End This War – Ang Simula

Ang Simula

Nakipag high five si Clark sa mga kasamahang photographers nang natapos ang pageant. Sinusundan ko siya para kumbinsihin pero ayaw niyang makinig sakin.

“Clark, hindi ako makakapagcollege kung hindi ako uuwi doon.” Sabi ko.

Nakatalikod siya at nililigpit niya ang kanyang mga equipment. Nilalagay niya sa loob ng bag ang lens, sa isang bag naman ang camera. Binitbit niya rin ang dalawang tripod na dala niya. Sunod lang ako nang sunod sa kanya.

“Sige, dude!” Sabay ngisi at fist bump niya sa isa pang photographer.

Bumaling sakin ang photographer na iyon saka ngumisi. Nginitian ko na din siya.

“Sige, Ches, sama ba kayo mamaya sa after party?” Tanong niya sakin.

Ngumuso ako.

Gusto ko sanang makipag usap kay Clark para mapag usapan naming mabuti itong problema ko. Bago ko pa matanggihan ang alok ay tumango na si Clark sa photographer.

“Oo.” Wika niya.

Umalis ang photographer kaya bumaling ako sa boyfriend kong nagliligpit ulit ng mga camera. Ni hindi niya ako nililingon. Alam ko, galit siya. Ayaw niyang magkahiwalay kaming dalawa ng matagal. Gusto niyang dito lang ako sa tabi niya. Sweet. Kaya lang gusto kong maging praktikal. Kailangan ko ang opportunidad na ito kaya hindi ko iyon sasayangin.

“What?” Bumaling siya sakin at halatang iritado.

“Gusto kong mag usap tayo tungkol dito, Clark. Di pwedeng pumunta tayo sa party na iyon at hayaan na lang ito. Bukas agad ang alis ko papuntang Alegria.”

“I said no, Chesca. Ayaw ko.” Bumaling siya.

Nagtama ang aming mga mata. Nakita ko kung gaano siya ka seryoso sa kanyang titig sa akin.

“Ayaw kong umalis ka.” Aniya saka kinuha ang mga bag na nasa tabi niya. “Nakaya mo namang whole summer ng pa gig gig ka lang, ah? Kaya mo namang maging photographer o model. Kaya mong mabuhay nang di umuuwi doon.”

“Kaya ko! Paano ang pamilya ko? At, Clark, gusto kong mag college. Kung ikaw ay kaya mo kasi mayaman kayo at kumikita ka na, ako hindi. Hanggang sa community college lang ako doon sa Alegria. Hindi ko kaya ang malalaking unibersidad lalo na sa estado namin ngayon.”

“Then, I’ll pay for you, what’s wrong with that, Chesca?” Hinawakan niya ang baywang ko.

Nanghina agad ako sa haplos niya. Ngumuso ako. Nandito kami sa loob ng venue nitong prestihiyosong pageant na ginanap sa isang magarang hotel. Isa si Clark sa mga official photographers nila. At syempre, dahil supportive akong girlfriend ay nandito ako at nakaaligid sa kanya.

Siniil niya ako ng halik. Buti na lang at wala na gaanong tao. Nakaalis na ang lahat. Uminit ang pisngi ko sa ginawa niya.

Isang taon pa lang kami ni Clark pero pakiramdam ko ay ipinanganak na akong kasama siya. Ganun siguro talaga pag naging masyado ka ng dependent sa isang tao. Kahit na hindi naman ako yung tipong mag dedepende sa iba, hindi ko parin kayang itanggi na nitong nakaraang dalawang buwan ay dumepende ako sa kanya.

Nasa Alegria ang parents ko. Nandoon kasi ang negosyong inaalagaan nina mama at papa. Iyon nga lang ay pabagsak na ito. Hindi ko alam kung bakit. Imbes na mag co-college ako sa isang malaking unibersidad ay pinili kong sumunod doon at tulungan na lang sila sa gawaing bukid. At pinangakuan din naman ako ni mama na ipag aaral niya ako sa isang community college na bagong tayo sa Alegria.

“Tara na! Diretso na tayo sa Eclipse.” Anyaya niya.

Pinagmasdan kong mabuti ang magulo niyang buhok at ang dimple niyang lumilitaw tuwing ngumingisi. Umiling na lang ako at nagpatianod sa higit niya.

Dumating kami sa bar gamit ang sasakyan ni Clark. Nandoon na nga ang ibang mga kasama sa pageant. Maging ang isa sa mga nanalo ng titulo na kaibigan kong si Janine ay nakita kong sumasayaw sa stage at ipinapakita ang mahaba niyang legs.

“FRANCESCA ALDE!” Sigaw niyang umalingawngaw kahit na maingay sa loob.

Napalingon lingon ako sa hiya. Nakita kong pinag tinginan ako ng mga taong nandoon. Kinagat ko ang labi ko at nilagay ang ilang hibla ng buhok sa tainga bago lumapit sa kanya.

“Janine!” Bulong ko kahit panay ang nganga niya dahil hindi niya ako marinig.

Umiling na lang ako sa ginagawa niyang pagsasayaw sa tabi ng pole. Adik lang. Nahagip ng tingin ko ang dalawa ko pang kaibigan na si Desiree at Tara.

“Pagpasensyahan mo na ang kaibigan mong nilaklak yung isang bote ng Jose Cuervo.” Umirap si Desiree at hinawi ang buhok.

Umupo ako sa tabing highchair niya. Kumakain ng mani si Desiree habang abala sa cellphone si Tara. Bumaling ulit ako sa nagsasayaw na si Janine na ngayon ay pinaglalaharan ng kamay ni Clark. Lumingon si Clark sa akin at sinenyasan akong tinatawag sila ng isang top photographer. Tumango ako at sinundan sila sa titig habang umaalis.

“May offer siguro.” Utas ko kay Desiree. “In speaking of offer, balita ko tinanggihan mo daw yung offer ng isang tee company?” Naagaw nung tanong ni Desiree ang atensyon ni Tara. Ngayon, silang dalawa na ang nakatingin sa akin.

Nagkibit balikat ako, “Kailangan kong umuwi ng probinsya-“

Habang nagsasalita ako ay may biglang humigit sa braso ko. Nilingon ko agad kung sino at nakita ko ang kapatid kong nakasimangot.

Humugot ako ng malalim na hininga at binuga ang pangalan niya, “CRAIIIIIG!” Sigaw ko.

Siya ang nakababatang kapatid kong si Craig. At hindi ko alam kung bakit siya narito!

“Anong ginagawa mo dito?”

Narinig kong nagsinghapan ang dalawang kaibigan ko sa table pero hinigit na ako palayo doon ni Craig bago sila umalma.

“Obviously, lumuwas ako. Pinapasundo ka na ni mama. Bakit ka raw nagtatagal dito? Kailangan na raw ng transcript of records ang school na papasukan mo at…mag eentrance exam ka pa. Sa Lunes na kaya ang pasukan!”

Pinisil ko ang kamay ko sabay tingin kay Clark na ngayon ay seryosong nakikinig sa isang top photographer.

“Si Clark na naman ba, ateng?”

Sumimangot ako sa tawag niya sa akin. Ngumisi siya. Nang iinis!

“Wala ka talagang respeto-“

“Sumama ka na raw sakin. Ngayong gabi ang alis natin!”

“Ano ka? Kakaluwas mo lang dito tapos babalik ka agad? Tsss.”

Inirapan niya ako, “Yun ang bilin sa akin nina mama. Papalayasin ako doon sa oras na umuwi ako at wala ka.”

Umiling ako. Hindi ko kayang umalis. Hindi ko kayang iwan si Clark. Hindi pa kami nakakapag usap ng maayos.

“Kakausapin ko muna si Clark-“

“Hindi ba hindi siya pumapayag? Paano kung hindi ulit siya pumayag?” Tinaas niya ang kanyang kilay. “Hindi ka na naman ba uuwi? Ayaw mo bang mag college? Umuwi nga si Teddy para tulungan sina Tita Lucy. Tapos ikaw, dito ka lang?” May halong tabang ang tono ng boses ni Craig.

Alam ko. Siya itong may ayaw sa Alegria. Ayaw niya doon. Mahal na mahal niya ang syudad. Kahit ako, hindi ko naimagine na ang kapatid kong puro branded ang gamit at party animal ay ipag ha-highschool sa Alegria National High School. Wala namang kaso sa akin ang Alegria, iyon nga lang ay hindi ako sanay doon. Hindi ito ang unang pagkakataong makakaapak ako doon pero pakiramdam ko ganun. Hindi kasi kami madalas pumunta ng Alegria. Bukod sa malayo ito at mahal aksaya lang ng oras, pakiramdam din kasi nina mama at papa noon na hindi na namin kailangan pang bumalik sa Alegria. Nang iluluwas na sana si Lola Siling pa Maynila ay nagkasakit siya kaya umuwi si mama at papa, noon lang sila nakabalik ulit. Biglaan namang nagkaproblema sa negosyo kaya mas lalong kakailangan kami sa Alegria.

“Ganun ba talaga ka laki ang problema sa negosyo?” Ito ang tanong na noon ko pa gustong itanong kay Craig.

Ngumuso siya at nakapamaywang akong tinitigan.

Para bang hindi siya makapaniwala sa tanong ko.

“Chesca,” Iyan ang tawag niya pag seryoso na siya. “Para malaman mo, sa oras na mawala yung negosyo, ang bubuhay na lang sa atin ay yung mga manok sa bakuran nina Teddy. Kaya mag isip-isip ka na!”

Napalunok ako. Hindi ko talaga makuha kung ano ang problema sa Alps at bakit ganito kung makareact ang kapatid kong ito.

“Bakit? Ano? Natuyo ba yung spring?” Halos matawa ako sa sarili kong tanong.

“Buti pa umuwi ka na doon at nang malaman mo.” Umirap siya at humalukipkip naman. “Come on, Ate. Sabihin mo na lang sa magaling mong boyfriend na babalik ka rin.”

Ngumuso ako at pinagmasdang mabuti ang maamong mukha ni Clark na tumatango tango sa kanyang kausap. Pumikit ako at nag desisyon. Sige. Pupunta ako. Pero una sa lahat… si Clark.

Nilapitan ko ang boyfriend ko. Kinalabit ko siya at binigyan ng ligalig na ekspresyon. Tinaas niya ang kanyang kilay.

“What?”

Nagsasalita parin ang importanteng photographer. Lahat ay nakikinig sa kanya. Maging ang mga modelo.

“Clark, sinusundo kasi ako ni Craig.” Kinagat ko ang labi ko.

Kumalabog ang puso ko. Kitang kita kasi sa ekspresyon niyang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.

“Bakit siya nandito? Akala ko nasa probinsya siya?”

“Sinusundo niya kasi ako.” Matagal kong kinagat ang babang labi ko bago dinugtungan. “Pupunta muna akong Alegria.”

Napaawang agad ang kanyang bibig para magsalita pero hindi ko siya pinagbigyan.

“Babalik din naman ako dito!” Dagdag ko.

Umiling siya at hinawakan ang baywang ko.

Uminit ang pisngi ko. Hindi ako sanay na nag papakita siya ng affection sa harap ng maraming tao. Madalas ay pag kaming dalawa lang. Kaya naman naagaw niya ang atensyon ng ibang photographers. Uminit pa lalo ang pisngi ko nang pinagtitinginan kami kahit na nagsasalita yung sikat na photographer.

“Okay… Just make sure you’ll come back to me.” Hinalikan niya ang pisngi ko.

Halos umusok ang tainga ko sa ginawa niyang pag halik sa harap ng ibang tao. Tumango na lang ako at tinitigan siya.

“Thank you.” Utas ko at binalikan ang kapatid na ngayon ay nakahalukipkip.

“So, ano, naghiwalay ba kayo?” Pambungad na inis ni Craig nang nasa bus na kami papuntang Alegria.

Gabing gabi na pero babyahe parin kami. Tama lang din para magkarating doon ay umaga na. Tatlong beses pa kaming sasakay sa ibang bus. Wala kasing direktang pa Alegria na byahe kaya mas lalong nakakatamad bumalik doon.

“Ano ba talagang problema mo kay Clark?”

Nagkibit balikat siya at hindi ako sinagot.

Si Craig ang nag impake ng gamit ko. Ayaw ko kasing gawin iyon dahil natatakot akong umalis. Pero nag volunteer siyang gagawa kaya hinayaan ko na.

“Ako dito!” Sigaw ko nang nakitang papasok na siya sa bus at papunta na sa upuang katabi ang bintana.

Pinag awayan pa namin iyon. Aniya’y scare crow lang daw at dilim ng gabi ang makikita kong view. Iginigiit ko kasi na dapat ako doon dahil madalas na siyang bumyahe pa Alegria. Pinagbigyan niya ako sa usapang sa pangalawang bus ay siya naman ang malapit sa bintana.

Tulog ako buong byahe, puyat na puyat ako dahil maaga akong gumising kanina para lang samahan si Clark sa gig niyang iyon.

“Sa pangatlong bus ako naman ang nasa salamin, a?” Utas ko at natulog ulit sa pangalawang bus.

At dahil maginoo naman si Craig, pumayag siyang ako ang nasa tabi ng salamin sa pangatlong bus. Masaya pa nga ako noon dahil nakikita ko na ang view. Umaga na kasi at sumisikat na ang araw. Isang oras pa lang bago mag Alegria pero natatanaw ko na ang matalahib na lambak at kapatagan. Maya’t maya ay nadadaanan namin ang mga bangin at mga bulubundukin.

Ilang sandali ang nakalipas ay umulan ng napakalakas. May na kaya madalas na talagang umulan. Panay ang punas ko sa salamin para lang mawala yung halumigmig ng ulan at aircon ng bus.

“Oh? Wag mo sabihing may El Nino kaya walang tubig sa spring ng Alps?” Tumawa ako.

Hindi ko talaga alam kung paano magkakaproblema ang spring ng Alps na pag aari ng lolo kong patay na.

“Eh… mukhang…”

Tumigil ang bus dahil may bumabang pasahero. Natigilan din ako dahil sa malalawak na pine trees ng Alegria ay may isang lalaking nangangabayo ng topless sa gitna ng ulan.

“Mukhang ano, Ches?” Tanong ni Craig sa akin.

“M-Mukhang sagana naman sa tubig dito.” Sabi ko sabay titig sa lalaking pinipilig ang buhok at bumababa sa kabayo.

Hinaplos niya ang kabayo kaya likod lang ang nakita ko sa lalaki. Kumunot ang noo ko.

Baliw. Ang lamig kaya pero may pa topless topless pang nalalaman. Nagpapalaway lang. Ang yabang!

Maiksi ang kanyang buhok, tulad ng gupit ng isang normal na lalaki. Pero may kaonting mga hibla ng buhok sa likod ng kanyang batok ang mahaba at umabot hanggang likod.

“What’s with the hairstyle?” Tumaas ang kilay ko at napaismid na lamang hanggang sa umandar ulit ang bus.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

One thought on “End This War – Ang Simula

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: