Baka Sakali 1 – Kabanata 7

Kabanata 7.

Jacob Buenaventura

“Aranjuez, Buenaventura.” Sabay turo ni Mrs Gonzalo sa huling upuan kung saan kami uupo ni Jacob.

Buenaventura pala ang apelyido ni Jacob. Jacob Buenaventura? Mukhang mayaman pero hindi naman pala.

Umiling si Jacob habang umuupo sa upuan sa tabi ko. Para bang ayaw niya akong katabi.

“Kung ayaw mo sakin eh magprotesta ka kay Mrs Gonzalo!” Sabi ko ng pabulong sa kanya.

“Hindi naman ako tanga. Alam kong walang pag-asa.” Aniya ng pabulong din.

“Baka sakali…” Sabi ko at umiiling din. “Ayoko rin naman sayo eh. Pag nangyaring papayag siya, tayong dalawa yung masisiyahan.” Pabulong ko ulit na sinabi habang nagsasalita na si Mrs Gonzalo.

“Yung mga katabi niyo ay ang partner niyo sa halos lahat ng activities sa school.” Napailing at protesta si Jacob habang ginugulo ang buhok niya. Pati na rin ang ibang kaklase ko.

“Exchange tayo, pre!” Sabi nung isa sa mga kaibigan ni Jacob sa kanya sabay tingin sakin. “Gusto ko diyan.”

Yuck!

“Sa laboratory, thesis at marami pang iba. Alam niyo naman siguro ang patakaran at pananaw ng school na ito hindi ba? Learning is best when you collaborate with a partner. That way, hindi kayo gaanong marami kung saan yung iba ay nagiging pabigat na lang, at hindi rin kayo nag-iisa at may tututlong sayo. Lift up, 6 Dandelion!” Sabi ni Mrs Gonzalo.

“Ikaw na lang kaya ang magprotesta sa kanya?” Bulong ni Jacob sakin. “Inuutusan mo pa ako eh.”

“Mag aaksaya lang ako ng laway.” Sabi ko. “Ikaw itong ayaw na ayaw tumabi sakin, ako pa ang ipapagsalita mo?”

“Bakit?” tumingin siya sakin. “Gusto mo ba akong katabi?”

“Hindi no!” Sabi ko nang nakasimangot. “Ano ka?”

“Eh yun naman pala. Edi ikaw na ang umapila doon.” Sabi niya. “Kung di ka mag-aapila dun ibig sabihin gusto mo akong makatabi… siguro nga may gusto ka sakin eh!”

Ako naman ngayon ang napatingin sa kanya. Nakangiti siya habang nagkukunwaring nakikinig kay Mrs Gonzalo.

“Binablackmail mo ba ako? Kay kapal din naman ng mukha mo para sabihin mo saking may gusto ako sayo ah? For your information, yung ex ko sa Maynila, mayaman, may sasakyan at hindi taga bukid.”

“So?” Sabi niya at tumingin na rin sakin.

“So? Hindi ka kailanman papasa sa taste ko. Magkasalungat kayong dalawa kaya wa’g ka ng mangarap!” Sabi ko at naririnig ko na ang puso ko sa inis ko.

“Mangarap? Baka ikaw diyan yung nangangarap!” Humalakhak pa siya.

May gana talaga ang lalaking ito na magmayabang ano? Para bang sinong mayaman kung makapagsalita! Parang kung sinong gwapo!?

“Gusto kong sumuka sa mga pinagsasabi mo!” Sabi ko.

“Noong isang araw pa ako sumusuka pagnakikita kita.”

“Ehe-ehem!” Sabi ni Mrs Gonzalo habang pinapanood na kami ng buong klase. “Mukhang agad-agad na close kayong dalawa diyan ah?”

Napatingin kami sa sahig ni Jacob. Parehong hiyang-hiya sa nangyari.

“Alam kong nagku-kwentuhan kayong dalawa pero sana mamaya na yan at makinig kayo sa grading system at sa mga subject na kinukuha niyo bago kayo mag chikahan diyan.”

Chikahan? You wish! Grrrr! Nakakainis si Jacob! Di ko alam kung paano ko nagawang isiping pwede siyang maging prospect ng lovelife ngayong ganyan ang pag-uugali niya! Grrr!


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: