Mapapansin Kaya? – Kabanata 56

Kabanata 56

Tanggap na!

Naging busy ako sa pag gawa ng mga designs. Sineryoso ko yung suit ni Wade. Kagit jacket lang naman talaga yung gusto niya, mas matagal ko iyong ginawa kesa dun kay Adam. Sinumulan ko na rin yung kay Shan.

Design pa lang ang gagawin ko kasi di ko pa siya nakukunan ng sukat.

“Eto ba yung kay Wade?” Tanong ni Liam habang pinapanood akong ginagawan ng design yung kay Shan.

“Uhm, oo.”

Pinagmasdan ko siya. Hinawakan niya iyon. Naaasiwa ako habang hinahawakan niya yun, para bang hindi ako kumportable.

Sinoot niya yun at nabigla ako nang kasya pala iyon sa kanya.

“Pareho pala kami ng sukat ni Wade.” Ngumisi siya at pinagmasdan ang sarili niya sa salamin.

Tama si Liam, halos magkapareha lang sila ng frame sa katawan ni Wade. Magkasingtangkad lang din sila. Halos magkapareha talaga ang dalawa.

“So? Anong oras tayong pupunta kay Shan?” Tanong ni Liam sakin at hinuhubad yung suit ni Wade.

Tinulungan ko siya sa paghubad para maayos ko at maligay sa tamang lalagyan.

“Bait talaga ng Reina ko.” Sabay kurot niya sa pisngi ko.

Ngumisi ako, “Tumigil ka nga, Liam.”

Kinurot niya naman ang ilong ko, “At dahil diyan, ihahatid kita doon sa office ng manager ni Shan. Saang building nga iyon?”

“Naku! Wag na!” Sabi ko. “Kaya ko namang mag drive.”

“Live up to your name, Reina. You’re a REYNA, dapat kang tinatratong ganun. So let me drive, alright?”

Nagpuppy eyes si Liam sakin. Umiling ako at ngumisi. Ang kulit talaga ng isang ito.

“O sige.”

Hindi kami laging nagkikita ni Wade dahil busy siya sa recording para sa lalabas na album. Ang alam ko, sa awards pa ang susunod naming pagtatrabaho. O di kaya sa photoshoot ng album cover nila. Busy siya, at okay lang din sakin kasi busy din ako. Minsan, hindi ako mapakali at iniisip ko kung anong ginagawa niya pero hindi niya ako binibigo. Palagi siyang may text sakin, madalas din siyang tumawag. Bumibisita din siya sa labas ng bahay. Oo, hindi ko siya pinapapasok dahil ayokong may kabalbalang gawin si Rozen saming dalawa. Pwera na lang kung hinahalungkat ni Rozen yung CCTV namin sa may gate, baka alam niya ng may katagpuan ako sa labas ng bahay namin gabi-gabi.

“Wala ka na bang naiwan?” Tanong ni Liam sakin nang pumasok ako sa sasakyan niya.

“Wala na.”

Tambak na sa kwarto ko yung mga bulaklak at gifts na binibigay ni Wade. Hindi na nga ako nagpapapasok dahil ayaw kong may gumulo sa mga ito.

Binansagan na nga ni Coreen yung kwarto ko as Bodega ni Rivas. Ewan ko ba sa lukaret na iyon. Dalawang linggo ng di nagpaparamdam. Puro instagram ang inaatupag. Naka deactivate pa yung Facebook.

Inspeaking of Facebook, walang ganun si Wade. Kung meron man, puro fan page at posers iyon. Mga ilusyunadang nagpapalitan ng matatamis na salita si Wade at Shan kaya hindi na rin ako naging interesado sa Facebook.

Tulad ni Coreen, mas gusto ni Wade yung instagram. Iyo nga lang, hindi niya kinukunan yung sarili niya. Mas madalas yung mga lugar at mga bagay o pagkain ang pinopost niya.

Tinignan ko sa iPad ko yung mga updates niya doon, isang linggo ang nakakaraan.

“Reina?” Untag ni Liam sa kalagitnaan ng pag di-drive niya.

Sumulyap siya sakin gamit ang kumikislap na mga mata.

“Hmmm?”

Sinarado ko yung iPad.

“Ang ganda mo…” Binigyan niya ako ng matamis na ngiti.

Uminit ang pisngi ko sa biglaan niyang sinabi, “Weh? Di naman!” Nag iwas ako ng tingin.

“Totoo. Noon pa, maganda ka naman talaga. Pero mas lalo kang gumanda ngayon.”

Napalunok ako at sinubukang tignan ang nakangising si Liam, “Liam! Bolero ka talaga!”

Tumawa siya.

Hinampas ko ang braso niyang nakahawak sa manibela. Hindi na siya nagsalita. Tawa lang siya nang tawa. Ilang sandali, nang humupa na yung tawa niya…

“Seriously, you really are beautiful, Reina.”

Tumindig ang balahibo ko sa sinabi niya. Hindi ko maalala kung may taong nakapagsabi ba saking ganun. Si Rozen, malamang. Si Coreen, Oo. Si Hugo din. Yung mga kapamilya ko. Pero hindi ko kailanman iyon natanggap ng ganito ka seryoso ang tono.

“Thanks…”

Tumigil ang sasakyan dahil sa bumabarang traffic. Sinamantala ni Liam ang pagkakataong iyon para harapin ako at haplusin ang mukha ko.

Natigilan ako sa ginawa niya. Hinintay ko ang pagsasalita niya pero tahimik niya lang na hinaplos ang mukha ko. Unti-unti niyang nilapit ang mukha niya sakin.

Lumakas ang pintig ng puso ko sa kaba… Masyado ng malapit ang mukha niya. Nanlaki ang mga mata ko. Ayaw kong isipin pero hindi ko maiwasan. HAHALIKAN NIYA BA AKO?

Kinagat niya ang labi niya. Napatingin ako sa harapan at nakitang tumakbo na ang nasa unahang mga sasakyan at jeep.

Pinaandar niya din agad ang sasakyan niya nang walang imik. Dumating kami sa building ng walang imikan. Kaba lang ang tanging naramdaman ko sa buong byahe namin papunta doon.

“Sa reception area ako maghihintay.” Unang salita niya nang tumunog ang elevator at nakarating kami sa 3rd floor ng building kung saan nandito yung opisina ng manager ni Shan.

“O-Okay.” Hindi ko siya matignan ng matagal.

Dumiretso na ako sa opisina. Bumungad sakin ang mukhang nagmemeeting kilalang producer, manager ni Shan at si Shan mismo.

Lumaki ang ngisi ni Shan nang nakita akong pumasok.

“Uh, sorry, nakaistorbo ba ako?” Kabado kong tanong.

“Hindi no! Come here, Reina.” Sabay tapik ni Shan sa sofa na tabi niya.

Tumango ako at lumapit. Hinawi niya ang kanyang buhok at tumingin sakin.

“May design ka na ba?” Tanong niya.

“Oo. Uh, may tatlo. Pumili ka na lang. Ano ba yung gusto mo?”

Kinuha ko ang mga sketch ko para patignan sa kanya.

“Patingin.”

Malamig ang kamay niya nang nahaplos niya ang kamay kong nakahawak sa sketch pad. Ngumisi siya nang naramdaman din iyon.

“Hmmm…” Pabalik-balik niyang tinignan ang tatlo.

Seryosong nag uusap ang producer at ang manager ni Shan. Siya naman, panay ang pili sa mga gawa ko.

“Uhm, eto.” Sabay turo niya sa isang dress na may deep v neck.

Tumango ako.

“Gusto ko minimal lang yung design. Mas mabuti kung plain at konti lang ang sequins.” Ngumisi siya at namangha ako sa kanyang mukha.

Ang ganda niya talaga. Kaya nga artista diba? Bawat pagsasalita niya pa ay lumilitaw ang dimple niya. Naaalala ko tuloy si Wade. Simpleng galaw lang ng pisngi, lumilitaw agad yung dimple. Kung magkakaanak itong dalawang ito, baka may dimple din anak nila.

OMG! Bakit ko iyon naiisip? No. Way. Hindi ko maimagine na may ibang kinahuhumalingan si Wade.

“Ah! Lika!” Hinawakan niya ang kamay ko at tumayo siya.

Napatayo din ako sa biglaang pagtayo niya.

“Madame, may punta lang muna ako sa office ng Fashion Week.”

Tumango ang manager niya kaya’t agad niya akong hinigit palabas ng opisina.

“Alam mo, Reina. Mas gusto ko talaga yung mga batang designer kesa dun sa mga matatanda na. Mas open minded kasi yung designs at fresh. Madalas kasi, pag batikan at matanda na yung designer, mahal tsaka bparang inulit lang yung design.”

“T-Talaga?”

“Yes, well, opinion ko lang naman iyon.”

Nadatnan naming si Liam na nakaupo sa reception hall.

Tumayo si Liam nang nakita kaming dalawa.

“Tapos na ba?” Sabay tingin ni Liam kay Shan.

“Hindi pa…” Humalakhak si Shan. “Ngayon ko lang itatanong, magkakilala pala kayo ni Reina, Liam?”

Mag kakilala si Shan at Liam?

“Oo,” Napakamot sa ulo si Liam. “Family friend.” Dagdag niya.

“Ganun?” Tumawa siya.

Pumula ang pisngi ni Liam.

“Family friend nga lang ba? Baka mamaya sa isang buwan ikakasal na kayo.”

Umiling ako at tumawa si Liam.

“H-Hindi ah? Magkaibigan lang kami.” Sabi ko agad.

“Oh!” Nagpabalik-balik ang tingin ni Shan saming dalawa ni Liam. “Bakit pula kayo pareho?”

Umiling siya at hinigit ako ulit. Iniwan naming si Liam doon na nakatingin at nakaawang ang bibig saming dalawa.

“Uyyy! Guiltyng Liam.” Tumawa ulit siya. “Mahilig ka pala sa mga vocalist, Reina?”

“Uhm?”

Napaisip ako sa sinabi niya. Napatingin ako sa kanya. Bago ako makapagreact ay binubuksan niya na ang pintuan ng isang opisina.

“TADAAA!” Sigaw niya.

Bumungad sakin ang mga designs, models, designers at kung anu-ano pa ng isa sa pinaka prestihiyosong event sa bawat season ditto sa Pinas, ang Fashion Week.

“Hi!”

“SHAAAN! Darling!” Sabay halik sa kanya ng isang bading.

“Kira!” Nagbeso siya sa bading na iyon. “Hi!”

“Super ganda mo talaga! Blooming na blooming! Paano ba kasi, nasasatisfy ka ni… ehem.”

Napalunok ako dahil alam ko kung sino yung tinutukoy niya.

“Uy, wag kang maingay.” Tumawa si Shan sabay sulyap sakin.

“Hay naku! Dapat proud ka-“

Tinakpan ni Shan ang bibig noong bading.

“Kira!” Nakangiting saway niya.

Tumawa si Kira sa reaksyon ni Shan.

“Oh! Napadalaw ka dito? Gusto mong mag model?” Anyaya ng bading sa kanya.

Napatingin iyong bading sakin.

“Tapos na yung Last season ng Fashion Week, diba? Pwedeng pasingit ng kaibigan kong designer?”

Humalukipkip si Kira, “Sure! Basta ikaw! Basta ba kaibigan mo!” Kumindat si Kira sa kanya.

“Kaibigan din siya ni Wade, eh. Actually, bagong stylist niya. Kaya sana kung pwede-“

“WHAT? OF COURSE, PWEDENG PWEDE!” Pumalakpak si Kira sabay lahad ng kamay sakin. “I’m Kira, and you are?”

“Uhm, Reina E-Elizalde.” Nauutal kong pagpapakilala.

“Pasalamat ka’t kaibigan mo si Shan at Wade! Tanggap ka na! Sa susunod na season, ah?” Kumindat siya sakin.

Hindi ko alam kung mangingiti ba ako o malulungkot. For some reason, para akong nanggamit ng tao. Pero hindi ko naman iyon sinasadya. Gusto kong pumasok ng Fashion Week, pangarap koi to, pero bakit ganito ang nararamdaman ko ngayon?


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: