End This War – Kabanata 17

Kabanata 17

Ako Lang

Kinabahan ako sa sinabi ni Hector sa akin. Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya o totohanan na. Tuwing tinitingnan ko siya ay lagi siyang nang aasar.

“Tomboy.” Tawag niya sakin habang nag da-drive siya papunta sa amin.

Hindi ko na kinailangang ituro sa kanya ang daan patungo sa bahay. Alam niya na kung saan dadaan. Kaya wagas lang ang pang aasar niya sakin habang nasa daan.

“Hindi nga sabi ako tomboy!” Inirapan ko siya.

“O kung di ka tonboy, ba’t ayaw mo sakin?”

“Ayaw ko nga sabi sa lalaki in general! Hindi ka exempted!”

“Bakit?” Tumaas ang kanyang kilay nang sinulyapan ako.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Hindi ako makapag taray nang maayos dahil naiisip ko na naman ang sabay na pag galaw ni Clark at Janine sa kama. Kinagat ko ang labi ko.

“Wala lang.”

“Sinaktan ka ba ng first love mo?” Tanong niya.

Nilingon ko siya, “Shut up.”

“O baka naman binasted?” Tumawa siya.

“Tsss.” Hindi ko na siya pinatulan.

Lagi kasing bumabalandra sa utak ko ang nangyari sa amin ni Clark. Ang nangyari sa kanila ni Janine. At lagi kong naaalala na hindi pa nag iisang linggo iyon. Kakabalik ko na sa Maynila at sariwang sariwa pa ito. Hindi ko parin matanggap.

“Chesca?” Mas seryosong tanong ni Hector.

Napatalon ako sa sobrang gulat sa pagtawag niya sa akin. Mabilis akong bumaling sa kanya at nakita kong seryoso ang mukha niya. Napansin ko ring tumigil na sa pag andar ang sasakyan.

“Ah! Dito na pala ako.” Sabi ko sabay tulak sa pintuan pero bago ko tuluyang naitulak iyon ay hinawakan niya ang braso ko.

“Binasted ka ng first love mo?”

Kumunot ang noo ko sa seryoso niyang tanong. Tumawa ako at umiling.

“Adik ka ba?” Hinawi ko ang kamay niyang nasa braso ko.

Tumaas ang kilay niya.

“Wala. Sige na. Salamat.” Sabi ko sabay sarado sa pintuan.

Tinted ito kaya hindi ko na siya makita sa loob. Kaya lang ay binaba niya agad ang bintana at naaninag ko na naman ang mala diyos niyang mukha. Sa ilalim ng mahinang liwanag galing sa poste namin ay kumislap ang bawat pag kurap ng kanyang mata at ang bawat pag hinga niya.

He was so damn gorgeous. Kahit na madilim ay hindi mo iyon maipagkakaila. Lalo na siyempre kapag maliwanag. Pero walang tatalo sa kagwapuhan niya tuwing seryoso o di kaya ay galit. Nakakangatog ng binti at parang gusto mo na lang matawa sa kabaliwan? Is that even possible? To be this gorgeous?

Nanliit ang mga mata niya at umambang may sasabihin pa pero tinalikuran ko na siya at kinawayan.

“Salamat sa pagpapalaba ng uniform ko.” Sabay pakita sa malinis at mabango ng uniform. “A-At sa pag papa… uhm… ligo… I mean… gamit ng banyo.”

Uminit ang pisngi ko at agad ng pumasok sa gate. Ilang sandali pa bago siya umalis. Sinilip ko siya ng umalis na. At nang tuluyan nang nawala ang sasakyan ay humugot ako ng malalim na hininga at umambang papasok na sana nang bigla akong sinalubong ni Craig at Teddy!

Marahang pumapalakpak si Craig at humahalukipkip naman si Teddy.

“Ate? Naliligo ka na sa bahay ni Hector?”

Kinagat ko ang labi ko. Nakikinig ba sila kanina pa dito?

“Tigilan ninyo ako!” Nilagpasan ko ang nagtatawanan kong pinsan at kapatid.

Alam kong mukhang sinusunod ko ang mga payo nila. At kahit anong paliwanag ko na hindi ko sila sinusunod ay hindi sila maniniwala.

“Sige ka! Kung di mo susundin yung plano namin, ikaw ang maiinlove sa kanya. At baka sa kanya pa mapupunta ang lupa habang iniiwan kang luhaan.” Iyon ang linya ng lintek kong kapatid.

Noong una akala ko ayaw niya kay Clark dahil may nararamdaman siyang kataksilan sa presensya nito. Pero ngayon, napagtanto kong, hindi, ayaw niya kay Clark kasi gusto niyang paglaruan ko muna si Hector dito. Because they want the damn land!

Kinabukasan, dinalaw ulit ako ng kaba habang papasok sa school nang pinagtitinginan at pinag uusapan. Ano na naman kaya ngayon? Ano na naman kaya ang sasalubong sa corridor ko? Baka naman ngayon ay paglaruan na ang gamit ko.

Hindi parin tumigil ang kanilang pagbubulungbulungan pero ipinagkibit balikat ko na lang ito.

“Hmmm… I love you, Abby.” Ito ang medyo malakas kong naririnig sa corridor umagang umaga.

Wala naman akong pakealam sa mga naririnig ko. Pero pagkaliko ko, bumalandra agad sa akin ang nakasandal sa dingding na si Abby habang ikinukulong siya ni Koko sa kanyang mga bisig.

Napa head to foot talaga ako dahil sadyang cannibalistic ang term na naiisip ko habang pinagmamasdan ko ang isang binti nilang magkadikit at ang kayumangging braso ni Koko na naka salida malapit sa balikat ni Abby.

Pulang pula ang kanyang pisngi at mapupungay ang mga mata niyang tutok na tutok kay Koko. Nilingon pa ako ni Koko at pinagtaasan ng kilay bago inulit ng mas malakas ang kanina niya pang sinasabi.

“I love you, Abby.”

“I love you too, Koko.” Padaing na sinabi ni Abby.

Halos umismid ako sa pangingilabot sa dalawa. Naaalala ko kasi ang isang movie na may mga cannibal ang bida. Hindi ko alam kung bakit iyon ang naaalala ako sa tanawin nila. Halos matawa ako sa iniisip ko pero nang makita kong pinag bubulung bulungan na naman ng ibang tao ang pangalan ko ay agad akong nabanas.

“Napangiwi siya, nagseselos! Ayan! Sige! Magsisi ka ngayon!”

“Haha! Nagseselos! Kitang kita sa mukha niya.”

Halos magputukan ang ugat ko sa sinasabi nila pero hindi ko na pinatulan. Lalo na tuwing naaalala ko yung cannibal sa movie. Para akong kinikiliti.

Kinurot ko na lang ang sarili ko para mapigilan ang tawa ko. Pero ilang sandali pang paglalakad sa corridor ay namilog ang mga mata ng mga tao sa paligid. May nakita akong nanigas at napamura. May nakita din akong nagtakip ng nakaawang na bibig.

“Ano bang meron at bakit wagad na lang ang reaksyon ng mga ito?”

Siguro may bubuhos na naman ng ihi ng kabayo galing sa likuran. Bago pa ako makalingon ay may naramdaman na akong init sa gilid ko. Halos matalisod ako nang nakitang si Hector iyon na medyo hinihingal pa.

Bahagya akong tumabi. Nilingon niya ako at tumaas ang kilay niya.

“Naligo ka naman siguro ngayon?” Tumawa siya at humakbang palapit sa akin.

Lumayo ulit ako. Parang habang tumatagal ay lalo siyang gumugwapo. Lalo na syempre ngayong clean cut ang ang buhok niya.

Humakbang ulit siya palapit.

“Useless ang paglayo.” Ngumisi siya.

“Anong kailangan mo sakin?” Nagpatuloy ako sa paglalakad.

Ngayon, alam ko na kung anong tinitingin tingin ng mga tao. Yung mga babaeng nakakasalubong ko sa hagdan pataas ay dumidikit pa talaga sa dingding para makadaan ako ng maayos.

“Kailangan ba ng kailangan para dumikit sayo?”

Tumigil ako nang nakarating na sa second floor kung saan ang klase ko (na hindi ko kaklase si Hector).

Narinig ko ang pangalan naming dalawa na pinag uusapan sa magkabilang banda ng building. Naririnig ko iyon dahil medyo malakas ang pagkakasabi ng mga tao. Pero itong si Hector, parang walang naririnig kung makatingin sa akin.

“Hector, wag mo nga akong bolahin! Hindi tayo magkaklase sa klase ko ngayon. Sa first floor ka diba?”

“O, edi di ka ba pwedeng ihatid?” Ngumisi siya.

Bumuntong hininga ako at napatingin sa mga tao.

Damn it! Nawawala ang mga tao sa paligid namin. Para bang sa sobrang takot nilang madaanan ko sila at ni Hector ay umaalis sila sa vicinity.

“Hector…”

Sabay kaming napalingon ni Hector sa isang lalaking kakaakyat lang sa hagdan. Nakita naming dalawa na hinihingal si Koko sa pagmamadali sa pag akyat. Nakita ko ang pagkuyom ng panga ni Hector.

Shit lang, ha! Ang gwapo niya tuwing nagagalit. Nangangatog ang binti ko. May taong ganito pala? At teka? Bakit siya galit?

“K-Kayo na ba ni Chesca?” Medyo kinakabahang nagtanong si Koko.

“Bakit? May problema ka dun?”

Kumunot ang noo ni Koko, “P-Pero…” Suminghap siya at tinuro ako bago nagsalita, “Kita mo naman ang ginawa niya sakin diba?”

“Kitang kita ko.” Matamang sinabi ni Hector.

Napaawang ang bibig ni Koko at napatingin sa akin.

“Kaya nga mas lalo ko siyang nagustuhan.”

“HA?” Ginulo ni Koko ang kanyang buhok at marahas akong tinuro turo. “HECTOR! GINAGO AKO NG BABAENG YAN AT NAGUSTUHAN MO IYON!”

Halos ma heart attack ako nang biglang marahas at mabilis na hinawi ni Hector ang kamay ni Koko na nakaturo sa akin.

Nakita kong mas lalong nagalit si Hector. The way his jaw clenched and the way he gripped his fist… nakakalaglag ng panga.

Yes, laglag ang panga ko habang nakatunganga kay Hector habang galit na galit siya. Nag aalab ang apoy sa kanyang mga mata habang napapaatras si Koko.

“Wag na wag mo siyang maturo turo, Koko. Malinaw ko nang sinabi kahapon, na ako lang… at ako lang… ang makakagalaw sa kanya. Ni pagtuturo, hindi ko pinapahintulot iyon sayo… at kahit kanino.”

Malakas niyang tinulak si Koko.

“Anong… ka…” Kumunot ang noo ni Koko.

Dadagdagan niya pa sana iyon pero nang nakita niya ang galit sa mukha ni Hector ay umatras siya at yumuko.

“Sorry, Hector.” Bago umalis.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: