagawa ko kay Koko. Palagi ko siyang iniiwasan. Alam ko. Alam kong kailangan ko ng sabihin sa kanyang hindi ko naman talaga siya gusto.

“You?” Tanong ko pabalik kay Clark.

“May offer ako sa isang magazine shoot.” Natunugan ko ang saya sa boses niya.

“Talaga? Kelan? Sasama ako!”

“Huh? Sa Sabado na iyon, Chesca. Hindi ka pa makakauwi nun.”

Napabuntong hininga ako, “I’m sorry.”

“It’s okay, honey. Pag balik mo dito ididate kita kahit saan.”

Ngumisi ako.

Sa ngayon, iyon lang ang pinanghawakan ko saming dalawa ni Clark. Nakakalungkot. Nakakalungkot kasi dati aypalagi kaming magkasama. Ngayon, boses niya na lang ang naririnig ko. At hindi ako kuntento nun.

Bago ako natulog ay ni check ko ang calendar ng cellphone ko.

“Oh my? Monthsary namin sa Sabado!”

Isang taon at isang buwan na kami ni Clark. At sa loob ng isang taon at isang buwan, wala kaming pinalagpas na monthsary na hindi kami magkasama. Naipakilala niya na ako sa parents niya kaya malaya akong pumunta sa bahay nila. Hindi ko pa nga lang siya naipapakilala sa parents ko. Hindi kasi nagkakaroon ng time dahil ilang buwan ng pabalik balik sina mama at papa sa Alegria bago nila naisipang manatili na doon.

Natulog ako sa gabing iyon nang may baong determinasyong umuwi sa Sabado. I will go home for our monthsary! Hindi bale na kung hindi ako makauwi next week. Ang importante ay makasama ko siya sa monthsary namin.

Maaga akong nagising nung Biyernes. Pumasok ako at nanatili ang pang iinis ni Hector sa akin.

It’s okay, Chesca. Bukas, uuwi ka na kay Clark. Hayaan mo na ang pang iinis ni Hector. Kaya lang, tuwing nagtatama ang mga mata naming dalawa ay lagi akong nawawala sa sarili ko.

Naglalakad lakad ako sa tabi ng soccerfield. Malayo pa lang ay kitang kita ko na si Hector na naglalaro sa covered court. Naka shoot siya at kitang kita ko ang pagsasayaw ng buntot ng buhok niya habang nag fa-fast break. Tumigil ako at pinagmasdan siya sa malayp. May grupo ng mga babae na panay ang tili at hiyaw.

“HECTOR! HECTOR! GWAPO MO! HECTOR!” Awit nila.

Hindi naman nawiwindang si Hector doon. Para bang sanay siyang maraming tumitingala, humahanga at sumasamba sa kanya.

Lumapit pa ako ng konti. Kalaro niya iyong mga kaklase namin sa last subject ngayong araw. Oo. Tapos na ang klase. Uuwi na sana ako pero naisipan kong gumala muna. Tutal uuwi naman akong Maynila bukas.

“Hectoooor! YEHEY!”

Nakashoot ang bruto ng isang 3 points. Nakita kong naka braid ang walanyang buhok niya sa likod habang sumasayaw ito sa bawat galaw niya.

“Ang galing mo, Hector!” Sigaw ng mga tao.

Natigilan si Hector at bumaling bigla sa akin. Ngumisi siya.

“Tara ayusin natin! Nandito crush ko!” Tumawa siya at mabilis na tumakbo para mang agaw ng bola.

“WAAA! Sino crush mo, Hector? Ako?” Tumatalon talon ang mga babae sa gilid sa sobrang kilig sa sinabi ni Hector.

Uminit ang pisngi ko. Ayaw kong mag fe-feeling pero ako ba yung pinaparinggan niya? Hindi ko alam. Kinagat ko na lang ang labi ko at lumingon ako sa kabilang side ng court. Humalukipkip si Kathy kasama ang kanyang dalawang chinitang mga kaibigan habang pinagmamasdan si Hector. Kakarating lang din yata nila.

“Si Kathy siguro yung tinutukoy ni Hector!” Bulungbulungan naman ngayon nung mga babae sa gilid.

Naistorbo ang pag iisip ko nang biglang sumulpot ang nakangising si Koko sa harap ko.

“K-Koko, anong ginagawa mo dito?”

“Akala ko umuwi ka na! Buti at nakita kita para sa wakas ay maihatid na kita!” Tumawa siya at hinawakan ang kamay ko.

Agad kong binawi ang kamay koo.

“Koko, wag na. Ako na. Kaya ko namang umuwi mag isa.” Malamig kong sinabi.

“Huh? Ayaw mo bang ihatid kita? Kaya ko namang ihatid ka, Chesca.” Ngumisi siya.

“Hindi, talaga, ako na.”

Kumunot ang noo niya, “May problema ba tayo?”

“Wala! At walang tayo!” Hindi ko na napigilan ang sarili ko.

“Chesca,” Ngumiti siya. “Nirerespeto ko ang pagpapakipot mo-“

“Hindi ako nagpapakipot.”

Medyo bumilis na ang paghinga ko ngayon. Walang kasalanan si Koko, alam ko. Pinaasa ko siya kaya heto siya at umaasa nga. Pero walang madaling paraan para gisingin siya at iparealize sa kanya na nagkamali ako at hindi ko siya gusto. Ito lang. Ang masakit na katotohanan.

Besides, hindi ako naniniwala na hulog na hulog na siya sa akin. Isang linggo pa lang kaming magkakilala. Hindi pwedeng agad niya na akong mahal.

“Chesca, alam ko ang ugali ninyong mga babae na nag papa hard-to-get. Naiintindihan kong mahinhin ka lang kaya mo ako tinatanggihan.” Bigla niyang hinaplos ang braso ko.

Napatingin ako sa braso ko at kinilabutan ako sa haplos niya. Hinawi ko ang kamay niya at bumaling.

“Koko, hindi. Totoo talaga ito. Hindi ako nagpapakipot.”

Nalaglag ang panga niya sa sinabi ko. “Chesca, nag seselos ka ba kasi lumalapit si Abby sa akin? Nakita mo ba ang paglapit niya?” Umamba ulit siyang hawakan ang braso ko pero agad akong umatras.

“Hindi ko alam kung anong pinagsasabi mo, Koko.”

“Ches, mas maganda ka pa dun. Hindi ko yun papatulan. Ikaw ang gusto ko.”

Tumindig ang balahibo ko sa sinabi niya kaya lang naiirita ako nang sobra sobra.

“Koko! Nirerespeto kita at gusto ko respetuhin mo rin ang desisyon ko.”

“CHESCA! Anong pinagsasabi mo! WAG KANG PAKIPOT!” Umalingawngaw ang desperadong sinabi ni Koko.

Napatingin agad ako sa mga taong bumaling sa amin.

“God!” Umatras ako sa kahihiyan.

“Respetuhin mo, Koko. Alam ko. I’m sorry kung pinaasa kita pero akala ko biruan lang yun lahat.” Palusot ko. “Hindi ko alam na seseryosohin mo. At ngayon ayoko na!” Tinalikuran ko siya sa kahihiyan.

Pero bigla niyang hinawakan ang braso ko.

“Chesca, nagpapakipot ka lang.” Pag uulit niya.

“Hindi ako nagpapakipot. Hindi ko kayang ibigay sayo ang gusto mo dahil hindi kita gusto.” Medyo iritado kong singhal.

“CHESCA!” Tawag niya.

Hinablot niya ang braso ko. Sa sobrang galit ko ay hindi ko na maiwasang ipag tulakan siya.

“A-Ano ba, Koko!” Sigaw ko.

Narinig kong natigil ang laro ng basketball. May iilang lumapit na rin sa amin.

“Anong nangyayari, Koko?” Dinig kong tanong ng isang kaklase namin.

Nagkatinginan kami ni Koko. Nakita kong tuliro siya kahit tinititigan niya ako. Para bang hindi siya makapaniwala sa nangyari.

“Isang linggo pa lang, Koko.” Paliwanag ko. “Don’t tell me you’re already in love with me.” Natawa ako sa huling pangungusap na sinabi ko.

It’s impossible. Really impossible. Hindi naman sa nagmamayabang ako, pero naranasan ko na ito noong highschool. Tuwing may mapapalapit na lalaki sa akin, parating naiinlove sa akin. At sa huli, masasaktan ko lang sila. Naka ilang beses na ako na ganito. At sa lahat ng mga lalaking iyon, si Koko ang pinaka mabilis. Isang linggo! Ano yan, isang linggong pag ibig?

“PERO SINABI MO SAKING GUSTO MO AKO!” Sigaw niya.

Narinig ko ang bulung-bulungan ng mga tao sa paligid. Kumuyom ang kamay ko sa sobrang inis sa mga narinig.

“Kay bago-bago nag kakalat agad!”

“Narinig mo rin yung landian nila sa canteen, diba? Nilandi niya si Koko.”

“Ano kayang nangyari? Siguro paasa lang talaga siya.”

“Nagmamaganda naman masyado.”

“Karmahin sana.”

“Sino ba siya? Alde? May pinsan pala si Teddy na babae? Akala ko yung Craig lang.”

“Ang laki ng ulo. Porket taga Maynila feeling agad na kayang paikutin ang mga taga probinsya.”

Lumingon lingon ako para tignan kung sino ang mga nagsasalita. Nakikita ko ang mga mukha nilang iritado, galit at mukhang na ooffend sa akin.

“Tumigil nga kayo!”

Napatalon ako sa lalaking biglang nagsalita. Nasa likod ko siya at naramdaman kong papalapit siya dahil sa paunti-unting pag dribble niya ng bola.

“Hector! Wag kang lumapit sa Chesca na yan! Baka mamaya, tayo naman ang maloko niyan! Kapal ng mukha. Porket Alde. Papalubog na ang negosyo niyo oy, kaya wag kang feeling.” Mataray na singhal ni Kathy sa may likuran ko.

Nalaglag ang panga ko sa kanyang sinabi. Hindi ako makapaniwala na nakaya niya iyong sabihin iyon sa harap ko. Tinikom ko ang bibig ko sabay lunok. Nag init ang gilid ng mga mata ko. Gusto kong magsalita pero nanginig ang lalamunan ko sa galit.

“Shut up, Kathy!” Pagtatanggol ni Hector.

Napuna ko ang matigas na ingles ni Hector. Para bang sanay na siyang gamitin ang bawat salitang ito sa buong buhay niya. Doon ko lang nalaman kung anong meron talaga ngayon. I’m in front of them. All of them. Nakatunganga sila sa akin na para bang may pinapanood na palabas.

“Walang ka palang kwenta, Chesca.” Matabang na sabi ni Koko.

“Koko!” Sigaw ni Hector.

“Wag mo nang ipagtanggol, Hector. Bukas ikaw naman lolokohin niyan.”

Napapikit ako. Imbes na pagtatampalin ko ang mga taong nasa paligid ay tinulak ko na lang sila para makadaan ako at makapag walk out.

Enough of this. I’m going back to Manila! At hindi na ako babalik! Wala akong pakealam kung mamulubi ako doon! Hear that? I HATE ALEGRIA!


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading