Baka Sakali 1 – Kabanata 14

Kabanata 14

Laging Bigo

Sabado at dumating si James galing Maynila. Ang saya-saya ni Maggie at papatulugin si James nina Mama dito sa bahay. Walang kupas ang pagiging inlove ng dalawa. Sweet-sweetan parin lalo na pag wala si Mama at Papa sa paligid.

“Buti pa ipasyal mo si James sa Kampo Juan o di kaya sa Alp?” Sabi ni mama nang nakangiti.

Eexit na sana ako. Ayokong pumanta doon sa Kampo Juan o sa Alp Spring, panigurado’y makikita ko na naman si Jacob doon. Oo, gusto ko siya. Pero bumibilis ang pintig ng puso ko pag nandiyan siya at ayoko ng ganun. Dapat iwasan.

“O Saan ang punta mo, Rosie? Buti samahan mo sina Maggie at James sa Kampo Juan at Alps?” Sabi ni mama.

“Pagod ako, ma. Sila na lang.”

“Sige na sis! Please? Please? Please?” Sabi ni Maggie.

“Ba’t pa ako kailangan. Ayaw mo nun? Wala ako?”

Pero hindi niya ako tinantanan ng di sumasama. Nagbihis na ako para sumama sa kanila. Short pants at white t-shirt lang tapos tsinelas. Nakakatamad eh.

“Cheer up! Kaya nga kita gustong isama eh para masiyahan ka. Boring doon sa bahay. Buti ka nga may school ka sa weekdays, samantalang ako, pinapakain lang yung mga manok at nag luluto tapos nanonood ng TV.” Sabi ni Maggie sakin nang nakasakay na kami ng tricycle papuntang Kampo Juan.

“Makikita ko lang si Jacob dun na nagtatrabaho.” Sabi ko habang sumisimangot sa tabi niya.

“Sinong Jacob?” Tanong ni James.

“Yung pamalit niya sa ex niyang si Callix.” Tumawa pa si Maggie.

Umiling na lang ako.

Nakarating kami sa Kampo Juan at nagsimula na silang mamasyal. Ako naman ang may hawak sa camera kaya pose sila nang pose samantalang ako yung nagpipicture. Pero sa pang one-hundredth na picture yata, natigilan ako nang may namataan ako sa likuran nilang nagbubuhay na naman ng kahoy!

Uminit ang pisngi ko at tinoon ang pansin sa camera.

“Anong problema?” Sabi ni Maggie nang nakitang pumupula ang pisngi ko.

“Wala!” Sabi ko. “Sige na, pose na kayo ni James!”

“Nagbu-blush yata.” Sabi ni James.

Napicturan ko sila ng stolen! Kainis naman ang dalawang ‘to! Lumingon sila sa likuran at nakita kung sino ang nagdulot ng pamumula ko.

“Si Jacob ba yan?” Tanong ni Maggie. “JACOOOB!” Tawag niya dito kahit di niya naman kilala o di naman talaga siya kilala.

“Huy! Maggie! Tigil ka nga diyan! Bushet ‘to oh!” Sabay lagay ko ng kamay ko sa bunganga niya pero huli na ang lahat.

Tawa nang tawa si James nang narealize niya ang ginawa ni Maggie. Kumaway pa si Maggie kay Jacob nang lumingon ito.

Nakasimangot ang kumag. Paano ba naman kasi, may tumatawag sa kanyang di kilala.

“Nandito si ROSIEEE!” Sabay turo ni Maggie sakin kaya natakpan ko ulit ang bunganga niya.

Nilagay ni Jacob ang kahoy na dala-dala sa lupa at naglakad diretso samin. OMG! Sa malayo palang kitang-kita na ang sparkling abs niya at sparkling sweat.

“OOOOhhh!” Sabi ni Maggie nang narealize na talagang gwapo at may abs ang kumag. “Alam ko na ngayon kung bakit.” Siniko niya ako.

Kainis lang eh! Nagtawanan sila ni James samantalang nininerbyos naman ako dito.

“Oh, Rosie. Nandito ka pala. Anong ginagawa mo dito?” Tumaas ang kilay niya.

“Pinapasyal namin ang boyfriend ng ate ko. Eto nga pala ang kapatid kon, si Maggie at yung boyfriend niyang si James.”

Ngumiti at tumango si Jacob sa ngumingising sina James at Maggie.

“Naku, ikaw pala si Jacob! Lagi kang binabanggit ni Rosie samin eh-” Tinakpan ko na ulit ang madaldal na bunganga ni Maggie.

Tumingin si Jacob sakin, ngumingisi at mukhang parehong nagtaka at nabigla ang kumag. Alam kong mejo may feelings na ako sa kanya pero ayaw kong malaman niya iyon. Baka mag fe-feeling lang siya at masapak ko pa.

“Jacooob!” May tumawag sa kanya galing sa likuran.

Tumingin kaming pareho ni Maggie hanggang sa maaninaw ko ang malalaking eyeglasses ni April habang kumakaway kay Jacob.

“Okay ka lang ba diyan?” Tanong niya, papalapit na.

“Oo. Nakita ko lang sina Rosie.”

Tumingin si April sakin at ngumiti. Pero may kung ano sa ngiti niya at di ko alam kung ano yung tinutukoy ko.

“Si tatay pagod na eh. Ayos na daw yung ginawa mo, salamat!” Sabi ni April nang nakalapit na. “Hi, Rosie!”

“Uh… hello! Eto nga pala si Maggie ang kapatid ko tsaka si James na boyfriend niya.”

Ngumiti siya ng saglit kay Maggie at James tapos ay tumingin ulit kay Jacob.

“A-Ano… Salamat talaga Jacob ah?”

“Walang anuman.” Ngumiti si Jacob.

So? Tinutulungan ni Jacob si April? Wait… Yung tatay ni April ang tinutulungan ni Jacob? Close siguro sila ng tatay ni April or something? Baka may namamagitan sa dalawang ito.

Nakumpirma ko namang may namamagitan nga sa dalawa nang…

“Uh… Di ka pa ba aalis?” Tanong ni April.

“Aalis na. Tayo na?” Sabi ni Jacob.

Naglahad si April ng kamay kay Jacob at agad naman ‘tong hinawakan ni Jacob.

“A-Alis na kami Rosie, Maggie, tsaka James.” Sabi ni Jacob nang seryosong tumitingin sa nabigla kong ekspresyon.

May konting parte sa puso kong gumuho kaya napanganga ako sa nakita at halos di makapagsalita. Siniko pa ako ni Maggie bago nagsalita.

“O-Okay. Bye!”

Tinalikuran kami ng dalawa habang masayang nagho-holding hands palayo. May kung ano sa tiyan kong bumabagabag sa mood ko. Gusto ko ng umuwi at magmukmok sa bahay. Matulog o di kaya ay magpaload at mag GM sa kahit sino na lang para maalis ko ang pag-iisip ko sa nakita ko.

“Taken na yata?” Sabi ni James.

“Nope! I don’t think so…” Sabi ni Maggie. “Siguro kaibigan lang.”

“Kaibigan lang? Ibig sabihin kung ako makikipagholding hands sa iba pupwedeng kaibigan ko lang yun?”

Sinuntok ni Maggie si James at tumingin sakin. Tahimik silang pareho. Alam kong sinabi lang yun ni Maggie para gumaan ang loob ko pero alam kong tama si James. Imposibleng magkaibigan lang sila kung naghoholding hands sila.

Kaya pala pinagtatanggol niya si April sa school. Kaya pala close na close nila. Siguro sila na nga! Ba’t di ko yun nakita? Kaya pinili ni Jacob si April dahil sila na!


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: