Until He Was Gone – Kabanata 7

Kabanata 7

Infinity Sign

Niyugyog ako nang niyugyog ni Erin habang binubuksan ko ang mga regalo sa bahay. Tama nga at may trilogy’ng libro na binigay si Rafael.

“YOU KISSED? MOMOL?” Sigaw niya sa mukha ko.

Narinig kong kumalabog ang kinakaing cereals ni Charles sa kusina. Nasa sala kasi kami at diretsong corridor lang ay kusina na namin.

“Shh!” Sabi ko sabay ismid kay Erin. “Hindi! Sa cheeks lang!” Pumula ang pisngi ko nang sinabi ko iyon.

Lalo na nang parang kinuryente si Erin dahil doon sa nangyari! Umiling ako at sinubukang mag bukas ulit ng iba pang regalo. Kanina pa kami picture nang picture dito ng gulat na mukha lalo na sa regalo ni daddy at mommy na bagong phone.

“Haba ng hair!” Kumanta kanta ang baliw kong pinsan sa sala.

Tumawa na lang ako.

“Nag text na ba siya? O ano?” Tanong niya.

Dinungaw ko ang bago kong cellphone at nakitang may mga nagtext ng greetings kahit kahapon pa ang birthday ko pero walang galing kay Eion.

“Hindi, e. Hula ko tulog iyon. Puyat kami kagabi.”

Nanliit ang mga mata niya at ngumisi ulit.

“Not what you’re thinking!”

Nagpatuloy ang panunukso niya sa akin dahilan kung bakit di ko maalis ang ngisi ko. Nang nakuha ko ang isa pang regalo at binasa ang maliit na naka fold na papel sa gilid. Alam ko agad kung kaninong sulat kamay iyon kahit na walang nakalagay kung sa kanya ba ito.

“Klare” Ito lang ang nakalagay sa matigas at capslock na sulat kamay. This is from Elijah. Binuksan ko iyon at nakitang may isang kulay aqua blue o lighter teal, hindi ko alam, pero alam ko agad kung saan ito nabili dahil sa nakalagay sa harap, sa ibaba ng kulay silver na ribbons. “Tiffany and Co.”

“Sinong nagbigay niyan?” Halos kunin ni Erin iyong box sa akin.

“Si Elijah.” Sabi ko.

“Ano iyan? Necklace? EARRINGS?”

Agad ko iyong binuksan. Kinabahan ako pero humupa ang kaba ko nang nakita ang isang infinity symbol sa gold at nipis na lace nito.

Dahan dahan ko iyong kinuha at nakita kong bracelet iyon. Kinuha ni Erin iyon sa mga kamay ko. Bumagay ang gold bracelet sa morena niyang pulso. Halatang namamangha siya roon pero imbes na ilagay sa sariling pulso ay nilagay niya iyon sa akin.

Humagalpak siya sa tawa nang nag lock sa maputla kong pulso ang bracelet. “Damn Elijah! Ang tanga! Maluwang! Hindi ka ba niya sinukatan man lang? Sayang!” Aniya nang sinubukang hubarin ang bracelet sa pulsuhan ko at agad itong natanggal.

Masyado ngang maluwang at kung hindi ko ito mamamalayan ay agad itong mawawala. Kinagat ko ang labi ko. Kahit ganun ay nagustuhan ko parin ito!

“I’m gonna text him!” Aniya sabay kuha sa cellphone niya. “Tanga!”

“Leave him alone, Erin! He’s recovering!” Sabi ko sabay subok ng pag kuha sa cellphone niya.

Inilayo niya ang cellphone niya. “No he’s not! Walang nangyari sa kanya except for some bruises! Azi is recovering!”

Pinandilatan ko siya habang tumitingin ng blanko sakin habang nitetext si Elijah. Bumuntong hininga ako at nagsimulang kumuha ulit ng isang regalo. Ngayon ay kay Eion ang nakuha ko. Mabilis ko itong binuksan at nakita kong bag ang kanyang ibinigay!

“Kanino naman galing iyan?” Tanong ni Erin. Mukhang natapos na siya sa pagtitext kay Elijah.

“Kay Eion.” Sabi ko sabay pakita ng kulay itim at maliit na bag na parang pang pormal na okasyon.

“Walang malisya. Dapat necklace or EARRINGS!” Tumawa siya. Napansin ko ang pagtaas ng boses niya nang sinabi ang huling salita.

“What’s with the earrings?”

She smirked. “Wala lang! Jewelries.”

Ipinagkibit balikat ko iyon. Natigilan ako nang tiningnan niya ulit ang bracelet na ibinigay ni Elijah. Tulala siya roon sa infinity symbol.

“What’s with the infinity sign?”

“Idunno. Just… leave him alone.” Sabay hawi ko sa kamay niyang nakahawak sakin.

Nagdilim ang paningin niya at pinandilatan din ako, “Arte mo po!”

Ilang saglit ang nakalipas ay biglang tumunog ang cellphone ko. Nakita ko kung sino iyong tumatawag. It was Hannah! Ano kaya ang kailangan ng kaibigan ko ngayon? I didn’t know.

“Hello, Hannah!”

“Klare? Is it true? Naaksidente si Elijah?” Tanong niyang diretso.

“At si Azi.” Dagdag ko.

“Pero si Elijah, kasali!?” She clarified.

“Yes, silang dalawa.”

Narinig ko ang malalim niyang hininga. “Oh my God! It’s all over facebook kasi. Is he okay?”

“Yup. May pasa lang at konting sugat. He’s okay. Iyong sasakyan ang wasak. Buti nga sa puno lang at buti walang nangyaring masama sa kanila.”

“Bakit? Anong nangyari?”

“Azi’s drunk driving. Tulog si Elijah. Naka higa siya sa front seat. Inantok si Azi kaya ayun nawalan ng kontrol sa manibela, sa Lim Ket Kai Drive, nabunggo iyong sasakyan sa isa sa mga puno ng island.” Paliwanag ko.

“Oh God! Thank God, walang nangyaring masama! Ni hindi mo pa napaplano ang pagreto sa aming dalawa! Ni hindi pa kami nakakapag date tapos ganito? Klare!” Lumambing ang boses ni Hannah.

I rolled my eyes. “What can I get in return? Ayaw ni Eion na planuhin ang date namin.” Sabi ko.

In fact, I don’t think I need her help anymore. Sa nangyaring paghalik ni Eion sa akin? May development na! Pero talaga kayang nangyari iyon o nag hahallucinate lang ako? O baka naman lasing lang siya? Natuyo ang lalamunan ko sa mga iniisip ko.

“Then just help me out!” Ani Hannah.

“Do you two text?” Tanong ko.

“Nope! Uh, pag nagtetext ako nag rereply naman siya pero pag sunod na reply ko ay madalas hindi na.”

“I see. Tingnan ko kung may magagawa ako. Okay? Kita na lang tayo sa school. Kakausapin ko rin siya. Hindi ba awkward pag di kayo close at magdidate kayo?”

“God! Kung iisipin ko lang na awkward, walang mangyayari samin!”

I rolled my eyes again. “Okay. Last time nung… nung iniwan niyo kami sa venue, hindi ba kayo nag date?”

“Nope! Tinanong niya lang ako kung saan ako magpapadrop kasi mag ja-jogging pa siya.”

Elijah is NOT interested! Nakikita ko iyon pero dahil kaibigan ko si Hannah at wala namang masama kung ipagkakanulo ko siya sa lintik kong pinsan, edi sige, papayag ako.

“He’s always like that.” Ani Erin sabay papak ng popcorn at panonood ng TV habang nakataas ang paa sa center table ng sala.

“Hmm?”

“Si Elijah. Kiss the girls and make them cry.” Kinanta niya ang pagkakasabi nun. “Almost like Azi pero si Azrael, binibigay lahat lahat. Si Elijah, surface lang. Ewan, basta. I know Gwen. Sa isang taon nilang relasyon noong Grade 9? Misteryo parin para sa kanya si Elijah.”

Gwen is Elijah’s ex girlfriend. Ito pa lang ang naging girlfriend niya and all the rest were just flings and sidelines. Jerkload. Nasa Maynila na siya ngayon at nag aaral daw ng fashion design sa isang prestihiyosong school.

“Bakit nga pala sila nag break?” Natigilan ako sa ginagawa kong pagtatambak ng mga sirang giftwrappers sa basurahan.

“Ayun nga… Hindi niya ma ispelling iyang pinsan mo. Alam mo? Naiispelling ko naman si Elijah, e. He’s just like Knoxx, Azi, Rafael, Damon, ganun. Pero mahirap talaga pag girlfriend diba? You wanna know everything! Kaya nagiging clingy tayong mga babae. May mga lakad kasi na hindi alam ni Gwen noon. Malimit mag text si Elijah kaya nahirapan.”

Tumango ako.

“Elijah seemed cool with it. Na adapt niya talaga yata ang pagiging westernized sa mga relasyon. Iyong tipong kung break, break na at walang bitterness! You know, he’s been raised in New York after all. New York! Concrete jungle where dreams are made of!” Kumanta na naman ang adik na si Erin.

Yep, you heard that right! Dahil parehong may residence ang kanyang mommy at daddy sa New York ay doon siya nag grade school. Well, nakilala ko na siya noong kinder, since dito naman siya ipinanganak. Kaya lang ay umalis siya noong Grade two at bumalik noong Grade 6 siya kung saan naman Grade 5 ako.

Nang natulog na ako sa gabing iyon ay doon lang ako nakatanggap ng text galing kay Eion! Halos gumulong ako sa kama dahil sa message niya!

Eion:

Are you free this Saturday?

Assuming ba ako kung iisipin kong magkakaroon na kami ng date? Oh! Nanginginig ang kamay ko nang itype ko ang aking reply.

Ako:

Yup.

Agad siyang nagreply at hindi ko iyon inasahan!

Eion:

Thought you’re already asleep.

Ako:

Matutulog na sana ako.

Eion:

Naistorbo ba kita?

Ngumisi ako. Akala ko hanggang doon lang ang usapan namin pero mukhang napahaba.

Ako:

Hindi naman.

Eion:

So you’re free this Sat, then?

Ako:

Yup.

Eion:

Okay. See you.

Hindi ko maintindihan kung saan, bakit, at anong gagawin namin sa Sabado! Pero hindi na ako nagtanong! Alam naman natin ang isang iyon medyo madaling magalit kaya di ko na siya kukulitin.

Dahil doon, naging masaya na ako sa pagbabalik sa school. Usap usapan ang bongga kong birthday at ang aksidenteng kinasangkutan ng mga pinsan ko. Azi’s enjoying the spotlight! Nahuli ko siyang pinapalibutan ng girls sa kanilang classroom at hinahaplos ang cast sa kanyang kamay.

Tumatawa siya habang kinikwento ang lahat ng mga nangyari. Nasa gilid niya si Elijah. Tahimik at pinaglalaruan ang ballpen niya hanggang sa mahagip ako ng titig niya. Nag iwas agad ako ng tingin at napabuga ng hininga.

Mabuti na lang at naglalakad lang ako sa corridors dito. Lalagpasan ko lang ang classroom nila para dumaan sa footbridge ng building na ito papuntang isa pang building nang bigla siyang sumulpot sa pangalawang pintuan!

“Oh my God!” Napasigaw ako sa gulat.

Kumalabog ang puso ko. Hinawakan ko ito at pumikit bago siya hinampas sa dibdib.

“Leche ka!” Sabi ko.

Humalakhak siya. May band aid parin sa pisngi niya.

“Lecheng gwapo?” Nagtaas ng kilay ang feeling.

Nginiwian ko siya at agad niyang kinuha ang kamay ko nang nakangiti parin.

Napaawang ang bibig ko sa malambot niyang haplos. Niyakap ko ng mahigpit ang mga libro kong dala sa kabilang kamay.

Ngumuso siya nang nakita ang bracelet na binigay niya kasama ng relo ko.

“This is wrong.” Wika niya.

“Oo!” Binawi ko ang kamay ko. “Wrong! Hindi kasya sa akin!” Inirapan ko siya.

“Wrong kasi naman, Klare, hindi iyan bracelet.” Aniya at binawi ang kamay ko at kinuha ang bracelet.

“Huh?” Nalito ako sa sinabi niya.

Sa isang iglap ay lumuhod siya sa harap ko. Dinungaw ko siya. Nakita kong pinagtitinginan na kami ng mga taong papasok sa kanikanilang mga klase at sa mga taong dumadaan doon.

“Anklet, Klare.” Aniya at naramdaman ko ang metal lace nito na pumulupot sa paa ko.

Tiningala niya ako at binigyan ng nakakapanindig balahibong ngiti bago tumayo. Hindi ko na napigilan ang bunganga ko nang tumingala na ako sa kanya para tignan siya.

“Bakit ito ang binigay mo?” Tanong kong bigla.

“Ayaw mo ba?” Ngumisi siya.

“Uh, hindi naman. Gusto ko.” Nag iwas ako ng tingin. “A-Akala ko nagkamali ka sa sukat ng wrist ko.”

“Paano ako magkakamali, Klare? Alam ko kung anong pakiramdam ng hawakan ang pulso mo. I won’t be wrong about it. Ito lang talaga ang gusto kong ibigay.”

Tumango ako at tumigil na sa pagtatanong.

Humalukipkip siya at pinanood parin ako ng mabuti kaya naisip kong kailangan kong magsalita.

“By the way, free ka ba this Saturday?” Tanong ko.

Ngumuso siya. “Yup! Bakit?”

“Kasi si gusto ko sanang lumabas kayo ni Hannah.”

“Hannah?” Tanong niya.

Hannah is pretty and intelligent. Salutatorian siya nung batch namin sa highschool. Straight hanggang baywang ang buhok niyang itim na itim. Mas maputi siya sa akin at pulang pula ang kanyang labi. Nakakaintimidate siya dahil full package! Mabait, maganda, matalino! Pero bakit ako tinatanong ni Elijah kung sino si Hannah?

“Don’t you remember? Iyong kaibigan kong nakasayaw mo!” Sabi ko. “Yung sa cotillon ng birthday? Hindi ba hinatid mo nga siya nung practice?” Sabi kong iritado na dahil nakatingala siya at iniisip kung sino iyon.

“Yuh! I thought her name was Jana?” Aniya.

Bumuga ako ng hininga at nilagpasan siya. “Ewan ko sayo. Amnesiac!” Sabi ko pero agad niya akong hinila.

“Hey!” Tumawa siya. “Don’t get mad. Alam mo namang nahihirapan ako sa mga pangalan.”

Napatingin ako sa kamay niyang nakahawak sa braso ko. Binitiwan niya iyon nang nag angat ako ng tingin.

“You always damn forget. Dahil iyan sa dami mong babae, Elijah! Sa sobrang dami ay wala ka ng maalala!”

Kumunot ang noo niya sa biglaan kong sinabi.

Umubo ako at inayos ang sarili ko. Hindi siya umimik pagkatapos ko iyong sabihin. Nanatiling madilim ang kanyang tingin at nakakunot ang kanyang noo.

“So… This Saturday, lalabas kayo ni Hannah.” Utos iyon.

“Kinausap ka ba niya para dito?” Tanong niya.

“Nope! Willing akong nag offer since gusto niya at wala ka namang ginagawa diba?”

“Do you… want me for her?”

Inangat ko ulit ang tingin ko sa mga mata niyang expressive. Para bang may hinihintay siyang hint o ano.

“Well, no. Kasi naman alam kong dudurugin mo lang ang puso niya pag nahulog siya ng husto. It’s just a date, Elijah. Nothing’s wrong with it.” Sabi ko.

Nagtaas siya ng isang kilay at nagkibit balikat habang humahalukipkip. “Guess you’re right. I’ll try.” Aniya.

“You don’t try! Gagawin mo iyon!” Medyo tumaas ang boses ko.

“Alright, alright!” Ngumisi siya.

“As if ayaw mo? E, alam kong gusto mo!”

Nanliit ang mga mata niya sa akin. “Saturday? Punta na ng Kuala Lumpur si Kuya Justin niyan. Ihahatid ko siya sa airport.”

“Bakit? Buong araw mo ba siyang ihahatid? 1 hour will do, diba?”

Tumango siya. “Okay, then you come with me!”


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading