Baka Sakali 2 – Kabanata 20

Kabanata 20

Kahit Hindi Darating

Hindi ako mapakali sa mga sumunod na araw. Hindi ko kayang mag isip ng bukod sa nangyayari ngayon kay Jacob. Nakakabuti nga ang paglayo niya sakin pero nakakasama din naman pala sakin.

Tulala ako tuwing may klase.

“Rosie!” Sabay snap ni Callix sakin isang araw nang nasa canteen kami. “Okay ka lang ba?”

Napatingin ako sa kanilang dalawa ni Belle. Dapat kasi nag react na ako sa kalandian nila kanina. Dahil di ako nakapagreact, nagtaka tuloy ang dalawang ito.

“A-Ano?”

“Ang sabi ko, Okay ka lang ba? Kanina ka pa tulala!”

Tinignan ko si Belle at Ava na kanina pa nakatingin sakin gamit ang nag-aalalang ekspresyon.

“Okay lang ako…” Ngumisi ako.

Binalewala ako ni Belle pero diretso parin ang titig ni Ava sakin.

“Are you sure? May problema ba kayo ni Jacob?”

“W-wala!” Nanginig ang boses ko sa sagot ko.

Kumunot ang noo niya, “Tinawagan mo na ba siya?”

Napalunok ako sa tanong niya.

Kahapon, tinawagan ko siya…

“Hello, Jacob?”

“Rosieee!” Excited ang boses niya nang tumawag ako.

Tumaba ang puso ko nang narinig ang boses niyang sabik. Napawi lahat ng pagdududa ko.

“Anong ginagawa mo?” Tanong ko.

“Eto, kumakain? Ikaw? Wala ka bang pasok?” Tanong niya.

“Uhmmm. Papunta ako sa next class ko ngayon. Hehe. Anong kinakain mo?”

“Itong niluto ni Jasmine. Taste test daw. Unang beses niya pa daw tong niluto kaya ako muna ipapatikim niya.”

Napalunok ako.

“Hindi naman ako naniniwalang unang beses eh ang sarap agad. Galing niyang magluto, ah! Grabe!”

“Wow! Talaga? Ano bang niluto niya?” I need to make this conversation as normal as possible!

“Brownies. Hindi kasi siya mahilig mag bake pero ngayon sinusubukan na niya.”

AH. OK. Yun ang napala ko sa pagtawag ko sa kanya.

Nang tinawagan niya naman ako kaninang umaga…

“Anong gagawin mo ngayong araw, Rosie?”

“Uhm.. Pasok sa school. Yun lang. Ikaw?”

“Pasok sa trabaho. Miss na miss na kita.”

Napangiti ako, “Miss na miss na rin kita.”

“Poooo?” Sigaw ni Jacob.

Mukhang may kausap siya sa kanila.

“Sandali lang. Mag uusap muna kami ni Rosie.” Aniya.

Siguro yung katulong nila.

“Mamaya na. Hayaan niyo na lang- Saglit lang- Okay okay! Hindi ko na nga paghihintayin- teka… Uhm, Rosie… tawagan na lang kita mamaya, naghihintay na kasi si Jasmine.”

“Okay, bye…”

“Wait! I love you!” Sabi ni Jacob.

“Sorry nagmamadali ako, I love you, too.” Saka binaba ko na agad.

LECHE! Pinipigilan ko na ang mga luha ko nangpapasok akong classroom.

Kabanas. Yung wala talagang pumasok sa utak mo sa loob ng dalawang oras sa klase. Tanging naramdaman mo lang ay yung kirot sa puso mo. Naiiyak ka pa kaya imbes tumingin sa nagsasalita ay napapayuko o di kaya’y napapatingin ako sa labas.

NAIINIS NA AKO KAY JACOB! Pero hindi ko siya masumbatan dahil ako ang may pakana sa lahat ng ito! Ako ang nag encourage sa kanyang doon na mag field study! Gusto kong magreklamo pero natatakot akong iwan niya ang Alegria para sa reklamo kong sana’y wala ngang katuturan.

“Rosie, wa’g ka na masyadong OA. Mahal ka nun.” Mas matatag pa ang faith ni Karl sakin.

Natutuwa naman ako tuwing naririnig ko ang mga sinasabi niya.

“My God! Nakasaksi ako sa lahat ng pinagdaanan niyo. Hindi na yun magbabago. Wala ng makakapantay pa dun. Maaring may susubok pero walang magtatagumpay.”

Nakakalubag-loob ang mga sinabi ni Karl. Siguro oobserbahan ko muna ang lahat. Baka pag komprontahin ko agad si Jacob, umalis yun agad kahit talagang wala namang nangyayari. Magiging kasalanan ko pa ang lahat. Lalabas pa akong selfish sa relasyon namin.

“Alam mo kasi, Rosie… Nasa isip mo lang yan lahat. Malay mo iniisip din ni Jacob na may iba ka dito, diba?”

Oo. Inisip at natakot siya noon na magkaroon ako ng iba. Pinagdudahan niya ng husto si Brandon. Pero hindi naman kami araw-araw na magkasama ni Brandon. Maaring hindi niya ako nilulubayan pag magkasama kami pero tinatarayan ko naman. Itong si Jacob, nagpapakabait kay Jasmine. Lagi pa silang magkasama. Marami pa kaming pagkakaiba ni Jasmine.

Maganda si Jasmine at mabait. Confident siya at gaya ng sinabi ni Jacob, magaling siyang magluto. Hindi ko na alam kung hanggang saan ang pagtitimpi ko sa kanila.

Hindi ko alam kung makakaya ko pa bang marinig ang mga topic na si Jasmine. Tuwing tumatawag siya o tumatawag ako, palaging nababanggit si Jasmine. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko? Magrereklamo ba ako o hahayaan na lang at magtiwala?

“Di bale, magkikita naman kayo bukas diba? Pag usapan niyo na lang yan.”

Tumango ako. Tama si Karl, pag usapan na lang namin ito ni Jacob.

“By the way, iti-treat daw kayo ni Ms Bubbles ng pagkain tsaka nood ng sine this Saturday. Isama mo na lang si Jacob. Muntik ko nang makalimutang sabihin sayo.” Pinukpok ni Karl ang ulo niya, “Sa isang mall.”

Umiling na ako, “Ayoko munang sumama. Paki sabi na lang kay Ms. Bubbles. O itext ko na lang siguro si Kira.”

Tumango siya, “Bakit?” Nanliit ang mga mata niya. “Ah! Gusto niyong mapag isa ni Jacob. I mean… ‘mapag-isa’.” Tumawa siya.

Uminit ang pisngi ko, “Hindi ganun! Gusto ko lang siyang kausapin.”

Tumawa parin si Karl, “Oo.. Saan? Sa kama?”

Sinapak ko ang braso niya. “Sige, tawa ka pa! Mahahalata nang bading ka?”

Hinawi ni Karl ang invisible niyang bangs.

“I don’t care.”

Ngumisi kaming dalawa. Napatingin ako sa mga tao sa paligid ng coffee shop na tinatambayan namin hanggang sa may tumawag sakin.

“Jacob!” Nagkatinginan kami ni Karl.

“Aha! Free time mo ngayon, diba?”

Napangisi ako. Nag thumbs up si Karl. Mukhang inisip niyang magandang senyales yung pagngisi ko kaya nag thumbs up din ako at nag concentrate sa tawag ni Jacob.

“Naalala mo pala.” Sabi ko.

“Of course! Memorize ko ang schedule ng asawa ko!” Tumawa siya.

Napangiti ako at napakagat sa labi, “I miss you so much.”

Suminghap siya, “Haaay! I miss you din!”

Biglang naging matamlay ang boses niya.

“Di bale, magkikita naman tayo bukas diba?” Sabi ko nang nakangiti.

“Rosie… kasi… uhm… bukas…”

Napawi ang ngiti ko.

“Birthday ng daddy ni Jasmine. Uuwi sana ako pero sabi ni papa wa’g muna for this week kasi magkakaroon ng konting salu-salo sa kanila. Alam mo na… kailangan pumunta para magpakita ng respeto.”

Hindi ako umimik. Naiiyak na naman ako. Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Karl.

“Uhm…” Kinagat ko ang labi ko para maiwasan ang pagkabasag ng boses ko. “Saan?”

“Sa kabilang probinsya. Yung ancestral house nila Eunice. Dun ice-celebrate. Uhmmm… Mga 15 minutes ang byahe galing dito sa bahay.”

“Ah… So hindi ka muna makakauwi?”

“Oo. Sorry. Babawi ako next week? Miss na miss na kita… Sobra.”

“Miss na miss na rin kita.”

Napapikit ako sa hapdi ng naramdaman ko sa puso ko. Hindi ko alam… nung una akala ko tapos na ang pagbabakasakali ko saming dalawa. I thought out future has been decided… Ngayon, nagbabakasakali na naman ako. Baka sakaling kami parin sa halip ng sitwasyon na ito. Baka sakaling ako parin ang pillin niya pagkatapos niyang makilala ng husto si Jasmine. Baka sakaling kami parin pagkatapos ng lahat ng ito.

“Uhm… Sige, Jacob… Mag aaral ako sa next class.. Ingat ka diyan.”

Ayoko nang patagalin ang pag uusap namin baka kung ano pa kasi ang masabi ko.

“Ah? Okay. Sige… Goodluck! I love you so much, Rosie.”

“I love you, too.”

Pinutol ko agad ang linya bago pa tumulo ng husto ang luha ko. Napalingon-lingon si Karl. Nagpanic siya at kumuha agad ng tissue para ibigay sakin.

“Bakit? Akala ko okay?” Tanong niya.

Pinikit ko ng mabuti ang mga mata ko habang pinupunasan ang luha ko gamit ang tissue na binigay ni Karl.

“Akala ko rin.” Napahikbi ako.

“Hindi siya makakauwi?” Tanong ni Karl.

“Hindi! Kasi birthday ng daddy ni JASMINE!” Padabog kong sinabi ang pangalan ni Jasmine. “JASMINE na naman!”

Umiling si Karl.

“Tsk… Tapos anong gagawin mo bukas? Iiyak at magmumukmok sa kwarto niya? Maghihintay ka dun kahit di siya darating?”

Uminit ang ulo ko sa sinabi ni Karl.

“Hindi! Leche! Uuwi ako sa bahay namin! At bukas, sasama ako sa models! Tangina!”


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: