Baka Sakali 2 – Kabanata 28

Kabanata 28

Masama at Maarte

Malakas ang kabog ng puso ko nang humakbang na ako papunta kina Jasmine. Nakita kong may nakaabang na sasakyan sa kanila sa kanto. Aalis na yata sila kaya binilisan ko ang paglalakad.

Sumulyap siya sakin ng nakangiti dahil siguro sa sinabi ng kasama niya. Pero nang nagfocus na siya sa mukha ko, nawala ang ngiting ipinakita niya.

“Jasmine.” Untag ko.

Papalapit na ako sa kanya.

Seryoso siyang tumingin sa loob ng sasakyan habang hinahawakan ang pinto.

“Wait lang. Susunod din ako.” Aniya at sinarado ang pintuan para harapin ako.

Hindi ko alam kung bakit nakasimangot lang ako palagi. Hindi ko kayang magmukhang ‘okay’ sa harap niya. Kahit wala pa naman talaga siyang alam sa sadya ko, hindi ko kayang makipagplastikan sa kanya.

“Rosie! Gabi na ah?” Tumingin siya sa likod ko. “Galing ka pang Maynila?” Tanong niya.

Tumango ako pero tikom na tikom ang bibig ko para wala akong masabing masama sa kanya.

“Sinong kasama mo?” Tanong niya.

Hindi ko iyon nasagot agad. Ilang beses ko pang ni-rephrase ang mga sagot na iniisip ko.

‘Si Jacob.’

‘Bakit nangangarap kang magkita ulit kayo ni Jacob?’

‘Inaasahan mo sigurong nandito si Jacob kasama ko?’

“Pwede ba kitang makausap?” Tinikom ko ulit ang bibig ko pagkatapos kong sabihin yun.

“Uhm…” Tumingin siya sa sasakyan nila at umatras ng bahagya. “Sure.”

Naglakad siya palayo sa sasakyan nila. Lumapit siya sa isang sari-sari store. Mabuti rin kasi mas malinaw ko siyang makikita dahil sa ilaw ng poste.

“B-Bakit, Rosie?” Narinig ko agad ang panginginig ng boses niya.

Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa malamig na simoy ng hangin o dahil kabado siya sa mga itatanong ko.

“May gusto ka ba kay Jacob?”

Her jaw dropped. Alam kong nakakalaglag-panga ang tanong ko pero by now, dapat nag expect na siya na tatanungin ko siya ng diretso.

Nakakabaliw na katahimikan ang dumapo saming dalawa. Alam ko na ang sagot pero gusto kong marinig ng diretso sa kanya. Gusto kong malaman niya na alam ko… Gusto kong malaman niya na hindi ako bulag sa mga pinaggagagawa niya.

Nakita kong dumaloy ang luha sa mga mata niya.

“I’m sorry, Rosie.” Tinakpan ng palad niya ang bibig niya.

Umiiling siya at lumalapit sakin.

Hindi ako nakaramdam ng awa o kung ano man sa pag iyak niya. Napaatras na lang ako nang umamba siyang hahawakan ang kamay ko.

Mas lalong kumunot ang noo ko habang pinapanood siyang humihikbi sa harapan ko. Huminga ako ng malalim para makapagsalita ulit nang di siya sinasampal…

“Inakit mo ba siya?”

Mas lalo siyang umiyak sa tanong ko.

“Alam kong kayo, Rosie. Alam ko namang mahal ka niya. Natural tendency sa mga tao na pag gusto mo, hindi mo talaga maiiwasang-“

PAK!

Nanginig ang kamay ko sa pagsampal ko sa mukha niya. Napahawak siya sa pisngi niya at mas lalong dumaloy ang luha sa mga mata niya. Napalabas din yung mga kapatid niya sa sasakyan.

“Anong nangyayari dito, Jasmine?” Tanong ng papalapit na kapaid niya samin.

“Bryan! Dun lang kayo ni Enzo sa sasakyan.” Sabi ni Jasmine.

Hindi ako lumingon sa mga kapatid niya. Ni hindi ako natatakot na sugurin ng dalawang kapatid niyang lalaki.

“Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng delikadeza, Jasmine? Kung alam mong may iba yung tao, hindi ka na mangangarap pa… Lalo na’t magkakilala tayo! ITINURING KITANG KAIBIGAN! At ano ‘tong ginawa mo?”

“Pero alam mo naman, diba, Rosie? Na wala talaga akong pag-asa sa kanya!? Hindi mo naman ako kailangang saktan ng ganito para sa bagay na alam mong walang pag-asa!”

“KAHIT NA! Hindi porke’t siguradong walang pag-asa ay hindi ka na makokonsensiya sa ginagawa mo!”

Kumunot ang noo niya…

Pinunasan niya ang luha niya at binigyan ako ng masamang tingin.

“Napaka selfish mo! Alam mo yun? Alam ko ang buong istorya niyo ni Jacob!”

Nag-alab ang galit ko sa sinabi niya. Amputa! Ano ngayon? At wala siyang pakealam kung ano yung mga ginawa namin ni Jacob noon!

“Alam kong inakit mo siya dahil lang mayaman siya! Hindi ka bagay sa kanya! DAMN! Ang tanga ni Jacob para mahulog sayo-“

PAK!

Ngayon, 180 degrees na nanggaling ang sampal ko. Naramdaman ko agad ang kamay ng isang binatilyo sa braso ko.

“Miss, tama na… Wa’g mong gawin yan sa kapatid ko.”

Binawi ko ang braso ko sa kanya at tinignan ulit si Jasmine.

“WALA KANG ALAM! Kaya wa’g na wa’g mo yang ipanlaban sakin!!! Kung ganun talaga ang tingin mo sakin, pwes, di kita masisisi na nilalandi mo si Jacob! Hala! Sige! Landiin mo siya. Tignan natin kung may mapapala ka! Nakita ko ang halikan niyong dalawa sa opisina. Ikaw ang nag initiate. Ang kapal din ng mukha mo, wala kang delikadeza!”

Hinawakan ulit ako ng kapatid ni Jasmine.

Bumaling ako sa kanya at sinigawan siya, “Ano ba?! Wa’g kang makealam dito!”

Bumaling ulit ako sa umiiyak na naman na si Jasmine.

“Kita mo na, ang sama-sama mo. Ang taray mo… Ang arte mo kaya di ko maintindihan kung bakit in love siya sa’yo.” Umiling siya.

“Wala kang pakealam kung in love si Jacob sakin. Wa’g mo nang alamin kung bakit! Wala kang puwang sa relasyon namin kaya buti pa wa’g ka ng lumapit sa kanya!”

Napaiyak siya ng sobra. Nilagay niya ang kamay niya sa pisngi niya. Gusto kong magtanong kung may gusto ba si Jacob sa kanya… pero ayokong bigyan siya ng ideya kung paano kami masisira ni Jacob. Gusto kong ipakita sa kanya na confident ako na sakin lang in love si Jacob. Umamin din naman siya na inlove si Jacob sakin pero talagang di matanggal sa isipan ko ang halikan nilang dalawa.

“Ang bait-bait ni Jacob. Pero ang sama-sama mo, Rosie.” Aniya.

Humakbang ako palapit sa kanya pero napigilan ako ng kamay na kanina pa nakahawak sa braso ko.

“Masama ako kasi malandi ka! Kung sana hindi mo nilandi ang boyfriend ko, hindi mo sana natanggap ‘to. Jasmine, akala ko mabait ka. Alam mo? Nung una, tiningala kita kasi mabait ka… Pero hindi naman pala. Ang landi mo pala.”

“Tama pala yung sinabi ni Eunice satin noon.” Tumawa ang nakahawak ng braso ko. “May pagka b1tch pala talaga ‘tong girlfriend ni Jacob. Naku, miss, hindi kayo bagay ni Jacob. Ang bait nun. Buti pa magpakabait ka rin.” Tumango pa ang kapatid ni Jasmine sakin habang tinitignan ko siya. “Wala namang ginagawang masama yung kapatid ko kay Jacob. Gusto niya lang naman. Hindi naman porke’t may girlfriend yung tao, wala ng pwedeng magkagusto sa kany-“

PAK!

Ayan! Naka-testing din siya ng 180 degrees na sampal ko. Inilaan ko lang ito kay Jasmine. Bonus itong kapatid niya.

“Wala akong pakealam kung maraming magkandarapa kay Jacob. Yung ayaw ko ay yung hinahalikan ng mga malalandi ang akin.” Sigaw ko sa napaatras ng kapatid ni Jasmine.

Bumaling ulit ako kay Jasmine habang umiiling sa disappointment.

“Hindi ako naniniwalang mahal mo si Jacob. Sabi ni Eunice sakin, may videong kumalat noon na sinasabi mong gusto mo ng mayayaman. VIDEO YUN! Hindi tsismis! Candid! Kaya kahit anong sabihin ni Eunice sakin, hanggang ngayon, hindi ako naniniwalang pinaglalaban mo si Jacob dahil mahal mo siya…”

Napakagat ako sa labi ko sa sobrang inis sa pinagsasabi ni Jasmine. Hindi ko matanggap. Hindi matanggap ng buong sistema ko na yun ang naging batayan niya. Hindi niya alam ang buong istorya… wala siyang alam tungkol samin.

Lumapit ulit ako kay Jasmine pero hinawakan ulit ng kapatid niya ang braso ko.

“Bryan, ayaw kong hinahawakan si Rosie kahit nino. Pakitanggal ng kamay mo.” Seryosong sinabi ng isang pamilyar na boses.

Imbes na sugurin at sampalin ko ulit si Jasmine ay napasulyap ako kay Jacob sa likuran. Nakatitig siya kay Bryan. Hindi tinanggal ni Bryan ang kamay niya sa braso ko kaya ako ang pilit na nagtanggal nito.

“Sinasampal niya ang kapatid ko, Jacob. What do you expect? Ano ang gagawin ko? Edi pigilan siya! Dude, hindi pa ba sapat na sinaktan mo ang damdamin niya? Dinala mo pa talaga ang girlfriend mo dito para saktan siya physically?”

Narinig ko ang paghagulhol ni Jasmine sa harap ko. Nagpabalik-balik ang tingin ko kay Jacob, Jasmine at Bryan.

Unti-unting naging klaro sakin ang lahat ng nangyari. Lahat ng nakita ko sa opisina ay unti-unting nawawalan ng saysay para sakin ngayon.

“Sorry, pero kahit ano, para kay Rosie.”

Tumindig ang balahibo ko sa sinabi ni Jacob kay Bryan.

“Jacob, ni katiting, wala ka ba talagang pakealam sakin? O-Okay lang sayo na saktan ako ni R-Rosie? A-Akala ko kaibigan kita?!” Nabasag ang boses ni Jasmine.

Huminga ako ng malalim at naghintay sa sagot ni Jacob. Hindi ko na kailangang itanong kahit kanino kasi si Jasmine na rin pala ang magtatanong sa kanya ng harap-harapan.

“Akala ko rin kaibigan kita. Kaibigan ko lahat ng rerespeto sa pagmamahal ko sa kanya. At kung di niyo matanggap yun, hindi ko rin kayo matatanggap.”

Napalunok ako at tinalikuran na si Jasmine. Akala ko magbubuhol-buhol pa ang buhok ko bago ko siya matantanan sa gabing ito. Akala ko makakapatay ako ng tao… Pero hindi na pala kailangan. For some reason, lahat ng sinabi ni Jacob, tumalab sakin, tumatak sakin.

“Let’s go, Jacob.” Sabay lakad ko pabalik sa sasakyan niyang nakapark na pala ngayon sa malayu-layong lugar.

Nilagpasan ko ang isa pang kapatid ni Jasmine na nakaawang ang bibig habang tinitignan ako.

“Jacob, gaya ng sabi ko, breach of contract.” Sabi ni Bryan.

“Saang korte at magkano? Babayaran ko kahit magkano. Lumayo lang kayo.”

WHAT? Ano yun? Breach of Contract!? Sa kontrata ba ng trucking? At magbabayad siya dahil gusto niyang lumayo na sina Jasmine sa amin?

Napalunok ako habang binubuksan ang front seat ng sasakyan ni Jacob. Hindi pa naging klaro sa akin ang lahat ng nangyari sa kay Jacob at Jasmine pero hindi ko na kailangang alamin. Ramdam na ramdam ko lahat ng sinabi ni Jacob. Ganunpaman, hindi ko parin kayang ngumiti sa kanya.

Sumusulyap siya sakin every 10 seconds. Para bang hinitintay niyang mag milagro at maging sweet ako sa kanya. Kaya lang, hindi ko magawa. Kailangan ko ulit ng time. Fresh parin ang lahat. Gusto kong iproseso ang lahat. Gusto kong pag-isipan kung ano talaga ang ugat ng lahat ng ito. Napatawad ko na siya pero tingin ko kailangan ko pang mag isip kung anong approach ang gagawin naming dalawa pagkatapos ng malaking away na ito… kung paano namin pangangalagaan ang relasyon namin. Yung tipong kahit ilang babae ang maglandi sa kanya, hindi basta-basta mawasak ang trust ko at hindi rin siya basta-bastang maglilihim sakin.

“Uhm… Sa Bahay parin ba ni Lola?” Lakas loob niya akong tinanong.

“Oo.” Malamig kong sinabi.

“Ah…” Tumango siya.

Alam kong disappointed siya sa desisyon ko. Para sa kanya, ang ibig sabihin nito ay hindi ko parin siya napapatawad, pero ang totoo, gusto ko lang mapag-isa ng kahit isang gabi. Break para saming dalawa pagkatapos ng matinding pag-aaway namin.

Gusto niya palagi akong nasa tabi niya. Gusto niya ng di ako nawawala. Gusto niyang literal kaming palaging magkasama. At hindi ko siya susumbatan dahil yun ang gusto kong Jacob. Yun ang Jacob ko. Part na iyon sa mga nagustuhan ko sa kanya. At alam kong ang pagiging malamig at maarte ko ay part din ng nagustuhan niya sakin. Tanggap namin ang isa’t-isa. Lahat ng flaws namin ay hindi nagiging hadlang para mahalin namin ang isa’t-isa, instead, sila ang naging pundasyon sa pagmamahalan namin.

“Good night.” Sabi ko sa kanya at binuksan ang pintuan.

Aalis na sana ako nang narealize kong gusto kong humalik sa kanya… kahit sa pisngi man lang. Binalikan ko siya agad at hinalikan sa pisngi. Umalis din ako agad para isarado ang pintuan. Kahit madilim, ilaw lang sa loob ng sasakyan niya ang nagdadala ng liwanag, kitang-kita ko parin ang pamumula niya.

Sa sobrang pula ng pisngi niya, pakiramdam ko sasabog na siya.

Ngumuso ako kahit gusto kong ngumiti.

“Si-Sigurado ka bang dito ka matutulog?” Tanong niya.

Tumango ako.

“K-Kung ganun, tatawagan kita pagkarating ko sa bahay. W-Wa’g kang matutulog agad, ah? Tatawagan pa kita.” Lumunok siya.

Tumango ako at sinarado ang pinto.

Tinalikuran ko siya. Ang bilis ng tibok ng puso ko habang naglalakad ako papasok ng Bahay ni Lola. Damn! Naiinlove na naman ako sa kanya. Ilang beses ba akong maiinlove sa iisang lalaki? Ilang beses na rin kaya siyang na inlove sakin?

“ROSIE!?!” Nakangiting sigaw ni April sakin nang nakapasok na ako sa Bahay ni Lola.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: