Baka Sakali 1 – Kabanata 25

Kabanata 25

Ubod sa Kalandian

Sa sumunod na araw, may tatlong roses ako sa mesa at may nakalagay ulit na note, “Peace Offering number 2.”

Grabe yung mga kaklase ko, pinagkaguluhan nila.

“Noon isang araw, cake yun diba?” Sabi nung nakaupo sa harapan ko. “Saan naman kaya nakabili ng secret admirer mo ng cake? O di kaya may oven sila.” Pinalibutan ako ng mga kaklase ko.

Saka naman pumasok si Jacob habang tumatawa sila sa pinag uusapan nila ni Leo at Teddy.

Hindi talaga malalaman ng mga tao dito na siya yung nagbigay sakin nito. Pagkatapos ng klase… nung nakaalis na halos ang lahat… di parin gumagalaw si Jacob sa kinauupuan niya.

“Ano to?” Tanong ko sa kanya ng pabulong.

“Peace offering nga diba?” Aniya.

Inirapan ko na, “Di na kailangan-“

“Bakit? Napatawad mo na ako?” Ngumisi siya.

“Hindi! Kasi nga… di na kita mapapatawad!” Sabi ko.

“Sus, etong si Rosie o… kung makapag biro wagas! Nagpatawad nga ang panginoon, ikaw pa kaya!”

“Huy, Jacob! Wa’g mong isali ang panginoon dito, wala kang pakealam!” Halos di ko yun masabi dahil natatawa na ako sa sinabi niya.

Loko! Kainis! Naiinis ako dahil natatawa ako pero di ko naman mapigilan ang pagpungay ng mga mata ko at paghalakhak ng konti.

“Ayan! Napatawa na kita… Kasunod nito ay ang forgiveness na-“

“Tseh! Tigilan mo nga ako-“

“Jacob!” Sigaw ni April sa likuran.

Habang tumatagal, lalo yata siyang gumaganda. At nagtaka din ako kung nag co-contact lens na ba siya ngayong di niya na isinusoot yung luma niyang glasses. Mas umiksi din yung cut ng navy blue at crimson na palda niya. Mas maiksi pa sakin…

“Huh?” Napalingon si Jacob sa kanya.

“T-Tinawag ka nina Leo… Sa labas.” Aniya.

“Huh? Sandali lang.” Ibinaling ulit ni Jacob ang atensyon sakin at…

“Importante daw.” Sabi ni April.

“Huh? O-O sige…” Tumingin ulit si Jacob sakin.

Niligpit ko na lang ang gamit ko at kinuha yung tatlong roses. Tinalikuran niya ako at nakita ko siyang palabas na ng pintuan habang nandoon pa si April na nakatayo.

“Thanks, April.” Sabi ko.

Hindi na kami masyadong nakakapag usap ni April simula nung tinulungan niya akong makaiwas kay Jacob. Aniya’y mas magandang ganun dahil dikit nang dikit si Jacob sa kanya kaya kung magkasama kami, di ko maiiwasan si Jacob.

“Okay lang.” ngumiti siya at tinignan ang dala kong mga rosas. “Wow? Secret admirer?”

Ngumiti din ako at nagkibit-balikat na lang.

Ayokong sabihin na kay Jacob galing ‘to. Alam kong may gusto si April kay Jacob kaya dapat siguro ilihim ko na lang to.

Sa sumunod naman na mga araw, hindi ko alam kung bakit dinapuan ako ng matinding flu… Sinisi ni Auntie Precy ang global warming. Napostpone tuloy ang lakad ni mama at papa pa Maynila para mag apply naman sa New Zealand.

“Yung excuse letter ko?” Sabi ko kay mama habang kumakain ng lugaw sa kusina at naka balot ng jacket at kumot. Leche! Nagising na lang akong bigla na nag aapoy na ng lagnat at sinisipon. Masakit pa ang katawan ko at gusto ko na lang matulog…

“Si Auntie Precy mo na ang nagsabi kay Mrs Gonzalo na wala ka… Matulog ka na nga lang.” Sabi ni Mama.

Wala pa naman si Maggie ngayon dahil nagtatrabaho sa J.A.

Ayoko namang matulog kaya nanood na lang ako ng TV sa sala habang nakapulupot parin ang kumot sa katawan ko.

Toktoktok

Sinakluban talaga ng langit at lupa nung nakita ko si Jacob sa pintuan, hayop ang ngiti at may dalang kung anu-ano.

Tumingin ako sa labas at nakitang kaaalis lang nung Hummer.

Anong ginagawa ng mahal na prinsipe dito?

“OOOH! JACOB! NANDITO KA PALA!” Mas nauna pang nakapag reak si mama at hinalikan niya agad si Jacob sa magkabilang pisngi nito. “May sakit si Rosie… Naku! Kawawa talaga ‘tong anak ko… Huhuhu.” Tapos ngayon ay humalik siya sa pisngi ko at niyakap ako.

WEH? Kanina nga halos mandiri pa to sa sipon ko ngayon ang sweet na! Si mama talaga! Ikaw na! Dakilang flirt!

“Hijo, ba’t ka nandito? Yung pasok mo?”

Narealize ko din yung sabi ni papa. Naka uniporme pa kasi si Jacob.

“Ah! Umabsent po ako eh. Eto nga po pala… mga prutas galing sa farm.” Sabay abot kay papa. “Naku! Salamat!” Tapos umalis si papa papuntang kusina para ilagay doon ang prutas.

“HUH? Umabsent-” Ni di ako makasingit.

“NAKUU! Umupo ka hijo! Dito… Hay nako! Kasamaang palad nga ay di namin maaalagaan si Rosie ngayon dahil pupunta kaming Maynila ng papa niya.”

AHDGWJHDFJAHJ WHAT? WHAT THE EFFING HECK? Ubod talaga si mama. Ubod sa kalandian jusko!

“Kawawa naman itong anak ko… talaga… huhuh… baka anong mangyari sa kanya… ikamamatay ko talaga yun-“

“Ah! Ako na lang po ang magbabantay sa kanya dito!” Parang may nakita talaga akong umilaw na light bulb sa ulo ni Jacob.

“Wa’g-“

“NAKUUUU!” niyakap ni mama si Jacob. “Ang baet mo pero kailangan mo ng pumasok sa school. Baka bumagsak ka at pagalitan pa itong si Rosie ni Don Juan Antonio.”

“Hindi naman po… Akong bahala!”

“TEKA LANG, MA!” At last, nakapagsalita ako. “Jacob, pumasok ka na nga! Alis ka na dito.”

“Huy, Rosie! Nagmamagandang loob na nga yung tao, pinagtatabuyan mo pa. Mahiya ka nga diyan! Di kita pinalaking ganyan!”

Pumula ang pisngi ko. Nothing beats pinapagalitan sa harap ni Jacob! Bwiset!

“Oh sige na! Imbes na titigan mo ako ng ganyan, magsaya ka na lang at may magbabantay sayo dito!”

“Mas sasaya ako kung mag isa ako dito! Wala namang namamatay sa flu!”

“Meron! Binalita kahapon sa TV Patrol!” Tapos umalis si mama para sabihin kay papa ang pagbabago ng desisyon.

What the hell!? I’m sure gawa-gawa lang ni Mama yung sa TV Patrol! GRRR!

“O sige! Nandun na yung lunch niyo ah? Alis na kami… Naku Jacob! Kung wala ka, anong mangyayari sa maganda kong anak! Maraming salamat at hulog ka ng langit!” Tapos umalis na sila.

Napapikit na lang ako sa hiya kay Jacob. Yung ekspresyon niya kanina ay may halong bigla at pagtataka. Naku! Kung alam niya lang kung ano ang nasa utak ni mama, siguradong ma po-prove niya ang mga duda niya sakin (kahit na di naman talaga totoo yun para sakin). Maiisipan niya ulit na pera lang ang habol ko.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: