End This War – Kabanata 2

Kabanata 2

Hector

Dahil gustong maligo nina Craig at Teddy, naisipan naming puunta sa Tinago Falls. Hindi naman iyon kalayuan sa Alps kaya mabilis naming narating. Humalukipkip ako nang nakitang nag hubad ang dalawa at agad tumalon sa tubig.

Ayaw kasi nila sa Alps dahil mukhang mabenta ito ngayon. Maraming customer. Kaya dito kami sa Tinago na wala gaanong customer dahil masyado itong malalim para sa iba.

Umupo ako sa bato at tiningnan ang dalawang sumisisid sa malalim na parte. May mga babae pang tumitili doon sa kabila habang pinagmamasdan ang dalawa.

“Heyyy…” Matigas na bati ng isang lalaki sa akin.

Napangiwi ako nang nakita ko kung sino iyon. Si Koko ay nakasoot parin ng jersey at humalukipkip kasama ko dito sa batong inuupuan.

“Hindi ko alam na agad pala kitang makikita sa araw ding ito.” Aniya.

Hindi ako sumagot. Diretso ang tingin ko sa mga flirt kong relatives na ngayon ay pumupunta na sa mga babaeng nagpapapansin.

“Oh, suplada.” Humalakhak siya.

Pairap ko siyang tiningnan at nakita ko ang pagmumukha niya, Live, HD! Medyo kayumanggi ang balat niya, sunog siguro sa araw sa pagbibilad, ngipin niyay puting puti at mukha siyang si Enchong Dee na kulang ng labing limang paligo.

“Pwede ba, I don’t talk to strangers.” Sabi ko at umirap ulit.

“Whoa! Spokening dollars!” Humalakhak siya.

Halos mabaliw na ako sa inis. He’s getting under my skin. Sarap na niyang bigwasan. Relax, Chesca!

May nag ilaw sa utak ko sa mga sandaling iyon. AHA! Nakakainis siya! Hindi ako maiinlove sa isang tulad niya at hindi ako ma-guiguilty dahil isa ‘tong Jejemon ang paiibigin ko! Pasintabi sa mga jejemon pero talagang gusto kong warakin ang Dela Merced na ito at kunin ang hindi niya deserve na titulo ng lupa namin!

Bumaling ako sa kanya at plastik na ngumisi. Tumaas ang kilay niya at ni head to foot niya ako gamit ang malagkit na mga mata.

“Taga Maynila ka, ano?” Aniya.

“Oo. Ikaw? Taga san ka?”

“Taga rito lang, Chesca.”

Kinilabutan ako nang tinawag niya ako sa pangalan ko. Ngumisi siya at umiling.

“Naku! Ang ganda mo. Kung dito ka sana mag aaral, edi mag kaklase tayo. Anong year ka na sa highschool?”

“Ah! Kakagraduate ko lang.” Inipit ko agad ang labi ko nang sa ganun ay di ko na madagdagan.

“See? Ako rin! Mag aaral ako sa Alegria Community College. Yung nasa may sentro.” Kumindat siya.

WHOA! I’m actually surprised na nag aaral ang jejemon na ito!

“Nagbabakasyon ka lang ba dito?” Tanong niya.

Ngumuso ako at tiningnan siyang mabuti. Spur of the moment akong sumagot ng half truth.

“Oo. Pero baka dito na rin ako mag aral.” Sabi ko.

“Ganun? Sa Alegria CC din diba? Syempre! Anong kukuhanin mong kurso? Education, Agri Business at Business Ad lang ang offer dito, e.” Aniya.

“Business Ad siguro.” Ngumisi ulit ako.

Mas lalong kumislap ang kanyang mga mata sa sinabi ko. Hindi siya mapakali at para siyang baliw na lumilingon lingon sa tuwa.

“So na enrol ka na?”

“Hindi pa nga.”

Napawi ang ngiti niya. “Ano? Bukas na ang last day, a? At mag ti-take ka pa ng exam.”

Sus! Kung exam lang naman sa isang community college, sisiw lang iyon. Naipasa ko nga ang exam sa isang malaking unibersidad, iyon pa kaya?

“Oh, don’t worry about it.” Sabi ko at nagkibit balikat.

“Koko!” May sumigaw na matanda sa likod niya.

“Opo! Okay, Chesca, see ya later, alligater.”

Pumikit ako sa nakakabwisit niyang linya. Okay. Kaya ko kaya? Kaya ko kayang… hindi paibigin. Kasi alam kong kaya kong paibigin ang isang jejemon na iyon. Pero ang ibig kong sabihin ay maatim ko kayang maging girlfriend-kuno ng lalaking iyon para lang sa titulo ng lupa namin? I don’t know but I will try.

Tumawag si Clark sa akin. Parang nawala ang isang malaking batong nakapatong sa dibdib ko. Akala ko kasi ay nakalimutan niya na ako.

“Chesca… honey…”

Uminit ang pisngi ko sa tinawag niya sa akin. Iyon ang tawag niya sa akin tuwing naglalambing siya.

“I miss you.” Bumuntong hininga siya.

“I miss you, too.” Pangiti kong sinabi.

“Kelan ka ba uuwi?”

Napawi ang ngiti ko sa tanong niyang iyon. Hindi ko alam. Ang alam ko lang ngayon ay gusto ko munang matapos ang problema bago ako bumalik.

“Clark-“

“I know that tone, Ches. Hindi ka ba uuwi dito?” Medyo magaspang na ang tono niya ngayon.

“Clark…” Pumikit ako pero bumigay din. “Okay, give me two weeks.” Sabi ko.

“TWO DAMN WEEKS?”

Napapikit ako sa mura niya, “Oo. I’m sorry. I’ll come back, I promise.”

“Chesca, two weeks? Really? Hindi ka pa nawawala sakin ng ganun ka tagal. Ni isang linggo hindi. At ngayon bibiglain mo ako ng dalawang linggo?”

Napangiti ako. Wala akong ibang maisip kundi ito…

“I love you so much, Clark Joson.”

He sighed, “I love you, too.”

Binaba ko ang cellphone ko. Parang kahapon lang ay ayaw ko pang mag enrol pero heto ako ngayon at kinukuha ang resulta ng exam. Tiningnan ako ng School Registrar sa likod ng kanyang salamin bago inabot sakin ang isang papel na may nakalagay sa taas na “Passed”.

“Ateng, kilala mo na ba ang kalaban?”

Sumimangot agad ako sa tanong ni Craig na para bang may pupuntahan akong giyera sa school na ito.

Hindi naman ako ni encourage nina mama at tiya na pumasok para paikutin ang Dela Merced na iyon. Pero hindi naman ako yung tipong hindi marunong makiramdam. I know Craig and Teddy’s right. Mali ito. Baliw yata ako at nagpaloko sa dalawang iyon. Inisip ko na lang na kung hindi ko mababawi ang titulo ay baka kung pwede ay malaman ko na lang ang iniisip ng buong pamilya niya tungkol sa utang ni lolo sa kanila. Tutal, my grandpa is a good man to them.

“Tumahimik ka, Craig, at baka mabigwasan kita.” Napansin ko agad na pinagtitinginan kami ng mga tao doon. “Ganito ba talaga sa probinsya? Pag may bagong salta ay parang artista lang kung sambahin nila?”

“Ateng, feeling mo, ah? Panong di ka titingnan, e, ang laki kaya ng aviators mo. Parang artista.” Tumawa siya at ngumuso ako.

Agad kong sinabit ang aviators ko sa soot kong white sleeveless top. May soot din akong checkered polo para naman medyo pormal at hindi makaagaw ng atensyon.

“At isa pa, ateng, kung ayaw mo ng atensyon sana di ka nag sosoot ng shorts sa loob ng school.” Tumawa siya.

Umirap na lang ako. Saka na ako tutugon sa mga rules kung pasukan na. Ngayong huling araw pa lang ng enrolment, hindi na muna.

“Iwan na kita.” Utas niya nang nakitang mahaba-haba pa ang fi-fill upan ko.

“Okay. Buti pa. Baka mabungal ka ng wala sa oras pag nanatili ka dito.”

Tumatawa siyang umaalis habang ako naman ay abala sa pag fi-fill up ng forms. Ang dami nito, ah? Apat na forms. Nalula ako doon.

Pinaypayan ko ang sarili ko. Ang init dito sa kinatatayuan ko. Inuuhaw tuloy ako. Nagpasya akong pumunta sa canteen nang at least ay may mainom akong softdrinks habang nag fi-fill up ng forms.

Tumingala ako. Halos hindi ko na makita ang araw dahil sa kapal at taas ng mga kahoy dito. May concrete pathway patungo sa canteen at nakahilera sa magkabilang gilid nito ang nagtataasang Mahogany. Tanging tunog lang ng dahon ang maririnig mo pag nasa pathway ka. Not bad for a starting school. Nakita ko rin ang malawak na soccerfield sa gilid ng covered court dito. Maliit lang ang building ng school pero malaki ang area ng buong campus.

Nang humakbang na ako sa hagdanan papasok sa open spaced na canteen ay naaninag ko agad ang iilang magkakabarkadang taga bukid na nag uusap-usap sa isang table doon, nakita ko rin ang sabay sabay nilang pag lingon sa akin kaya hindi ko na tinagalan ang pagtingin ko sa kanila. Humanap na agad ako ng mauupuan nang biglang.

“CHESCAAAA!” Humarang si Koko sa daanan ko.

Natigilan ako at tiningnan siyang mabuti. Maayos ayos ang mukha niya ngayon pero ganun parin ang reaksyon ko, nawiwindang parin ako tuwing nakikita ko ang mukha niya ng HD.

“Pinagtagpo talaga tayo ng tadhana!” Aniya.

Napangiwi muna ako bago ko pinalitan ng kagalakan ang ekspresyon ko. Pinilit kong ngumiti at magkunwaring natutuwa.

“Whoa! Oo nga.” Shit lang!

Mas lalog lumaki ang kanyang ngisi, “Siguro na inspire kang mag enrol dito dahil dito rin ako nag aaral ano?”

Shit lang ha! Yumuko ako at ngumisi para magkunwaring nahihiya sa katotohanang sinabi niya.

“Sinasabi ko na nga ba!” Pasigaw niyang sinabi at kinurot ang pisngi ko saka kinuha ang kamay ko. “Lika! Pakilala kita sa mga kaibigan ko!”

“Kok-” Hindi ko na napigil ang pag higit niya sa akin.

Hinarap niya na agad ako sa nag titipong magkakabarkada na nakita ko kanina. Kakagaling lang nila sa biruan pero nang umubo ng kunwari si Koko ay naagaw nito ang atensyon ng lahat. Umalis pa sa harap ang isang lalaki para lang maipakita si Koko sa buong barkada.

Hindi ko kayang tingnan sila ng isa-isa. Nakakahiya. Nahihiya ako dahil hawak ni Koko ang kamay ko. Si Koko na walangyang jejemon. Okay, fine, this isn’t so bad. Hindi ako dapat mahiya dahil mukha namang jejemon din ang mga ito. Binawi ko ang kamay ko kay Koko. Hindi niya pinansin ang ginawa ko.

“Guys, ito nga pala si Chesca.” Ngumisi si Koko sabay madramang yumuko.

“Sino yan, Koko? Taga kabilang bayan?” May bahid na pangungutya na sinabi ng isang matangkad na babae sa kay Koko.

Inangat ko ang mukha ko para sa wakas ay tingnan silang lahat, isa, isa. Nakita kong nakangisi ang halos lahat ng nandoon. Walong nakangising babae ang nakita ko. Yung iba ay nakatayo, yung iba ay nakaupo sa upuan ng canteen. Limang lalaki din ang nakangisi pero may isang nakaupo na ngumunguso at pinagtataasan ako ng kilay. Nakanguso siya kahit alam kong natatawa din siya.

And I cannot deny it… He’s damn good looking! Unti-unting napaawang ang bibig ko sa kakatitig sa kanya. Napansin ko rin ang paunti-unti niyang pagtapik sa canteen table gamit ang kanyang mga daliri na para bang may hinihintay siya.

“Hindi, si Chesca ay taga Maynila.”

Napatingin ako kay Koko. Thank God! Hindi na ako titingin pa ulit sa lalaking iyon. Baka ma loka ako. Biruin niyo? Relief pa sa akin ang pagmumukha ni Koko. Nakakatawang isipin.

Hindi naman ako madalas na napapatunganga ng isang lalaki. Noon pa man ay hindi ko na talaga ugaling maghanap ng gwapo para kalokohan sila. Naniniwala akong kahit sino pa yan, basta mahal ako at mabait naman ay okay na sa akin. Siguro, yung mga babaeng tulad ko ang paniniwala ay nabibiyayaan ng gapong boyfriend. Kaya nandyan si Clark Joson, gwapo, at in love sa akin. Siguro, yung mga choosy sa mukha ang mas madalas na minamalas. Yung hindi choosi’ng tulad ko ay siniswerte naman.

Well, as for Koko. Hindi ko siya matatawag na sobrang pangit. Hindi ko rin siya matatawag na gwapo. Let’s just say, he’s mediocre. Pero yung lalaking nakanguso at nakaupo? Hindi ko na talaga maexplain. Gusto ko na lang matawa sa kabaliwan.

“GF mo?” Tanong ng matangkad na babaeng may hawak na suklay at may malaking ribbon headband sa buhok.

Oh, please! Ngumisi ako.

“Hindi… pa.” Kumindat si Koko at inakbayan ako.

Napatingin agad ako sa kamay niya sa balikat ko. Malagkit iyon. Hindi literal pero feeling ko may bahid iyon ng kamanyakan. Hinawi ko agad iyon. Napawi ang ngisi ni Koko lalo na nang nagtawanan na silang lahat sa table.

Shit! Hindi nga pala… Oo nga pala… Dapat ko nga palang kunin ang loob niya.

“Ah! Not so fast, Koko.”

Kinilabutan ako sa sinabi ko. Parang gusto ko na lang lamunin ng lupa. Sino ba kasing may planong ganito? Naisip ko ulit ang pagmumukhang traydor ni Craig. That evil brat. Pero ito din naman ang desisyon ko. Kasi gusto ko ng umuwi ng Maynila, umuwi kay Craig, hindi ko na kaya dito. Kailangang sa madaling paraan ko makuha yung titulo. If this is what it takes to be with him, then I’ll do it.

“Bakit? Manliligaw muna ako?” Tumaas ang kilay ni Koko.

“Hmmm… Oo.”

Parang umaalis ang kaluluwa ko sa katawan ko. Para bang hindi ko matanggap ang pinagsasabi ko na pati ang kaluluwa ko ay iniiwan na ako.

“UYYYY! SA WAKAS!!! IN LOVE NA SI KOKO!!!” Hiyawan ng mga nasa table.

Napawi ang hiyaw nila ng tumayo ang lalaki.

“Saglit lang, ginugutom ako.”

Nagsitayuan ang mga babaeng nasa paligid niya at mga lalaking kaibigan niya. Kinagat ko ang labi ko nang nakita kong tumayo siya para tumalikod papunta sa cashier ng canteen.

Nakita ko ang buhok na pamilyar sa akin. Yung buhok ng lalaking nangangabayo kahapon. Yung buhok na may buntot.

Sayang! Sobrang gwapo pero ayaw ko talaga sa hairstyle niya, huh!

“Hector, anong kakainin mo?” Malambing na tanong ng babae.

Nilingon niya ang babae at napaawang ulit ang bibig ko nang mas nakita ko ang mukha niya. Hindi siya kayumanggi pero hindi rin siya sobrang puti. Tamang tama lang. Yung tipong kutis na gugustuhin ko imbes na magkaroon ng maputlang balat (tulad ng meron ako). Mamula-mula at makinis. Pulang pula din ang kanyang lips. At bawat pagkurap ng kanyang mata ay parang tumitigil ang oras. Napatingin siya sa akin. Siguro ay naagaw ko ang atensyon niya nang nakita akong laglag pangang nakatulala sa kanya.

“Depende kung anong nakahain.”

Tumaas ang kilay niya sa akin. Mabilis na kumalabog ang puso ko sa kaba. Napakurap kurap ako. Kinagat niya ang labi niya at pinilig ang ulo bago pumihit ulit papuntang cashier.

Kahit na humahakbang na siya palayo ay dinig na dinig ko parin ang aftershocks ng kalabog ng puso ko. Bakit ako kinakabahan ng ganito?


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: