End This War – Kabanata 18

Kabanata 18

Hanggang Saan

Kumunot ang noo ko sa ginawa at sinabi ni Hector. Lalong lalo na nang nakita ko parin ang galit sa mga mata niya habang paalis na si Koko.

Alam ko ang ginawa niya para sa akin. Kaya lang hindi ko mapigilang umiling at talikuran siya.

“Chesca?” Sumunod siya habang tinatawag ako gamit ang nagtatanong na tono.

“Yes?” Hinarap ko siya at nginitian ng plastik na ngiti.

Kumunot ang kanyang noo at nakapamaywang niya akong pinagmamasdan. “M-May problema ba?”

“Wala.” Nag iwas ako ng tingin at inayos ko ang bag ko. “Sige na, Hector. Papasok na ako.” Sabay muwestra ko sa classroom na punung puno ng usiserang nagtatago na feeling nila ay hindi sila nahahalata.

Kung may hindi nakakahalata ay si Hector na iyon. Ang manhid niya, sobra. Ni hindi niya man lang nakikita ngayon na may umiiyak sa gilid habang dinadaing ang pangalan niya. Nagpalipat lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa pero nakatitig lang siya sakin habang papasok ako sa pintuan.

Gusto kong ngumuso sa babae para makita niya naman o mapagalaan lang ng kanyang tingin pero hindi ko magawa dahil masama ang titig ng ibang babae doon sa akin.

Umupo na lang ako sa gilid habang pinagmamasdan siyang nakapamaywang na pinagmamasdan din ako galing sa labas.

“Chupi.” Bulong ko sa sarili ko habang kinakawayan siya para malamang gusto ko na siyang umalis.

Pero ang mokong ay pinagtripan pa yata ako. Humilig siya sa pader at pinagtaasan ako ng kilay.

“Dito lang ako.” Sigaw niya sakin.

Tahimik na pinagtitinginan kami ng mga tao. Nag facepalm na lang ako at hinayaan siyang nandoon hanggang sa pumasok na ang professor. Kung hindi tumunog ang bell ay hindi siya aalis doon. Siguro ay tatambay na lang siya hanggang sa matapos ang klase.

Buong klase ay wala akong ginawa kundi tumunganga at paglaruan ang ballpen ko.

Kung bakit napangiwi ako sa mga sinabi at ginawa ni Hector kanina? Maraming dahilan at mahirap sila iorganisa lahat.

Una sa lahat, hindi ako nagmamayabang pero maraming nanligaw sa akin noong highschool. May iilan sa kanilang matagal ko ng kaibigan, pero may iilan ding kakakilala ko pa lang ay lumalandi na at nagpaparamdam na agad agad. Kaya naman hindi ko sineryoso si Koko. Pakiramdam ko, hindi pagmamahal ang naramdaman niya sa akin kundi infatuation lang. Totoong niloko ko siya pero isang linggo pa lang iyon at umamin agad ako na ayaw ko naman talaga sa kanya. I get it, hindi naman sa dahil lang sa iksi ng panahon ay hindi siya in love sa akin, pero based on experience, ganun talaga. Mas maiksing panahon na magkasama kayo, mas malaki ang chance na maka move on kaagad.

Umabot pa ng isang taon ang pagkakaibigan namin ni Clark bago siya nanligaw at sinagot ko. Iyon ang naging batayan ko. Iyon ang tunay na pag ibig.

WAIT! Scratch that!

Napakamot ako sa ulo.

It’s not love! Kung mahal niya ako bakit ganun ang ginawa niya sakin? Let’s say may pangangailangan siyang hindi ko natugunan. Pero damn it! Can’t he wait? Let’s say he’s drunk at naakit lang siya! Damn it again! Kung mahal mo yung tao, kahit anong mangyari di mo siya pagtataksilan!

Or maybe it’s me? I need to grow up? Na natural lang iyon sa isang mature relationship… Na pwedeng sa isang pagkakataon ay mangaliwa ang lalaki kasi ganun sila. At nasa sakin iyon kung tatanggapin ko. Walang perpektong relationship. Lahat ng sweet na mag asawa o di kaya’y mag karelasyon ay dumaan sa ganito. Pinili nilang patawarin ang isa’t-isa kaya nakapagpatuloy sila at naging matatag ang kanilang relasyon.

Sumikip ang dibdib ko sa kakaisip at nagpasyang tigilan ang pag iisip. It still hurts…

Lumipas ang ilang linggo at walang ginawa si Hector kundi ang umaligid sa akin. Tuwing mag kaklase naman kami ni Koko, palagi siyang nasa gilid at nakikipaglampungan kay Abby habang ako ay nag coconcentrate sa sinasabi ng prof.

At sa mga araw na magkaklase naman kami ni Hector ay wala siyang ginawa kundi ang biguin ang grupo nina Kathy.

“Ako na ang magdadala sa gamit mo.” Aniya isang araw nang dumami ang books na dala ko.

Kanina ko pa napapansin ang babaeng kasama ni Kathy na namumugto ang mga mata habang silang dalawa naman ng isa pa niyang kaibigan ay titig na titig sa akin habang nakahalukipkip.

“Wag na.” Sabay kuha ko sa libro ko.

Kinuha niya ito pabalik, “Ako na!”

Kumunot ang noo ko at inilayo ito sa kanya.

“Ako na, Chesca!” Matama niyang sinabi.

Binawi ko ulit ito pero pinilit niyang kunin iyon sa mga kamay ko.

Bigla kong naramdaman ang mainit na kamay na nakapatong sa kamay ko. Nakatitig siya sa akin at nakaawang ang bibig habang hawak hawak niya ang kamay kong nakahawak din sa mga libro.

Lumunok siya, binitiwan ang kamay ko at nag iwas ng tingin. Ngumuso ako.

Gaya ng sabi ko, weird ang mga ikinikilos ni Hector. Ang dahilan kung bakit hindi ako lubos na naniniwala sa kanyang mga motibo ay dahil mismo sa aming dalawa. Kilalang magkalaban ang Alde at Dela Merced sa lupain ng Alps. Hindi kaya alam niyang may ganoong plano ang pamilya ko? Hindi kaya alam niyang pinag isipan naming paibigin siya para lang makuha ang titulo? Alam niya kayang napagkamalan ko ang ranchero nilang si Koko na isang Dela Merced?

Isa pa, kung hindi niya man iyon naiisip, hindi kaya namamanyakan lang siya sakin? Nagkaroon na kaya siya ng girlfriend? Sa dami ng may gustong babae sa kanya dito, may pinatulan kaya siyang isa? Tunog porn star ang pangalan niya kaya hindi ko pwedeng kaligtaan ang detalyeng ito. Ho-ho!

Isa pa, masyado niyang ginagamit ang authority niya laban kina Koko at sa iba pang kaibigan niya. Alam niyang importante siya. Alam niyang kaya niyang talikuran ang lahat nang hindi siya tinatalikuran kahit nino. Tuwing nasa canteen ay lagi siyang nasa gitna ng kabarkada niya. Batid ko na nandoon parin si Koko sa kanila kahit na may kagaguhan siyang ginawa dito. At nakita ko rin na hindi na sila gaanong nag uusap. One reason might be because of Abby. Masyadong busy si Koko sa paghahawi ng tinitipus na buhok ni Abby habang pinapaypayan nito si Koko kaya hindi na sila gaanong nakakapag usap ni Hector. Another reason is because Hector will always… always find a way to be with me.

Nang nakita niyang mag isa ako sa isang tabi (like the usual) ay tumatayo siya sa kalagitnaan ng pag uusap ng kanyang mga barkadang sina Oliver, Mathew, Kathy, at iba pang kagrupo niya para lang pumunta sa akin at umupo sa harapan ko nang nakangisi.

“Pahingi nga ng number mo.” Pamubungad niya sa akin pagkaupo niya sa harapan ko.

Nakita ko ang laglag na panga ni Kathy habang pinagmamasdan kaming dalawa. Maging ito ay hindi niya makita.

“Matagal ko ng tinalikuran ang pagse-cellphone.” Sabi ko.

“Bakit naman?” Tanong niya.

“Wala lang. Wala namang signal dito.” I lied.

Nagkasalubong ang kilay niya, “Meron.” Sabay pakita niya sa kanyang mamahaling cellphone.

“Good for you.” Sabay subo ko ng pagkain.

“Bakit ang hard mo sakin?” Tumaas ang kilay niya.

Tiningnan ko lang siya habang umiinom ng tubig.

“Ang sweet mo kay Koko noon kahit alam kong di mo siya gusto. Contradicting ka. Ibig sabihin gusto mo ako dahil ang taray mo na sakin?”

Halos mailuwa ko ang tubig sa mukha niya. Nakita kong nag igting ang panga niya sa biglaan kong pagtawa.

“Oh my gosh! Bakit mo naman iyon naisip?”

“Bakit? Hindi ba?” Seryoso niyang tanong.

“Tol, Practice!” Biglang nagmaterialize si Oliver sa gilid naming dalawa.

Pinaikot niya ang bola sa kanyang hintuturo habang nakatingin kay Hector. Nasa likod niya ang iba pang mga katropa at kasama ni Hector sa basketball team ng Agri Business.

“Shoo, Hector!” Sabi ko sabay kaway sa kanya at kindat.

Seryoso parin ang tingin niya sakin. Ni hindi man lang siya nag abalang tumingala sa mga lalaking nasa tabi niya.

Inisa isa ko ang mga lalaki. Nakita ko ang isang lalaki sa isa kong klase na kumikindat kindat ng palihim sa akin. Inirapan ko iyon kahit na alam kong may itsura din ito. Habang iginagala ko ang paningin ko ay hinawakan ni Hector ang baba ko at iginiya niya ang mukha ko para siya naman ang tingnan ko.

Nagulat ako sa ginawa niya. Lalo na nang nakita kong seryoso siya. Kinilabutan ako sa pagseseryoso niya.

“You don’t just shoo a Dela Merced.”

Kumalabog ang puso ko. Bakit tuwing nag eenglish siya ay pakiramdam ko galit na galit siya? Para bang nagbabanta siyang sumabog. Ang pag eenglish ang timer ng bomba.

Now I get it. Lumaki siyang hari ng Alegria. Itinuturing siyang prinsipe at tanging tagapagmana ng malawak na rancho ng Dela Merced. Hindi siya sanay na binabasta basta. Ito ang rason kung bakit hindi maka angal ang mga kaibigan niya dahil halos silang lahat ay naiisip na dapat siyang pangalagaan. Kaya ayan at lumilitaw ang authoritative side niya, bossy side.

“But I’ll forgive a Chesca.” Ngumisi siya at umiling bago tiningnan ang mga lalaking nasa tabi niya. “Ano?” Tanong niya nang nakataas ang kilay.

Uminit ang pisngi ko. Alam ko kung bakit tahimik sila. Iyon ay dahil nasaksihan nilang sinuko ni Hector ang bandera ng Dela Merced para sa akin. Nahulog ang bolang umiikot sa kamay ni Oliver kaya hinabol niya ito pababa ng canteen.

“Y-Yung practice?” Sabi ni Mathew.

“Ah? Sige susunod na ako.” Aniya.

“Pero sabi ni coach dapat nandun ka.”

“Susunod lang ako, Mathew. Pakisabi kay coach.” Mariin niyang sinabi.

Tulala ako sa kawalan habang nipoproseso sa akin ang lahat ng aksyon niya. Yes, that’s it. At tungkol sa kung anong motibo niya at bakit siya nagpaparaya sa akin? Iyon ang aalamin ko! I’m pretty sure this isn’t love at first sight. Marami na akong experience kumpara sa bukid ng Alegria. Alam ko ang totoo at ang hindi. Alam ko kung paano kumilatis ng katotohanan sa kasinungalingan.

Hanggang saan ka Dela Merced? Hanggang saan ang kaya mong gawin para sakin? Para sa lupa namin? Para makuha ang loob ko?

Ngumisi ako. Kumunot ang noo niya sa ngisi ko.

“Anong iniisip mo?” Tanong niya.

Nagkibit balikat ako at mas lalong ngumisi.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: