Baka Sakali 3 – Kabanata 16

Kabanata 16

Swerte

Hinigit ako ni Karl sa katabing bar ng pinuntahan namin. Gusto ko siyang murahin dahil ilang beses akong kamuntik nang madapa.

“Be gentle naman!” sigaw ko sabay bawi sa aking kamay. “Bakit ba tayo nandito?”

Lumagpas na kami sa entrance ng bar. Napatingin ako sa paligid at may ilang kilala ako sa field ng modeling. Nginitian ko muna sila bago bumaling kay Karl at Ava. Si Karl ay nagmamasid habang si Ava ay sumasayaw na ng bahagya sa electronic music na tugtog.

“We’ll practice your reactions. Hindi naman kasi pwedeng lagi ka na lang ganito, Rosie.”

“Karl, hindi naman ‘yan pinipilit, e. Magiging okay din ako eventually. Just not right now!”

“You can be okay right now. Just try!” Pinasadahan niya ulit ng tingin ang crowd.

I don’t know why we have to come here. Mas peaceful pa iyong bar na pinuntahan namin kanina. Dito ay masyadong wild ang mga tao.

“So… bakit ba talaga tayo nandito?” tanong ko.

Bago pa ako sinagot ni Karl ay hinila niya na ulit ako.

“There’s a table…” aniya.

Luminga linga ako sa mga taong nakakasalubong. Sumunod si Ava sa likod ko hanggang sa makarating kami sa isang maliit na round table na may mga high chair.

Umupo kami doon at agad na nagtawag si Ava ng waiter. Bumaling ako kay Karl para masagot niya na ang tanong ko.

“Three shots, whiskey…” ani Ava sa waiter.

Agad na nilagay ng waiter ang mga shot sa aming lamesa. Umorder din ng beer si Karl.

“What is this all about?” tanong ko ulit.

“I’ve seen it on a friend’s Facebook. Kasama nila si Jacob at Felicity sa bar na ito ngayon…” Luminga linga siya.

Umusbong ang kaba sa puso ko. Agad akong tumayo para umatras. Hindi ko kakayanin ito!

“See? See your reaction!? Paano iyan maitatama kung hindi mo sasanayin ang sarili mo, Rosie?”

Umirap ako. “Masasanay din ako. Hindi ngayon.”

“Kung hindi ngayon, kailan? ‘Di ba? And you two can’t avoid each other! I mean… Hindi pala… You can’t avoid him! Pareho kayo ng mundong ginagalawan. Alegria. Plus Felicity tried Duke’s company.”

“We can always choose not to hire her-“

“You’ve lost your mind! Be fair to her! I know she stands a chance in that company, Rosie.”

“Rosie, tama nga naman si Karl. Just chill. Hindi pa naman tayo sigurado kung makikita natin dito si Jacob. Hindi ba lalabas naman talaga tayo tonight? Edi eto, lumabas tayo!”

Pagod akong ngumiti pero hindi ko parin maiwasan ang pag irap.

“Come on, Rosie! Just have fun. ‘Wag mo masyadong seryosohin!”

Kinuha ni Karl ang kanyang cellphone. Mukhang may tumatawag. Bumalik ako sa high chair at agad na ininom ang isang shot ng whiskey. Ngumiwi ako nang naramdaman ko iyon sa aking lalamunan.

“I can’t drink too much. Mamaya tumaba ako, hindi kakasya ang gown ni Mike.”

“So… sasama ka na? You changed your mind?” tanong ni Ava sabay laro sa kanyang whiskey.

“Well…” nagkibit ako ng balikat. “If everything turns out fine.”

“Nandito yata si Belle at Callix! Sumama yata si Callix kina Jacob.”

What? Tangina.

“O! Wala pa, ha! Chill, Rosie! Come on!” ani Karl.

Tiningnan ko ang crowd. Ilang saglit ang lumipas ay kinuha ko na ang cellphone ko para malibang. Wala akong planong sumayaw. I’m fine here.

“Karl!” Tumili si Belle kung saan.

Napaangat ako ng tingin. Ngumiti siya at sumayaw ang kanyang buhok nang nilingon niya kami nina Ava.

“Nandoon kami sa may sofa. Kayong tatlo lang? Ang boring n’yo naman!” ani Belle.

“Kasama mo sina Callix?” tanong ni Karl.

Nakakapit na si Belle sa braso ni Karl. Kitang kita ko ang bahagyang pag iwas ni Karl. I think she’s slightly tipsy.

“Oo! Puntahan n’yo kami! Nandoon kami!” ulit niya sabay turo sa malayong parte ng bar kung saan may naka hilerang sofa.

Binalingan ako ni Karl bago niya sinagot si Belle.

“Mamaya na…” wika ni Karl.

“At Rosie… Nandoon si Jacob kasama iyong mga kaibigan nila!” humagikhik siya.

Wow ha? Salamat sa impormasyon.

“Sige na, Belle! Sumayaw ka na doon! Ayon si Callix, oh! Nakita namin! Hinahanap ka yata!” ani Karl sabay turo sa dancefloor kahit wala naman.

“Okay! Bye! Punta kayo ha!”

Kumawala siya kay Karl at dumiretso sa dancefloor. Nagsalin ako ng beer sa isang baso at pinangalahatian iyon.

“Magtataka lamang ang mga iyon kung bakit tayo pumunta,” sabi ko.

“Edi para magsaya. Sila lang ba ang may karapatang mag bar? Besides, it’s not like we’re doing this everyday, Rosie. Ngayon lang naman!”

Tiningnan ko ang cellphone ko na may mensahe galing kay Duke.

Duke:

Just done with work. Where are you?

Kung sana ay nasa Manila siya, kanina ko pa siya inimbita. I would rather just chill than put up with Karl’s ideas.

Ako:

I’m with Karl and Ava. Matutulog ka na?

He’s in Lagunafor the international clothing line deal.

“Puntahan natin saglit. Tingnan ko lang kung nandoon ba si Josh!” anyaya ni Ava.

Tumango si Karl ‘tsaka bumaling sa akin. “This is the dry run I’m talking about.”

“Bakit pa-“

“Fifteen minutes, Rosie. Alam ni Callix na nandito tayo kaya iisipin lang ng mga noon na bitter ka parin kapag ‘di tayo nagpakita.”

“‘Di tayo nagpapakita dahil busy tayo sa pagpapakasaya! Isn’t that enough reason?”

“Hey, Rosie!” anang isang modelo na na meet ko sa isang ad para sa V Malls noon.

Sumayaw sayaw siya sa likod ko. Sa tangkad niya’y kahit nakaupo ako sa highchair ay lebel parin ang mga mata namin.

“Hello!” ngumiti ako at pinandilatan si Karl.

“Tara Karl!”

Iniwan namin ang lamesa. Kung hindi nanggulo iyong modelo ay magpapaiwan na talaga ako. Gusto kong magmura habang nagmamartsa kami patungo sa sofa kung nasaan sina Jacob.

Papunta doon ay nagkabuhol buhol ang utak ko. Should I just stay stiff and all? Sinubukan kong sumayaw sa salin ng tugtog para mag loosen up at para ma relax. Sana pala nilaklak ko na lang iyong whiskey para hindi ako ganito ka paranoid ngayon.

Nahagip ng paningin ko ang sofa kung nasaan sila. Nakita ko si Leo, si Josh, si Louie, at iilang babaeng hindi ko kilala.

“Karl, pare!” ani Louie sabay tayo at lahad sa kanyang kamay.

“Pare!” ani Karl sabay high five. “Kumusta?”

Sa sofa na kaharap ko ay naroon si Jacob at Felicity. Jacob’s wearing a black long sleeve shirt and khaki pants. Felicity’s wearing an all black dress. Ang braso ni Jacob ay nakahilig sa likod ng sofa’ng inuupuan ni Felicity. Ang kamay ni Felicity ay humahaplos sa hita ni Jacob.

Tangina.

“Rosie!” sigaw ni Josh sabay tayo at yakap sa akin. “Nandito ka! Huling kita natin iyong homecoming mo!”

Napalingon si Leo at Louie sa akin dahil sa lakas ng sigaw ni Josh.

“Asan si Edward?” tanong ko para maibsan ang kaba.

“Wala, e. Nasa Batangas pa. Next week pa uwi noon!”

Tumango ako sabay kaway kay Leo at Louie.

Tumayo silang dalawa at naglahad ng espasyo para sa amin. Umupo si Ava sa tabi ng mga babaeng di ko kilala.

“Rosie!” ani Leo sabay yakap sa akin. May tinuro siyang isang lalaki sa tabi niya. “Si Harvey nga pala…”

“Hi!” naglahad ako ng kamay.

Tinapik ni Louie ang tabi niya para doon ako maupo. Si Karl ay abala na sa pag oorder ng kung anong para sa amin.

“Kanina pa kayo dito?” tanong ni Leo.

“M-Medyo… Nandoon ang table namin,” sabay turo sa likod.

“Rosie, anong sa’yo? Whiskey?” tanong ni Karl.

“I told you hindi ako masyadong iinom. Huwag ka nang umorder!”

“You’re drinks on me, Rosie…” ani Leo sabay ngiti.

“See? Sige na. Isang shot lang naman…” Makahulugang ngumiti si Karl sa akin.

Nahagip ng painingin ko sin Jacob at Felicity na mahinahong nag uusap. Felicity’s hand is still resting on Jacob’s thighs.

Tumikhim si Leo at sabay kaming naupo.

“Ang bilis ng panahon, ‘no? Ikakasal na si Ron. Kailan ang uwi mo ng Alegria?” tanong ni Louie.

“Next week. Wala ba siya dito?” tanong ko.

Naramdaman kong nag vibrate ang phone ko. Siguro’y nagreply na si Duke. Si Ava ay abala sa pakikipag usap kay Harvey at si Karl naman ay kinausap ng mga babaeng kasama nila.

“Wala. Nasa Alegria. Doon na nga kami mag ba-bachelor’s party. Ayaw niyang pumunta dito.”

Napatingin ulit ako sa banda nina Jacob at Felicity. Mahirap mag iwas dahil nasa harap lamang sila. Hindi naman pwedeng kay Leo at Louie lang ang mga mata ko.

Ngumiti si Felicity sa akin.

“These are my friends, by the way. This is Monique and Alexis…”

Nagngitian ang mga kaibigan niya sa akin. Ngumiti rin ako sa kanila.

“She’s the HR of V Malls. Isa siya sa nag interview sa akin, kanina…”

Nanatili ang ngiti ko pero natatangahan na ako sa sarili ko. Lumipat ang tingin ko kay Jacob na wala paring reaksyon.

“Nice meeting you!” anang isa. Hindi ko kuha kung iyon ba si Monique o Alexis. “I’m part of the second batch na iinterviewhin.”

“Oh! Talaga?” sabi ko, tunay na nagulat.

“Sabay kaming nag apply ni Feli. V Malls, e. That’s a big opportunity! International! ‘Tsaka family friend namin ang mga Valenzuela!”

“Yes, malaki nga ang V Malls. Lalo na iyong bagong mall nila na gagawin.”

“Ang swerte nga ni Rosie at nakapasok siya bilang HR,” singit ng bading na si Karl.

Sana tumahimik na lang siya. Hindi napawi ang ngiti ko.

“Nagkataon lang talaga na hiring sila noong kinailangan ko ang posisyon. I’m still a junior, though. Walang wala ako sa mga senior.”

Nilapag ng waiter sa harap ko iyong order. Kinuha ni Karl iyong sa kanya. Ganoon din si Ava at nagpatuloy sa pakikipag usap kay Harvey.

“Swerte!”

“Rosie!” tinig ni Callix ang narinig ko.

Kagagaling niya sa dancefloor at lumapit kaagad siya sa akin.

“Nandito pala kayo! Sinong kasama mo?”

Tinuro ko si Karl at Ava. “Sa kabilang table kami. Bumisita lang.”

Napaawang ang bibig ko habang tinitingala siya.

“Sayaw tayo!” anyaya niya.

Si Belle ay nasa kanyang likod, bahagyang umiindayog sa musika.

Tipid akong ngumiti. “Kayo na lang muna.”

“Tara na, Callix!” ani Belle sabay hila kay Callix kahit na may sasabihin pa sana ito.

Nag vibrate muli ang cellphone ko. Nag uusap si Leo at Louie tungkol sa kasal ni Ron. Si Felicity naman at mga kaibigan niya tungkol sa trabaho kaya sinamantala ko ang pagkakataong iyon para icheck ang cellphone ko.

“Ikaw, Jacob? Kailan uwi mo ng Alegria?” tanong ni Louie.

Nakikinig ako pero ang mga mata ko ay nasa cellphone.

Duke:

Saan kayo?

Duke:

You in a bar? Hindi pa ako matutulog.

Nireplyan ko ang mga mensahe niya.

Ako:

Yup. I forgot the name but it’s in BGC. Si Karl nagdala sa amin ni Ava dito. Our other friends are here.

Nag angat ako ng tingin sa dancefloor at bahagyang ninamnam ang music. Ayaw kong makisali sa usapan nila.

“Next week. Kung wala pang second interview si Felicity,” ani Jacob.

“Hmm?” ani Felicity. “Second interview?”

Tingin ko ay nasa akin lahat ng mga mata kaya bumaling ako sa kanila.

“Ah! May second batch pa. Probably the second interview will be on the last week.”

“Oh! Edi pwede pa. ‘Tsaka di pa naman sigurado kung makukuha ako para sa second interview. Pero sana talaga…”

“Kaya mo ‘yan, ‘no! Ako itong malabo kasi ang pangit ng credentials ko,” anang kaibigan ni Felicity.

Bumaling ulit siya sa kanyang kaibigan. Saglit kaming nagkatinginan ni Jacob. Agad kong iniwas ang mga mata ko sa kanya. Kinuha ko ang whiskey at ininom. My phone vibrated again.

“Edi kasama ka sa bachelor’s party ni Ron, ha!” ani Louie.

“Oo naman! Nasabi nga ni Ron sa akin,” ani Jacob.

“Baka magalit?” tanong ni Leo.

“Hindi naman selosa…” mahinahong boses ni Jacob.

Nagtawanan sila.

“Mabuti naman!” ani Louie.

Wow ha!

Duke:

Umiinom ka? How’s work, by the way?

Ako:

Yup. Kaonti lang. Work? Natapos namin first batch. Did you close the deal? Kailan uwi mo?

He replied immediately.

“Ang girlfriend kasi ni Louie, pinagbabawalan siya,” tawa ni Leo.

“Hindi ka sasama, Louie?” tanong ni Jacob.

“Sasama! Di ko lang sasabihin.”

Nagtawanan ulit sila.

Duke:

I think so. Bukas, pipirma ako ng contract. Bukas din ang uwi ko. Let’s see each other. Please.

Ngumuso ako at nagtipa agad ng reply.

Ako:

Sure. 🙂 Iyong leave ko ha!

Duke:

Yes. Kaya nga. 🙂

Hindi ko na siya nireplyan. Inangat ko ang tingin ko at nagkatinginan kami ni Jacob. Bumaba ang tingin niya sa aking cellphone. Tinago ko ito sa loob ng purse ko. Pagkatapos ay nag angat ulit siya ng tingin sa akin. Umiwas siya at bumaling kay Leo.

“May bridal shower din yata si April,” ani Jacob kay Leo.

“Oh? Kailan?” tanong ni Leo.

“Pagkatapos yata o sabay kay Ron? Hinanda ng mga kaibigan niya sa J.A.”

“Rosie, sasama ka?” tanong ni Leo.

Umiling kaagad ako. “Wala naman ako masyadong kilala doon, e. Si April lang yata kilala ko.”

“May iba doong classmate natin sa high school,” ani Louie.

“Eh… ilang buwan lang kaya ako sa Alegria National High School.” Doon ko napagtantong mali ako ng sagot. “Alam n’yo namang…”

Tangina.

“Ah! Oo nga pala. Wala ka naman masyadong kaibigan doon na babae…” Tumango si Leo.

Oo dahil… si Jacob lang. Nahirapan akong lumunok.

“Hindi ba uuwi ang ate Maggie mo?” tanong ni Louie.

“Uuwi din pero sa mismong kasal pa siguro dahil nag aaral pa.”

“Hindi pa pala tapos si Maggie?”

Umiling ako. “Pinauna niya akong makatapos e. Kaya siya naman ngayon.”

“So ikaw na ang gumagastos sa kanya? Kailan uwi ng mommy at daddy mo?”

“Oo. Ako ang gumagastos kay Maggie ngayon. Siguro mga next year ang uwi ni mama at papa. Bibili kasi kami ng bahay sa quezon city, e. Iyon ang pinag iipunan namin ngayon.”

“Wow! Laki na yata ng kita mo sa modeling. Ikaw na ang nag fu-fund kay Maggie, nag iipon ka pa para sa bahay?”

Tumawa ako. “Konti lang naman. Pag naka kontrata. Sa V Malls lang naman talaga iyong malaki ‘tsaka binubuhos ko sa tuition ni Maggie sa isang semester para hindi na mamroblema.”

“Galing! You’re so responsible!” ani Leo.

Tumawa ako. “Hindi naman kasi ako gaya mo na laking mayaman? Nasaan nga pala si Teddy?”

“Ewan ko. Nasaan siya, Jacob?” tanong ni Leo sa kay Jacob.

“Nasa kabilang bar. Pupunta daw iyon dito mamaya,” ani Jacob.

“Sino?” tanong ni Felicity.

“Si Teddy…” sagot ni Jacob.

“Oh! Edi kumpleto kayong magkakaibigan?” tanong ni Felicity.

“Hindi pa. Wala si Ron,” sagot ko.

Tumango si Felicity sabay tingin kay Jacob.

“Kulang si Ron…” ani Jacob.

Nagkatinginan kaming dalawa.

“Barkada n’yo pala si Ron?” tanong ni Felicity. “Akala ko classmate?”

“Classmate at barkada. Hindi mo laging nakikita kasi nasa Alegria lang lagi.”

Napatingin si Felicity sa akin. Ngumiti siya at tinuro ang purse ko.

“The table’s vibrating. It might be your cellphone, Rosie.”

“Ah! Teka…” sabay kuha ko sa purse ko na nag vavibrate nga.

Tiningnan ko ang dalawang sunod sunod na mensahe ni Duke.

Duke:

You still in the bar?

Duke:

Anong oras ang uwi n’yo?

Magtitipa na sana ako ng reply kaya lang ay biglang tumawag si Duke. Alam kong hindi ko iyon pwedeng sagutin dito dahil maingay kaya tumayo ako.

“Excuse me…” sabi ko sabay pakita kay Leo sa phone ko.

Tumango si Leo. Aalis na sana ako nang bigla akong hinarangan ng modelong kaibigan. Sumasayaw sayaw ulit siya sa akin.

“Later, George,” sabi ko sabay tulak bahagya sa kanyang dibdib.

Nagpatuloy ako sa paglalakad pero dahil sa dami ng tao ay hirap akong dumiretso. Nanatili siyang nagsasayaw sa aking gilid. Natigilan ako nang bigla siyang hinila ni Leo at Louie.

“Sandali lang, pare!” ani Louie sa isang galit na tono.

Nag angat agad ng dalawang kamay si George.

“Sinasayawan ko lang! Chill!” aniya sa dalawa.

“Leave her alone!” ani Leo.

I cancelled Duke’s call. Hinila ko ang braso ng dalawa at hinarap si George.

“George, you’re drunk.”

Umiling si George. “See you in the field…” tinalikuran niya kami.

“Sino ‘yon?” tanong ni Leo. “Kaibigan mo?”

Tumango ako. “Co-model… Sorry ha?” nahihiya kong sinabi.

Napatingin ako sa sofa. Nakatayo si Jacob habang tinitingnan kami. His jaw was tightly clenched.

“Sino bang tumatawag? Mamaya mo na nga lang ‘yan sagutin. Ang hirap kasing naiiwan kang mag isa. You’re a head turner, I’m sure you’re aware of that…” ani Leo.

Tumawa ako at umirap. “Naku! Tumigil nga kayo. Sige na! Itetext ko na lang!” sabi ko sabay balik sa sofa.

Pagkabalik ko ay umupo ulit si Jacob. Bahagyang nagtanong si Felicity sa kanya kung anong nangyari. Inilingan niya lang ito.

Tumango si Karl sa akin at tumayo. Si Ava ay ganoon din, sabay lapag ng kanyang shot glass.

“Huh?” tanong ko.

“Balik na tayo sa mesa? Sina Mikael nasa kabilang club. Puntahan natin. May sasabihin daw sa’yo…”

“About?” Sa gowns? “Okay…”

“Oh? Saan kayo?” tanong ni Leo pagkatapos maupo ulit.

“Aalis na kami. Kabilang bar lang kami…” ani Karl.

“Talaga? Ang bilis naman. Karl, si Rosie, ha?”

Inakbayan ako ni Karl. “Kaya ko naman ‘to lagi. Sanay na akong mapaaway.”

Ngumiti lang ako at kinawayan silang lahat bago umalis.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

One thought on “Baka Sakali 3 – Kabanata 16

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: