End This War – Kabanata 20

Kabanata 20

Aalis Si Hector?

Hindi niya ako nireplyan. Buong period siyang tulala at mukhang galit dahil sa patuloy na pag igting ng bagang niya. Well, kung hindi mo magawa ang simpleng bagay na iyon, then I’m right. May agenda ka dito.

Tumango ako habang nakikinig kay Jobel na finafinalize lahat ng hakbang namin para makaipon ng puhunan at makapaghanap ng resources para sa produkto naming mga juice. Syempre, kakailanganin naming pumunta sa bukiring pinag tatrabahuhan ng kani kanilang mga magulang para mag harvest ng buko para sa buko juice. Napag isipan din naming mag imbento ng juice galing sa isang bulaklak bukod sa ipinagmamalaki nilang luya juice (ewan ko anong lasa nun), lemon juice (o lemonade), orange juice, apple juice, strawberry juice at iba pang galing sa prutas talaga.

Ang problema namin ay medyo mahal ito kumpara sa mga litro pack na tinutunaw lang dapat dahil isasali ang gastos sa pagpapalaki ng halaman o puno ng prutas. But we will find a way, though. Iyon ang pangako ni Mathew na mukhang maraming tanim sa kanilang bakuran. Sumulyap siya sakin at ngumisi.

“Kaya natin ‘to.” Aniya.

Tumango ako at ngumisi na rin.

Nang nag dismiss na ang buong klase ni Mr. Magdale ay hindi ko maiwasang bumaling kay Hector. At ang scene na naabutan ko ay iyong pagtayo ni Kathy at ang paghawak niya sa kamay nito.

Kitang kita ang panlalaki ng mga mata ni Kathy at pamumula ng kanyang pisngi. Natigilan ako at pinagmasdan ko silang dalawa. Nakita ko ang kibot sa bibig ni Hector.

“Sandali lang.” Aniya.

Napalunok si Kathy. Nagmamadaling umalis ang mga kaklase namin. Ang nakapansin lang nung pangyayari ay yung mga madalas na tumitingin kay Hector. Yung mga secret admirers niyang nagkalat sa tabi tabi.

Lumingon lingon si Kathy at hinintay ang pagtayo ni Hector. He towered over her. Matangkad siya. Hanggang baba lang si Kathy. Ganun din naman ako sa kanya. May naramdaman akong pait sa kalooblooban ko. His eyes were intense. At naiintindihan ko kung bakit kitang kita ko ang pangangatog ni Kathy ngayon. Parang ipinapatawag ka ng hari sa isang espesyal na meeting. It was both a privilege and a burden. Pero hindi iyon papansinin ng ibang babae. Ako lang yata ang makakapansin sa pagiging burden nito kasi ako lang ang nakakakita sa mga nanlilisik na mga mata sa paligid.

Medyo humupa na ang mga tao. May tatlong babaeng nagsusuklay sa kani kanilang mga upuan pero nakikita kong palusot lang nila ang pagsuklay kasi gusto nilang marinig ang sasabihin ni Hector kay Kathy. May iilan ding nasa labas pero diretso sa loob ang titig. Pa discrete lang na nagmamasid.

Humugot ako ng malalim na hininga at tumayo. Nilagay ko ang shoulder bag ko sa balikat at umambang aalis na pero pinigilan ako ng utos ni Hector.

“Wag ka munang umalis, Chesca.” Matama niyang sinabi.

“Huh? Ba’t naman?”

Hindi niya ako sinagot. Pagkalingon ko sa kanya ay diretso niyang sinabi ito kay Kathy, “I’m sorry sa mga pangit kong sinabi sayo. Sana mapatawad mo ako, Kathy.”

Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Kathy. Nagtakip pa ito ng nakangangang bibig sa sobrang gulat.

Tumawa ito pero bakas sa pagtawa niya ang panginginig ng boses. “A-Ano ba, Hector! Wala lang iyon!” Nilagay niya ang ilang hibla ng buhok niya sa tainga at mas lalong pumula ang pisngi niya habang tinititigan ni Hector.

Maganda si Kathy. Lagi pa siyang pinapaligiran din ng mga magaganda at mapuputing chinita na kaibigan niya kaya mas lalong umaangat silang tatlo sa ibang mga grupo dito. Kaya lang, napansin kong mukhang may pagnanasa si Reese (isa sa dalawang chinita) kay Hector. Mas lalong tumingkad ang maputing balat ni Kathy dahil sa pamumula ng kanyang pisngi. Manipis ang kanyang labi at tama lang, hindi tulad nang saking manipis pero madalas pouty. Itim na itim din ang kanyang buhok, di tulad ng saking natural na may pagka brown. At ang kanyang mga mata ay slightly doe, hindi tulad nang saking malalim. She’s over all okay, maganda. Kung nasa Manila siya, papasa siya sa panlasa ng scout ko bilang modelo.

Bumaling si Hector sakin kaya napatalon ako. Nakita ko ang lalaking may malalim ding mga mata at perpekto ang mukha. Hindi ko alam hanggang ngayon kung bakit di parin siya nadidiskubre ng scout sa Star Circle. He’ll make girls moan just by staring at them. Ipinilig ko ang ulo ko. Ang gaga mo, Francesca Alde! What happened?

“Tapos na.” Aniya saka tumaas ang kilay.

Kinagat ko ang labi ko at nag iwas ng tingin.

“Right!”

Oo nga pala. Iyon ang hamon ko sa kanya kaya niya iyon ginawa. Diretso akong lumabas sa classroom. Matulin ang lakad ko. Pero agad niya akong naabutan.

“Tapos na kaya pwede na akong manligaw?” Seryoso ang boses niya habang sinusundan ako sa next class kong hindi naman kami magkaklase.

Nilingon ko siya at tinapunan ng madilim na tingin.

“Ano, Chesca? Magkaroon ka naman ng palabra de honor! Kung anong sinabi mo, tutuparin mo!”

Halos matawa ako sa term niyang palabra de honor! “Nag sorry ka lang naman dahil iyon ang gusto ko.” Inirapan ko siya.

“Buti alam mo.”

“WHAT?” Hinampas ko siya at iniwan sa paglalakad.

“Yun naman ang totoo ah!” Naabutan niya rin ako.

Ang kapal din naman ng mukha nitong balasubas na ito.

“Whatever, Hector.” Inirapan ko ulit siya.

Ngumisi siya sakin. Hindi ako makatingin ng diretso. Bakit gwapo siya kapag ngumingisi at natutuwa at gwapo din siya pag galit at badtrip?

“Sige na, pasok na ako sa klase.” Iniwan ko siya.

“Yung panliligaw ko?” May bahid na desperation sa boses niya habang sinasabi iyon.

Kumaway lang ako ng patalikod.

“FRANCESCA ALDE! MANLILIGAW SABI AKO-“

Mabilis akong tumakbo sa kanya para sapakin siya. Bahagyang napatingin ang mga lalaking papuntang CR at nakarinig sa sigaw niya.

“Shit ka!” Sabi ko.

Ngumisi ulit siya, “Sige ka. Di ka papayag magsisigaw ako dito! Tsaka, bawal mag mura ha. Yung bibig mo!”

Inirapan ko ulit siya, “Bakit? Ikaw!? Nagmumura ka rin ah!”

Ngumisi pa siya lalo at humalukipkip na pinagmasdan ako.

“Ano na naman? May dumi na naman ba ako sa mukha?”

“Wala. Naisip ko lang na kahit di ka papayag na manligaw ako sayo, liligawan parin talaga kita.”

Uminit ang pisngi ko. Sige. Sige pa, Hector. Mambola ka pa! Tignan talaga natin kung kaya mo ang Chesca’ng ito. Mag da-duck walk ka pag di ko gusto ang mga ginagawa mo. Gagawin kitang alipin at papatayin kita sa utos hanggang sa marealize mong hindi worth it ang limang ektarya para pag aksayahan ng panahon.

“B-Bakit?”

Mas lalo siyang ngumiti. Kinilabutan ako. “Kasi sa bawat pag irap mo, pag tataray mo at pag iinarte mo, mas lalo akong nahuhumaling sayo, Francesca. Paano pa kaya kung maglambing ka na sakin?” Tumaas ang kilay niya at umiling.

Naghintay ako sa idudugtong niya nang namimilog ang mga mata. Tinalikuran niya ako bago nagsalita…

“Baka di ko na mabitiwan ang kamay mo.”

Napalunok ako. Ilang sandali pa bago ako nakabalik sa huwisyo ko.

Hanggang sa mga sumunod na klase ay iyon ang iniisip ko. Hindi iyon ang dapat kong isipin, eh. Dapat… yung iniisip ko dito ay kung paano ko siya aalipinin? Kaya lang, hindi ako makapag concentrate. Palagi kong naaalala ang labi niyang mapupula at ang panga niyang sobrang nakakakilig pag nag iigting. SHIT! CHESCA! TUMIGIL KA NA AH!?

Kaya hayun at nang nagsimula na kaming mag practice para sa cheering sa Business Administration. Naiirita ako kasi mukhang noong isang buwan pa nagpapractice ang mga Agri Business kasi ang gagaling na nilang mag helicopter move sa ere.

Kami dito kahit simpleng routine ay namumura na ng bading na trainor namin.

“Kayo ang kulelat! Jusko ang gaganda niyo pa naman pero para kayong mga kawayan. Kumembot naman kayo. Susmaryosep! Maawa naman kayo sa beauty ko!”

Ngumuso ako habang pinagmamasdan ang medyo hawig sa tikbalang na trainor namin. Magaling siyang mag train. Magaling sa choreography at choice ng music. Halatang siya ang nag edit ng lahat. Hindi tulad sa kabilang course na parang nasa youtube lang at nidownload.

“Ikaw!” Sabay turo sa akin ng medyo naiiritang trainor namin.

“Po?”

“Ikaw nga dito sa harapan!”

Napatingin ako sa napatawang si Jobel at sa napangiwing ibang babae sa paligid ko. Tumango ako at humakbang papunta sa harapan.

“Ayan! Siguro sayo lang titingin ang judges. Iksian pa dapat ang palda mo para mas lalong mawindang ang judges!”

“Po? Hindi na uso yung palda, ah?” Biglaang sabi ko.

Napatingin siya sakin, “Gaspang ng tabas ng dila mo, neng. Maganda yung palda na gusto ko kaya chill lang kayo at makisama sakin.”

Nilagpasan niya ako at minura ang mga ‘kawayang’ nasa likod.

“Hindi ba kayo marunong kumendeng!? Para kayong mga kahoy na walang ginawa kundi tumayo!”

Nakita kong lumalapit siya kay Sarah at ni head to foot niya ang mukhang takot kong kagrupo.

“Susko! Para kang gulat na pusa kada routine!”

Nakita kong bumungisngis ang ilan sa likod. Umiling na lang ako sa harap at naghintay na matapos na itong verbal abuse na natatanggap namin sa kanya.

Kaya nang natapos iyon ay nakahinga ako ng malalim. Kahit na habang nagbibihis ako ay panay ang ngisi ng trainor sakin at panay din ang tanong niya.

“Taga dito ka ba talaga? Ano ngang pangalan mo?”

“Hindi po. Taga Maynila ako. Chesca.” Sagot ko.

Inusisa pa niya ako at ngiting ngiti siya sakin. Nang nakawala ako at sa wakas ay pauwi na, saka palang talaga ako tuluyang nakahinga ng maluwang.

Naglalakad ako palabas ng Alegria Community College. Itinali ko ang buhok ko sa unang pagkakataon ngayon dahil sa init na naramdaman ko galing sa pagpapractice ng cheering nang narinig ko ang hiyawan ng mga tao sa covered court.

“Dela Merced for three points!” Sigaw ng kung sino galing doon.

“May practice game sina Hector!” Sigaw nung babaeng nagmamadaling pumunta sa covered court.

Tiningnan kong mabuti ang over crowded na covered court. Hmmm. Sumilip kaya ako? Baka magtutulakan lang kami ng mga babae niya dun? Hmmm.

Kahit na nag aalinlangan ako ay pumunta parin ako. Tama. Nakipagsiksikan nga ako sa dami ng mga nanonood. Hindi lang babae, bakla, tomboy yung nanonood, may mga lalaki rin.

Practice game pala ito ng ilang seniors ng Agri Business at sa mga bago tulad nina Hector. Hindi naman gaanong malayo ang lamang nina Hector sa kalaban. Magagaling din itong seniors. Kaya lang, mas maraming fans ang mga bago. Lalo na’t puro mga shooter ito lalo na si Hector. Hindi pa maipagkakaila na mas magagandang lalaki sina Hector, Oliver, Mathew at kung sino pang mga bago.

May nakita pa nga akong kayumangging chinito at may earring pa sa kaliwang ears. Hindi siya kasing tangkad nina Hector at Oliver pero mabilis siyang kumilos at laging nakakaagaw ng bola. Pati ako ay naeexcite sa game. Tumalon talon ako nang nakaagaw ulit siya ng bola.

“WOOOOH!” Hindi ko namalayang medyo natatagalan na ako dahil sa pagkahumaling sa laro.

Pinanood kong sinubukan nung chinito ang pagshoot nung bola pero hindi siya nagtagumpay dahil ni block agad iyon ng isang senior.

“AYYY!” Sabi ko sabay hawi sa mga kulay green na hotdog balloons na ginagamit ng iba upang magcheer sa dalawang team ng Agri Business.

“HECTORRR! KYAAAA! WAAA!”

“HECTOR MAHAL KO!”

Halos maipit ako habang nagsisiksikan na naman ang mga babae pagkatapos ng pangyayaring hindi na ishoot nung chinito yung bola. Nang pasadahan ko ng tingin ang buong court ay nagulat ako nang nakitang nakahalukipkip at mukhang badtrip si Hector na nakatitig sakin.

Sakin ba ito nakatitig?

Tumingin ako sa likod ko bago bumaling ulit sa kanya. Tinaas niya ang kilay niya sa akin.

Ako? Ngumuso ako at halos mabingi na sa sobrang lakas ng tili ng mga babaeng nasa tabi ko.

“AKO ANG TINITINGNAN NI HECTOR!” Sigaw ng isang katabi ko.

Bumuntong hininga si Hector at tumalikod. Lumapit siya sa coach niya at may binulong. Nung una ay umiling ang coach. Pero may binulong ulit siya doon kaya tinapik niya ang balikat ni Hector. Tumayo si Hector ng maayos at nilingon ulit ako.

Anong problema niya?

Itinuro niya ang labasan bago kinuha ang bag niya.

“AALIS SI HECTOR? TAPOS NA BA ANG GAME? HINDI PA AH?”

“HECTOR? HINDI PA TAPOS!”

Kinagat ko ulit ang labi ko lalo na nang nakita kong sinadya niyang banggain ang chinitong nicheer ko kanina. Oh my God? Wag mong sabihin saking nagseselos siya?


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: