Baka Sakali 3 – Kabanata 10

Kabanata 10

Break

Palakpakan ang natamo ko habang nilalagyan ng sash, binibigyan ng flowers, at munting korona. Hindi ko alam kung natutuwa ba talaga ako na ako ang nanalo sa paligsahan. Jacob warned me not to do this, I did it anyway.

“Congratulations!” bati ni Brandon sabay ngiti sa akin.

Nasa gilid ko siya ngayon habang panay ang click ng maraming camera para sa picture namin at ng ibang contestants.

I’m not even sure if I really did win this contest or Brandon manipulated the scores. Isa kasi siya sa mga judge. Bago itong competition, nagkausap kami sa agency at nasabi ko sa kanya ang problema ko.

“Thanks, Brandon…” sabi ko habang nag popose kami sa harap ng maraming tao.

“Walang anuman. You deserve it…”

I actually thought I won’t win. Nagtrain ako ngunit hindi sapat iyon dahil sa dami ng problema. Hindi rin buo ang aking puso at isip na sumali dahil sa lumalala naming away ni Jacob.

“Mabuti naman at pinayagan ka na ni Jacob…” ani Brandon habang nasa harap parin kami.

Hindi na ako nakapagsalita. Masyado akong naging preoccupied sa media coverage at sa pagsagot sa iilang interviews tungkol sa pagkapanalo.

Pagkatapos ng lahat lahat ay pumasok na ako sa kwartong nakalaan para sa akin. I’m with Kira and Karl. Kasama rin ang isang babaeng make up artist. Abala sila sa pag uusap tungkol sa buong nangyari habang ako’y nagtatanggal ng make up sa harap ng salamin.

Pang ilang tawag na ni Jacob sa nakasilent kong cellphone. By now, he probably knew I joined the event. Pumikit ako nang dinampot ko ang aking cellphone upang marinig siya.

“Rosie!”

“Jacob, I’m sorry hindi ko-“

“Nasaan ka? Nasa Tagaytay?” tanong niya.

Bumuga ako ng hininga. Inunahan niya pa ako.

“At sino ang kasama mo diyan? Si Brandon? Nakita ko ang iilang pictures n’yo, Rosie-“

“Jacob, nanalo ako. Nanalo ako ng first price at ako ‘yong tatanggap ng pera at iba pang mga premyo…”

“Hindi ba nasabi ko na sa’yo? Kaya ko nga iyang ibigay sa’yo, bakit mo pa kailangang sumali diyan?” pabagsak niyang binanggit ang mga salita.

“Dahil ayaw kong umasa sa’yo. Kung kaya kong gawin ito, gagawin ko!”

“Umuwi ka ngayon din! Dito!”

Natigilan ako sa sigaw ni Jacob. He sounded so frustrated. Naramdaman ko rin ang pagtahimik ng mga kasama ko sa room. Nangilid ang luha ko at tumayo para makapunta sa balkonahe.

Binuksan ko ang pintuan at lumabas ako bago ako nagsalitang muli.

“Gabi na. Wala akong sasakyan-“

“Ano? Hindi mo dinala diyan? Ang driver?” mas lalong iritado ang kanyang boses.

“Nasa bahay n’yo. Hindi na kailangan. May sasakyan naman si Kira. Iyon na lang ang ginamit ko-“

“Kasama mo si Kira? Sino pa?”

“Si Karl, Jacob. Ayos lang kami. Mga bading naman sila… Please…”

“Rosie… please, umuwi ka dito at mag usap tayo ng maayos! Dalawang linggo ka nang hindi umuuwi at ganito pa ang nangyayari!”

“Jacob, hindi naman tayo mag aaway kung hahayaan mo ako! Tapos na ang contest! Nanalo na nga ako, ‘di ba? Hindi ka ba masaya?”

“At anong mangyayari sa’yo pagkatapos ng contest na ‘yan? Isuko mo ang titulo’ng iyan at ibigay mo sa iba. Kung mag momodel ka ng exklusibo para diyan, huwag na lang… Masama ang pakiramdam ko diyan.”

“Maganda ang offer ng VMalls, Jacob. Ano ba ang gusto mo? Mag model ako ng bikini? Hindi ba ayaw mo ‘yon? Isa pa, nakausap ko ang CEO nilang si Mr. Valenzuela kanina, he’s excited to work with me…”

“Tangina, Rosie, iyan ang ayaw ko e-“

“What? Pati ngayon sa mga oras na ito, possessive ka parin? Ilugar mo nga iyan, Jacob! Walang mayroon dito kundi ang matatamo ko dahil sa pagkapanalo-“

“Isuko mo ‘yan, Rosie…” giit niya.

“Bigyan mo ako ng rason para isuko ko ito! Iyong magandang rason, Jacob!”

“Kaya kong ibigay sa’yo ang lahat ng makukuha mo diyan-“

“Hindi sapat ‘yan! Dahil hindi ko matatanggap iyan! Kailangan mo ‘yan, at may sariling pangangailangan ako-“

“Rosie…” humugot siya ng malalim na hininga. “Tama na, please… Umuwi ka na lang dito.”

Pumikit ako ng mariin. Ngayon, hindi ko na maaaring mapaunlakan ang hinihingi niya. Bukod sa palapit na ang enrolment, magiging abala din ako sa mga gawain para sa nasungkit kong premyo.

“Hindi pwede, Jacob. Marami pa akong gagawin.”

“Mas importante pa ba ‘yan sa pagkikita nating dalawa? Hindi na tayo nagkakasundo kasi hindi na tayo nagkikita…”

“Kahit na magkita tayo, hindi parin tayo magkasundo dahil hindi mo ako iniintindi! Hindi ako makakauwi diyan, Jacob. Alam mo ‘yan!”

“Kung hindi ka uuwi dito, ako ang pupunta diyan!”

Binabaan niya ako ng tawag. Ilang sandali akong natulala bago binaba ang cellphone.

“Rosie?” sumungaw si Karl sa sliding door.

Hindi ko ata maayos na naisarado iyon at siguro’y narinig nila ang mga nasabi ko. Binuksan ni Karl ng malaki ang sliding door. Humilig ako sa railings ng veranda.

“Ayos ka lang?” tanong niya.

Tumango ako.

“Uuwi ka ng Alegria?”

Umiling ako. Buo ang aking desisyon.

“Pero pinapauwi ka ni Jacob?”

Nagkatinginan kaming dalawa ni Karl. Humilig na rin siya sa railings sa tabi ko. Nilagay niya ang isang sigarilyo sa kanyang bibig at sinindihan.

“Oo. Pinapauwi ako. Pero alam mong di ko magagawa ‘yan dahil maraming proyekto.”

Bumaling siya sa gilid at bumuga ng usok galing sa sigarilyo. “Paano ‘yan?”

“Hindi ko alam. Ang sabi niya siya ang pupunta sa Maynila.”

“Sweet…” ani Karl.

“Tss… Para siyang bata. Pwede namang ipagpaliban muna ang lahat.”

“Wala kang magagawa. Mahal ka niya. Sa iyo umiikot ang mundo niya…” Nagkibit siya ng balikat. “Ikaw ang sentro ng lahat ng bagay para sa kanya kaya ganyan siya.”

“I think it’s not healthy… It’s sweet but… not healthy…”

“Too much sweetness is not healthy. Tama. Magkaka diabetes ka. O baka may diabetes ka na?” Tumawa siya.

Napangisi rin ako at napailing. “Hindi naman. Naisip ko lang kung bakit hindi niya kayang magsakripisyo pansamantala para sa lahat ng nangyayari. Ito na ang realidad ng buhay. Siya, naghihirap. Ako, may problema sa pamilya. Marami kaming problema na dalawa kaya sana magkaintindihan kami pero hindi niya ako maintindihan.”

“He does not probably consider his problems a problem. Ikaw lang ang pwedeng maging problema niya.”

Ngumiwi ako. “Is it really possible? To have someone love you so much na ganyan na lang talaga? Too much?”

“It probably is, Rosie. Kasi iyan na nga, ‘di ba? Inihahain na sa’yo? But… I guess…” natigilan si Karl. “That kind of love is fast pouring. Malakas. Pabagsak. Buo. At… mabilis maubos.”

Napalunok ako sa mga sinasabi ni Karl. Hindi ako naniniwala. Hindi ko maisip na pwedeng ganoon.

“Nakakatakot ‘di ba? But I’m not accusing Jacob to be like that… Iyon lang talaga ang madalas kong nakikita sa ibang mga tao. It’s scary… To lose that kind of love. Kasi ibig sabihin, pag naibuhos na, wala na talagang natitira.”

Kaya pagkauwi ko sa Maynila, naroon na si Jacob sa bahay. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi. Ni hindi ako makangiti sa kanya. Pakiramdam ko ay may hiningi akong pabor pero hindi niya naibigay.

“Rosie…”

Nasapo ko ang noo ko nang tumawag ang kanyang Tito Samuel sa sumunod na araw. Tahimik lang si Jacob simula nang dumating siya. Siguro ay naisip niyang may kasalanan siya kaya dapat siyang mag ingat.

“Opo…” sagot ko.

“Hindi pa ba uuwi si Jacob dito sa Alegria? Nagrereklamo na ang mga empleyado niya. Hindi na kasi maayos ang pasahod at hindi pa siya nakatutok.”

Nilingon ko ang kama kung saan siya nakahiga at natutulog. Pumungay ang mga mata ko at bigla akong nanghina.

Am I really his destruction? Am I really his poison?

“Ang ikinakatakot ko lang ay baka tuluyan nang magsara. Baka mag strike sila para magising si Jacob. Pero paano iyon kung nasa Maynila siya? Wala ba siyang planong umuwi dito?”

“Wala po siyang nasasabi sa akin…”

“Rosie, nakikiusap ako sa’yo. Tulungan mo naman siya…”

Nanghihina akong napaupo sa kama.

“Opo… Sige po…”

Binaba ko ang cellphone ko at nilingon muli si Jacob. Nakita kong gumalaw siya ng bahagya. Napangiti ako ngunit may luhang nangingilid sa aking mga mata.

Wala na ba talagang ibang paraan? Ito na lang ba talaga?

“Rosie?” nagising siyang bigla.

Suminghot ako at inayos ang sarili. Bumangon siya. His hair is slightly messy. His abs flexed because of the sudden move.

“Ang aga mong nagising ah?” Pinasadahan niya ng tingin ang aking damit.

Yes, Jacob. I’m going out again today.

“Saan ka pupunta?”

“May shoot ako…”

“Shoot? Tss…” He’s starting this again.

“Yes…” Tumango tango ako. “Kasi kailangan kong mag sikap para magkapera.”

“Sabi ko naman sa’yo-“

“Jacob, please, sawa na ako diyan. Hindi ko matatanggap ang pera mo. Umuwi ka na ng Alegria…”

“Sasama ka ba? ‘Tsaka lang ako uuwi pag kasama ka!”

Oh my God! Bumuhos ang luha ko. Nanlaki ang mga mata niya nang nakita ang tuloy tuloy kong pagluha. Tumayo agad ako nang sinubukan niyang hagilapin ang aking kamay. Hindi niya ako madadaan sa ganyan.

“Umuwi ka na!” sigaw ko.

“Bakit? Ano bang nangyayari sa’yo?”

“Asikasuhin mo ang negosyo niyo dahil ako, aasikasuhin ko ang buhay ko dito!”

“Rosie, pwede namang ipagpaliban muna. Miss na miss na kita…”

“Umuwi ka na, Jacob!” banta ko.

“Bakit ba? Dito muna ako! Sasama ako sa shoot mo!”

Shit!

“Jacob, pwede ba? Pagod na pagod na ako sa’yo! Pagod na pagod na ako sa lahat ng nangyayaring ito! Pagod na pagod na ako sa desisyon mo! Pagod na ako sa hindi mo pakikinig sa akin!”

Nanlaki ang mga mata niya at tumayo na siya. Umatras ako. Ayaw kong nakakalapit siya.

“Bakit mo ako pinapauwi? May problema ba diyan sa gagawin mo? Lagi akong nagtatrabaho, Rosie. Wala ka kaya heto at pinupunan ko lang ang mga oras na hindi tayo-“

“Hindi ka ba marunong mag sakripisyo?”

“Ano sa tingin mo ang ginawa ko habang wala ka, ha? Hindi ba nagsakripisyo ako?”

“Kulang pa ‘yan, Jacob! Kulang na kulang! Dahil kung tunay kang nag sakripisyo, sana ay maayos ang negosyo ninyo!”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Kung tunay nga na nagsasakripisyo ka para sa lahat ng problema mo, dapat ay pumayag ka nang sumama sa Tito mo! Iyon! Iyon ang tunay na sakripisyo! Hindi ‘yang pagpapatakbo mo sa negosyo n’yo half heartedly! You’re just making that an excuse to stay here and be with me! Wake up! The world does not revolve around the two of us! Marami kang mga tauhan! Marami kang pinapakain! Marami kang responsibilidad! For once, sana iyon naman ang isipin mo! Hindi tayo! Hindi ako!”

Hiningal ako ng mabuti sa lahat ng sinabi ko. He stood there stunned of everything. Yes, Jacob… I am asking you to sacrifice this one.

“Alam mong hindi ko kayang magkalayo tayo, Rosie… Pero hinihingi mo ito? Ayos lang sa’yo? Ha? Ganoon kadali sa’yo?”

“Oo! Ayos lang sa akin na magkalayo tayo! Iyon ang tinatawag na sakripisyo!”

“Hindi iyon pwede sa akin! Ayaw ko na! Ayaw ko na ng long distance! Mahihirapan tayo! Mahihirapan ka!”

“O edi para hindi na tayo mahirapan, mag break na lang tayo!” sigaw ko.

Nalaglag ang panga niya. Pakiramdam ko, kahit hindi ko pa ginagawa sobra sobra na siyang nasasakyan. Kitang kita ko ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. Pumula ang kanyang ilong at isang buga ng hininga niya ay nagpatindig sa balahibo ko.

“Hindi mo ‘yan sinasadya. Natatakot ka lang…”

Umiling ako. “Hindi! Totoo ‘yan! Kaya kong isakripsyo tayo para sa lahat ng ito! Kaya kong makipaghiwalay sa’yo para dito!”

“Bakit ganoon kadali sa’yo? Hindi pwede ‘yan, alam mo ‘yan! Hindi ka pwedeng mag desisyon dahil tayong dalawa ang nasa relasyon na ito, Rosie! Tayong dalawa! Kaya tayong dalawa ang magdedesisyon kung tatapusin natin to o hindi at ako? Hindi ko kaya kaya hinding hindi iyan option!” sigaw niya.

“Pumili ka! Sasama ka sa Tito mo o hihiwalayan kita!” sigaw ko.

“Hindi… Ang sabi ko, hindi ka pwedeng magdesisyon-“

“Jacob, kung ayaw ko na sa relasyon na ito, pipilitin mo ba ako? Ha? Kung isinusuka ko na ito, pipilitin mo ako dahil lang ayaw mong maghiwalay tayo, ganoon ba? Ha?” Halos mapaos ako sa sigaw ko. “Para lang diyan sa prinsipyo mong tayo ang magdedesisyon, ipipilit mo sa akin ang sarili mo? Ipipilit mo lahat lahat sa akin?”

Bumuhos ang luha niya. Sobrang sakit na ng puso ko. Pakiramdam ko ay ikamamatay ko ang lahat ng ito. Hindi ko na ito kayang ulitin pa kaya ibibigay ko lahat ng pwede kong ibigay ngayon.

Simula nang dumating ako ng Maynila galing Tagaytay, may naisip na ako. Ayaw kong gawin. Hindi ko makakaya. Pero pagkatapos ng tawag galing sa Tito Samuel ni Jacob sa araw na ito, mas naging malinaw sa akin lahat.

“Rosie… N-Napipilitan ka ba? Rosie…”

Lumapit siya sa akin. Para akong sinasaksak nang narinig ko ang panginginig ng kanyang boses.

“Oo! Kaya pumili ka na! Hiwalayan kita o sumama ka sa kay Tito Samuel mo!”

“Alam mo namang…” tumigil siya.

“Pabalik balik, Jacob! Hindi mo ba naiisip? Hindi ka nag go-grow! Hindi ka nagmamature kung ako lang lagi ang laman ng isipan mo! Hindi ka umuusad dahil ako lang ang iniisip mo! Isipin mo rin naman ang ibang tao! Ang mga masasaktan mo! Ang negosyo niyo na iniwan ng ama mo! Isipin mo rin iyon!”

Nakaawang ang kanyang bibig habang tahimik na tumutulo ang kanyang luha. Ubos na yata ang luha ko dahil natuyo na ang aking pisngi. Wala nang luhang lumalabas sa akin.

“Isipin mo rin, please! Isipin mo! Grow up! Stop thinking about me! Stop thinking about us! Bata pa tayo, Jacob! Marami pang pwedeng mangyari kaya bakit ka nag iinvest ng lakas at oras mo sa akin? Nakakaligtaan mo na ang para sa sarili mo! Nakakaligtaan mo na iyong importante sa buhay natin! Iyong bumubuhay sa’yo! Iyong iniwan ng ama mo!”

Hindi na siya nagsalita. Hindi na rin siya makatingin sa akin. Hindi ko alam kung tama ba ito. I want to take back all the things I said but I know it’s for the best.

“Please, grow up! Please, Jacob! Please, grow up! Not for me! But for yourself! Grow up and decide! Stop thinking about me! Stop thinking about us! We can end anytime.” Huminahon na ako ngunit hindi na siya nagsalita.

Hindi ko kayang makita siyang tahimik. Hindi ko kayang makita siyang tahimik na umiiyak kaya dinampot ko ang aking bag at mabilis na magmartsa palabas ng pintuan.

Naabutan ko si Maggie at James na parehong nakaupo sa sofa at may inaabangang lumabas sa kwarto ko. I know. The walls are thin and our voices were loud. They heard everything.

“Maggie, hindi ako uuwi dito mamaya. Kina Karl ako matutulog o kahit saan. Huwag mong sabihin kay Jacob. Sabihin mo huwag niya na akong hanapin.”

“Rosie naman…”

“Break na kami. Break na kami.” Inulit ulit ko. Hindi ko alam para saan. “Pauwiin mo na siya sa Alegria.”

Iyon ang huling sinabi ko bago ako umalis ng bahay.

Kaya nang dumating ako para sa shoot, halos tulala ako. I couldn’t function well. Badtrip si Kira sa akin. Hindi rin satisfied halos lahat ng photographers. Humingi na lang ako ng paumanhin.

“She’s the winner of the contest, Kira?” matigas na ingles na tanong ni Mr. Valenzuela sa kay Kira nang naabutan kaming pumapalpak. Ako. Ako ang pumapalpak.

“Yes, Duke. I’m sorry, she’s not in the mood today. You met her already in Tagaytay, remember?”

Nilipat ni Mr. Valenzuela ang mga mata niya sa akin. He’s young to be a CEO. Pero ang alam ko, tinitrain palang siyang maging CEO dahil siya ang panganay na anak ng may ari ng VMalls.

“Ang mga modelo, kahit gaano kasama ang araw kayang ngumiti sa camera…”

Tinapon ni Mr. Valenzuela ang records ko. Napalunok ako. Natapon ang lahat ng aking records sa sahig.

Yumuko ako para kunin ang mga iyon. Hinagilap ko ang aking portfolio at kung anu-ano.

“Are you a model, Ms. Aranjuez?”

Tumayo akong muli. Nilapag ko ang aking portfolio sa isang lamesa. Napalunok ako at napatingin sa malalalim na mga mata ni Mr. Valenzuela.

“Yes…”

“Then why can’t you function the way you should?” nagtaas siya ng isang kilay.

“I’m sorry, Mr. Valenzuela.” Bumagsak ang mga mata ko.

“Come back tomorrow. Wrap this up, Kira… And you, Miss Aranjuez. Bukas, wala akong pakealam kung anong nararamdaman mo. I need you to work. We’re spending so much for this project, you can’t take this lightly…” mahinahon ngunit may diin niyang sinabi.

Pagkatapos ng sinabi niya ay tinalikuran niya kaagad ako.

And everything just went black after that… My decision was rushed pero pinanindigan ko ang lahat lahat.

Kina Karl ako natulog sa araw na iyon. I turned my phone off. Changed numbers. Nang pumunta si Jacob sa bahay nina Karl, sinabi niyang hindi niya alam kung nasaan ako. And I knew he would go to my workplace anytime soon so I warned everyone not to let him in.

Honestly, hindi ko na talaga alam kung ano ang nangyari dahil hindi ko na siya nakita pagkatapos noon. Yes, it ended that way. It ended so simple. It ended just like that.

After a few shoots, I went out of the country with Karl. Alam kong hindi iyon praktikal na desisyon ngunit kinailangan ko iyon. Ginamit namin iyong Trip to Macau na tickets. Ang ginamit kong pera para sa pocket money ko ay galing sa modeling. Hindi gaanong malaki kaya malaking pasasalamat ko kay Karl na gumastos ng grabe.

I did not cry. Not even when I was in Macau. Wala. Pakiramdam ko ay namamanhid na ako sa lahat ng ito. Pakiramdam ko, wala lang. Pakiramdam ko joke lang. Pakiramdam ko, hindi seryoso. Pakiramdam ko, kahit gusto ko, kahit na ginawa ko, kahit na ganoon, hindi magkakatotoo.

“Rosie… ako na ang magbabayad sa hotel mo ngayon. May sobrang pera pa ako,” ani Karl nang nasa taxi kami patungong hotel.

Nahihiya na akong makitulog kina Karl. Kina Ava sana ngunit napag alaman kong nasa Cavite pa siya kaya hindi ko na pinilit.

“Huwag na… may pera pa naman ako, e,” ngumiti ako.

“Ireserve mo na lang ‘yang pera mo para sa gastusin mo sa bahay niyo. Anyway… baka bukas pwede ka nang umuwi sa inyo…” aniya.

“Hindi pwede… Mamaya nandoon parin si Jacob.”

Dalawang linggo na akong hindi umuuwi sa takot kong nandoon si Jacob. Limang araw kami sa Macau at heto ako’t takot parin hanggang ngayon. Dahil pakiramdam ko, pag nagkausap ulit kami, wala na akong maramdamang kahit anong drive para itulak siya palayo. Baka yakapin ko na lang siya at bawiin lahat ng mga sinabi ko.

Malungkot na bumaling si Karl sa akin. Ngumiti siya pero kitang kita ko parin ang lungkot. “Wala na yata, e. Di na ‘yon mag aantay sa bahay niyo…”

“Tss… Kilala ko siya. Paniguradong nasa kwarto ko iyon natutulog.”

Natahimik si Karl. Tumigil ang taxi sa harap ng hotel na papasukan ko. Binuksan ko na ang pintuan para makalabas na ako ngunit pinigilan ako ni Karl.

“Rosie, umalis na siya… Nangibang bansa na…”

Natigilan ako. Doon ko pa lang naramdaman ang lahat.

“Huwag mo nga akong biruin…”

Pero sa ngiti niyang malungkot, alam ko hindi siya nagbibiro.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: