End This War – Kabanata 21

Kabanata 21

Sagutin Mo Lang Ako

“Type mo ba ang mga chinito?” Ito ang salubong niya sa akin habang hinihintay niya akong makalabas sa crowd.

Nakapamaywang siya at nakasabit ang gym bag niya sa kanyang balikat. Bahagyang basa parin ang buhok niya sa pawis. Naka jersey pa siyang pambasketball at soot parin niya ang sapatos na ginamit niya sa laro.

“Hindi.” Ngumisi ako.

Nanliit ang mga mata niya, “Kitang kita ko ang pag chi-cheer mo kay Harvey Yu!”

“Harvey Yu ang pangalan nung chinito?” Napaisip ako. Hmmm. Chinese.

Bigla niyang ni snap ang daliri niya sa mukha ko. Bumaling ako sa kanya at ngumisi. Nakita ko ang galit at naiinis niyang mukha bago ginulo ang basa niyang buhok.

“Ang pangit nun, Chesca! Di hamak na mas gwapo ako nun! Ha!” Umirap siya.

Napangiwi ako. Lalo na nung nakita kong mabilis ang paghinga niya.

“Nung una si Koko! Ngayon si Harvey! Ano ba yang mga mata mo?”

“Hoy Hector! Hindi naman ako yung tipong gwapo lang ang pinapansin. Hindi naman ako hayok sa gwapo! Yung importante sakin ay yung substance!”

Kinagat niya ang labi niya at itinuro ang mga naglalaro, “So ibig mong sabihin gusto mo nga ang isang iyon kasi may substance siya? Anong substance ba ang pinagsasabi mo nang madurog ko at maibaling sakin yung paningin mo?”

SERYOSO BA ITO? Hindi ako makapaniwala sa mga pinagsasabi niya. Ni head to foot ko siya at nakita kong tensyunado ang buong katawan niya. Hindi maka pirmi ang mga paa niya, mabilis ang hininga niya at bumubuntong hininga halos kada tatlong segundo.

Binatukan ko siya nang sa ganun ay mapakalma. Bumaling siya sakin gamit ang nagtatanong na mga mata. Tumawa ako sa ekspresyon niya.

“Uuwi na nga ako!” Umirap ako at pumanhik palayo sa kanya.

Sinundan niya naman ako. Alam ko dahil ramdam ko iyon sa mga titig ng mga pakalat kalat na babae sa gilid na nakatingin sa lalaking nasa likuran ko.

“Tsaka yung buhok mo, nakatali.” Aniya sa likuran ko.

Bumaling ako sa kanya, “Ano ngayon? Hindi ka naman inaaway nitong buhok ko, ah? Tsaka bakit kung makapagsalita ka parang wala akong karapatan na mag tali ng buhok? Tss.”

“Sinasabi ko lang naman na nakatali. Tsaka, kitang kita yung batok mo-“

Agad akong umismid at nakahawak sa batok ko. “Oh ano ngayon?”

Nag iwas siya ng tingin at tumigil sa paglalakad. Tinaas ko ang kilay ko at binuksan niya ang bibig niya para magsalita ng dahan dahan. “Ayaw ko.”

Unti-unting namilog ang mga mata ko. Sa mundong ito, hindi lahat ng gusto mo ay maaring masunod. May mga bagay na talagang hindi mo maiiwasan. Inevitable. Pero ang isang ito, sanay atang kontrolado ang lahat. Lahat ng gusti niya ay dapat nasusunod. At mukha namang pinagbibigyan siya ng lahat ng taong nakapaligid. Spoiled, kung baga. Isang sabi niya lang na ayaw niya ay agad na umaayaw din ang iba.

Nanliit ang mga mata ko. Hanggang saan ka, Dela Merced? Lahat ng ayaw mo ay gagawin ko. Papahirapan kita. Kung pwede ay papagapangin kita sa putikan nang malaman ko kung ano ba talaga ang sadya mo sakin at ang bilis mong pumorma.

Umawang ang bibig ko. Gusto kong umapila sa sinabi niyang ayaw niya. Gusto kong ipaintindi sa kanya na hindi lahat ng bagay na gusto niya ay makukuha niya o masusunod. Pero imbes na magsalita ako ay tinalikuran ko na lang ulit siya para makapag lakad ng diretso.

Hindi niya ako tinigilan. Patuloy siya sa pagsunod. Papalapit na ako sa gate nang bigla na namang sumulpot ang Jeep Commander nila sa harapan.

“Ihahatid na kita.” Aniya sabay bukas sa pinto.

Really?

“Kaya kong magtricycle mag isa.”

“Ihahatid kita, Chesca.” Dinig ko ang utos sa boses niya.

Ngumuso ako. Okay lang sa akin na ihatid niya ako. Hindi naman ito ang unang beses niyang nagawa iyon. Kaya lang, dahil narinig ko sa boses niya ang utos at ang kasiguraduhang hindi niya ako titigilan hanggang hindi ako sasama sa kanya. Mas lalo kong nagustuhan ang pagrerebelde.

“Walang tricycle.” Aniya sabay pasada ng tingin sa paligid.

“Edi mag lalakad ako.” Sabi ko.

“Sasakay ka sa sasakyan ko.” Matama niyang sinabi.

“Maglalakad ako.” Mas mariin kong banggit.

“Chesca.” Bumuntong hininga siya.

Nagsimula na akong maglakad. Sinundan niya na naman ako at nakasunod na rin ang kanilang sasakyan.

“Hector, maglalakad ako. Hindi ako sasama-“

“Naka ilang beses ka na sa pagsakay sa sasakyan ko, ah? Ba’t ngayon ka pa aayaw?”

“Gusto kong maglakad ngayon.” Nagkibit balikat ako.

Narinig kong suminghap siya, “Sasakay ka Chesca.”

Bumaling ako sa kanya at tumigil sa paglalakad. Natigilan din siya at tiningnan ako.

“Kung gusto mong sumakay, edi sumakay ka dun! Ako? Maglalakad ako. Kung ayaw mong naglalakad ako, edi wala kang pakealam. May sarili akong utak. Hindi ako iyo. At kung sasabihin kong maglalakad ako, maglalakad ako! Wag mo ng subukang baguhin ang pag iisip ko dahit eto ang gusto ko sa ngayon!”

“Ba’t mo gustong maglakad? Mapapagod ka lang! Mauuhaw ka! At isa pa, malayo pa ang sentro! Naalala mo nung naglakad ka nung una? Hindi ba na hold up ka?”

“GUSTO KONG MAGLAKAD! END OF THE STORY! Wala akong pakealam kung mag alay lakad ako dito hanggang bahay basta maglalakad ako!” Tinalikuran ko siya.

Buong akala ko ay wala na siya. Lalo na nang nakita kong humarurot sa harapan ko ang Jeep Commander. Inirapan ko iyon.

“Buti nga sayong hari ka! Kala mo lahat luluhod sayo?”

“Anong sabi mo?” Narinig kong sinabi niya sa likuran ko.

Napatalon ako nang nakita siyang sumusunod parin pala. Ngayon ay sabay na kaming naglalakad.

“Oh! Akala ko gusto mong sumakay? Ba’t ka naglalakad sa tabi ko?”

Seryoso ang mukha niya habang naglalakad. Diretso ang tingin nito sa dinadaanan namin. Mabato ang gilid ng concrete na daanan. Matalahib din at kitang kita ang bulubundukin ng Alegria sa kabilang side. Mabuti na lang at alas singko na kaya hindi na gaanong mainit. May iilang tricycle na dumaan. Kaya lang ay punuan na ang mga iyon. Tsaka, wala rin akong balak na sumakay lalo na’t nandito siya ngayon. Papanindigan ko ang sinabi ko sa kanyang maglalakad ako.

“Sinabi ko bang gusto kong sumakay ako? Sabi ko, gusto kong sabay tayong umuwi. Ba’t ang tigas ng ulo mo, Francesca Alde?”

“Kasi nga… gusto kong maglakad.” Rason ko.

Tumaas ang kilay niya at di na nagsalita.

Patuloy kami sa paglalakad. Wala na siyang bag. Mukhang pinadala niya na ata sa kanilang sasakyan kaya nakapamulsa siya sa kanyang jersey shorts habang naglalakad. Ako naman ay nakahalukipkip at nakatingin sa iba’t-ibang tanawin ng Alegria.

Ilang sandali ang nakalipas ay nakaramdam ako ng uhaw. Mabuti na lang ay nasa bukana na kami ng sentro.

“Inuuhaw ako.” Sabi ko.

Tumingin siya sakin at agad lumihis ng dinadaanan. “Lika!” Aniya.

Sumunod ako sa haring iyon at dinala niya ako sa isang tindahan.

“Pabili po ng mineral water.” Aniya sabay abot ng isang daan galing sa kanyang wallet.

“Oh, Hector? Ikaw pala!” Sabi ng tindera.

Ngumisi siya, “Opo.”

“Anong ginagawa mo dito? Hindi ka pa ba umuuwi? Mag aalas sais na ah?”

“Uuwi na po ako. Ihahatid ko lang itong si Chesca.”

Nakita ko ang OA na pagkakalaglag ng panga ng tindera lalo na nang nakita niya ako. Tumawa siya at tiningnan ulit ako ng mabuti bago inabot sa kay Hector ang tubig.

“G-Girlfriend mo, Hector?” Tanong ng tindera.

Tumingin si Hector sa akin at ngumisi, “Malapit na.”

Aba’t ang feeling din ng antipatikong unggoy na iyon ah! Laking gulat ko na nang uminom muna siya sa mineral water bago iyon inabot sa akin.

“Eto oh.” Aniya.

Kumuha agad ako ng pera at inabot iyon sa tindera.

“Isa pa pong mineral water.” Sabi ko.

Hinawi agad ni Hector ang kamay ko at tumawa siya, “Kunin niyo na lang ang bayad niya sa isang daan. Aarte pa ang isang ‘to. Sakin din naman bagsak ang labi niya.”

Ako naman ngayon ang nalaglagan ng panga. Hindi ako makapaniwala na hindi lang talaga siya control freak, bossy at antipatiko! Mayabang din siya at feeling!

“Alam mo, di kita sasagutin!” Sabi ko pagkatapos uminom ng tubig.

Nakita kong galing sa ngisi ay nag pout ang kanyang labi.

Nag iwas ako ng tingin. Dahil sa bawat pag iba niya ng ekspresyon, hindi ko mapigilan ang pamumuri ko sa kanya. Sobrang gwapo niya, sa kahit anong angggulo, sa kahit anong ekspresyon.

Gaya ng sabi ko nung una, hindi ako yung tipong hayok sa gwapong lalaki. Hindi ako ganid sa mga nagkikisigang mga lalaki sa buong school. Madalas kong magustuhan yung mga lalaking cool at may substance kahit hindi gaanong gwapo. Mas madalas kong magustuhan yung hindi mainstream. Pero nung una kong nakita si Hector ay nawalan ako ng kaluluwa. He’s not just drop dead gourgeous. Hindi ko maipagkakailang may substance din siya at may attitude pa. Yung attitude na iyon nga lang ay ang pagiging bossy, control freak, mayabang at hari niya.

Hindi ako nagsalita. Hindi rin siya nagsalita. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa wakas ay mabilis kaming nakarating sa street ng bahay namin. Naliligo na ako sa pawis at feeling ko ang bahu baho ko na. Pero si Hector ay pawis din, ngunit ang tanging naamoy ko galing sa kanya ay ang bango niya. Kinagat ko ang labi ko at pinikit ang mga mata nang umihip ang hangin at mas lalo kong naamoy ang bango niya.

Shit lang.

Tumigil siya sa paglalakad nang nasa tapat na kami ng bahay. Tumigil ako kasi tumigil siya. Yun lang? Parang bitin! Shit! Ano ba itong iniisip ko?

“Ba’t di mo ako sasagutin? Kasi tingin mo gusto kong ako ang laging nasusunod? Ganun ba yun, Chesca?”

Napaatras ako sa tanong niya. Hindi ko inakalang iyon ang lalabas sa bibig niya. Akala ko magpapaalam na siya o mang iinis parin. Iyon naman pala, ang salita kong iyon ang naging laman ng isip niya buong paglalakad namin. Kaya pala natahimik na lang siya kanina nang sinabi kong di ko siya sasagutin.

“Kasi akala mo gusto kitang paluhurin sa paanan ko?”

Napalunok ako sa malamig niyang boses. He looked so serious that I’m almost convinced. No, Chesca. This is war. And he’s just acting.

Kumalabog ng mabilis ang puso ko nang bigla siyang yumuko. Inangat niya ang isang paa niya at pinalapat niya ang kanyang tuhod sa concrete na daanan ng street namin. Dumungaw ako sa lalaking nakaluhod na sa paanan ko. Tinakpan ko ng aking palad ang bibig kong hindi ko na matikom. Kahit na isang tuhod niya lang ang nakaluhod at ang isa ay sinandalan niya, buong katawan niya naman ang nakayuko. Para akong dumudungaw sa isang kabalyero.

I can’t… take it all in.

“A-Anong ginagawa mo?” Tanong ko habang napapaatras.

Inilahad niya ang braso niya bago tumingala sakin.

“Ako ang luluhod sayo, Chesca. Sagutin mo lang ako, ibigin mo lang ako. Tulad ng pagpapaibig mo sakin.”

Nabingi ako. Nabingi ako sa sobrang lakas ng pintig ng naghuhuramentado kong puso.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: